Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr21 Setyembre p. 1-9
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2021
  • Subtitulo
  • SETYEMBRE 6-12
  • KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 33-34
  • “Manganlong sa ‘Walang-Hanggang mga Bisig’ ni Jehova”
  • it-1 1221
  • Jesurun
  • rr 120, kahon
  • Tulong Para Muling Makatayo
  • w11 9/15 19 ¶16
  • Takbuhin Nang May Pagbabata ang Takbuhan
  • Espirituwal na Hiyas
  • it-2 420 ¶1
  • Moises
  • SETYEMBRE 13-19
  • KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 1-2
  • “Kung Paano Ka Magiging Matagumpay”
  • w13 1/15 8 ¶7
  • Magpakalakas-Loob—Si Jehova ay Sumasaiyo!
  • w13 1/15 11 ¶20
  • Magpakalakas-Loob—Si Jehova ay Sumasaiyo!
  • Espirituwal na Hiyas
  • w04 12/1 9 ¶1
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Josue
  • SETYEMBRE 20-26
  • KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 3-5
  • “Pagpapalain ni Jehova ang Ipinapakita Nating Pananampalataya”
  • it-1 1246
  • Jordan
  • w13 9/15 16 ¶17
  • Ipagbunyi sa Iyong Puso ang mga Paalaala ni Jehova
  • w13 9/15 16 ¶18
  • Ipagbunyi sa Iyong Puso ang mga Paalaala ni Jehova
  • Espirituwal na Hiyas
  • w04 12/1 9 ¶2
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Josue
  • SETYEMBRE 27–OKTUBRE 3
  • KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 6-7
  • “Iwasan ang mga Bagay na Walang Kabuluhan”
  • w10 4/15 20 ¶5
  • Huwag Tumingin sa mga Bagay na Walang Kabuluhan!
  • w97 8/15 28 ¶2
  • Bakit Dapat Ipagbigay-alam ang Masama?
  • w10 4/15 21 ¶8
  • Huwag Tumingin sa mga Bagay na Walang Kabuluhan!
  • Espirituwal na Hiyas
  • w15 11/15 13 ¶2-3
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • OKTUBRE 4-10
  • KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 8-9
  • “Mga Aral Tungkol sa mga Gibeonita”
  • it-1 823
  • Gibeon
  • w11 11/15 8 ¶14
  • “Huwag Kang Manalig sa Iyong Sariling Pagkaunawa”
  • w04 10/15 18 ¶14
  • “Libutin Mo ang Lupain”
  • Espirituwal na Hiyas
  • it-2 577
  • Pagbibitin
  • OKTUBRE 11-17
  • KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 10-11
  • “Nakipaglaban si Jehova Para sa Israel”
  • it-1 50
  • Adoni-zedek
  • it-1 846
  • Graniso
  • w04 12/1 11 ¶1
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Josue
  • Espirituwal na Hiyas
  • w09 3/15 32 ¶5
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • OKTUBRE 18-24
  • KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 12-14
  • “Sundin si Jehova Nang Buong Puso”
  • w04 12/1 12 ¶2
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Josue
  • w06 10/1 18 ¶11
  • Malakas ang Loob Dahil sa Pananampalataya at Makadiyos na Takot
  • Espirituwal na Hiyas
  • it-1 808
  • Gebal
  • OKTUBRE 25-31
  • KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 15-17
  • “Ingatan ang Iyong Napakahalagang Mana”
  • it-1 964 ¶1
  • Hebron
  • it-2 997
  • Puwersahang Pagtatrabaho
  • it-1 475 ¶2
  • Canaan
  • Espirituwal na Hiyas
  • w15 7/15 32
  • Alam Mo Ba?
  • Marami bang kagubatan sa sinaunang Israel gaya ng inilalarawan sa Bibliya?
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2021
mwbr21 Setyembre p. 1-9

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

SETYEMBRE 6-12

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | DEUTERONOMIO 33-34

“Manganlong sa ‘Walang-Hanggang mga Bisig’ ni Jehova”

it-1 1221

Jesurun

Isang titulong pandangal para sa Israel. Sa Griegong Septuagint ang “Jesurun” ay naging isang termino ng pagmamahal, anupat isinalin itong “minamahal.” Ang katawagang “Jesurun” ay dapat sanang nagpaalaala sa Israel sa pagkatawag dito bilang katipang bayan ni Jehova, samakatuwid ay sa pananagutan nito na manatiling matuwid. (Deu 33:5, 26; Isa 44:2) Sa Deuteronomio 32:15, ginagamit ang pangalang Jesurun sa kabalintunaan. Sa halip na mamuhay ayon sa pangalan nito na Jesurun, ang Israel ay naging suwail, iniwan ang Maylikha nito, at hinamak ang Tagapagligtas nito.

