“Sabihin Mo Na Agad!”
1 Naranasan na ba ninyo na hadlangan ng maybahay ang inyong inihandang mabuting presentasyon sa pamamagitan ng mga salitang: “Ano ba ang kailangan mo? Sabihin mo na agad!” Ano ang matututuhan natin mula sa karanasang ito?
2 Maraming tao ngayon ang hindi makapaghintay. Nais nilang malaman kung sino tayo at bakit tayo naroroon. Kapag nalaman nila na ang layunin ng ating pagdalaw ay upang talakayin ang Bibliya, baka hindi na sila makinig. Ang pagbabasa ng Bibliya at mga usapang pang-espirituwal ay mga bagay na di-mahalaga sa buhay ng maraming tao. Paano natin makukumbinsi ang gayong mga maybahay na kailangan silang gumugol ng ilang minuto upang talakaying kasama natin ang isang paksa sa Bibliya?
3 Kung Ano ang Pinakamabuting Gawin: Ang pinakasusi ay ang ipakita sa maybahay na ang Bibliya ay naglalaan ng praktikal na mga solusyon sa mga suliranin na nakababahala sa kaniya at gawin iyon sa ilang salita lamang hangga’t maaari. Ang pinakamabibisang presentasyon ay nagtatampok ng espesipikong tanong na dinisenyo upang mag-isip ang maybahay, na sinusundan ng teksto na sumasagot sa tanong. Masisiyahan kayong subukin ang ilan sa sumusunod na mga mungkahi. Ang mga ito ay dinisenyo upang ‘masabi kaagad’ natin ang ating pakay habang pinupukaw ang interes ng maybahay.
4 Sa teritoryo na doo’y madalas sabihin ng mga tao na sila’y hindi interesado, magbangon ng katanungang may personal na kaugnayan sa kanila:
◼ “Habang tayo’y nalalapit na sa susunod na milenyo, ikaw ba’y umaasa o nagdududa? [Hayaang sumagot.] Inihula ng Bibliya ang magulong mga pangyayari na nasasaksihan natin sa ngayon at maging ang kinalalabasan ng mga ito.” Basahin ang 2 Timoteo 3:1, 2, 5 at Kawikaan 2:21, 22.
◼ “Ang pangangalaga sa kalusugan ay lubhang ikinababahala sa bansang ito. Alam ba ninyo na ipinangako ng Diyos na kaniyang permanenteng lulutasin ang lahat ng suliranin sa kalusugan?” Basahin ang Apocalipsis 21:3, 4.
◼ “Paano sa palagay ninyo makikinabang ang ating komunidad kung ang bawat naninirahan dito ay nagkakapit ng mga simulain sa Bibliya?” Basahin ang Mateo 22:37-39.
5 Yamang ang ating atas ay ang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian, hangga’t maaari, dapat nating itawag-pansin kung ano ang gagawin ng Kaharian. Maaari ninyong sabihin:
◼ “Alam ba ninyo na ang pinakamatandang aklat sa daigdig, ang Bibliya, ay humula na magkakaroon ng isang pamahalaan para sa buong mundo?” Basahin ang Daniel 2:44.
◼ “Ano sa palagay ninyo ang magiging kalagayan kung namamahala na si Jesu-Kristo sa lupa?” Basahin ang Awit 72:7, 8.
6 Sa teritoryo na doo’y relihiyoso ang mga tao, maaari ninyong subukin ang isa sa mga pambungad na ito:
◼ “Maraming tao ang nagiging biktima ng pagtatangi-tangi dahilan sa kanilang relihiyon o kulay ng balat. Ano sa palagay ninyo ang nadarama ng Diyos sa gayong pagtatangi-tangi?” Basahin ang Gawa 10:34, 35.
◼ “Alam natin na si Jesu-Kristo ay nagsagawa ng maraming himala noong kaniyang kaarawan. Kung makahihiling kayo sa kaniya na gumawa ng isa pang himala, ano iyon?” Basahin ang Awit 72:12-14, 16.
7 Kung ang maybahay ay nag-aatubiling magbukas ng pinto, mapasisimulan ninyo ang pag-uusap sa pamamagitan ng pagsasabi:
◼ “Karamihan sa mga tao ngayon ay sawa nang makinig sa mga suliranin. Nais nilang marinig ang mga solusyon. Walang alinlangang ito’y totoo sa inyo. Subalit saan tayo makasusumpong ng tunay na mga solusyon sa ating mga suliranin?” Hayaang sumagot. Basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17.
8 Bakit Hindi Subukin Ito? Kadalasan isang simple at maikling tanong lamang ang kailangan upang mapukaw ang interes ng maybahay. Isang babae na dating salansang ang nag-anyaya sa dalawang sister sa kaniyang tahanan pagkatapos na ang isa sa kanila ay magtanong: “Masasabi mo ba kung ano ang Kaharian na iyong idinadalangin sa Panalangin ng Panginoon?” Naging interesado ang babae sa katanungan, at tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya. Siya ngayon ay isa nang naaalay na lingkod ni Jehova!
9 Kapag kayo’y nakikipag-usap sa maybahay, maging taimtim sa inyong pagsasalita. Magsalita mula sa inyong puso. Malamang na magkaroon ng mabuting pagtugon ang mga tao kapag sila’y nakumbinsi na tayo’y tunay na interesado sa kanila.—Gawa 2:46, 47.
10 Ang gawaing pangangaral ng mabuting balita ay isang hamon sa ngayon. Ang ilang maybahay ay naghihinala sa mga di-kakilala. Ang iba ay abalang-abala sa pamumuhay anupat kaunti na lamang ang nalalabi sa kanilang panahon. Gayunman, tayo’y makatitiyak na marami pa rin ang masusumpungang mga taong karapat-dapat. (Mat. 10:11) Ang ating pagsisikap na hanapin sila ay malamang na higit na magtatagumpay kung pananatilihin natin ang ating presentasyon na maikli at ‘nasasabi iyon kaagad!’