Tulungan ang mga Baguhan na Makibahagi sa Pagsulong ng Kaharian
1 Sa panahong ito ng pagsulong ng Kaharian tayo ay nagagalak makita ang maraming baguhan na tumutugon sa mabuting balita. Habang ang kanilang pagpapahalaga ay sumusulong, sila ay nagpapasimulang dumalo sa mga pulong at ibinabahagi sa iba ang kanilang natututuhan. Ito ay naghaharap ng hamon at karagdagang pananagutan para doon sa mga may karanasan na sa paglilingkod sa larangan. Ang mga baguhan ay nangangailangan ng pagsasanay at pampatibay loob upang maging mabisa sa ministeryo.
2 Sa Pilipinas noong 1984 taon ng paglilingkod, may 5,521 ang nabautismuhan. Marami pa ang nabautismuhan sa ating “Pagsulong ng Kaharian” na mga pandistritong kumbensiyon. Ang lahat ng mga baguhang ito ay nabibigyan ba ng personal na tulong?
SANAYIN SILA SA PAGLILINGKOD SA LARANGAN
3 Yamang hindi natin nais na ang panimula nilang kasiglahan ay mawala, ang pagsasanay sa paglilingkod sa larangan ay dapat na magpasimula agad. Himukin ang mga estudiyante na ibahagi ang kanilang natututuhan sa mga kamag-anak, kapitbahay at sa iba pang kakilala nila. Hayaang malaman nila na iilan lamang sa pinagsasalitaan natin ang maaaring tumugon. (Mat. 7:13, 14) Gayumpaman, tulungan silang magpahalaga sa kagalakang naidudulot sa di nakikita at nakikitang bahagi ng organisasyon ng Diyos kapag may nakinig na kahit na isa man lamang tao.—Luk. 15:10.
ANG INYONG PERSONAL NA PANANAGUTAN
4 Kayo ba ay nakikipag-aral ng Bibliya sa kaninuman? Ang tao bang iyon ay kuwalipikadong sumama sa inyo sa paglilingkod sa larangan? Kung gayon, himukin sila na maging regular sa paglilingkod bawa’t linggo. Bago lumabas, gumamit ng ilang minuto upang maghanda. Sanayin ang mga presentasyon na inyong gagamitin. Sa pasimula ay nanaisin niyang basta bumasa lamang ng isang kasulatan o gumawa ng isang maikling komento. Subali’t unti-unti, siya ay magkakaroon ng tiwala at matututong dumalaw nang nag-iisa.
5 Kahit na pagkatapos na ang isang baguhan ay naging regular sa paglilingkod, siya ay nangangailangan pa rin ng inyong tulong. Patuloy na magpakita ng tunay na interes sa kaniyang espirituwal na pagsulong. Ang pagsulong na yaon ay naglalakip sa kakayahan na magturo sa iba samantalang siya sa ganang sarili ay patuloy na nag-aaral. Gawing madalas at taimtim ang pagbibigay ng komendasyon sa kaniyang pagsulong. Hayaang makita niyang kayo ay nakadarama ng malaking kagalakan sa pagtulong sa kaniyang gumawa ng espirituwal na pagsulong.—1 Tim. 4:15, 16.
TULUNGAN DIN ANG IBA PA
6 Maaaring may iba pa sa kongregasyon na bagama’t hindi na baguhan ay hindi naman nakatanggap ng sapat na personal na tulong upang maging mabisang mga guro. Dahilan sa kakulangan ng pagsasanay, sila ay maaaring di nagkakaroon ng kagalakan na nagmumula sa pagdadala ng mabuting balita sa iba. Maging alisto na tulungan din sila, lalo na ninyong mga matatanda, payunir o iba pa na may higit na karanasan sa larangan.
7 Gawin natin ang pinakamagaling sa pagsulong ng Kaharian hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapasulong sa bilang ng mga mamamahayag kundi sa pamamagitan din ng pagpapasulong ng kanilang kakayahan sa paggawa ng mas maraming alagad. Ito ang paraan ni Jehova sa ‘pagpapabilis’ ng pagtitipon ukol sa kaligtasan.—Isa. 60:22.