rr 120, kahon

Tulong Para Muling Makatayo

Maaalaala natin na maraming siglo bago ang panahon ni Ezekiel, sinabi ni propeta Moises na bukod sa may kapangyarihan si Jehova, may pagnanais din siyang gamitin ang lakas niya alang-alang sa kaniyang bayan. Isinulat ni Moises: “Ang Diyos ay kanlungan mula pa nang unang panahon, nakasuporta sa iyo ang walang-hanggang mga bisig niya.” (Deut. 33:27) Kung lalapit tayo sa Diyos na Jehova kapag may problema, siguradong susuportahan niya tayo ng kaniyang mga bisig at dahan-dahan tayong aalalayan para muli tayong makatayo.—Ezek. 37:10.

w11 9/15 19 ¶16

Takbuhin Nang May Pagbabata ang Takbuhan

16 Gaya ni Abraham, hindi nakita ni Moises ang katuparan ng pangako ng Diyos. Noong nasa ilang ang mga Israelita, sina Moises at Aaron ay nayamot sa katigasan ng ulo ng bayan. Dahil dito, silang dalawa ay “naging masuwayin [sa Diyos] sa gitna ng mga anak ni Israel sa tubig ng Meriba.” Kaya naman, nang malapit nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, sinabi ng Diyos kay Moises: “Mula sa malayo ay makikita mo ang lupain, ngunit hindi ka makapapasok doon sa lupain na ibinibigay ko sa mga anak ni Israel.” (Deut. 32:51, 52) Nasiraan ba ng loob si Moises o naghinanakit? Hindi. Hiniling niya kay Jehova na pagpalain ang bayan. Ganito ang kaniyang huling mga salita: “Maligaya ka, O Israel! Sino ang gaya mo, isang bayan na nagtatamasa ng kaligtasan kay Jehova, ang kalasag na iyong tulong, at Siya na iyong tabak na marilag?”—Deut. 33:29.

Espirituwal na Hiyas

it-2 420 ¶1

Moises

Si Moises ay 120 taóng gulang nang mamatay siya. Bilang patotoo na siya’y may likas na kalakasan, nagkomento ang Bibliya: “Ang kaniyang mata ay hindi lumabo, at ang kaniyang lakas ay hindi nawala.” Inilibing siya ni Jehova sa isang lugar na hindi kailanman natuklasan. (Deu 34:5-7) Malamang na ito’y upang hindi makagawa roon ng dambana ang mga Israelita at masilo sa huwad na pagsamba. Maliwanag na hinangad ng Diyablo na gamitin ang katawan ni Moises sa gayong layunin, sapagkat si Judas, ang Kristiyanong alagad at kapatid sa ina ni Jesu-Kristo, ay sumulat: “Nang si Miguel na arkanghel ay magkaroon ng pakikipaghidwaan sa Diyablo at makipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, hindi siya nangahas na magpataw ng hatol laban sa kaniya sa mapang-abusong mga salita, kundi nagsabi: ‘Sawayin ka nawa ni Jehova.’” (Jud 9) Bago tumawid patungo sa Canaan sa ilalim ng pangunguna ni Josue, nagdaos ang Israel ng 30-araw na yugto ng pagdadalamhati para kay Moises.—Deu 34:8.

SETYEMBRE 13-19

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 1-2

“Kung Paano Ka Magiging Matagumpay”

w13 1/15 8 ¶7

Magpakalakas-Loob—Si Jehova ay Sumasaiyo!

7 Para magkaroon ng lakas ng loob na gawin ang kalooban ng Diyos, dapat nating pag-aralan at ikapit ang kaniyang Salita. Ganiyan ang sinabi ni Jehova kay Josue nang humalili siya kay Moises: “Magpakalakas-loob ka lamang at lubhang magpakatibay na ingatang gawin ang ayon sa buong kautusan na iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. . . . Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at babasahin mo ito nang pabulong araw at gabi, upang maingatan mong gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat sa gayon ay gagawin mong matagumpay ang iyong lakad at sa gayon ay kikilos ka nang may karunungan.” (Jos. 1:7, 8) Sinunod ni Josue ang payong iyan, at naging ‘matagumpay ang kaniyang lakad.’ Kung tutularan natin siya, magkakaroon tayo ng higit na lakas ng loob at magtatagumpay sa paglilingkod sa Diyos.

w13 1/15 11 ¶20

Magpakalakas-Loob—Si Jehova ay Sumasaiyo!

