Patibayin ang Isa’t Isa Habang Nasa Ministeryo
1 Pinahahalagahan nating lahat ang natatanggap nating nakapagpapatibay na “salitang binigkas sa tamang panahon.” (Kaw. 25:11) Kapag gumagawa tayong kasama ng iba sa ministeryo, paano natin matitiyak na nakapagpapatibay ang ating pag-uusap?
2 Nakapagpapatibay na Pag-uusap: Talaga ngang nakapagpapatibay na isama sa ating pag-uusap ang espirituwal na mga bagay habang naglilingkod tayo sa larangan! (Awit 37:30) Puwede nating pag-usapan ang tungkol sa ating presentasyon o ikuwento ang nakapagpapatibay na mga karanasan natin sa paglilingkod sa larangan kamakailan. (Gawa 15:3) May nakuha ba tayong magandang punto mula sa ating personal na pagbabasa ng Bibliya, sa bagong mga magasin, o sa pulong sa kongregasyon? Maaari din nating ipakipag-usap ang mga puntong binanggit sa pahayag pangmadla na narinig natin kamakailan sa Kingdom Hall.
3 Baka masiraan tayo ng loob kapag hindi natin nasagot ang pagtutol ng isang may-bahay. Makikinabang tayo kung pagkaalis natin sa bahay na iyon ay maglalaan tayo at ang ating kapareha ng ilang minuto para pag-usapan kung paano sasagutin ang gayunding pagtutol sa hinaharap, marahil sa tulong ng aklat na Nangangatuwiran. At kung nagustuhan natin ang presentasyon ng ating kapareha, mapatitibay natin siya sa pamamagitan ng ating taimtim na komendasyon.
4 Magkusa: Mayroon bang mga kabilang sa ating grupo ng pag-aaral sa aklat na hindi natin nakakapareha sa paglilingkod sa larangan nitong nakaraang mga araw? Kung aanyayahan natin silang samahan tayo sa ministeryo, magdudulot ito ng “pagpapalitan ng pampatibay-loob.” (Roma 1:12) Pinahahalagahan ng mga regular at auxiliary pioneer na makasama ang iba sa paglilingkod sa larangan, lalo na sa madaling araw o sa dapit-hapon, kapag iilang mamamahayag lamang ang nakikibahagi sa ministeryo. Masusuportahan natin ang mga payunir kung sasamahan natin sila. Mayroon bang maysakit na mamamahayag kung kaya limitado ang nagagawa niya sa ministeryo? Magiging kapaki-pakinabang kung maisasaayos nating makasama siya, marahil sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya.—Kaw. 27:17.
5 Laging nakapagpapatibay ang pagbibigay ng komendasyon at pagpapahayag ng pagpapahalaga, kahit sa maliliit na bagay. Dapat nating isaisip iyan kapag gumagawang kasama ng iba sa ministeryo, yamang nais nating “patuloy [na] patibayin ang isa’t isa.”—1 Tes. 5:11.