Pagtulong sa mga Bagong Mamamahayag
1 Patuloy na pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagdadala ng “mga kanaisnais na bagay ng lahat ng mga bansa.” (Hag. 2:7) Namalas sa nakaraang taon ng paglilingkod ang pagsulong na halos ay 6,000 mga bagong mamamahayag sa Pilipinas. Nais nating matulungan ngayon ang mga ito na maging higit na mabibisang “mamamalakaya ng mga tao.”—Mar. 1:17.
2 Kailan maaaring anyayahan ang isang estudiyante sa Bibliya na sumama sa atin sa paglilingkod sa larangan? Bago hayagang maipakilala ang kaniyang sarili sa madla bilang isang Saksi, kailangan muna niyang abutin ang mga kahilingan ng Kasulatan at ng organisasyon gaya ng isinasaad sa aklat na Ating Ministeryo sa mga pahina 98 at 99. Ang mga katanungan doon ay makatutulong sa inyo na matiyak kung naaabot ng mga estudiyante sa Bibliya ang mga kahilingang ito. Kung siya’y kuwalipikado, maaari na siyang anyayahang makibahagi sa gawaing pangangaral at mag-ulat ng kaniyang paglilingkod sa kongregasyon. Kung may kuwalipikado sa inyong mga tinuturuan, ang Abril ay isang mainam na pagkakataon upang makapagsimula sila sa paglilingkod.
3 Ang mga bagong mamamahayag ay may sigasig at kasiglahan subali’t kulang sa karanasan. Marahil ay matutulungan ninyo sila na magkaroon ng bahagi sa pag-aalok ng tract o magasin, o maaari ninyong hilingin silang bumasa ng isang kasulatan. Papurihan sila sa kanilang malaking paghahangad na makibahagi. Tulungan silang “sumulong sa pagkamaygulang.”—Heb. 6:1.
PAGKAKAROON NG PAGSULONG
4 Kung papaano ang mga bata ay natututong lumakad sa pamamagitan ng unti-unting paghakbang, ang mga bagong mamamahayag ay maaari ding maturuan nang baytang-baytang. Kung kayo ay nagsasanay ng isang baguhang mamamahayag, maaari ba ninyong tulungan siya sa progresibong paraan na magbigay ng pambungad sa pintuan, gumamit ng Paksang Mapag-uusapan, at magharap ng alok na literatura? Siya ba ay handang matuto kung paano ilalagay ang saligan para sa isang pagdalaw-muli at sa dakong huli ay pag-aaral sa Bibliya? Ang pagkakaroon ng sesyon sa pagsasanay at paggawang kasama niya sa paglilingkod ay tutulong sa kaniya na kunin ang pasulong na mga hakbanging ito.
5 Kung kayo ay isang magulang, tinutulungan ba ninyo ang inyong mga anak na abutin ang maka-Kasulatang mga kahilingan upang sumulong sa ministeryo? Huwag maliitin ang kakayahan ng inyong mga anak na sumulong. Maraming kabataan ang nagpakita ng kapuri-puring kakayahan na maglagay ng literatura at magpasimula at magdaos ng mga pag-aaral. Gumawang malapitan kasama ng inyong mga anak. Magpasimula habang sila ay nasa kamuraan pa ng edad. Tulungan silang sumulong ayon sa kanilang kakayahan. Papurihan sila sa kanilang pagsisikap at pagsulong.—Tingnan ang Ating Ministeryo, pahina 99-100.
6 Ang lahat ng mga naaalay na lingkod ni Jehova ay dapat na gumawa ng pagsulong ukol sa mabisang paghaharap ng mabuting balita. Tulungan ang mga baguhan hindi lamang ang makapagsimula sa ministeryo sa larangan kundi makagawa din ng pagsulong sa kanilang kakayahan habang lumilipas ang panahon.—1 Tim. 4:15, 16.