Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
HULYO 5-11
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 11-12
“Ang Paraan ng Pagsambang Gusto ni Jehova”
Kaluluwa
Paglilingkod Nang Buong Kaluluwa. Gaya ng naipakita na, ang “kaluluwa” ay pangunahin nang tumutukoy sa buong pagkatao. Subalit may mga tekstong nagpapayo sa atin na hanapin, ibigin, at paglingkuran ang Diyos nang ‘ating buong puso at nang ating buong kaluluwa’ (Deu 4:29; 11:13, 18), samantalang sinasabi naman ng Deuteronomio 6:5: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas.” Sinabi ni Jesus na ang isa ay kailangang maglingkod nang kaniyang buong kaluluwa at lakas at, karagdagan pa, “nang iyong buong pag-iisip.” (Mar 12:30; Luc 10:27) Kung gayon, bakit pa binanggit ang ibang mga bagay na ito kasama ng kaluluwa yamang saklaw na ng kaluluwa ang lahat ng mga ito? Upang ilarawan ang posibleng kahulugan nito: Maaaring ipagbili ng isang tao ang kaniyang sarili (ang kaniyang kaluluwa) sa pagkaalipin sa iba, anupat nagiging pag-aari ng kaniyang panginoon. Gayunma’y baka hindi niya pinaglilingkuran ang kaniyang panginoon nang buong puso, nang bukal sa loob at may pagnanais na palugdan siya, at sa gayo’y baka hindi niya gamitin ang kaniyang buong lakas o ang kaniyang buong mental na kakayahan upang itaguyod ang mga kapakanan ng kaniyang panginoon. (Ihambing ang Efe 6:5; Col 3:22.) Kaya naman, maliwanag na binanggit ang iba pang mga aspektong ito upang mapagtuunan natin ng pansin at matandaan natin sa ating paglilingkod sa Diyos, na nagmamay-ari sa atin, at sa ating paglilingkod sa kaniyang Anak, na ang buhay ay ipinantubos sa atin. Kasangkot sa ‘buong-kaluluwang’ paglilingkod sa Diyos ang buong pagkatao, anupat walang bahagi, gawain, kakayahan, o pagnanasa ng katawan ang kinaliligtaan.—Ihambing ang Mat 5:28-30; Luc 21:34-36; Efe 6:6-9; Fil 3:19; Col 3:23, 24.
Altar
Inutusan ang mga Israelita na gibain ang lahat ng paganong altar at wasakin ang mga sagradong haligi at poste na karaniwang itinatayo sa tabi ng mga ito. (Exo 34:13; Deu 7:5, 6; 12:1-3) Hinding-hindi nila dapat kopyahin ang mga ito ni dapat man nilang paraanin sa apoy ang kanilang mga anak bilang handog gaya ng ginagawa ng mga Canaanita. (Deu 12:30, 31; 16:21) Sa halip na gumawa ng maraming altar, ang mga Israelita ay dapat magkaroon lamang ng iisang altar para sa pagsamba sa iisang tunay na Diyos, at ilalagay ito sa dakong pipiliin ni Jehova. (Deu 12:2-6, 13, 14, 27; ihambing ito sa Babilonya, kung saan may 180 altar para lamang sa diyosang si Ishtar.) Noong una ay tinagubilinan silang gumawa ng isang altar na yari sa di-tabas na mga bato pagkatawid nila sa Ilog Jordan (Deu 27:4-8), at itinayo naman ito ni Josue sa Bundok Ebal. (Jos 8:30-32) Pagkatapos hati-hatiin ang nalupig na lupain, ang mga tribo nina Ruben at Gad at ang kalahati ng tribo ni Manases ay nagtayo ng isang malaking altar sa tabi ng Jordan, na pansamantalang lumigalig sa iba pang mga tribo hanggang noong matiyak nila na ang altar ay hindi isang tanda ng apostasya kundi isang pinakaalaala lamang ng katapatan kay Jehova bilang ang tunay na Diyos.—Jos 22:10-34.
Espirituwal na Hiyas
it-1 818
Gerizim, Bundok
Ayon sa mga tagubiling ibinigay ni Moises, ang mga tribo ng Israel ay nagtipon sa Bundok Gerizim at Bundok Ebal sa utos ni Josue di-nagtagal pagkatapos nilang lupigin ang Ai. Doo’y narinig ng bayan ang pagbasa ng mga pagpapalang tatanggapin nila kung susundin nila si Jehova at ng mga sumpang sasapit sa kanila kung susuwayin nila siya. Ang mga tribo nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin ay tumayo sa harap ng Bundok Gerizim. Ang mga Levita at ang kaban ng tipan ay nasa libis, at ang anim pang tribo ay tumayo sa harap ng Bundok Ebal. (Deu 11:29, 30; 27:11-13; Jos 8:28-35) Lumilitaw na ang mga tribong nasa harap ng Bundok Gerizim ang tumugon sa mga pagpapalang binasa sa kanilang direksiyon, samantalang ang ibang mga tribo naman ang tumugon sa mga sumpang binasa sa direksiyon ng Bundok Ebal. Bagaman iminumungkahi na ang mga pagpapala ay binasa sa direksiyon ng Bundok Gerizim dahil mas maganda at mas mataba ito kaysa sa mabato at halos kalbo nang Bundok Ebal, walang ibinibigay na impormasyon ang Bibliya tungkol dito. Ang Kautusan ay binasa nang malakas “sa harap ng buong kongregasyon ng Israel, kasama ang mga babae at ang maliliit na bata at ang mga naninirahang dayuhan na lumalakad sa gitna nila.” (Jos 8:35) Mula sa harap ng alinmang bundok ay maririnig ng napakakapal na karamihang iyon ang mga salita. Malamang na ito’y dahil na rin sa mahusay na akustika ng lugar.—Tingnan ang EBAL, BUNDOK.
