Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr21 Mayo p. 1-11
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2021
  • Subtitulo
  • MAYO 3-9
  • MAYO 10-16
  • MAYO 17-23
  • MAYO 24-30
  • MAYO 31–HUNYO 6
  • HUNYO 7-13
  • HUNYO 14-20
  • HUNYO 21-27
  • HUNYO 28–HULYO 4
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2021
mwbr21 Mayo p. 1-11

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

MAYO 3-9

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 27-29

“Tularan si Jehova—Huwag Magtangi”

w13 6/15 10 ¶14

Lubusang Pahalagahan ang mga Katangian ni Jehova

Lumapit ang limang magkakapatid kay Moises at nagsabi: “Bakit aalisin ang pangalan ng aming ama mula sa gitna ng kaniyang pamilya sa dahilang hindi siya nagkaroon ng anak na lalaki?” Nakiusap sila: “O bigyan naman ninyo kami ng pag-aari sa gitna ng mga kapatid ng aming ama.” Sinabi ba ni Moises, ‘Hindi puwede, wala iyan sa batas’? Hindi, sa halip ay “dinala ni Moises ang kanilang usapin sa harap ni Jehova.” (Bil. 27:2-5) Ang resulta? Sinabi ni Jehova kay Moises: “Ang mga anak na babae ni Zelopehad ay nagsasalita ng tama. Dapat mo nga silang bigyan ng pag-aari na pinakamana sa gitna ng mga kapatid ng kanilang ama, at isasalin mo sa kanila ang mana ng kanilang ama.” Pero hindi lang iyan ang iniutos ni Jehova. Itinagubilin din niya sa pamamagitan ni Moises: “Kung ang sinumang tao ay mamatay na walang anak na lalaki, isasalin nga ninyo sa kaniyang anak na babae ang kaniyang mana.” (Bil. 27:6-8; Jos. 17:1-6) Mula noon, may proteksiyon na ang mga babaing Israelita na mapapaharap din sa ganiyang kalagayan.

w13 6/15 11 ¶15

Lubusang Pahalagahan ang mga Katangian ni Jehova

Talagang mabait at patas ang pasiyang iyon! Pinakitunguhan ni Jehova nang may dangal ang mga anak na babae ni Zelopehad, na nasa kaawa-awang kalagayan, gaya ng pakikitungo niya sa ibang mga Israelita na may maalwang kalagayan. (Awit 68:5) Isa lang iyan sa maraming ulat sa Bibliya na nagpapakita ng katotohanang ito: Pinakikitunguhan ni Jehova nang walang pagtatangi ang lahat ng kaniyang lingkod.​—1 Sam. 16:1-13; Gawa 10:30-35, 44-48.

w13 6/15 11 ¶16

Lubusang Pahalagahan ang mga Katangian ni Jehova

Paano natin matutularan ang pagiging hindi nagtatangi ni Jehova? Tandaan, may dalawang aspekto ang katangiang ito. Kung tayo ay hindi nagtatangi, saka lang natin mapakikitunguhan nang walang pagtatangi ang iba. Totoo, gusto nating isipin na hindi tayo nagtatangi. Pero tiyak na sasang-ayon kang hindi laging madaling suriin ang sarili. Kaya ano ang dapat nating gawin? Nang gustong malaman ni Jesus kung ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa kaniya, tinanong niya ang kaniyang mapagkakatiwalaang mga kaibigan: “Sino ang Anak ng tao ayon sa sinasabi ng mga tao?” (Mat. 16:13, 14) Bakit hindi tularan si Jesus? Tanungin mo ang iyong pinagkakatiwalaang kaibigan kung talaga bang hindi ka nagtatangi. Kapag sinabi niyang medyo nagtatangi ka pa, ano ang dapat mong gawin? Manalangin nang marubdob kay Jehova tungkol sa iyong nadarama, magmakaawa sa kaniya na tulungan kang mabago ang iyong saloobin para lubusan mong matularan ang kaniyang hindi pagtatangi.​—Mat. 7:7; Col. 3:10, 11.

Espirituwal na Hiyas

it-1 893 ¶1

Handog, Mga

Mga handog na inumin. Ang mga handog na inumin ay inihahandog kasama ng karamihan sa iba pang handog, lalo na noong naninirahan na ang mga Israelita sa Lupang Pangako. (Bil 15:2, 5, 8-10) Ang ginagamit sa mga ito ay alak (“nakalalangong inumin”) na ibinubuhos sa altar. (Bil 28:7, 14; ihambing ang Exo 30:9; Bil 15:10.) Sumulat ang apostol na si Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos: “Kung ibinubuhos man akong tulad ng isang handog na inumin sa ibabaw ng hain at pangmadlang paglilingkod kung saan kayo inakay ng pananampalataya, ako ay natutuwa.” Dito ay ginamit niya ang isang handog na inumin bilang paglalarawan, anupat kaniyang ipinahayag ang pagnanais niyang magpagal para sa mga kapuwa Kristiyano. (Fil 2:17) Noong malapit na siyang mamatay, sumulat siya kay Timoteo: “Ako ay ibinubuhos na tulad ng isang handog na inumin, at ang takdang panahon ng pagpapalaya sa akin ay napipinto na.”​—2Ti 4:6.

