Pagtulong sa Iba Kapag Nasa Paglilingkod sa Larangan
1 Sa pasimula pa lamang ng Kristiyanong kongregasyon, personal na sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa gawaing pangangaral at “sinugo silang dala-dalawa.” (Mar. 6:7; Luc. 8:1) Binanggit ni apostol Pablo ang kaniyang “mga kamanggagawa” sa Filipos na ‘nagpagal na kasama niya sa mabuting balita.’ (Fil. 4:3) Bagaman hindi laging kailangang magkaroon ng kasama sa ministeryo, karamihan sa atin ay natutuwang may nakakasama. (Ecles. 4:9) Kung gayon, papaano tayo maaaring magpatibay at makatulong sa isa’t isa habang nangangaral?
2 Ang isa sa mga layunin ng ating pagtitipon bago maglingkod ay upang matulungan ang mga baguhang mamamahayag. (om p. 77, 97) Maging ang mga baguhang payunir ay magnanais na gumawang kasama ng mga may higit na karanasang mga mamamahayag o kasama ng isang matanda o ministeryal na lingkod, na naglalaan ng “pampatibay sa isa’t isa.”—Roma 1:12.
3 Dahil sa panganib, maaaring makatuwiran na gumawang magkakasama ang mga mamamahayag sa ilang mga lugar. O sa pana-panahon ay hihilingan tayong gumawa kasama ng wala pang gasinong karanasan na presente sa pagtitipon bago maglingkod. Kung tayo’y hinilingang gawin iyon, landasin ng pag-ibig na “tulungan ang mga mahihina,” kahit na nakasanayan ninyong may ibang kasama.—Gawa 20:35.
MAKIBAGAY SA ISA’T ISA
4 Kapag gumagawang kasama ng iba, nanaisin nating makibagay sa isa’t isa. (Ihambing ang 1 Corinto 3:6, 9.) Kapuwa kayo makikibahagi sa pagpapatotoo, marahil ay magpapalitan sa pagbubukas ng usapan. Ang mabuting ugali ay humihiling na tayo’y matamang makinig kapag nagsasalita ang ating kasama.
5 Bagaman may panahong angkop na tayo’y makisali sa usapan kapag ang ating kasama ay nagsasalita, nangangailangan ito ng mabuting pagpapasiya. Hindi natin nais hadlangan ang kaniyang mabisang pangangatuwiran sa maybahay. Sabihin pa, kung ang walang gaanong karanasang mamamahayag ay nahihirapang harapin ang isang pagtutol, walang pagsalang pasasalamatan niya ang anumang tulong.—Ecles. 4:12.
6 Magagamit nating mabuti ang oras sa pagitan ng dalawang pintuan upang pag-usapan ang paraan upang mapagbuti ang ating presentasyon, marahil ay ang paggamit ng pambungad mula sa aklat na Nangangatuwiran. Ang paggawang magkakasama ay makatutulong din sa atin na makilalang higit ang isa’t isa, at mapatibay ang buklod ng ating Kristiyanong pagkakapatiran.
7 Habang gumagawa tayong magkakasama sa paglilingkod, mapalalalim natin sa isa’t isa ang pagpapahalaga sa ministeryo. (2 Cor. 4:1, 7) Kasabay nito ay tatanggap tayo ng pampatibay-loob, matututo sa isa’t isa, at mapatitibay ang buklod ng ating pagkakapatiran.—Awit 133:1.