HULYO 12-18
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 13-15
“Makikita sa Kautusan ang Malasakit ni Jehova sa Mahihirap”
Ikapu
Waring mayroon pang karagdagang ikapu noon, ang ikalawang ikapu, na ibinubukod taun-taon para sa iba pang mga layunin at hindi bilang panustos ng Levitikong pagkasaserdote, bagaman nakikibahagi rin dito ang mga Levita. Karaniwan na, ang kalakhang bahagi nito ay ginagamit at tinatamasa ng pamilyang Israelita kapag nagtitipon sila sa mga pambansang kapistahan. Kung hindi madaling ibiyahe ang ikapung ito dahil sa layo ng Jerusalem, ito’y pinapalitan ng salapi at iyon ang ginagamit sa Jerusalem para sa panustos at kasiyahan ng sambahayan sa panahon ng banal na kombensiyon. (Deu 12:4-7, 11, 17, 18; 14:22-27) Pagkatapos, sa pagwawakas ng ikatlo at ikaanim na taon ng pitong-taóng siklo ng sabbath, ang ikapung ito, sa halip na gamitin sa mga gastusin sa mga pambansang asamblea, ay ibinubukod para sa mga Levita, mga naninirahang dayuhan, mga babaing balo, at mga batang lalaking walang ama, sa lokal na komunidad.—Deu 14:28, 29; 26:12.
it-2 1038
Sabbath, Taon ng
Ang taon ng Sabbath ay tinawag na “ang taon ng pagpapalaya [hash·shemit·tahʹ].” (Deu 15:9; 31:10) Sa taóng iyon, ang lupain ay nagtatamasa ng lubusang kapahingahan, o pagpapalaya, yamang hinahayaan itong di-nabubungkal. (Exo 23:11) Sa panahon ding iyon ay may kapahingahan, o pagpapalaya, sa mga pagkakautang. Ito ay “isang pagpapalaya para kay Jehova,” bilang parangal sa kaniya. Ngunit iba naman ang pangmalas dito ng ilan. Naniniwala ang ilang komentarista na ang mga utang ay hindi naman aktuwal na kinakansela, kundi, sa halip, hindi maaaring pilitin ng may pautang ang kaniyang kapuwa Hebreo na magbayad ng utang, yamang walang kita sa taóng iyon ang magsasaka; gayunman, maaaring pilitin ng nagpahiram ang isang banyaga na magbayad. (Deu 15:1-3) Naniniwala naman ang ilang rabbi na ang mga utang para sa kawanggawa upang matulungan ang isang kapatid na dukha ay kinakansela, ngunit iba ang kategorya ng mga utang may kaugnayan sa negosyo. Sinasabi nila na, noong unang siglo ng Karaniwang Panahon, pinasimulan ni Hillel ang isang pamamaraan kung saan ang nagpahiram ay maaaring magtungo sa hukuman at hilinging huwag kanselahin ang kaniyang pautang sa pamamagitan ng paggawa ng isang deklarasyon.—The Pentateuch and Haftorahs, inedit ni J. Hertz, London, 1972, p. 811, 812.
Alipin
Mga kautusan hinggil sa kaugnayan ng alipin at ng panginoon. Sa mga Israelita, naiiba ang katayuan ng aliping Hebreo sa katayuan ng alipin na banyaga, naninirahang dayuhan, o nakikipamayan. Bagaman ang aliping di-Hebreo ay mananatiling pag-aari ng kaniyang panginoon at maaaring ipamana ng ama sa anak (Lev 25:44-46), ang aliping Hebreo naman ay dapat palayain sa ikapitong taon ng pagkaalipin nito o sa taon ng Jubileo, alinman ang mauna. Sa panahon ng kaniyang pagkaalipin, ang aliping Hebreo ay dapat pakitunguhan bilang isang upahang trabahador. (Exo 21:2; Lev 25:10; Deu 15:12) Kung ipagbili ng isang Hebreo ang kaniyang sarili upang maging alipin ng isang naninirahang dayuhan, ng isang miyembro ng pamilya ng naninirahang dayuhan, o ng isang nakikipamayan, maaari siyang tubusin kailanman, anupat maaaring siya mismo ang tumubos sa kaniyang sarili o tutubusin siya ng isa na may karapatang tumubos. Ang halagang pantubos ay ibinabatay sa bilang ng mga taóng natitira hanggang sa taon ng Jubileo o hanggang sa ikapitong taon ng pagkaalipin. (Lev 25:47-52; Deu 15:12) Kapag pinagkakalooban ng kalayaan ang isang aliping Hebreo, ang panginoon niya ay dapat magbigay sa kaniya ng isang kaloob na tutulong sa kaniya na magkaroon ng mabuting pasimula bilang isang taong pinalaya. (Deu 15:13-15) Kung ang isang aliping lalaki ay pumasok nang may asawa, aalis na kasama niya ang kaniyang asawa. Gayunman, kung binigyan siya ng kaniyang panginoon ng isang asawa (maliwanag na isang babaing banyaga na walang karapatang lumaya sa ikapitong taon ng pagkaalipin), ang babae at ang mga anak niya rito ay mananatiling pag-aari ng panginoon. Sa gayong kalagayan, maaaring piliin ng aliping Hebreo na manatili sa kaniyang panginoon. Kung magkagayon, bubutasan ang kaniyang tainga sa pamamagitan ng balibol bilang tanda na magpapatuloy siya sa pagkaalipin hanggang sa panahong walang takda.—Exo 21:2-6; Deu 15:16, 17.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang matututuhan natin sa pagbabawal na mababasa sa Exodo 23:19: “Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina”?