MAYO 10-16

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 30-31

“Tuparin ang mga Panata Mo”

it-2 806

Panata

Kusang-Loob, Ngunit Dapat Tuparin Kapag Naipangako. Ang mga panata ay ginagawa nang kusang-loob. Gayunman, kapag nanata na ang isang tao, kailangan niya itong tuparin alinsunod sa kautusan ng Diyos. Kaya nga ang panata ay sinasabing ‘nakatalaga sa kaniyang kaluluwa,’ na nagpapahiwatig na ang kaniyang buhay ay nagiging panagot sa pagtupad niya ng kaniyang salita. (Bil 30:2; tingnan din ang Ro 1:31, 32.) Yamang buhay ang nakataya, mauunawaan natin kung bakit hinihimok ng Kasulatan ang isa na magpakaingat at isasaalang-alang ang mga obligasyong kaakibat bago gumawa ng panata. Sinasabi ng Kautusan: “Kung mananata ka ng isang panata kay Jehova . . . walang pagsalang sisingilin iyon sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, at iyon nga ay magiging kasalanan sa ganang iyo. Ngunit kung liliban ka sa pananata, hindi iyon magiging kasalanan sa ganang iyo.”​—Deu 23:21, 22.

it-2 805

Panata

Isang taimtim na pangako sa Diyos para magsagawa ng isang pagkilos, magbigay ng isang handog o kaloob, pumasok sa isang uri ng paglilingkod o kalagayan, o umiwas sa ilang bagay na hindi naman ipinagbabawal. Ang panata ay isang kusang-loob na kapahayagang ginagawa nang bukal sa kalooban. Yamang isa itong taimtim na pangako, ang panata ay kasimbigat ng isang sumpa, at kung minsan ay magkasamang binabanggit sa Bibliya ang dalawang salitang ito. (Bil 30:2; Mat 5:33) Ang “panata” ay isang kapahayagan ng intensiyon, samantalang ang “sumpa” ay isang panawagan sa isang nakatataas na awtoridad upang patunayan na totoo ang sinabi ng nanata o na inuubliga niya ang kaniyang sarili na tuparin iyon. Kadalasan ay gumagawa ng mga sumpa kapag nagtitibay ng tipan.​—Gen 26:28; 31:44, 53.

w04 8/1 27 ¶3

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Bilang

30:6-8—Maaari bang ipawalang-bisa ng lalaking Kristiyano ang mga panata ng kaniyang asawa? May kinalaman sa mga panata, nakikitungo na ngayon si Jehova sa kaniyang mga mananamba sa indibiduwal na paraan. Halimbawa, ang pag-aalay kay Jehova ay isang personal na panata. (Galacia 6:5) Walang awtoridad ang isang asawang lalaki na ipawalang-bisa o kanselahin ang gayong panata. Gayunman, ang isang asawang babae ay hindi dapat gumawa ng isang panata na sumasalungat sa Salita ng Diyos o sa kaniyang mga tungkulin sa kaniyang asawa.

Espirituwal na Hiyas

it-1 1171 ¶4

Jepte

Ang mga tao ay maaaring italaga sa bukod-tanging paglilingkod kay Jehova may kaugnayan sa santuwaryo. Iyon ay isang karapatan na maaaring gamitin ng mga magulang. Si Samuel ay gayong uri ng tao, ipinangako ukol sa paglilingkod sa tabernakulo sa pamamagitan ng isang panata ng kaniyang inang si Hana bago siya ipinanganak. Ang panatang ito ay sinang-ayunan ng asawa nitong si Elkana. Pagkaawat kay Samuel sa suso, inihandog siya ni Hana sa santuwaryo. Kasama niya, nagdala si Hana ng isang haing hayop. (1Sa 1:11, 22-28; 2:11) Si Samson ay isa pang bata na pantanging itinalaga sa paglilingkod sa Diyos bilang isang Nazareo.​—Huk 13:2-5, 11-14; ihambing ang awtoridad ng ama sa isang anak na babae gaya ng binalangkas sa Bil 30:3-5, 16.

MAYO 17-23

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 32-33

“Itaboy ang Lahat ng Nakatira sa Lupain”

w10 8/1 23

Alam Mo Ba?

Ano ang “matataas na dako” na madalas banggitin sa Hebreong Kasulatan?

Noong malapit nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, sinabihan sila ni Jehova na alisin ang lahat ng dako ng pagsamba ng mga Canaanitang tumira doon. “Sisirain ninyo ang lahat ng kanilang mga rebultong bato, at ang lahat ng kanilang mga imahen na binubong metal ay sisirain ninyo, at ang lahat ng kanilang sagradong matataas na dako ay gigibain ninyo,” ang iniutos ng Diyos. (Bilang 33:52) Ang mga sentrong iyon ng huwad na pagsamba ay nasa taas ng mga burol, sa ilalim ng puno, o kaya’y nasa lunsod. (1 Hari 14:23; 2 Hari 17:29; Ezekiel 6:3) Kung minsan, mayroon itong mga altar, sagradong haligi o poste, imahen, patungan ng insenso, at iba pang mga kagamitan sa pagsamba.

w08 2/15 27 ¶5-6

Matuto Mula sa Pagkakamali ng mga Israelita

Sa ngayon, napapaharap tayo sa mga katulad na hamong naranasan ng mga Israelita. Marami ring mga iniidolo o itinuturing na diyos ang mga tao ngayon. Kasama rito ang pera, mga artista, sikat na manlalaro, sistema ng pulitika, ilang lider ng relihiyon, at maging kapamilya pa nga. Alinman sa mga ito ay posibleng maging pangunahin sa ating buhay. Ang pagkakaroon ng malapít na pakikipagkaibigan sa mga hindi umiibig kay Jehova ay maaaring sumira sa ating kaugnayan sa Diyos.

