Pagtuturo sa mga Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya
1 Ang isa sa mga kasiyasiyang karanasang maaaring taglayin natin ay ang pagtuturo sa iba na maging tunay na mga Kristiyano. (Mat. 28:19, 20) Nararanasan ba ninyo ang kagalakang ito?
2 Bagaman tayo ay nagsisikap na maging mga guro sa lahat ng bahagi ng ating ministeryo, ang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang nagbibigay ng malaking pagkakataon upang makapagturo. Kaya, kung hindi kayo nangangasiwa ng isang palagiang pag-aaral sa Bibliya, ipanalangin ninyo ito at gumawa tungo sa tunguhing ito.
MAGAGAWA BA NINYO ITO?
3 Nangangailangan ng panahon at maingat na pag-aaral para sa isang tao upang makumbinsi sa pabalita ng Bibliya hinggil sa Kaharian ng Diyos. (Mat. 10:11) Kaya mayroon tayong kaayusan para sa pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ito ay nagtatampok ng isang malawakang kurso ng pag-aaral na sumasaklaw sa maraming paksa, na inihaharap sa mga publikasyon ng Samahan. Sa pamamagitan ng pangangasiwa ng mga pag-aaral nang palagian, ang karamihan sa atin ay maaaring makatulong sa taimtim na mga estudiyante na magtamo ng kaalaman sa Diyos at kay Kristo.—Juan 17:3; 1 Juan 5:20.
4 Si Jesu-Kristo ay isang dalubhasang guro; kaya, dapat nating gamitin ang kaniyang mga pamamaraan. Papaano ba siya nagturo? Siya ay nagtanong ng mga nagpapaaninaw na katanungan. (Mat. 17:24-26; Luk. 10:25-36) Bakit niya ginawa iyon? Upang tulungan ang mga tao na mangatuwiran at suriin ang kanilang sarili sa liwanag ng kaniyang mga turo. Sa pamamagitan ng kaniyang mga katanungan ay mataktika niyang naabot ang kanilang mga puso. Yaong kaniyang mga tinuruan ay kailangang magpakita kung talaga nilang nais na maging kaniyang mga tagasunod o kung ang kanilang motibo ay hindi taimtim.—Mat. 13:10-17; Mar. 8:34-38.
5 Bilang karagdagan, ang turo ni Jesus ay nagtataglay ng mga ilustrasyon at mga aktuwal na halimbawa. (Mat. 4:18, 19; Luk. 15:3-10; Juan 13:2-16) Gayundin, siya’y payak, maikli at maliwanag. (Mateo kabanata 5-7) Makapagpapasalamat tayo na ang mga publikasyon ng Samahan ay gumagamit ng gayunding paraan ng pagtuturo.
6 Maghandang mabuti sa pag-aaral. Pag-isipan ang mga bahagi na maaaring maging mahirap para maunawaan ng mga estudiyante, mga punto na doo’y magbabangon sila ng mga tanong, lakip na ang mga punto na kapit sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
KUNG PAPAANO MAGTUTURO SA ISANG PAG-AARAL
7 Ang isang naitatag na pag-aaral ay kailangang buksan sa panalangin. Ito ay nagdiriin ng kaselangan at dignidad ng pag-aaral, lakip na ang inyong pagiging taimtim bilang isang ministro ng Diyos. Ang isang maikling repaso ng nakaraang aralin ay maaaring maging angkop, na umaakay sa kasalukuyang pag-aaralan.
8 Kapag ang wastong sagot sa tanong sa parapo ay hindi naibigay, nanaisin ninyong bahabahaginin ang tanong. Tulungan ang estudiyante na ipahayag ang sarili sa kaniyang sariling mga sahta. Subali’t huwag ninyong gawing parang paghuhulaan lamang ang pag-aaral. Ang pagkatuto sa katotohanan ay salig sa katuwiran at lohika.
9 Karaniwan, ang haba ng pag-aaral ay isang oras. Kadalasang maaaring saklawin ang isang kabanata, subali’t ito ay salig sa kakayahan ng nag-aaral. Himukin ang mga estudiyante na maghanda nang patiuna. Manghawakan sa Salita ng Diyos sa inyong pagtuturo. (Tito 1:9) Ang Salita ng Diyos ay may kapangyarihan at ito ay magpapangyari sa mga tao na kumilos. (Heb. 4:12) Kaya, ayon sa ipinahihintulot ng panahon, tingnan at basahin ang mga susing Kasulatan.
10 Ang pagtuturo sa iba ng katotohanan ay isang kamangha-manghang pribilehiyo. (1 Cor. 3:6-9) Sa nakaraang taon sa bansang ito nagkaaberids ng 36,884 na pinangangasiwaang mga pag-aaral sa Bibliya bawa’t buwan. Tinatamasa ba ninyo ang pribilehiyong ito? Dinggin nawa ni Jehova ang ating mga panalangin at pagpalain ang ating mga pagsisikap na maging mga guro sa mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.