Huwag Sabihin—“Hindi Ko Kaya”
1. Bakit nag-aalangan ang ilan na mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya?
1 Nag-aalangan ka bang mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya dahil pakiramdam mo’y hindi mo kayang magturo? May mga lingkod ni Jehova noon, gaya nina Moises at Jeremias, na nakadamang hindi sila kuwalipikado sa kanilang atas. (Ex. 3:10, 11; 4:10; Jer. 1:4-6) Kaya hindi lang ikaw ang nakadarama niyan. Paano natin madaraig ang ganiyang saloobin?
2. Bakit hindi tayo dapat makontento na lang sa pagbabahay-bahay at iasa sa iba ang pagtuturo ng Bibliya?
2 Tandaan, hindi tayo hinihilingan ni Jehova na gawin ang isang bagay na hindi natin kaya. (Awit 103:14) Kung gayon, kaya nating gampanan ang atas na “gumawa ng mga alagad” at ‘magturo sa kanila.’ (Mat. 28:19, 20) Hindi lang sa mga makaranasan o maabilidad ipinagkakaloob ni Jehova ang pribilehiyong ito. (1 Cor. 1:26, 27) Kaya hindi tayo dapat makontento na lang sa pagbabahay-bahay at iasa sa iba ang pagtuturo ng Bibliya.
3. Paano tayo tinutulungan ni Jehova para maging kuwalipikadong magturo ng Bibliya?
3 Tinutulungan Tayo ni Jehova na Maging Kuwalipikado: Galing kay Jehova ang pagiging kuwalipikado nating gumawa ng mga alagad. (2 Cor. 3:5) Sa tulong ng kaniyang organisasyon, tinuturuan niya tayo ng mga katotohanan sa Bibliya na hindi alam maging ng mga taong edukado sa sanlibutang ito. (1 Cor. 2:7, 8) Ipinasulat niya sa Bibliya ang mga paraan ng pagtuturo ng Dakilang Guro, si Jesus, para matularan natin, at patuloy tayong sinasanay ni Jehova sa kongregasyon. Bukod diyan, inilalaan niya ang lahat ng kailangan natin sa pagtuturo ng Bibliya, gaya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya, na tumatalakay sa katotohanan sa paraang lohikal at madaling maunawaan. Ang pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya ay hindi kasing hirap ng iniisip natin.
4. Bakit tayo makapagtitiwala na tutulungan tayo ni Jehova?
4 Nagampanan nina Moises at Jeremias ang kanilang atas sa tulong ni Jehova. (Ex. 4:11, 12; Jer. 1:7, 8) Puwede rin tayong humingi ng tulong sa kaniya. Tutal, kapag nagtuturo tayo ng Bibliya, itinuturo natin ang katotohanan tungkol kay Jehova—isang bagay na kalugud-lugod sa kaniya. (1 Juan 3:22) Kaya gawing tunguhin na makibahagi sa pinakakasiya-siya at kapaki-pakinabang na gawaing ito—ang pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya.