Subukan ang Mabisa at Madaling Ibagay na Paraan ng Paglapit
Kung may taimtim tayong interes sa mga tao, mauudyukan tayo na sikaping alamin ang kanilang mga pangangailangan at ipakita sa kanila kung paano lubusang lulunasan ng Kaharian ang mga problemang kinakaharap nila. (Fil. 2:4) Ang isang madaling ibagay na paraan ng paglapit na nasumpungang mabisa ng maraming mamamahayag ay ang pag-anyaya sa may-bahay na magkomento sa mga larawan ng Paraiso na nasa mga publikasyon natin, gaya ng nakatala sa kanang tudling ng pahinang ito. Maaari mong gawin ito na ginagamit ang isa sa sumusunod na mga introduksiyon:
◼ “Sa palagay mo kaya ay makikita pa nating tinatamasa ng pamilya ng tao ang mga kalagayang nakalarawan dito?”
◼ “Gusto nating lahat na tamasahin ng ating mga anak ang daigdig na inilalarawan dito. Ano sa palagay mo ang kailangan upang mangyari ito?”
◼ “Ganito ang magiging hitsura ng lupa kapag nangyari na ang kalooban ng Diyos sa lupa gaya ng sa langit. May napapansin ka ba rito na naiiba sa buhay natin sa ngayon?”
◼ “Gusto mo bang mabuhay sa ilalim ng mga kalagayang inilalarawan dito? [Hayaang sumagot.] Sa palagay mo kaya ay mangyayari ito sa panahon natin?”
Pakinggang mabuti ang sagot ng may-bahay, at may-kabaitang alamin ang kaniyang pananaw sa pamamagitan ng isa o dalawa pang tanong. Kung sasabihin ng ilan na ayaw nilang mabuhay sa ilalim ng mga kalagayang nasa larawan o na hindi sila naniniwalang mangyayari iyon, huwag kaagad isipin na hindi sila interesado. Mataktikang itanong kung bakit gayon ang iniisip nila. Maaaring isiwalat ng kanilang sagot na labis silang nababahala sa waring di-malulutas na mga suliraning napapaharap sa sangkatauhan.—Ezek. 9:4.
Kapag nalaman mo na ang ikinababahala ng may-bahay, ibagay rito ang iyong presentasyon. Itampok ang isang aspekto ng mensahe ng Kaharian na bagay na bagay sa kaniyang mga pangangailangan. Ipakita sa kaniya ang isa o dalawang teksto na may kaugnayan sa ikinababahala niya. (Tingnan ang mga mungkahi sa kanang tudling.) Hayaang makita niya mismo ang sinasabi ng Salita ng Diyos. Kung magpapakita siya ng interes, ialok ang publikasyon at isaayos na bumalik muli. Patuloy na linangin ang interes na ipinakita niya sa una ninyong pag-uusap.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Halimbawa ng mga Larawan ng Paraiso
Aklat na Creation: pahina 237, 243, 251
Aklat na Guro: pahina 251-4
Aklat na Kaalaman: pahina 4-5, 188-9
Brosyur na Hinihiling: pahina 11, 13
Aklat na Tunay na Kapayapaan: pahina 98
Aklat na Sambahin ang Diyos: pahina 92-3
[Kahon sa pahina 6]
Mga Bagay na Ikinababahala ng mga Tao
Di-mabisang pamamahala
Digmaan, terorismo
Kahirapan, paniniil
Kakapusan sa pagkain, malnutrisyon
Kamatayan, pagdadalamhati
Katiwalian, kawalang-katarungan
Krimen, karahasan
Pabahay, problema sa ekonomiya
Pagbaba ng moral
Pagmamaltrato sa mga hayop
Pagsira sa lupa
Pagtatangi, di-pagkakapantay-pantay sa lipunan
Panlulumo
Sakit, kapansanan