Ang batas na ito sa Kautusang Mosaiko, na lumitaw nang tatlong ulit sa Bibliya, ay tutulong sa atin na maunawaan ang habag, ang pagkamagiliw, at ang pangmalas ni Jehova sa kung ano ang nararapat. Idiniriin din nito ang kaniyang pagkasuklam sa huwad na pagsamba.—Exodo 34:26; Deuteronomio 14:21.
Ang pagpapakulo sa batang kambing o iba pang hayop sa gatas ng ina nito ay salungat sa likas na kaayusan ni Jehova sa mga bagay-bagay. Inilaan ng Diyos ang gatas ng ina bilang pagkain ng batang kambing at upang tumulong sa paglaki nito. Ang pagluluto sa batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina, ayon sa isang iskolar, ay “kawalang-galang sa ugnayan ng ina at ng supling nito na itinatag at pinabanal ng Diyos.”
Bukod diyan, sinasabi ng ilan na ang pagpapakulo sa batang kambing sa gatas ng ina nito ay maaaring isang paganong ritwal na isinasagawa para magpasapit ng ulan. Kung totoo ito, ang pagbabawal ay nagsanggalang sa mga Israelita mula sa hangal at walang-awang relihiyosong mga gawain ng mga bansang nakapalibot sa kanila. Sa Kautusang Mosaiko, ang mga Israelita ay tahasang pinagbawalan na sumunod sa batas ng mga bansang iyon.—Levitico 20:23.
Bilang panghuli, makikita natin sa espesipikong batas na ito ang magiliw na pagkamahabagin ni Jehova. Sa katunayan, ang Kautusan ay naglalaman ng maraming katulad na utos laban sa kalupitan sa mga hayop at mga tuntunin laban sa mga gawaing salungat sa likas na kaayusan ng mga bagay-bagay. Halimbawa, may mga utos sa Kautusan na nagbabawal sa paghahain ng mga hayop na hindi pa nakakasama ng ina nito sa loob ng di-kukulangin sa pitong araw, pagpatay sa isang hayop at sa anak nito sa iisang araw, at pagkuha sa inahin kasama ng mga itlog o inakay nito mula sa pugad.—Levitico 22:27, 28; Deuteronomio 22:6, 7.
Maliwanag, ang Kautusan ay hindi lamang masalimuot na listahan ng mga utos at pagbabawal. Bukod sa iba pang mga bagay, ang mga simulain nito ay tumutulong sa atin na maging mas sensitibo sa mga pamantayang moral na talagang nagpapaaninag sa kamangha-manghang mga katangian ni Jehova.—Awit 19:7-11.
HULYO 19-25
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 16-18
“Mga Prinsipyo Para Makagawa ng Tamang Paghatol”
Pagkabulag
Ang pagkabigong maglapat ng katarungan dahil sa katiwalian sa paghatol ay isinagisag ng pagkabulag, at maraming payo sa Kasulatan laban sa panunuhol, pagbibigay ng kaloob, o pagtatangi, yamang maaaring mabulag sa mga bagay na iyon ang isang hukom at makahadlang sa walang-pagtatanging paglalapat ng katarungan. “Ang suhol ay bumubulag ng mga taong malinaw ang paningin.” (Exo 23:8) “Ang suhol ay bumubulag sa mga mata ng marurunong.” (Deu 16:19) Ang isang hukom, matuwid man siya at may pang-unawa, ay maaaring maapektuhan ng isang kaloob mula sa mga nasasangkot sa kaso, namamalayan man niya iyon o hindi. Maingat na isinasaalang-alang ng kautusan ng Diyos ang nakabubulag na epekto hindi lamang ng isang kaloob kundi gayundin ng damdamin, yamang sinasabi nito: “Huwag mong pakikitunguhan nang may pagtatangi ang maralita, at huwag mong kikilingan ang pagkatao ng isang dakila.” (Lev 19:15) Kaya udyok man ng sentimyento o upang maging popular sa karamihan, hindi dapat igawad ng isang hukom ang kaniyang desisyon laban sa mayaman dahil lamang sa mayaman ang mga ito.—Exo 23:2, 3.
Bilang, Numero
Dalawa. Madalas lumitaw ang bilang na dalawa sa mga legal na usapin. Mas matibay ang patotoo kapag magkasuwato ang salaysay ng dalawang saksi. Dalawang saksi, o kaya’y tatlo, ang kailangan upang mapagtibay ang isang usapin sa harap ng mga hukom. Ang simulaing ito ay sinusunod din sa kongregasyong Kristiyano. (Deu 17:6; 19:15; Mat 18:16; 2Co 13:1; 1Ti 5:19; Heb 10:28) Sinunod ng Diyos ang simulaing ito nang iharap niya ang kaniyang Anak sa mga tao bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Sinabi ni Jesus: “Sa inyong sariling Kautusan ay nakasulat, ‘Ang patotoo ng dalawang tao ay totoo.’ Isa ako na nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin.”—Ju 8:17, 18.