Ang imoralidad ay isang pangunahing bahagi ng pagsamba kay Baal na nakaakit sa maraming Israelita. Nagiging biktima pa rin ng gayong mga silo ang ilan sa bayan ng Diyos sa ngayon. Halimbawa, baka ilang pindot lamang sa mouse ng computer ang kailangan ng isang mausisa o walang-kamalay-malay na indibiduwal para makakita ng mga bagay na magpaparungis sa kaniyang malinis na budhi. Talaga ngang nakalulungkot kung ang isang Kristiyano ay matukso sa pornograpya sa Internet!

it-1 477 ¶2

Canaan

May-katalinuhang ‘hindi inalis ni Josue ang isa mang salita sa lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises’ may kinalaman sa pagpuksa sa mga Canaanita. (Jos 11:15) Ngunit hindi lubusang sumunod ang bansang Israel sa kaniyang mahusay na pangunguna. Hindi nila lubusang inalis ang pinagmumulan ng karumihan ng lupain. Dahil may mga Canaanita pa rin sa gitna nila, nahawahan ang Israel ng kanilang mga gawain, anupat tiyak na naging sanhi ito ng mas maraming kamatayan (bukod pa sa krimen, imoralidad, at idolatriya) kaysa sa bilang ng mamamatay kung may-katapatan sanang sinunod ang itinalagang paglipol sa lahat ng Canaanita. (Bil 33:55, 56; Huk 2:1-3, 11-23; Aw 106:34-43) Binabalaan ni Jehova ang mga Israelita na ang kaniyang katarungan at mga kahatulan ay walang itatangi at na kung ang mga Israelita ay magkakaroon ng kaugnayan sa mga Canaanita, makikipag-asawa sa mga ito, makikibahagi sa relihiyon ng mga ito, at susunod sa relihiyosong mga kaugalian at buktot na mga gawain ng mga ito, tiyak na itatalaga rin sila sa pagkalipol at sila rin ay ‘isusuka mula sa lupain.’—Exo 23:32, 33; 34:12-17; Lev 18:26-30; Deu 7:2-5, 25, 26.

Espirituwal na Hiyas

it-1 895 ¶1

Hangganan

Pagkatapos na maitalaga sa pamamagitan ng palabunutan ang magiging heograpikong lokasyon ng isang tribo, kailangan namang italaga ang lawak ng teritoryo nito salig sa ikalawang salik: ang laki ng tribo. “Paghahati-hatian ninyo ang lupain bilang pag-aari sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa inyong mga pamilya. Ang marami ay daragdagan ninyo ng kaniyang mana, at ang kaunti ay babawasan ninyo ng kaniyang mana. Kung saan lumabas ang palabunot para sa kaniya, iyon ang magiging kaniya.” (Bil 33:54) Ang pasiya sa pamamagitan ng palabunutan may kinalaman sa pangunahing heograpikong lokasyon ay mananatili, ngunit maaaring gumawa ng mga pagbabago sa laki ng mana. Kaya naman nang matuklasan na ang teritoryo ng Juda ay napakalaki, ang sukat ng lupain nito ay binawasan sa pamamagitan ng pag-aatas ng ilang bahagi nito sa tribo ni Simeon.​—Jos 19:9.

MAYO 24-30

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 34-36

“Manganlong kay Jehova”

w17.11 9 ¶4

Nanganganlong Ka Ba kay Jehova?

Pero paano naman ang kaso ng mga nakapatay nang di-sinasadya? Kahit aksidente lang iyon, may pagkakasala pa rin sila dahil nagbubo sila ng dugong walang-sala. (Gen. 9:5) Pero dahil sa awa ni Jehova, pinahihintulutan silang pumunta sa isa sa anim na kanlungang lunsod. Doon, protektado sila sa tagapaghiganti ng dugo. Ang nakapatay nang di-sinasadya ay dapat manatili sa kanlungang lunsod hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote.​—Bil. 35:15, 28.

w17.11 9 ¶6

Nanganganlong Ka Ba kay Jehova?

Kung ang isang Israelita ay nakapatay nang di-sinasadya, kailangan muna niyang iharap ang kaniyang kaso “sa pandinig ng matatandang lalaki” sa pintuang-daan ng kanlungang lunsod na pinuntahan niya, at tatanggapin nila siya doon. (Jos. 20:4) Pagkalipas ng ilang panahon, pababalikin nila siya sa lunsod kung saan nangyari ang pagpatay para malitis siya ng matatandang lalaki roon. (Basahin ang Bilang 35:24, 25.) Kapag idineklara ng matatandang lalaki na talagang aksidente ang nangyari, saka lang nila siya pababalikin sa kanlungang lunsod.

w17.11 11 ¶13

Nanganganlong Ka Ba kay Jehova?

