Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 4/1 p. 6-8
  • Ang Pamilya—Kailangan ng Tao!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pamilya—Kailangan ng Tao!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tahanan ang Siyang Kanlungan
  • Tulungan ang Iyong Pamilya na Makaligtas
  • Tamang Pangmalas sa Salapi
  • Halaga ng Edukasyon sa Bibliya
  • May Lihim ba ang Kaligayahan sa Pamilya?
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Ang Pamilyang Kristiyano ay Magkakasámang Gumagawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Regular na Pag-aralan ang Salita ng Diyos Bilang Isang Pamilya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Tamasahin ang Buhay Pampamilya
    Tamasahin ang Buhay Pampamilya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 4/1 p. 6-8

Ang Pamilya​—Kailangan ng Tao!

SINASABING umuunlad lamang ang lipunan ng tao kapag umuunlad ang pamilya. Ipinakikita ng kasaysayan na kapag nasisira ang kaayusan ng pamilya, humihina ang mga komunidad at ang mga bansa. Nang sirain ng bulok na moral ang mga pamilya sa Gresya noon, gumuho ang sibilisasyon nito, anupat napakadaling nakubkob ng mga Romano. Mananatiling matatag ang Imperyong Romano hangga’t nananatiling matatag ang mga pamilya nito. Subalit sa paglipas ng mga siglo, humina ang buhay-pampamilya, at humina ang imperyo. “Ang seguridad at mataas na kalagayan ng pamilya at ng buhay-pampamilya ang pangunahing pakay ng sibilisasyon, at siyang ultimong layunin ng lahat ng industriya,” komento ni Charles W. Eliot, dating presidente ng Harvard University.

Oo, kailangan ng tao ang pamilya. Ito’y may tuwirang epekto sa katatagan ng lipunan at sa kapakanan ng mga bata at ng darating na mga henerasyon. Walang alinlangan, napakaraming dalagang ina ang labis na nagsisikap na makapagpalaki ng mabubuting anak, at sila’y dapat papurihan sa kanilang kasigasigan. Gayunman, ipinakikita ng pagsusuri na mas nakalalamang ang mga bata kung sila’y naninirahan sa piling ng kanilang ama at ina.

Natuklasan sa isang pag-aaral sa Australia sa mahigit na 2,100 nagbibinata’t nagdadalaga na “ang mga tin-edyer mula sa mga wasak na pamilya ay mas maraming problema sa pangkalahatang kalusugan, mas kinakikitaan ng mga tanda ng mga suliranin sa emosyon, at mas aktibo sa sekso kaysa sa mga batang galing sa mga kumpletong pamilya.” Isiniwalat ng isang pag-aaral na isinagawa ng U.S. National Institutes of Health Statistics na ang mga bata mula sa wasak na tahanan ay “20-30 porsiyento na malamang na maaksidente, 40-75 porsiyento na malamang na umulit sa isang grado ng pag-aaral, at 70 porsiyento na malamang na mapaalis sa paaralan.” At iniulat ng isang tagasuri ng patakaran na “ang mga anak mula sa mga tahanan na may nagsosolong magulang ay mas malamang na masangkot sa krimen kaysa roon sa mga lumalaki sa tradisyunal na mga tahanan.”

Tahanan ang Siyang Kanlungan

Ang kaayusan sa pamilya ay nagbibigay ng isang maligaya, nakapagpapatibay, at kalugud-lugod na tahanan para sa lahat. “Ang pinakamahalagang pinagmumulan ng kaligayahan at kagalingan ay hindi ang karera, mga bagay, libangan ni mga kaibigan kundi ang pamilya,” sabi ng isang awtoridad na taga-Sweden.

Ipinakikita ng Bibliya na utang ng bawat pamilya sa lupa ang pangalan nito sa Dakilang Maylalang ng mga pamilya, ang Diyos na Jehova, anupat siya ang nagpasimula ng kaayusan ng pamilya. (Genesis 1:27, 28; 2:23, 24; Efeso 3:14, 15) Gayunman, sa kinasihang Kasulatan, inihula ni apostol Pablo ang isang mapanirang pag-atake sa pamilya, anupat nagbunga ng pagguho ng moralidad at lipunan ng tao sa labas ng Kristiyanong kongregasyon. Sinabi niya na “ang mga huling araw” ay mamarkahan ng kawalang-katapatan, pagkawala ng “likas na pagmamahal,” at pagkamasuwayin sa mga magulang, maging sa gitna niyaong mga “may anyo ng maka-Diyos na debosyon.” Hinimok niya ang mga Kristiyano na lumayo sa mga ito. Inihula ni Jesus na ang pagsalansang sa katotohanan ng Diyos ay maghihiwalay sa mga pamilya.​—2 Timoteo 3:1-5; Mateo 10:32-37.