Saserdote
Ang mga saserdote ang pangunahing may pribilehiyo na magpaliwanag ng kautusan ng Diyos, at gumanap sila ng mahalagang papel sa hudikatura ng Israel. Tinutulungan nila ang mga hukom sa mga lunsod na itinakda sa kanila, at naglilingkod din silang kasama ng mga hukom sa napakahirap na mga kasong hindi mapagpasiyahan ng mga lokal na hukuman. (Deu 17:8, 9) Sa mga kaso ng di-nalutas na pagpaslang, kailangang presente sila kasama ng matatandang lalaki ng lunsod upang matiyak na nasusunod ang wastong pamamaraan at sa gayo’y maalis sa lunsod ang pagkakasala sa dugo. (Deu 21:1, 2, 5) Kung paratangan ng isang naninibughong lalaki ang kaniyang asawang babae ng lihim na pangangalunya, ang babae ay kailangang dalhin sa santuwaryo, kung saan isinasagawa ng saserdote ang itinakdang seremonya na humihiling sa tuwirang paghatol ni Jehova kung ang babae ay inosente o may-sala. (Bil 5:11-31) Sa lahat ng kaso, dapat igalang ang hatol na iginagawad ng mga saserdote o ng mga inatasang hukom; ang sinasadyang di-paggalang o pagsuway rito ay pinapatawan ng parusang kamatayan.—Bil 15:30; Deu 17:10-13.
Espirituwal na Hiyas
it-2 730
Pagtitiwalag
Sa ilalim ng Kautusan, upang maisagawa ang parusang paglipol, kailangang itatag ang katibayan sa bibig ng di-kukulangin sa dalawang saksi. (Deu 19:15) Ang mga saksing ito ang kailangang maunang bumato sa nagkasala. (Deu 17:7) Ipakikita nito ang kanilang sigasig sa kautusan ng Diyos at sa kadalisayan ng kongregasyon ng Israel at hahadlang din ito sa pagtestigo nang may kabulaanan, walang-ingat, o padalus-dalos.
HULYO 26–AGOSTO 1
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 19-21
“Napakahalaga kay Jehova ng Buhay ng Tao”
Tularan ang Katarungan at Awa ni Jehova
Madaling puntahan ang anim na kanlungang lunsod. Iniutos ni Jehova sa Israel na pumili ng tigatlong lunsod sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Bakit? Para maging madali at kumbinyenteng puntahan ng sinumang nakapatay nang di-sinasadya. (Bil. 35:11-14) Tinitiyak na laging maayos ang mga daan papunta sa mga kanlungang lunsod. (Deut. 19:3) Ayon sa tradisyong Judio, may mga posteng pananda na nagtuturo ng direksiyon papunta sa mga iyon. Dahil sa mga kanlungang lunsod, ang nakapatay nang di-sinasadya ay hindi kailangang tumakas sa banyagang lupain, kung saan posibleng masangkot siya sa huwad na pagsamba.
Tularan ang Katarungan at Awa ni Jehova
Isang pangunahing layunin ng mga kanlungang lunsod ay ang ipagsanggalang ang mga Israelita mula sa pagkakasala sa dugo. (Deut. 19:10) Napakahalaga ng buhay kay Jehova, at kinapopootan niya ang “mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala.” (Kaw. 6:16, 17) Dahil siya ay Diyos na makatarungan at banal, hindi niya ipinagkikibit-balikat kahit ang aksidenteng pagpatay. Totoo, pinagpapakitaan ng awa ang nakapatay nang di-sinasadya. Pero kailangan pa rin niyang iharap sa matatandang lalaki ang kaniyang kaso, at kung ideklara ngang aksidente ito, kailangan niyang manatili sa kanlungang lunsod hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote. Kaya posibleng habambuhay na siyang maninirahan doon. Naidiin nito sa lahat ng Israelita ang kabanalan ng buhay ng tao. Para maparangalan ang kanilang Tagapagbigay-Buhay, kailangan nilang tiyakin na hindi nila naisasapanganib ang buhay ng iba dahil sa kanilang kapabayaan.
it-1 617
Dugo
May karapatan ang tao na masiyahan sa buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa kaniya, at mananagot sa Diyos ang sinumang magkait sa kaniya ng buhay na iyon. Ipinakita ito ng sinabi ng Diyos sa mamamaslang na si Cain: “Ang dugo ng iyong kapatid ay sumisigaw sa akin mula sa lupa.” (Gen 4:10) Maging ang taong napopoot sa kaniyang kapatid, anupat naghahangad na mamatay na ito, o naninirang-puri rito o nagpapatotoo nang may kabulaanan laban dito, at sa gayon ay isinasapanganib ang buhay nito, ay nagkakasala may kaugnayan sa dugo ng kaniyang kapuwa.—Lev 19:16; Deu 19:18-21; 1Ju 3:15.