20 Hindi madaling gawin ang kalooban ng Diyos sa harap ng mga pagsubok na nararanasan natin sa balakyot na sanlibutang ito. Pero hindi tayo nag-iisa. Sumasaatin ang Diyos. Sumasaatin din ang kaniyang Anak, na Ulo ng kongregasyon. Kasama rin natin ang ating 7,000,000 kapuwa Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Lahat nawa tayo ay patuloy na manampalataya at maghayag ng mabuting balita habang isinasaisip natin ang taunang teksto para sa 2013: “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay. . . . Si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo.”—Jos. 1:9.

Espirituwal na Hiyas

w04 12/1 9 ¶1

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Josue

2:4, 5—Bakit iniligaw ni Rahab ang mga lalaking isinugo ng hari upang hanapin ang mga tiktik? Ipinagsanggalang ni Rahab ang mga tiktik kahit nanganib ang kaniyang buhay sapagkat nanampalataya siya kay Jehova. Kaya naman wala siyang pananagutang isiwalat ang kinaroroonan ng mga tiktik sa mga taong naghahangad na pinsalain ang bayan ng Diyos. (Mateo 7:6; 21:23-27; Juan 7:3-10) Sa katunayan, si Rahab ay ‘ipinahayag na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa,’ kasali na ang ginawa niyang pagligáw sa mga sugo ng hari.—Santiago 2:24-26.

SETYEMBRE 20-26

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 3-5

“Pagpapalain ni Jehova ang Ipinapakita Nating Pananampalataya”

it-1 1246

Jordan

Kadalasan, ang seksiyon ng Jordan sa ibaba ng Dagat ng Galilea ay may katamtamang lalim na mula 1 hanggang 3 m (3 hanggang 10 piye) at humigit-kumulang 27 hanggang 30 m (90 hanggang 100 piye) ang lapad nito. Ngunit kapag tagsibol, inaapawan ng Jordan ang mga pampang nito at ito’y nagiging higit na mas malapad at mas malalim. (Jos 3:15) Kapag umaapaw, mapanganib para sa bansang Israel na binubuo ng mga lalaki, mga babae, at mga bata ang tumawid sa Jordan, lalo na malapit sa Jerico. Napakalakas ng agos doon anupat nitong nakalipas na mga panahon ay may mga naliligo roon na aktuwal na natangay. Gayunman, makahimalang pinatigil noon ni Jehova ang Jordan, anupat ang mga Israelita ay nakatawid sa tuyong lupa. (Jos 3:14-17) Pagkaraan ng ilang siglo, isang katulad na himala ang nangyari kay Elias habang kasama niya si Eliseo, at noong minsan ay kay Eliseo lamang.—2Ha 2:7, 8, 13, 14.

w13 9/15 16 ¶17

Ipagbunyi sa Iyong Puso ang mga Paalaala ni Jehova

17 Paano tumitibay ang ating pagtitiwala kay Jehova kapag may-katapatan nating ginagampanan ang ating atas? Kuning halimbawa ang ulat ng Bibliya tungkol sa pagpasok ng Israel sa Lupang Pangako. Inutusan ni Jehova ang mga saserdoteng tagabuhat ng kaban ng tipan na lumusong sa Ilog Jordan. Pero habang papalapít ang mga Israelita, nakita nila na ang tubig ay mataas at rumaragasa. Ano ang gagawin nila? Magkakampo sa pampang at maghihintay nang ilang linggo o mas mahaba pa hanggang sa humupa ang tubig? Hindi. Lubos silang nagtiwala kay Jehova at sinunod ang kaniyang mga tagubilin. Ang resulta? Sinasabi ng ulat: “Pagtuntong ng mga paa ng mga saserdote sa tubig, huminto ang agos ng ilog, . . . at ang mga saserdote ay tumayo sa gitna ng tuyong ilog malapit sa Jerico habang tumatawid ang bayan.” (Jos. 3:12-17, Contemporary English Version) Tiyak na nabuhayan sila ng loob nang makita nilang huminto ang rumaragasang tubig! Oo, napatibay ang pananampalataya ng mga Israelita kay Jehova dahil sinunod nila ang kaniyang mga tagubilin.