Kapag nasa loob na ng kanlungang lunsod, ligtas na ang nakapatay nang di-sinasadya. Sinabi ni Jehova: “Ang mga [lunsod na] iyon ay magsisilbing kanlungan ninyo.” (Jos. 20:2, 3) Hindi na muling lilitisin ang kaso ng nakapatay, at hindi pahihintulutang pumasok sa lunsod ang tagapaghiganti ng dugo para patayin siya. Kaya hindi na niya kailangang matakot dahil hangga’t nasa loob siya ng lunsod, nasa ilalim siya ng proteksiyon ni Jehova. Pero hindi ito bilangguan. Makapagtatrabaho siya rito, makatutulong sa iba, at makapaglilingkod nang payapa kay Jehova. Oo, puwede pa rin siyang mabuhay nang masaya at may kabuluhan!

Espirituwal na Hiyas

w91 2/15 13 ¶13

Isang Katumbas na Pantubos Para sa Lahat

Gayunman, si Adan ni si Eva ay hindi nakikinabang sa pantubos. Nasa Kautusang Mosaiko ang ganitong simulain: “Huwag kayong tatanggap ng pantubos sa kaluluwa ng isang mamamatay-tao na karapat-dapat mamatay.” (Bilang 35:31) Si Adan ay hindi nadaya, kaya ang kaniyang pagkakasala ay kinusa, sinadya. (1 Timoteo 2:14) Katulad na rin iyon ng pagpatay sa kaniyang mga supling, sapagkat sila ngayon ay nagmana ng kaniyang di-kasakdalan, sa gayo’y sumasailalim ng sintensiyang kamatayan. Maliwanag, si Adan ay karapat-dapat mamatay, sapagkat bilang isang sakdal na tao, kusang pinili niya na sumuway sa kautusan ng Diyos. Labag nga sa matuwid na mga simulain ni Jehova kung ang pantubos ay kaniyang gagamitin kay Adan. Gayunman, sa pamamagitan ng pagbabayad ng isang halaga sa kasalanan ni Adan ay napawawalang-bisa ang sintensiyang kamatayan sa mga supling ni Adan! (Roma 5:16) Sa diwang legal, ang kapahamakang dulot ng kasalanan ay agad nasusugpo sa mismong panggagalingan nito. Ang tagatubos ay ‘dumaranas ng kamatayan para sa bawat tao,’ dinadala niya ang mga naibunga ng kasalanan para sa lahat ng mga anak ni Adan.​—Hebreo 2:9; 2 Corinto 5:21; 1 Pedro 2:24.

MAYO 31–HUNYO 6

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 1-2

“Humahatol Kayo Para sa Diyos”

w96 3/15 23 ¶1

Si Jehova—Maibigin sa Katuwiran at Katarungan

Ang hinirang na matatanda sa kongregasyon ay obligadong humatol sa mga kaso ng malubhang pagkakasala. (1 Corinto 5:12, 13) Kapag gumagawa ng gayon, inaalaala nila na layunin ng katarungan ng Diyos na magpakita ng awa hangga’t maaari. Kung walang batayan para rito—gaya sa kaso ng mga di-nagsisising makasalanan—hindi maaaring magpakita ng awa. Subalit hindi itinitiwalag ng matatanda ang isang manggagawa ng kasamaan buhat sa kongregasyon dahil sa paghihiganti. Umaasa sila na ang pagtitiwalag mismo ay aakay sa kaniya upang siya’y matauhan. (Ihambing ang Ezekiel 18:23.) Sa ilalim ng pagkaulo ni Kristo, naglilingkod ang matatanda sa kapakanan ng katarungan, at kasali rito ang pagiging gaya ng “isang kublihang dako buhat sa hangin.” (Isaias 32:1, 2) Samakatuwid ay kailangan silang magpakita ng pagkawalang-kinikilingan at pagkamakatuwiran.​—Deuteronomio 1:16, 17.

w02 8/1 9 ¶4

Matapat na Magpasakop sa Makadiyos na Awtoridad

Gayunman, hindi lamang kaalaman sa Kautusan ang kailangan sa pagiging isang hukom. Palibhasa’y di-sakdal, kinailangang maging alisto ang matatandang lalaki sa pagsugpo sa anumang maling hilig nila—tulad ng pagkamakasarili, pagtatangi, at kasakiman—na maaaring pumilipit sa kanilang paghatol. Sinabi ni Moises sa kanila: “Huwag kayong magtatangi sa paghatol. Pakikinggan ninyo ang maliit na gaya ng malaki. Huwag kayong matatakot dahil sa tao, sapagkat ang kahatulan ay nauukol sa Diyos.” Oo, ang mga hukom ng Israel ay humahatol para sa Diyos. Tunay nga itong isang kahanga-hangang pribilehiyo!—Deuteronomio 1:16, 17.