Espirituwal na Hiyas
Hukuman
Noon, ang lokal na hukuman ay nasa pintuang-daan ng isang lunsod. (Deu 16:18; 21:19; 22:15, 24; 25:7; Ru 4:1) Ang tinutukoy na “pintuang-daan” ay ang maluwang na dako sa loob ng lunsod malapit sa pintuang-daan. Sa mga pintuang-daan binabasa ang Kautusan sa nagkakatipong bayan at doon ipinahahayag ang mga ordinansa. (Ne 8:1-3) Sa pintuang-daan, madaling makakuha ng mga saksi para sa gawaing sibil, gaya ng bilihan ng ari-arian, at iba pa, yamang sa maghapon ay labas-pasok doon ang karamihan sa mga tao. Gayundin, dahil sa publisidad na natatamo ng alinmang paglilitis sa pintuang-daan, waring naiimpluwensiyahan ang mga hukom na maging maingat at makatarungan sa paglilitis at sa kanilang mga pasiya. Maliwanag na noon ay may isang dakong nakalaan malapit sa pintuang-daan kung saan maalwang makapangangasiwa ang mga hukom. (Job 29:7) Naglakbay si Samuel at inikot niya ang Bethel, Gilgal, at Mizpa at “humatol sa Israel sa lahat ng mga dakong ito,” gayundin sa Rama, sa kinaroroonan ng kaniyang bahay.—1Sa 7:16, 17.
AGOSTO 2-8
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 22-23
“Makikita sa Kautusan ang Malasakit ni Jehova sa mga Hayop”
it-2 859
Pasanin, Pabigat
Noong sinaunang mga panahon, mga hayop ang kadalasang ginagamit upang magdala ng pasan, at ang mga Israelita ay sinabihan na kapag nakita nila ang asno ng sinumang napopoot sa kanila na nakalugmok sa ilalim ng pasan nito, sa halip na iwanan ito, dapat na ‘kalagan ito ng isang tao nang walang pagsala.’ (Exo 23:5) Ang dami ng materyales na kayang dalhin ng isang hayop ay tinatawag na pasan, gaya ng “mapapasan [o, pasan] ng isang pares na mula.”—2Ha 5:17.
Deuteronomio
Ang mga hayop ay binigyan din ng maibiging konsiderasyon sa aklat ng Deuteronomio. Pinagbawalan ang mga Israelita na kunin ang ibon na nakaupo sa pugad, sapagkat madali itong hulihin dahil sa likas nitong ugali na ipagsanggalang ang kaniyang mga supling. Pahihintulutan itong makatakas, ngunit ang inakáy ay maaaring kunin ng mga Israelita para sa kanilang sarili. Sa gayon ay maaari pang magkaroon ng mga inakáy ang inahin. (Deu 22:6, 7) Hindi pinahihintulutan ang magsasaka na isingkaw ang asno sa isang toro, upang hindi mahirapan ang hayop na mas mahina. (22:10) Hindi dapat busalan ang toro habang gumigiik ng butil upang hindi ito mapahirapan dahil sa gutom samantalang nasa harap nito ang butil at nagpapagal ito sa paggiik niyaon.—25:4.
“Huwag Kayong Makipamatok Nang Kabilan”
GAYA ng makikita mo rito, mukhang hirap na hirap ang kamelyo at ang toro na magkatuwang sa pag-aararo. Ang pamatok na nag-uugnay sa kanila—nilayon para sa dalawang hayop na magkasinlaki at magkasinlakas—ay nagpapahirap sa dalawang hayop. Palibhasa’y nababahala sa kapakanan ng gayong mga hayop na humihila ng mabibigat na bagay, sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Huwag kang mag-aararo na isang toro at isang asno ang magkasama.” (Deuteronomio 22:10) Kapit din ang simulaing ito sa isang toro at isang kamelyo.
Karaniwan na, hindi pahihirapan ng isang magsasaka ang kaniyang mga hayop. Subalit kung wala siyang dalawang toro, maaari niyang pagsamahin sa isang pamatok ang dalawang hayop na mayroon siya. Maliwanag, ito ang ipinasiyang gawin ng magsasakang nasa larawan noong ika-19 na siglo. Dahil sa pagkakaiba sa kanilang laki at timbang, mahihirapang umalinsabay ang mas mahinang hayop, at mas mabibigatan naman ang mas malakas na hayop.
Espirituwal na Hiyas
it-2 1391
Utang, May Utang
Ang utang ay tumutukoy sa isang bagay na hiniram, isang bagay na dapat bayaran o ibalik. Sa sinaunang Israel, ang pangunahing dahilan kung bakit nagkakautang ang isang tao ay ang pagbagsak ng kabuhayan. Para sa isang Israelita, isang di-kaayaayang bagay ang pagkakaroon ng utang; sa diwa, ang nanghihiram ay nagiging lingkod ng nagpapahiram. (Kaw 22:7) Dahil dito, inutusan ang bayan ng Diyos na maging bukas-palad at huwag maging sakim kapag nagpapahiram sa mga kapuwa Israelita na nagdarahop, anupat hindi naghahangad na makinabang sa kanilang kagipitan sa pamamagitan ng pagsingil sa kanila ng interes. (Exo 22:25; Deu 15:7, 8; Aw 37:26; 112:5) Ngunit ang mga banyaga ay maaaring pagbayarin ng patubo, o interes. (Deu 23:20) Ayon sa mga Judiong komentarista, ang probisyong ito ay para sa mga pautang sa negosyo, hindi para sa mga kaso ng pagdarahop. Karaniwan na, pansamantala lamang ang pananatili sa Israel ng mga banyaga, kadalasa’y bilang mga mangangalakal, at makatuwirang asahan na magbabayad sila ng patubo, lalo na’t nagpapahiram din sila sa iba nang may patubo.