Ngunit, hindi naman tayo pinabayaan ng Diyos. Sa kaniyang Salita ay napakaraming instruksiyon may kinalaman sa mga ugnayan ng pamilya. Sinasabi nito sa atin kung paano magiging tagumpay ang ating pamilya at kung paano magiging isang kasiya-siyang dako ang tahanan kung saan ang bawat miyembro ng pamilya ay may pananagutan sa iba na dapat tuparin.a​—Efeso 5:33; 6:1-4.

Posible kayang matamo ang gayong masayang ugnayan sa mga araw na ito na ang pamilya ay totoong nanganganib? Aba, oo! Mapananagumpayan mo na ang iyong pamilya ay maging isang nakalulugod at nakagiginhawang oasis sa mahirap at maladisyertong daigdig na ito. Subalit kailangang kumilos ang bawat isa sa loob ng pamilya. Ang sumusunod ay ilang mungkahi.

Tulungan ang Iyong Pamilya na Makaligtas

Ang isa sa pinakamabuting paraan upang magkaisa ang pamilya ay ang paggugol ng panahon nang magkakasama. Dapat ibahagi ng lahat ng miyembro ang kanilang malayang panahon. Maaaring mangahulugan ito ng mga pagsasakripisyo. Halimbawa, kayong mga tin-edyer, baka kailangang isakripisyo ninyo ang ilang paboritong programa sa TV, isport, o pamamasyal kasama ng mga kaibigan. Kayong mga ama, na malimit na siyang pangunahing nagtatrabaho, huwag ninyong gamitin ang malayang panahon sa libangan o iba pang personal na mga hilig. Isaplano ang mga gagawin kasama ng pamilya, marahil kung paano magsasama-sama sa mga dulong sanlinggo o mga bakasyon. Mangyari pa, magplano ng isang bagay na pananabikan at ikasisiya ng lahat.

Higit pa sa basta di-umano’y de-kalidad na panahon ang kailangan ng mga bata, alalaong baga’y, isang regular na pag-iiskedyul ng mga kalahating oras upang gugulin kasama ng mga anak. Kailangan nila ang maraming panahon. Ganito ang isinulat ng isang kolumnista sa pahayagan sa Sweden: “Sa loob ng 15 taon ko bilang reporter, napakarami kong nakilalang mga delingkuwenteng kabataan . . . Lahat sila ay waring pinalaki nga ayon sa de-kalidad na panahon ngunit limitado naman: ‘Walang panahon ang aking mga magulang.’ ‘Hindi sila kailanman nakinig.’ ‘Palaging umaalis si Itay.’ . . . Bilang isang magulang, ikaw ang nasusunod kung gaanong panahon ang ibibigay mo sa iyong anak. Ang naging pasiya mo ay hahatulan pagkaraan ng 15 taon ng isang walang-awang 15-anyos.”

Tamang Pangmalas sa Salapi

Lahat ng miyembro ay dapat ding magkaroon ng tamang pangmalas sa salapi. Dapat na handa silang makipagtulungan sa abot ng kanilang kaya upang masapatan ang panlahatang gastos ng pamilya. Maraming kababaihan ang kinailangang magtrabaho upang masapatan ang pangangailangan, subalit kayong mga asawang babae ay dapat na mag-ingat sa mga panganib at tukso na maaari ninyong makaharap. Hinihimok kayo ng daigdig na ito na “gamitin” ang inyong kakayahan at “gawin ang inyong magustuhan.” Baka maging dahilan ito upang kayo’y maging independiyente at hindi na masiyahan sa bigay-Diyos ninyong papel bilang isang ina at tagapangasiwa sa tahanan.​—Tito 2:4, 5.

Kung kayong mga ina ay nasa bahay sana at magiging patnubay at kaibigan ng inyong mga anak, tiyak na napakalaki ng magagawa nito sa pagtatatag ng isang matibay na buklod na tutulong sa inyong pamilya na manatiling magkakasama anuman ang mangyari. Malaki ang nagagawa ng isang babae upang maging masaya, tiwasay, at kapaki-pakinabang ang isang tahanan. “Kailangan ng isang daang lalaki upang makabuo ng isang kampamento, ngunit isang babae lamang upang makabuo ng isang tahanan,” sabi ng isang pulitiko noong ika-19 na siglo.

Kung ang lahat sa pamilya ay makikipagtulungan na mamuhay ayon sa kabuuang kita ng pamilya, maiiwasan ng pamilya ang maraming problema. Dapat magkasundo ang mga mag-asawa na panatilihing simple ang buhay at unahin ang espirituwal na mga kapakanan. Dapat na matutuhan ng mga anak ang pagiging kontento, anupat hindi humihiling ng mga bagay na di-kayang gastusan ng pamilya. Mag-ingat sa mga pita ng mata! Ang tukso na bumili ng mga bagay na hindi ninyo kaya, anupat nagkakautang, ay umakay sa maraming pamilya tungo sa pagkabagbag. Makabubuti para sa pamilya na magtulung-tulong sa gastos para sa isang sama-samang gawain​—isang nakagiginhawang paglalakbay, ilang kapaki-pakinabang at kanais-nais na gamit sa bahay, o isang abuloy na tutulong sa Kristiyanong kongregasyon.

