Maging Mabuting Kasama sa Ministeryo
1. Anu-ano ang kapakinabangan ng paggawa nang may kasama sa ministeryo?
1 Sa isang pagkakataon, isinugo ni Jesus ang 70 sa kaniyang mga alagad at “isinugo [niya] sila nang dala-dalawa.” (Luc. 10:1) Sa kaayusang iyon, tiyak na natulungan at napatibay ng kaniyang mga alagad ang isa’t isa habang nangangaral sila. Kapag kasama tayo ng isang mamamahayag sa ministeryo, paano kaya tayo makakatulong sa kaniya?
2. Kapag nakikipag-usap ang ating partner sa bahay-bahay, paano at bakit tayo dapat makinig?
2 Makinig: Makinig na mabuti habang nakikipag-usap ang iyong partner sa bahay-bahay. (Sant. 1:19) Kapag may binabasang teksto, sundan ito sa sarili mong Bibliya. Tingnan ang nagsasalita, ito man ay ang partner mo o ang may-bahay. Kung magtutuon ka ng pansin sa pag-uusap, mapasisigla nito ang may-bahay na gayon din ang gawin.
3. Kailan tayo maaaring magsalita upang tulungan ang ating partner?
3 Alamin Kung Kailan Magsasalita: Kung ang partner natin ang nakikipag-usap sa may-bahay, mabibigyang-dangal natin siya kung hahayaan lang natin siyang magsalita. (Roma 12:10) Iwasan nating sumabad. Kapag humingi ng tulong ang ating partner dahil nakalimutan niya ang kaniyang sasabihin, o kaya’y tumutol o nagbangon ng tanong ang may-bahay, sikapin nating dagdagan ang sinabi niya sa halip na ibahin ang paksa ng pag-uusap. (Kaw. 16:23; Ecles. 3:1, 7) Kung magsasalita tayo, dapat na sumuporta ito sa naibigay na patotoo.—1 Cor. 14:8.
4. Ano ang tutulong sa atin para masiyahan at maging matagumpay sa ministeryo?
4 Nang matapos mangaral ang 70 alagad, sila ay “bumalik na may kagalakan.” (Luc. 10:17) Tayo rin naman ay masisiyahan at magiging matagumpay sa ating ministeryo kung makikinig tayo at aalamin natin kung kailan magsasalita habang gumagawa nang may kasama sa pangangaral.