AGOSTO 9-15
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 24-26
“Makikita sa Kautusan ang Malasakit ni Jehova sa mga Babae”
Babae
Maging ang mga kautusang militar ay nangalaga sa kapakanan kapuwa ng babae at lalaki sa pagpapahintulot nito na maging malaya sa paglilingkod ang bagong-kasal na lalaki sa loob ng isang taon. Binigyan nito ang mag-asawa ng pagkakataong magkaroon ng anak, na isang malaking kaaliwan sa ina habang nasa malayo ang kaniyang asawa, at lalo na sakaling mamatay ito sa pagbabaka.—Deu 20:7; 24:5.
Paghihimalay
Maliwanag na ang mainam na kaayusang ito para sa mga dukha sa lupain, samantalang humihimok ng pagkabukas-palad, pagiging di-sakim, at pananalig sa pagpapala ni Jehova, ay hindi naman nagtataguyod ng katamaran. Binibigyang-liwanag nito ang pananalita ni David: “Hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.” (Aw 37:25) Kung sasamantalahin nila ang paglalaan sa kanila ng Kautusan, kahit ang mga dukha, kung masikap silang gagawa, ay hindi magugutom, at sila, ni ang kanilang mga anak, ay hindi mangangailangang mamalimos ng tinapay.
Alam Mo Ba?
Sa sinaunang Israel, kapag namatay ang isang lalaki na walang anak na lalaki, inaasahang pakakasalan ng kaniyang kapatid na lalaki ang nabiyuda para magkaroon ito ng anak at hindi maputol ang linya ng pamilya ng namatay. (Genesis 38:8) Nang maglaon, ang kaayusang ito ay isinama sa Kautusang Mosaiko at nakilala bilang pag-aasawa sa bayaw o pag-aasawa bilang bayaw. (Deuteronomio 25:5, 6) Ang ginawa ni Boaz, na nakaulat sa aklat ng Ruth, ay nagpapakita na obligasyon ng iba pang kamag-anak na lalaki ng namatay na gawin ito kung walang kapatid na lalaki ang namatay.—Ruth 1:3, 4; 2:19, 20; 4:1-6.
Ang pag-aasawa sa bayaw ay isinasagawa noong panahon ni Jesus gaya ng ipinakikita ng pagbanggit dito ng mga Saduceo na nakaulat sa Marcos 12:20-22. Sinabi ng unang-siglong Judiong istoryador na si Flavius Josephus na dahil sa kaayusang ito, naingatan ang pangalan ng pamilya, napanatili ang kanilang ari-arian, at napangalagaan ang kapakanan ng nabiyuda. Noong panahong iyon, ang asawang babae ay walang mana sa ari-arian ng kaniyang asawa. Pero kapag nagkaanak siya mula sa kaayusang ito, mananatili sa anak ang mana ng namatay.
Espirituwal na Hiyas
Diborsiyo
Kasulatan ng Diborsiyo. Bagaman nang dakong huli ay inabuso ang probisyon ng Kautusang Mosaiko para sa pagdidiborsiyo, hindi dapat ipalagay na naging madali para sa isang lalaking Israelita na diborsiyuhin ang kaniyang asawa. Upang magawa iyon, dapat muna siyang magsagawa ng pormal na mga hakbang. Kailangan siyang sumulat ng isang dokumento, anupat ‘susulat siya ng isang kasulatan ng diborsiyo para sa babae.’ Dapat itong ‘ilagay ng nakikipagdiborsiyong lalaki sa kamay ng babae at paalisin niya ito sa kaniyang bahay.’ (Deu 24:1) Bagaman hindi naglaan ng karagdagang detalye ang Kasulatan tungkol sa pamamaraang ito, lumilitaw na kasangkot sa legal na hakbang na ito ang pagsangguni sa awtorisadong mga lalaki, na maaaring magsikap muna na pagkasunduin ang mag-asawa. Ang panahong gagamitin sa paghahanda ng kasulatan at sa legal na pagpapatupad ng diborsiyo ay magbibigay naman ng pagkakataon sa nakikipagdiborsiyong lalaki na muling pag-isipan ang kaniyang pasiya. Kailangang may saligan ang diborsiyong iyon, at kapag wastong ikinapit ang tuntuning ito, tiyak na mahahadlangan ang padalus-dalos na pakikipagdiborsiyo. Gayundin, mapangangalagaan ang mga karapatan at ang kapakanan ng asawang babae. Hindi binabanggit sa Kasulatan kung ano ang nilalaman ng “kasulatan ng diborsiyo.”
AGOSTO 16-22
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 27-28
“Mapapasainyo ang Lahat ng Pagpapalang Ito”
Haring Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos—Para sa Iyong Kapakinabangan!
Siyempre pa, kasama sa pakikinig ang pagsasapuso sa sinasabi ng Salita ng Diyos at sa espirituwal na pagkaing inilalaan niya. (Mat. 24:45) Nangangahulugan din ito ng pagsunod sa Diyos at sa kaniyang Anak. Sinabi ni Jesus: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” (Mat. 7:21) At ang pakikinig sa Diyos ay nangangahulugan ng kusang-loob na pagpapasakop sa kaniyang kaayusan, ang kongregasyong Kristiyano na may hinirang na mga elder, ang “kaloob na mga tao.”—Efe. 4:8.
Aabot Kaya sa Iyo ang Pagpapala ni Jehova?