w13 9/15 16 ¶18

Ipagbunyi sa Iyong Puso ang mga Paalaala ni Jehova

18 Totoo, hindi na gumagawa ng gayong himala si Jehova para sa kaniyang bayan ngayon, pero pinagpapala niya sila sa pagiging masunurin. Pinalalakas sila ng aktibong puwersa ng Diyos para magampanan ang atas na mangaral tungkol sa Kaharian sa buong mundo. At ang pangunahing Saksi ni Jehova, ang binuhay-muling si Kristo Jesus, ay nangako sa kaniyang mga alagad na tutulungan niya sila sa mahalagang gawaing ito: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa . . . Ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 28:19, 20) Maraming Saksi na mahiyain o kimi ang makapagpapatunay na sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos, lumakas ang loob nilang magpatotoo kaninuman.—Basahin ang Awit 119:46; 2 Corinto 4:7.

Espirituwal na Hiyas

w04 12/1 9 ¶2

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Josue

5:14, 15—Sino ang “prinsipe ng hukbo ni Jehova”? Ang prinsipe na dumating upang palakasin si Josue nang magsimula ang pagsakop sa Lupang Pangako ay malamang na walang iba kundi “ang Salita”—si Jesu-Kristo bago siya naging tao. (Juan 1:1; Daniel 10:13) Tunay ngang nakapagpapalakas na matiyak na kasama ng bayan ng Diyos ngayon ang niluwalhating si Jesu-Kristo habang nakikipagbaka sila sa espirituwal!

SETYEMBRE 27–OKTUBRE 3

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 6-7

“Iwasan ang mga Bagay na Walang Kabuluhan”

w10 4/15 20 ¶5

Huwag Tumingin sa mga Bagay na Walang Kabuluhan!

5 Makalipas ang ilang siglo, nang “makita” ng Israelitang si Acan ang ilang bagay mula sa nabihag na lunsod ng Jerico, natukso siyang nakawin ang mga ito. Iniutos ng Diyos na sirain ang lahat ng bagay sa lunsod na iyon maliban sa ilang bagay na dapat dalhin sa kabang-yaman ni Jehova. Binabalaan ang mga Israelita: ‘Lumayo kayo mula sa bagay na nakatalaga sa pagkapuksa, dahil baka magkaroon kayo ng pagnanasa’ at kunin ang ilan sa mga ito. Nang sumuway si Acan, natalo ang bansang Israel sa lunsod ng Ai, at marami sa kanila ang namatay. Inamin lang ni Acan ang kaniyang pagnanakaw nang masukol na siya. “Nang makita ko” ang magagandang bagay, ang sabi ni Acan, “ninasa ko nga ang mga iyon, at kinuha ko.” Ang pagnanasa ng mata ay humantong sa kaniyang pagkapuksa, kasama “ang lahat ng bagay na kaniya.” (Jos. 6:18, 19; 7:1-26) Pinagnasaan ni Acan ang ipinagbabawal sa kaniya.

w97 8/15 28 ¶2

Bakit Dapat Ipagbigay-alam ang Masama?

Ang isang dahilan kung bakit dapat na ipagbigay-alam ang pagkakasala ay ang bagay na tumutulong ito sa pag-iingat ng kalinisan ng kongregasyon. Si Jehova ay isang malinis na Diyos, isang banal na Diyos. Kahilingan niya ang espirituwal at moral na kalinisan sa lahat niyaong sumasamba sa kaniya. Ganito ang paalaala ng kaniyang kinasihang Salita: “Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong pahubog alinsunod sa mga pagnanasa na dati ninyong taglay sa inyong kawalang-alam, kundi, alinsunod sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’” (1 Pedro 1:14-16) Ang mga taong nagsasagawa ng karumihan o kasamaan ay maaaring magdulot ng karungisan at di-pagsang-ayon ni Jehova sa buong kongregasyon maliban nang gumawa ng hakbang upang ituwid o alisin sila.—Ihambing ang Josue, kabanata 7.

w10 4/15 21 ¶8

Huwag Tumingin sa mga Bagay na Walang Kabuluhan!