Ang isa pang anyo ng “kontribusyon” para sa isang maligayang pamilya na dapat pagtulungan ng lahat ng miyembro ng pamilya ay ang pakikibahagi sa paglilinis at pagmamantini​—pangangalaga sa bahay, sa hardin, sa kotse, at sa iba pa. Bawat miyembro ng pamilya, maging ang mga bata, ay maaaring bigyan ng ilang bahagi ng atas. Kayong mga bata, huwag aksayahin ang inyong panahon. Sa halip, maging matulungin at makiisa; magbubunga ito ng dalisay na pagkakaibigan at pagsasamahan, na magtatatag ng pagkakaisa ng pamilya.

Halaga ng Edukasyon sa Bibliya

Sa isang nagkakaisang pamilyang Kristiyano, idiniriin din ang kahalagahan ng regular na pag-aaral ng Bibliya. Ang araw-araw na pagtalakay ng mga teksto sa Bibliya at ang lingguhang pag-aaral ng Sagradong Kasulatan ay naglalaan ng saligan para sa isang nagkakaisang pamilya. Dapat pag-usapang sama-sama ang mga pangunahing katotohanan at simulain sa Bibliya sa paraang magpapakilos sa puso ng lahat sa pamilya.

Ang gayong mga sesyon ng pamilya ay dapat na nakapagtuturo ngunit nakasisiya at nakapagpapatibay rin naman. Ipinasusulat noon ng isang pamilya sa hilagang Sweden sa kanilang mga anak ang mga tanong na bumangon sa buong sanlinggo. Pagkatapos ay tinatalakay ang mga tanong na ito sa lingguhang pag-aaral ng Bibliya. Madalas na ang mga tanong ay malalalim at dapat pagbuhusan ng isip at nagpaaninag sa kakayahan ng isip ng mga bata at pagpapahalaga sa mga turo ng Bibliya. Ang ilang tanong ay: “Si Jehova ba ang nagpapatubo sa lahat ng bagay sa lahat ng panahon, o minsan lamang niya ito ginawa?” “Bakit sinabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang tao ‘ayon sa kaniyang larawan’ gayong hindi naman tao ang Diyos?” “Hindi ba nanigas sina Adan at Eva sa panahon ng taglamig sa Paraiso yamang sila’y yapak at walang damit?” “Bakit natin kailangan ang buwan sa gabi gayong dapat na madilim ito?” Ang mga bata ay malalaki na ngayon at naglilingkod sa Diyos bilang mga pambuong-panahong ministro.

Kapag may suliranin ang pamilya, makabubuti para sa inyo na mga magulang na sikaping maging positibo at masayahin. Magpakita ng konsiderasyon at pakikibagay, ngunit hindi pabagu-bago, kung tungkol sa pagsunod sa mahahalagang simulain. Hayaang makita ng mga bata na ang palaging umuugit sa inyong mga pasiya ay ang pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang matuwid na mga simulain. Ang kapaligiran sa paaralan ay madalas na gumigipit at nagpapalungkot, at kailangan ng mga bata ang ganap na pampatibay-loob sa bahay upang matimbangan ang gayong impluwensiya.

Mga magulang, huwag magkunwang sakdal. Aminin ang mga pagkakamali at humingi ng tawad sa inyong mga anak kung kailangan. Mga kabataan, kapag umamin ng pagkakamali ang Nanay at Tatay, lalo ninyo silang mahalin.​—Eclesiastes 7:16.

Oo, ang isang nagkakaisang pamilya ay naglalaan ng isang tahanang payapa, tiwasay, at maligaya. Minsan ay sinabi ng Alemang makata na si Goethe: “Siya ang pinakamaligaya, hari man o magbubukid, na nakasusumpong ng kaniyang kaligayahan sa tahanan.” Para sa mapagpahalagang mga magulang at mga anak, wala nang hihigit pang dako kaysa sa tahanan.

Totoo, ang pamilya ay labis na nanganganib sa ngayon dahil sa mga panggigipit ng sanlibutan na kinabubuhayan natin. Ngunit yamang ang pamilya ay mula sa Diyos, ito’y makaliligtas. Ang iyong pamilya’y makaliligtas, at ikaw rin kung susundin mo ang matuwid na mga alituntunin para sa maligayang buhay-pampamilya.

[Talababa]

a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa paksang ito, tingnan ang 192-pahinang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share