Mga Mungkahing Presentasyon—Ano ang Layunin ng Buhay—Paano Mo Masusumpungan?
Pagkatapos batiin ang may-bahay, maaari mong sabihin:
“Ang buhay ngayon ay tiyak na may mga problema at kabiguan. Sa palagay mo kaya’y nilayon na maging ganito ang buhay? [Hayaang sumagot.] Ipinakikita ng brosyur na ito na matutupad sa hinaharap ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at sa lupa. [Talakayin ang larawan sa pahina 20-1. Pagkatapos, basahin ang parapo 9, na itinatampok ang Isaias 14:24 at 46:11.] Sa susunod na pagpunta ko, gusto kong ipakita sa iyo kung saan binabanggit sa Bibliya na isasauli ng Diyos ang Paraiso sa lupa.” Ialok ang brosyur, at isaayos na bumalik.
Pagbalik mo, maaari mong sabihin:
“Binanggit ko noong huli akong dumalaw na layunin ng Diyos na mabuhay magpakailanman sa paraiso sa lupa ang mga tao. [Ipakita muli ang larawan sa pahina 20-1.] Pansinin na binanggit nina Jesus, Pedro, at David ang tungkol sa Paraiso.” Ipakuha sa kaniya ang brosyur niya. Pagkatapos ay buklatin sa pahina 21-2, at talakayin ang parapo 10-13. Mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya, o isaayos na talakayin ang isa sa mga subtitulo sa pahina 29-30 sa susunod na pagdalaw.
Maaaring sabihin ng isang mamamahayag na tin-edyer:
“Marami pong kaedad ko ang hindi nakatitiyak sa kinabukasan. Sa palagay kaya ninyo ay magiging mas mabuti ang buhay ng susunod na salinlahi? [Hayaang sumagot.] Binabanggit po ng Bibliya ang isang magandang kinabukasan para sa lahat ng sangkatauhan. [Buklatin sa larawang nasa pahina 31 ng brosyur, at basahin ang kapsiyon. Pagkatapos, basahin ang 2 Pedro 3:13.] Ang brosyur na ito ay nagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga pagpapalang inilalaan ng Diyos para sa sangkatauhan. [Itampok ang mga subtitulo na may makakapal na letra sa pahina 29-30, at ialok ang brosyur.] Nais ko pong dalawin kayong muli at sabihin sa inyo ang tungkol sa pangako ng Diyos na wawakasan niya ang lahat ng digmaan.” Isaayos na bumalik.
Pagbalik mo, maaari mong sabihin:
“Noong huli po akong dumalaw, binanggit ko nang pahapyaw ang layunin ng Diyos na isauli ang isang makalupang paraiso. [Ipakita muli ang larawan sa pahina 31.] Nais ko pong malaman kung ano ang masasabi ninyo hinggil sa pangako ng Diyos na wawakasan niya ang lahat ng digmaan.” Ipakuha sa kaniya ang brosyur niya. Pagkatapos ay basahin at talakayin ang parapo 3-6 sa pahina 29. Isaayos na talakayin ang parapo 7-8 sa susunod na pagdalaw.
Kapag gumagawang kasama ng isang bata, maaaring ipakilala ng adulto ang kaniyang sarili at ang bata at sabihin:
“Kung ipahihintulot mo, gustong ipakita sa iyo ni ________ ang isang larawan at basahin ang isang talata sa Bibliya. [Ipapakita ng bata ang larawan at babasahin ang kapsiyon sa pahina 31 at saka babasahin ang Apocalipsis 21:4.] Ipinaliliwanag ng brosyur na ito ang gagawin ng Diyos sa mga problemang napapaharap sa atin sa ngayon. [Sandaling itampok ang mga subtitulong may makakapal na letra sa pahina 29-30, at ialok ang brosyur.] Pagbalik namin, gusto kong ipakita sa iyo kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagwawakas ng lahat ng problema sa kalusugan.”
Sa pagdalaw-muli, maaaring sabihin ng adulto:
“Noong huli tayong mag-usap, nabanggit ko na gusto kong ipakita sa iyo kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagwawakas ng lahat ng problema sa kalusugan. Pansinin ang binabanggit dito.” Ipakuha sa kaniya ang brosyur niya. Pagkatapos ay talakayin ang parapo 9-14 sa pahina 29. Mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya, o isaayos na talakayin ang parapo 15-17 sa susunod na pagdalaw.