Ang pandiwang Hebreo na isinaling ‘patuloy na nakikinig’ sa Deuteronomio 28:2 ay nangangahulugan ng patuluyang pagkilos. Ang bayan ni Jehova ay hindi lamang dapat makinig sa kaniya nang paminsan-minsan; sila’y dapat na patuloy na makinig sa lahat ng pagkakataon. Saka lamang aabot sa kanila ang mga pagpapala ng Diyos. Ang pandiwang Hebreo na isinaling “aabot” ay kinikilalang termino sa pangangaso na kadalasang nangangahulugan na “maabutan” o “maabot.”
May-Pananabik na Hanapin ang Pagpapala ni Jehova
Ano ang dapat na maging saloobin ng mga Israelita sa kanilang pagsunod sa Diyos? Ayon sa Kautusan, hindi nalulugod ang Diyos kapag ang kaniyang bayan ay hindi naglilingkod sa kaniya “nang may pagsasaya at kagalakan ng puso.” (Basahin ang Deuteronomio 28:45-47.) Hindi sapat ang basta pagsunod lang sa mga utos, na magagawa rin naman ng mga hayop o mga demonyo. (Mar. 1:27; Sant. 3:3) Ang taimtim na pagsunod sa Diyos ay kapahayagan ng pag-ibig. Ginagawa ito nang may kagalakan, anupat nagtitiwalang hindi pabigat ang mga utos ni Jehova at na “siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”—Heb. 11:6; 1 Juan 5:3.
Espirituwal na Hiyas
it-2 424
Muhon
Ipinagbawal ng kautusan ni Jehova ang pag-uurong ng mga muhon. (Deu 19:14; tingnan din ang Kaw 22:28.) Sa katunayan, susumpain noon ang mag-uurong ng “muhon ng kaniyang kapuwa.” (Deu 27:17) Yamang ang mga may-ari ng lupa ay karaniwang umaasa sa ani mula sa kanilang mga lote ng lupa, ang pag-uurong ng muhon ay mangangahulugan ng pagkakait sa isang tao ng ilang bahagi ng kaniyang panustos. Ang paggawa nito ay katumbas ng pagnanakaw at ganito ito minamalas noong sinaunang panahon. (Job 24:2) Ngunit may mga taong walang prinsipyo na nagkasala ng ganitong mga pang-aabuso, at ang mga prinsipe noong panahon ni Oseas ay itinulad sa mga nag-uurong ng hangganan.—Os 5:10.
AGOSTO 23-29
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 29-30
“Hindi Ganoon Kahirap Maglingkod kay Jehova”
Binigyan Tayo ni Jehova ng Kalayaang Pumili
Mahirap bang malaman at sundin kung ano ang hinihiling ng Diyos sa atin? Sinabi ni Moises: “Ang utos na ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay hindi napakahirap para sa iyo, ni malayo man ito.” (Talata 11) Hindi humihiling si Jehova ng bagay na imposible. Makatuwiran, at madaling sundin ang kaniyang mga kahilingan. Madali ring malaman ang mga ito. Hindi natin kailangang umakyat “sa langit” o maglakbay sa “kabilang ibayo ng dagat” upang malaman kung ano ang inaasahan sa atin ng Diyos. (Talata 12, 13) Maliwanag na sinasabi sa atin ng Bibliya kung paano tayo dapat mamuhay.—Mikas 6:8.
Binigyan Tayo ni Jehova ng Kalayaang Pumili
“HINDI ko maipaliwanag kung bakit madalas akong makadama ng takot na hindi ako makapanatiling tapat kay Jehova.” Iyan ang sinabi ng isang babaing Kristiyano na nag-aakalang bigo na siya dahil sa masasamang nangyari sa kaniya noong bata pa siya. Gayon nga ba? Talaga bang wala na tayong magagawa pa sa ating kalagayan? Mayroon. Binigyan tayo ng Diyos na Jehova ng kalayaang magpasiya kung paano natin gagamitin ang ating buhay. Gusto ni Jehova na piliin natin ang tama, at sinasabi sa atin ng kaniyang Salita, ang Bibliya, kung paano natin ito magagawa. Tingnan ang mga salita ni Moises sa Deuteronomio kabanata 30.
Binigyan Tayo ni Jehova ng Kalayaang Pumili
Mahalaga ba kay Jehova kung ano ang ating pipiliin? Siyempre naman! Kinasihan ng Diyos si Moises na sabihin: “Piliin mo ang buhay.” (Talata 19) Paano natin magagawa ito? Sinabi ni Moises: “Sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya.” (Talata 20) Kung mahal natin si Jehova, susundin natin siya at mananatiling tapat, anuman ang mangyari. Sa paggawa nito, pinipili natin ang buhay—ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay ngayon at ang pag-asang buhay na walang hanggan sa dumarating na bagong sanlibutan ng Diyos.—2 Pedro 3:11-13; 1 Juan 5:3.