Espirituwal na Hiyas

w13 9/15 9 ¶9

Makapagtitiwala Ka sa mga Paalaala ni Jehova

Nang simulan ng mga Israelita ang paglalakbay sa ‘kakila-kilabot na ilang,’ na inabot nang 40 taon, hindi patiunang sinabi ni Jehova ang mga detalye kung paano niya sila papatnubayan, poprotektahan, at pangangalagaan. Pero lagi niyang ipinakikita na makapagtitiwala sila sa kaniya at sa kaniyang mga tagubilin. Ang haliging ulap sa araw at haliging apoy sa gabi ay nagsilbing paalaala sa mga Israelita na inaalalayan sila ni Jehova sa paglalakbay sa mapanganib na lupaing iyon. (Deut. 1:19; Ex. 40:36-38) Inilaan din niya ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. “Ang mismong mga kasuutan nila ay hindi naluma, at ang kanilang mga paa ay hindi namaga.” Talagang “hindi sila nagkulang ng anuman.”​—Neh. 9:19-21.

HUNYO 7-13

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 3-4

“Makikita sa Kautusan ni Jehova ang Karunungan at Katarungan”

it-2 1376 ¶2

Unawa

Ang masikap na pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos at ng kaniyang mga utos ay makatutulong sa isang tao na magtaglay ng mas malaking kaunawaan kaysa sa kaniyang mga guro at higit na unawa kaysa sa matatandang lalaki. (Aw 119:99, 100, 130; ihambing ang Luc 2:46, 47.) Ito’y sapagkat ang karunungan at unawa, sa diwa, ay nakalakip sa dalisay na mga tuntunin at mga hudisyal na batas ng Diyos; kaya nga kung may-katapatang susundin ng Israel ang mga ito, magiging dahilan ito upang malasin sila ng nakapalibot na mga bansa bilang “isang bayan na marunong at may unawa.” (Deu 4:5-8; Aw 111:7, 8, 10; ihambing ang 1Ha 2:3.) Kinikilala ng taong may unawa na hindi dapat labagin ang Salita ng Diyos, nais niyang makitang kaayon nito ang kaniyang landasin, at hinihiling niya ang tulong ng Diyos ukol dito. (Aw 119:169) Hinahayaan niyang mag-ugat sa kaniya nang malalim ang mensahe ng Diyos (Mat 13:19-23), isinusulat niya ito sa tapyas ng kaniyang puso (Kaw 3:3-6; 7:1-4), at nalilinang niya sa kaniyang sarili ang pagkapoot sa “bawat landas ng kabulaanan” (Aw 119:104). Noong narito sa lupa ang Anak ng Diyos, nagpakita siya ng unawa sa ganitong paraan, anupat hindi man lamang niya sinikap na iwasan ang kamatayan sa tulos dahil kailangan siyang mamatay sa gayong paraan upang matupad ang Kasulatan.​—Mat 26:51-54.

w99 11/1 20 ¶6-7

Kapag Umapaw ang Pagkabukas-palad

Palibhasa’y namangha sa kaniyang narinig at nakita, ang reyna ay may kapakumbabaang nagsabi: “Maligaya ang mga lingkod mong ito na palaging tumatayo sa harapan mo, na nakikinig sa iyong karunungan!” (1 Hari 10:4-8) Hindi niya ipinahayag na maliligaya ang mga lingkod ni Solomon dahil sa sila ay napalilibutan ng kasaganaan—bagaman totoo naman. Sa halip, ang mga lingkod ni Solomon ay pinagpala dahil maaari silang palaging makapakinig sa bigay-Diyos na karunungan ni Solomon. Kay inam na halimbawa ang reyna ng Sheba para sa bayan ni Jehova ngayon, na nasisiyahan sa mismong karunungan ng Maylalang at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo!

Kapansin-pansin din ang sumunod na komento ng reyna kay Solomon: “Pagpalain nawa si Jehova na iyong Diyos.” (1 Hari 10:9) Maliwanag na nakita niya ang kamay ni Jehova sa likod ng karunungan at kasaganaan ni Solomon. Ito ay kaayon ng ipinangako noon ni Jehova sa Israel. Ang ‘pag-iingat sa aking mga tuntunin,’ wika niya, “ay karunungan sa ganang inyo at pagkaunawa sa ganang inyo sa paningin ng mga bayan na makaririnig ng lahat ng tuntuning ito, at tiyak na sasabihin nila, ‘Ang dakilang bansang ito ay walang alinlangang isang bayan na marunong at may unawa.’”—Deuteronomio 4:5-7.

w07 8/1 29 ¶13

Ikaw ba ay “Mayaman sa Diyos”?

