Sulat ng Sangay
Mahal na mga Mamamahayag ng Kaharian:
Sa pandaigdig na punong tanggapan, may malaking idinagdag sa palimbagan sa Wallkill, New York na nakumpleto na at kasalukuyan nang ginagamit. Nailagay na ang dalawang bagong makina, na bawat isa ay makapaglilimbag ng 90,000 magasin sa isang oras, gayundin ang isang bagong makina na makagagawa bawat minuto ng hanggang 120 aklat na may matigas na pabalat. Ang paglilipat sa Wallkill ng palimbagan ay nagbigay-daan upang maipagbili ang gusali sa 360 Furman Street sa Brooklyn. Abalang-abala ngayon ang mga kapatid sa pag-aayos ng mga gusali sa 117 Adams Street kung saan ililipat ang mga departamento mula 360 Furman Street.
Kinailangang lumipat ang humigit-kumulang 300 kapatid mula Brooklyn Bethel patungong Wallkill dahil sa paglilipat ng palimbagan. Karagdagan pa, humigit-kumulang sa 100 boluntaryo na nag-aasikaso sa mga pangangailangan ng sangay sa computer at programming ang inilipat mula sa Wallkill patungong Brooklyn, na siya ngayong lugar para sa kalakhang bahagi ng gawain ng Information Systems Department.
Dito naman sa Pilipinas, naging panahon para sa masigasig na gawain ang panahon ng Memoryal. Noong Abril, ang kabuuang bilang ng nag-auxiliary pioneer ay 16,271, at isang bagong peak na 120,074 na pag-aaral sa Bibliya ang naabot. Isang bagong peak na 438,418 ang dumalo sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon.
Kasama ninyo kaming nananabik na maging “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon” habang nagsisimula ang 2005 taon ng paglilingkod.—1 Cor. 15:58.
Ang inyong mga kapatid,
Tanggapang Pansangay sa Pilipinas