Ituro sa Iba ang Dalisay na Wika
1 Bagaman nagmula sa maraming ‘bansa, tribo, bayan at wika,’ ang mga Saksi ni Jehova ay isang nagkakaisang bayan, isang tunay na internasyonal na kapatiran. (Apoc. 7:9) Sa nababahaging daigdig sa ngayon, kamangha-mangha iyan. Paano ito naging posible? Dahil pinagkalooban tayo ng “pagbabago tungo sa isang dalisay na wika.”—Zef. 3:9.
2 Kamangha-manghang mga Epekto: Ano ang dalisay na wikang ito? Ito ay ang wastong pagkaunawa sa katotohanan na masusumpungan sa Salita ng Diyos hinggil kay Jehova at sa kaniyang mga layunin, partikular na ang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Gaya ng inihula ni Jesus, ang katotohanang ito ay ipinamamahagi sa pamamagitan ng isang nakikitang alulod sa lupa, “ang tapat at maingat na alipin,” na dahil dito ay niyayakap ng mga tao “mula sa lahat ng wika ng mga bansa” ang tunay na pagsamba.—Mat. 24:45; Zac. 8:23.
3 Habang natututuhan ng mga tao ang dalisay na wika, napakikilos sila na iayon ang kanilang buhay sa mga pamantayan ni Jehova. Natututuhan nilang “magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Cor. 1:10) Ang makadiyos na pagtuturo ay nagluluwal din sa kanila ng matuwid na paggawi gayundin ng kaayaaya at makatotohanang pananalita, lalo na may kaugnayan sa paghahayag sa iba ng mabuting balita. (Tito 2:7, 8; Heb. 13:15) Ang kamangha-manghang mga pagbabagong ito ay nagpaparangal kay Jehova.
4 Halimbawa, isang lalaki na nakausap tungkol sa mabuting balita ay nagbangon ng maraming tanong, na nasagot naman lahat sa Bibliya. Palibhasa’y napakilos sa kaniyang narinig, nagsimula siyang mag-aral nang dalawang beses sa isang linggo at dumalo sa mga pagpupulong. Nagulat siya sa mainit na pagtanggap sa kaniya sa Kingdom Hall, yamang iba’t iba ang lahi ng marami sa mga dumalo. Sa loob ng maikling panahon, silang mag-asawa ay gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay at nabautismuhan. Magmula noon ay natulungan niya ang mga 40 katao na maglingkod kay Jehova, lakip na ang maraming miyembro ng kaniyang pamilya. Sa kabila ng kaniyang kapansanan, nagsimula siyang maglingkod bilang isang payunir kamakailan.
5 Pagtuturo sa Iba: Dahil sa mga kaganapan sa daigdig, pinag-iisipang muli ng maraming tapat na tao ang kanilang mga pangmalas at ang kanilang buhay. Tulad ni Jesus, dapat nating hangarin na matulungan sila. Ang mabisang mga pagdalaw-muli at mga pag-aaral sa Bibliya ay susi sa pagtulong sa taimtim na mga tao na matuto ng dalisay na wika.
6 Ang isang paglapit na napatunayang mabisa sa abalang mga tao ay ang magdaos ng isang maikling pag-aaral sa Bibliya sa mismong pintuan nila. (km 5/02 p. 1) Nasubukan mo na ba ito? Kapag naghahanda ka para sa pagdalaw-muli, pumili ng isang presentasyong angkop sa may-bahay mula sa insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian ng Mayo 2002. Marami sa mga presentasyon sa insert na ito ang dinisenyo upang tuwirang akayin ang may-bahay sa isang pagtalakay sa brosyur na Hinihiling o aklat na Kaalaman. Ensayuhin ang presentasyon upang maging maayos ang pagbibigay mo ng introduksiyon hanggang sa pagtalakay sa isa sa mga parapo. Pumili ng isa o dalawang kasulatan mula sa parapo na babasahin at ipaliliwanag, at maghanda ng isang tanong na magsisilbing konklusyon. Iyan ang tutulong upang maakay siya sa parapo na binabalak mong talakayin sa susunod na pagdalaw.
7 Ang bayan ni Jehova ay nakararanas ng maraming pagpapala dahil sa pagkatuto ng dalisay na wika. Nawa’y masikap nating tulungan ang iba na sumama sa atin sa ‘pagtawag sa pangalan ni Jehova’ at sa ‘paglilingkuran sa kaniya nang balikatan.’—Zef. 3:9.