Kapag nagkakaloob si Jehova ng mga pagpapala sa kaniyang bayan, laging ang pinakamainam ang ibinibigay niya. (Santiago 1:17) Halimbawa, nang bigyan ni Jehova ang mga Israelita ng lupaing matatahanan, iyon ay “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” Bagaman ganito rin ang paglalarawan sa lupain ng Ehipto, may isang mahalagang bagay na ipinagkaiba ang lupaing ibinigay ni Jehova sa mga Israelita. Iyon ay “isang lupaing pinangangalagaan ni Jehova na iyong Diyos,” ang sabi ni Moises sa mga Israelita. Sa ibang salita, mananagana sila dahil pangangalagaan sila ni Jehova. Hangga’t nananatiling tapat ang mga Israelita kay Jehova, sagana silang pagpapalain at magkakaroon sila ng di-hamak na mas magandang buhay kaysa sa lahat ng iba pang bansang nakapalibot sa kanila. Oo, ang pagpapala ni Jehova ay “nagpapayaman”!—Bilang 16:13; Deuteronomio 4:5-8; 11:8-15.

Espirituwal na Hiyas

w04 9/15 25 ¶3

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Deuteronomio

4:15-20, 23, 24—Ang pagbabawal ba na gumawa ng inukit na mga imahen ay nangangahulugan na mali ang gumawa ng kawangis na mga bagay bilang dekorasyon? Hindi. Ang pagbabawal dito ay laban sa paggawa ng mga imahen sa pagsamba—laban sa ‘pagyukod sa mga idolo at paglilingkod sa mga iyon.’ Hindi ipinagbabawal ng Kasulatan ang pag-ukit ng mga eskultura o pagpinta ng mga bagay bilang dekorasyon.​—1 Hari 7:18, 25.

HUNYO 14-20

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 5-6

“Sanayin ang Inyong mga Anak na Ibigin si Jehova”

w05 6/15 20 ¶11

Mga Magulang, Ilaan ang mga Pangangailangan ng Inyong Pamilya

Sa paksang ito, marahil wala nang teksto sa Kasulatan ang mas madalas sipiin kaysa sa Deuteronomio 6:5-7. Pakisuyong buksan ang inyong Bibliya at basahin ang mga talatang iyon. Pansinin na sinabihan muna ang mga magulang na linangin ang kanilang sariling espirituwalidad, anupat pinasisidhi ang pag-ibig kay Jehova at isinasapuso ang kaniyang mga salita. Oo, kailangan ka munang maging seryosong estudyante ng Salita ng Diyos, anupat regular na binabasa ang Bibliya at binubulay-bulay ito upang magkaroon ka ng tunay na pagkaunawa at pag-ibig sa mga daan, simulain, at kautusan ni Jehova. Bilang resulta, mapupuno ang iyong puso ng kawili-wiling mga katotohanan sa Bibliya na magpapakilos sa iyo na makadama ng kagalakan, pagpipitagan, at pag-ibig kay Jehova. Magkakaroon ka ng maraming mabubuting bagay na maibabahagi sa iyong mga anak.​—Lucas 6:45.

w07 5/15 15

Paano Ko Matutulungan ang Aking mga Anak na Maging Tunay na Edukado?

Makikita hindi lamang sa iyong sinasabi kundi pati na rin sa iyong ginagawa ang iyong mga pangarap, mithiin, simulain, at mga kagustuhan. (Roma 2:21, 22) Mula sa pagkasanggol, natututo ang mga anak sa pamamagitan ng pagmamasid nang maigi sa kanilang mga magulang. Nakikita ng mga anak kung ano ang mahalaga sa kanilang mga magulang, at karaniwan nang ito rin ang mga bagay na nagiging mahalaga sa kanila. Kung talagang iniibig mo si Jehova, makikita iyan ng iyong mga anak. Halimbawa, makikita nila na mahalaga sa iyo ang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. Mauunawaan nila na inuuna mo sa iyong buhay ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Makikita nila sa iyong regular na pagdalo sa mga pulong Kristiyano at pakikibahagi sa pangangaral hinggil sa Kaharian na napakahalaga sa iyo ng sagradong paglilingkod kay Jehova.​—Mateo 28:19, 20; Hebreo 10:24, 25.

w05 6/15 21 ¶14

Mga Magulang, Ilaan ang mga Pangangailangan ng Inyong Pamilya

Gaya ng ipinakikita ng Deuteronomio 6:7, maraming pagkakataon kung saan matatalakay ninyong mga magulang ang espirituwal na mga bagay sa inyong mga anak. Naglalakbay man kayong magkakasama, gumagawang magkakasama, o nagrerelaks nang magkakasama, makasusumpong kayo ng mga pagkakataon upang ilaan ang espirituwal na mga pangangailangan ng inyong mga anak. Sabihin pa, hindi naman kailangang palagi na lamang “pinangangaralan” ang inyong mga anak tungkol sa mga katotohanan sa Bibliya. Sa halip, sikaping mapanatiling nakapagpapatibay at tungkol sa espirituwal ang usapan sa pamilya. Halimbawa, ang magasing Gumising! ay naglalaman ng maraming artikulo hinggil sa napakaraming iba’t ibang paksa. Ang gayong mga artikulo ay maaaring magbigay-daan sa mga pag-uusap tungkol sa mga hayop na nilalang ni Jehova, mga lugar sa palibot ng daigdig na likas na magaganda, at sa kahanga-hangang pagkakaiba-iba ng mga kultura at paraan ng pamumuhay ng mga tao. Ang gayong mga pag-uusap ay maaaring magpakilos sa mga kabataan na higit pang basahin ang mga literatura na inilalaan ng uring tapat at maingat na alipin.​—Mateo 24:45-47.