Espirituwal na Hiyas
Tainga, Pandinig
Sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod, tinukoy ni Jehova ang sutil at masuwaying mga Israelita bilang may ‘di-tuling mga tainga.’ (Jer 6:10; Gaw 7:51) Ang mga ito ay waring natatakpan ng isang bagay na nakahahadlang sa pagdinig. Ang mga ito ay mga tainga na hindi binuksan ni Jehova, na nagbibigay ng mga taingang nakauunawa at masunurin doon sa mga humahanap sa kaniya ngunit nagpapahintulot naman na pumurol ang espirituwal na pandinig ng mga masuwayin. (Deu 29:4; Ro 11:8) Inihula ng apostol na si Pablo ang isang panahon kung kailan mag-aapostata mula sa tunay na pananampalataya ang ilan na nag-aangking Kristiyano, anupat ayaw nilang marinig ang katotohanan ng Salita ng Diyos kundi nais nilang ‘makiliti’ ang kanilang mga tainga ng mga bagay na kalugud-lugod sa kanila, at sa gayon ay makikinig sa mga bulaang guro. (2Ti 4:3, 4; 1Ti 4:1) Gayundin, maaaring ‘mangilabot’ ang mga tainga ng isa kapag nakarinig siya ng nakatatakot na balita, lalo na ng balita tungkol sa kapahamakan.—1Sa 3:11; 2Ha 21:12; Jer 19:3.
AGOSTO 30–SETYEMBRE 5
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 31-32
“Matuto sa mga Ilustrasyong Ginamit sa Isang Awit”
“Tulungan Mo Akong Matakot sa Pangalan Mo Nang Buong Puso”
Noong malapit nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, may isang awit na itinuro si Jehova kay Moises. (Deut. 31:19) Pagkatapos, kailangan itong ituro ni Moises sa bayan. (Basahin ang Deuteronomio 32:2, 3.) Sa talata 2 at 3, kitang-kita na ayaw ni Jehova na itago ang pangalan niya at ituring itong napakasagrado para banggitin. Gusto niyang malaman ng lahat ang pangalan niya! Isa ngang pribilehiyo para sa mga Israelita na marinig si Moises habang itinuturo sa kanila ang tungkol kay Jehova at sa Kaniyang maluwalhating pangalan! Naginhawahan sila nito, gaya ng nagagawa ng ambon sa pananim. Paano tayo makakasiguro na makakaginhawa rin ang ating pagtuturo?
Kapag nagbabahay-bahay tayo o nagpa-public witnessing, magagamit natin ang Bibliya para maipakita sa mga tao na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Maibabahagi natin sa kanila ang magagandang literatura, video, at artikulo sa ating website na nagpaparangal kay Jehova. Sa trabaho naman, sa paaralan, o habang nagbibiyahe, may pagkakataon tayong ipakipag-usap ang tungkol sa ating pinakamamahal na Diyos at sa kaniyang personalidad. Kapag sinasabi natin sa kanila ang tungkol sa layunin ni Jehova para sa mga tao at sa lupa, natutulungan natin silang makita na mahal na mahal sila ni Jehova. Habang sinasabi natin sa iba ang katotohanan tungkol sa ating maibiging Ama, nakakatulong tayo sa pagpapabanal sa pangalan niya. Natutulungan natin ang mga tao na makita na kasinungalingan pala ang naituro sa kanila tungkol kay Jehova. Ang itinuturo natin sa mga tao mula sa Bibliya ang pinakanakakaginhawang bagay na puwede nilang matutuhan.—Isa. 65:13, 14.
Mga Ilustrasyon sa Bibliya—Nauunawaan Mo ba ang mga Ito?
Inihahalintulad din ng Bibliya si Jehova sa mga bagay na walang buhay. Inilalarawan siya bilang “ang Bato ng Israel,” “malaking bato,” at “moog.” (2 Samuel 23:3; Awit 18:2; Deuteronomio 32:4) Ano ang pagkakatulad? Kung paanong tiyak na hindi makikilos ang isang malaking bato, ang Diyos na Jehova ay isang tiyak na Pinagmumulan ng katiwasayan.
Tularan si Jehova Kapag Sinasanay ang Iyong mga Anak
Isaalang-alang ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova sa pakikitungo sa mga Israelita. Gumamit si Moises ng makabagbag-damdaming paghahambing upang ilarawan ang pag-ibig ni Jehova para sa bagong bansang Israel. Mababasa natin: “Gaya ng isang agila na gumagalaw ng kaniyang pugad, umaali-aligid sa kaniyang mga inakáy, nag-uunat ng kaniyang mga pakpak, kumukuha sa kanila, nagdadala sa kanila sa kaniyang mga bagwis, si Jehova lamang ang pumatnubay [kay Jacob].” (Deuteronomio 32:9, 11, 12) Upang maturuan ang kaniyang inakáy na lumipad, ‘ginagalaw [ng inang agila] ang kaniyang pugad,’ ipinapagaspas at ikinakampay ang kaniyang mga pakpak upang pakilusin ang kaniyang mga inakáy na lumipad. Kapag lumipad na sa wakas ang isang inakáy mula sa pugad, na kadalasang nasa isang mataas at malaking bato, ang inahin ay “umaali-aligid” sa inakáy. Kung sa wari’y lalagpak sa lupa ang inakáy, sasalimbay pababa ang inahin sa ilalim nito, anupat dinadala ito “sa kaniyang mga bagwis.” Sa maibiging paraan, inalagaan ni Jehova ang bagong silang na bansang Israel sa katulad na paraan. Ibinigay niya sa bayan ang Kautusang Mosaiko. (Awit 78:5-7) Pagkatapos ay maingat na binantayan ni Jehova ang bansa, anupat handa siyang sumaklolo kapag ang kaniyang bayan ay nasa kagipitan.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Deuteronomio
31:12. Ang mga kabataan ay dapat umupong kasama ng mga adulto sa mga pulong ng kongregasyon at magsikap na makinig at matuto.