Tulungan ang Iba na Maging Bihasa sa Paggamit ng Salita ng Diyos
1 Si Jehova ay gumawa ng maraming paglalaan para sanayin tayo na maging mabisa sa ating personal na ministeryo. Bilang halimbawa, sa halos 50 taon ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nagbigay ng progresibong pagsasanay sa pagsasalita at pagtuturo. Ito’y nadagdagan pa ng Pulong Ukol sa Paglilingkod, na nagtataglay ng praktikal na mga pahayag, pagtatanghal at mga pagtalakay.
2 Tayo ay nakikinabang mula sa palagiang pagdalaw ng mga tagapangasiwa ng sirkito. Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay dumadalaw sa bawa’t grupo ng pag-aaral sa aklat at nagbibigay ng maibiging tulong upang mapasulong ang ating kakayahan sa ministeryo. Sa bawa’t pagkakataong tayo’y nagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, tayo ay tumatanggap ng sampung minutong praktikal na tagubilin at nakatutulong na mga mungkahi para sa araw na iyon.—Heb. 10:23-25.
TULUNGAN ANG MGA KABATAAN AT MGA ESTUDIYANTE SA BIBLIYA
3 Ang mga kabataang mamamahayag at ang mga baguhan ay nangangailangan ng palagiang tulong sa pangmadlang ministeryo. Ang pangunahing may pananagutan nito ay ang mga magulang at mga nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga ito. (Gal. 6:6; Efe. 6:4) Ang pagiging mabisa nito ay hindi awtomatikong nangyayari kundi nangangailangan ng sistematikong personal na pagtulong at pagsasanay sa maibiging paraan.
4 Ang personal na pagtulong ay dapat na magpasimula bago aktuwal na makibahagi ang tao sa ministeryo. Repasuhin ang Paksang Mapag-uusapan. Tulungan siyang makagawa ng isang payak na presentasyon, marahil ay sa pamamagitan ng paggamit ng isa lamang kasulatan sa pasimula. Habang gumagawang magkasama gumamit ng panahon upang magbigay ng komendasyon at maibiging mungkahi para sa pagpapasulong. Idiin ang pangangailangan na panatilihin ang may pananalanging saloobin sa lahat ng panahon.—Efe. 6:18, 19.
5 Napakainam kung ang makaranasang mga mamamahayag at mga regular payunir ay makapag-eeskedyul ng kanilang panahon na tangkilikin ang paglilingkod sa larangan sa dulong sanlinggo upang makatulong sa mga baguhang ito sa pamamagitan ng paggawang kasama nila. Ang gayong personal na pagsasakripisyo sa kanilang bahagi ay pahahalagahan nang malaki niyaong nagnanais na sumulong sa pamamagitan ng paggawa kasama ng mga may karanasan.—Ecles. 4:9, 10.
6 May panahong tayong lahat ay naging mga baguhan at walang karanasan subali’t tayo’y tumanggap ng pampatibay-loob at pagsasanay mula sa mga may higit na karanasan. (Kaw. 27:17; Gawa 20:35) Ang pagpapahalaga nawa para dito ay magpakilos sa atin na tulungan ang iba na maging higit na bihasa sa paggamit ng Salita ni Jehova.