Espirituwal na Hiyas

w19.02 22 ¶11

Pag-ibig at Katarungan sa Sinaunang Israel

Aral: Hindi lang panlabas na anyo ang nakikita ni Jehova. Alam niya kung sino talaga tayo; nababasa niya ang ating puso. (1 Sam. 16:7) Hindi natin maitatago sa kaniya ang ating iniisip, nadarama, o ginagawa. Hinahanap niya ang mabubuting katangiang mayroon tayo, at gusto niyang mapasulong natin ang mga ito. Pero gusto rin niyang makita natin ang ating maling kaisipan at makontrol ito bago mauwi sa maling pagkilos.​—2 Cro. 16:9; Mat. 5:27-30.

HUNYO 21-27

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 7-8

“Huwag Kayong Makipag-alyansa sa Kanila sa Pag-aasawa”

w12 7/1 29 ¶2

Bakit Hiniling ng Diyos sa Kaniyang mga Mananamba na Mag-asawa Lang ng Kapananampalataya?

Una sa lahat, alam ni Jehova na gustong pasamain ni Satanas ang Kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagsamba sa diyus-diyosan. Nagbabala pa ang Diyos na “ihihiwalay [ng mga di-sumasampalataya] ang iyong anak mula sa pagsunod sa akin, at tiyak na paglilingkuran nila ang ibang mga diyos.” Napakasama ng magiging resulta nito. Kung sasamba ang bansang Israel sa ibang mga diyos, maiwawala nila ang pagsang-ayon at proteksiyon ng Diyos, anupat madali na silang matatalo ng kanilang mga kaaway. Kung gayon, paano na mailuluwal ng bansang Israel ang ipinangakong Mesiyas? Maliwanag, may dahilan si Satanas para akitin ang mga Israelita na mag-asawa ng mga di-sumasampalataya.

w15 3/15 30

Mag-asawa “Tangi Lamang sa Panginoon”​—Praktikal Pa Ba?

Pero ipinasulat pa rin ni Jehova sa kaniyang Salita ang utos na mag-asawa tangi lamang sa Panginoon. Bakit? Dahil alam niya kung ano ang makabubuti para sa kaniyang bayan. Hindi lang niya gustong maiwasan ng kaniyang mga lingkod ang kirot na bunga ng pagtahak sa maling landasin kundi nais din niyang maging maligaya sila. Nang ang mga Judio noong panahon ni Nehemias ay mag-asawa ng mga banyagang hindi sumasamba kay Jehova, binanggit ni Nehemias ang masamang halimbawa ni Solomon. Bagaman “minahal siya ng kaniyang Diyos, [si Solomon] ay pinagkasala ng mga asawang banyaga.” (Neh. 13:23-26) Kaya para sa ikabubuti ng mga lingkod ng Diyos, inuutusan niya tayo na mag-asawa lang ng tunay na mananamba. (Awit 19:7-10; Isa. 48:17, 18) Pinahahalagahan ng mga tunay na Kristiyano ang maibiging pangangalaga ng Diyos at nagtitiwala sila sa kaniyang patnubay. Sa pagpapasakop nila sa kaniya bilang Tagapamahala, ipinakikita nilang kinikilala nila siya bilang ang Soberano ng Uniberso.​—Kaw. 1:5.

w15 8/15 26 ¶12

Mag-ingat sa Pagpili ng mga Kasama sa mga Huling Araw

Ang mga Kristiyanong nag-iisip na mag-asawa ang lalo nang kailangang mag-ingat sa pagpili ng kasama. Maliwanag ang payo ng Bibliya: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman?” (2 Cor. 6:14) Pinapayuhan ng Bibliya ang mga lingkod ng Diyos na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon,” ibig sabihin, mag-asawa lang ng nakaalay at bautisadong mananamba ni Jehova na namumuhay ayon sa mga turo ng Bibliya. (1 Cor. 7:39) Kapag ang isa ay nag-asawa ng kapuwa Kristiyano, nagkakaroon siya ng kasamang nakaalay kay Jehova at tutulong sa kaniya na manatiling tapat sa Diyos.

