Mga Mungkahing Presentasyon—Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?
Pagkatapos banggitin ang isang kalunus-lunos na pangyayaring napabalita, maaari mong sabihin:
“Napag-isip-isip mo na ba kung bakit pinapayagan ng Diyos na maghirap ang mga tao kung talagang minamahal niya tayo? [Hayaang sumagot.] Ang brosyur na ito ay nagbibigay ng kasiya-siyang kasagutan sa tanong na iyan at ipinakikita nito kung ano ang gagawin ng Diyos sa malapit na hinaharap. [Ipakita ang mga larawan sa pahina 27, at basahin ang Awit 145:16 mula sa parapo 22.] Paano kaya aalisin ng Diyos ang lahat ng pagdurusang nararanasan ng sangkatauhan? Nais kong sagutin ang tanong na iyan sa susunod kong pagdalaw.” Ialok ang brosyur, at isaayos na bumalik.
Sa pagdalaw-muli, maaari mong sabihin:
“Noong huli akong dumalaw, binasa natin ang kasulatang ito. [Basahin o sipiin ang Awit 145:16.] Pagkatapos ay ibinangon ko ang tanong na: Paano kaya aalisin ng Diyos ang lahat ng pagdurusang nararanasan ng sangkatauhan?” Ipakuha sa kaniya ang brosyur niya. Pagkatapos ay buklatin ito sa pahina 27-8, at talakayin ang parapo 23-5. Mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya, o isaayos na talakayin ang parapo 26-7 sa susunod na pagdalaw.
Maaaring sabihin ng isang mamamahayag na tin-edyer:
“Marami pong kaedad ko ang nababahala kung ano kaya ang magiging kalagayan ng daigdig pagkalipas ng 10 o 15 taon. Ano po sa palagay ninyo ang magiging kalagayan ng buhay sa panahong iyon? [Hayaang sumagot.] Ipinahihiwatig ng mga problemang nakikita natin sa ngayon na nabubuhay na tayo sa mga huling araw. [Basahin ang 2 Timoteo 3:1-3.] Sinasagot po ng brosyur na ito ang sumusunod na mga katanungan. [Basahin ang mga tanong sa pabalat, at ialok ang brosyur.] Pagbalik ko po, kung maaari tayong mag-usap nang ilang minuto, nais ko pong ibahagi sa inyo ang isang nakapagpapasiglang paksa tungkol sa pagwawakas ng sakit at pagtanda.” Isaayos na bumalik.
Pagbalik mo, maaari mong sabihin:
“Noong huli po tayong mag-usap, nabanggit ko na nais kong ibahagi sa inyo ang paksa tungkol sa pagwawakas ng sakit at pagtanda. Ang punto pong iyan ay masusumpungan dito.” Ipakuha sa kaniya ang brosyur niya. Pagkatapos ay basahin at talakayin ang parapo 6-7 sa pahina 23-4. Isaayos na talakayin ang parapo 8-9 sa susunod na pagdalaw.
Kapag gumagawang kasama ng isang bata, maaaring ipakilala ng adulto ang kaniyang sarili at ang bata at sabihin:
“Kung ipahihintulot mo, nais basahin sa iyo ni ________ ang isang kasulatan. [Babasahin ng bata ang Awit 37:29 at magbibigay ng isang maikling komento.] Tinatalakay ng brosyur na ito kung paano tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin para sa sangkatauhan at sa lupa. [Ipakita ang mga larawan sa pahina 24-7.] Pagbalik namin, nais kong ipakita sa iyo ang kamangha-manghang pangako ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli.” Ialok ang brosyur, at isaayos na bumalik.
Sa pagdalaw-muli, maaaring sabihin ng adulto:
“Noong nakaraang dumalaw ako, binasa natin ang Awit 37:29 at binanggit ko na gusto kong ipakita sa iyo kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli. Pansinin mo kung ano ang sinasabi rito.” Ipakuha sa kaniya ang brosyur niya. Pagkatapos ay talakayin ang parapo 12-14 sa pahina 24-5. Mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya, o isaayos na talakayin ang parapo 15-16 sa susunod na pagdalaw.