Espirituwal na Hiyas

w04 2/1 13 ¶4

Inilalaan ni Jehova ang mga Pangangailangan Natin sa Araw-araw

Ang ating panalangin ukol sa tinapay sa araw-araw ay dapat ding magpaalaala sa atin sa pangangailangan natin ukol sa espirituwal na pagkain sa araw-araw. Bagaman gutom na gutom matapos ang mahabang pag-aayuno, nilabanan ni Jesus ang tukso ni Satanas na gawing tinapay ang mga bato, na sinasabi: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’” (Mateo 4:4) Sinipi rito ni Jesus ang propetang si Moises, na nagsabi sa mga Israelita: “Pinagpakumbaba ka [ni Jehova] at pinabayaan ka niyang magutom at pinakain ka niya ng manna, na hindi mo nakilala ni nakilala man ng iyong mga ama; upang ipakilala sa iyo na hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” (Deuteronomio 8:3) Ang paraan ng pagbibigay ni Jehova ng manna ay hindi lamang naglaan ng pisikal na pagkain kundi pati ng espirituwal na mga aral sa mga Israelita. Isa na rito, kailangan silang ‘mamulot ng kani-kaniyang bahagi sa bawat araw.’ Kapag kumuha sila ng sobra para sa isang araw, ang natira ay bumabaho at inuuod. (Exodo 16:4, 20) Gayunman, hindi ito nangyayari sa ikaanim na araw kapag kinakailangan nilang kumuha ng doble ng dami ng kinukuha nila sa araw-araw upang masapatan ang kanilang mga pangangailangan para sa Sabbath. (Exodo 16:5, 23, 24) Kaya ikinintal ng manna sa kanilang isip na kailangang maging masunurin sila at nakadepende ang kanilang buhay hindi lamang sa tinapay kundi sa “bawat pananalita sa bibig ni Jehova.”

HUNYO 28–HULYO 4

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 9-10

“Ano ang Hinihiling sa Iyo ni Jehova na Iyong Diyos?”

w09 10/1 10 ¶3-4

Ano ang Hinihiling sa Atin ni Jehova?

Ano ang dapat mag-udyok sa atin na kusang sumunod sa Diyos? Binanggit ni Moises ang isang punto. Sinabi niya: “Matakot kay Jehova na iyong Diyos.” (Talata 12) Hindi ito labis na pagkatakot sa maaaring maging parusa ng hindi pagsunod sa Diyos. Sa halip, ito ay may-pagpipitagang pagkatakot sa kaniya, anupat gusto natin siyang mapalugdan.

Ano naman ang dapat maging pangunahing motibo natin sa pagsunod sa Diyos? Sinabi ni Moises: “Ibigin siya [si Jehova] at paglingkuran si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa.” (Talata 12) Ang pag-ibig sa Diyos ay hindi lamang damdamin. Ipinaliwanag ng isang reperensiya: “Ang mga pandiwang Hebreo para sa damdamin ay maaari ding tumukoy kung minsan sa damdaming may kalakip na pagkilos.” Kaya kung talagang mahal natin ang Diyos, kikilos tayo sa paraang nakalulugod sa kaniya.​—Kawikaan 27:11.

w09 10/1 10 ¶6

Ano ang Hinihiling sa Atin ni Jehova?

Magdudulot ng pagpapala ang ating kusang pagsunod. Isinulat ni Moises: “Tuparin ang mga utos . . . na iniuutos ko sa iyo ngayon, para sa iyong ikabubuti.” (Talata 13) Oo, lahat ng utos ni Jehova—ang lahat ng hinihiling niya—ay para sa ating ikabubuti. Bakit natin nasabi iyan? Kasi, sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Kaya, ang kaniyang mga utos ay para sa ating walang-hanggang kapakanan. (Isaias 48:17) Kung susundin natin si Jehova, maiiwasan natin ang maraming kabiguan ngayon at aakay ito sa walang-hanggang mga pagpapala sa hinaharap sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian.

cl 16 ¶2

Talaga Bang ‘Makalalapit Ka sa Diyos’?

Si Abraham noon ay isa na nagtamasa ng gayong malapít na ugnayan. Tinukoy ni Jehova ang patriyarkang ito bilang “aking kaibigan.” (Isaias 41:8) Oo, itinuring ni Jehova si Abraham na isang personal na kaibigan. Ipinagkaloob kay Abraham ang matalik na ugnayang iyan sapagkat siya’y “nanampalataya kay Jehova.” (Santiago 2:23) Gayundin sa ngayon, si Jehova ay naghahanap ng mga pagkakataon upang ‘maging malapít’ sa mga naglilingkod sa kaniya dahil sa pag-ibig. (Deuteronomio 10:15) Ang kaniyang Salita ay humihimok: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Masusumpungan natin sa mga salitang ito kapuwa ang isang paanyaya at isang pangako.

Espirituwal na Hiyas

it-1 125

Anakim, Mga

Isang lahi ng napakatatangkad na mga tao na nanirahan sa mga bulubunduking pook ng Canaan at gayundin sa ilang baybaying lugar, partikular na sa T nito. Tatlong prominenteng lalaki ng mga Anakim ang naninirahan noon sa Hebron, samakatuwid nga, sina Ahiman, Sesai, at Talmai. (Bil 13:22) Doon unang nakita ng 12 Hebreong tiktik ang mga Anakim, anupat 10 sa mga tiktik ang nagbigay ng nakatatakot na ulat tungkol sa kanilang nakita at nagsabing ang mga taong iyon ay mga inapo ng mga Nefilim na nabuhay bago ang Baha at na parang “mga tipaklong” lamang ang mga Hebreo kung ihahambing sa kanila. (Bil 13:28-33; Deu 1:28) Dahil napakatatangkad nila, sa kanila inihahambing ang malahiganteng mga lalaki ng mga Emim at mga Repaim kapag inilalarawan ang mga ito. Lumilitaw na dahil sa kanilang kalakasan ay nagkaroon ng kasabihang, “Sino ang makatatayo nang matatag sa harap ng mga anak ni Anak?”—Deu 2:10, 11, 20, 21; 9:1-3.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share