8 Ang mga tunay na Kristiyano ay apektado rin ng pagnanasa ng mga mata at ng laman. Kaya naman hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na disiplinahin ang ating sarili may kinalaman sa ating tinitingnan at hinahangad. (1 Cor. 9:25, 27; basahin ang 1 Juan 2:15-17.) Alam ng matuwid na si Job na talagang magkaugnay ang pagtingin at ang paghahangad. Sinabi niya: “Nakipagtipan ako sa aking mga mata. Kaya paano ako makapagbibigay-pansin sa isang dalaga?” (Job 31:1) Hindi lang iniwasan ni Job na humawak sa isang babae nang may malisya; ni hindi niya hinayaang maglaro sa isip niya ang bagay na ito. Idiniin ni Jesus na dapat panatilihing malinis ang isipan mula sa imoral na mga bagay nang sabihin niya: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.”—Mat. 5:28.

Espirituwal na Hiyas

w15 11/15 13 ¶2-3

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Noon, karaniwan nang kinukubkob ng mga sumasalakay ang isang napapaderang lunsod. Gaano man katagal abutin ang pagkubkob, kapag nasakop na nila ang lunsod, sasamsamin pa rin nila ang lahat ng kayamanan nito, pati na ang natitirang pagkain. Pero ang mga arkeologo ay nakasumpong ng napakaraming suplay ng pagkain sa mga guho ng Jerico. Tungkol dito, sinasabi ng Biblical Archaeology Review: “Ang pinakamaraming bagay na nasumpungan sa kaguhuan, bukod sa mga kagamitang luwad, ay mga butil. . . . Kakaiba ang ganitong ulat sa kasaysayan ng arkeolohiya ng Palestina. Maaaring makasumpong ng isa o dalawang sisidlan, pero ang makasumpong ng gayon karaming butil ay di-pangkaraniwan.”

Ayon sa ulat ng Bibliya, may dahilan kung bakit hindi sinamsam ng mga Israelita ang mga butil sa Jerico. Ipinagbawal iyon ni Jehova. (Jos. 6:17, 18) Tagsibol nang sumalakay ang mga Israelita at katatapos lang ng anihan kaya napakaraming suplay ng butil. (Jos. 3:15-17; 5:10) Sa dami ng butil na nasumpungan sa Jerico, masasabi na talagang mabilis itong nasakop ng mga Israelita, gaya ng inilalarawan ng Bibliya.

OKTUBRE 4-10

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 8-9

“Mga Aral Tungkol sa mga Gibeonita”

it-1 823

Gibeon

Pakikipag-ugnayan kay Josue. Noong panahon ni Josue, ang Gibeon ay tinatahanan ng mga Hivita, isa sa pitong bansang Canaanita na nakahanay sa pagkapuksa. (Deu 7:1, 2; Jos 9:3-7) Ang mga Gibeonita ay tinatawag ding mga Amorita, yamang kung minsan, waring ikinakapit ang katawagang ito sa lahat ng mga Canaanita. (2Sa 21:2; ihambing ang Gen 10:15-18; 15:16.) Di-tulad ng ibang mga Canaanita, batid ng mga Gibeonita na sa kabila ng kanilang militar na lakas at ng kadakilaan ng kanilang lunsod, mabibigo lamang sila sa pakikipagbaka sapagkat ipinakikipaglaban ni Jehova ang Israel. Dahil dito, pagkatapos na mapuksa ang Jerico at Ai, ang mga lalaki ng Gibeon, lumilitaw na kumakatawan din sa tatlo pang Hivitang lunsod ng Kepira, Beerot, at Kiriat-jearim (Jos 9:17), ay nagpadala ng delegasyon kay Josue sa Gilgal upang makipagpayapaan. Ang Gibeonitang mga embahador—na nadaramtan ng sirang mga kasuutan at mga sandalyas at may dalang punít na mga sisidlang balat na pang-alak, mga sirang sako, at tinapay na tuyo na at madaling madurog—ay nagpakilalang nagmula sa isang malayong lupain, samakatuwid ay hindi hadlang sa pananakop ng Israel. Kinilala nila na si Jehova ang dahilan ng sinapit ng Ehipto at ng mga Amoritang hari na sina Sihon at Og. Ngunit may-katalinuhan nilang hindi binanggit ang nangyari sa Jerico at Ai, yamang imposibleng ang gayong balita ay makarating sa kanilang “napakalayong lupain” bago ang diumano’y paglisan nila. Sinuri ng mga kinatawan ng Israel ang katibayan at tinanggap nila iyon at nakipagtipan sila sa mga Gibeonita na pababayaan nilang mabuhay ang mga ito.—Jos 9:3-15.

w11 11/15 8 ¶14

“Huwag Kang Manalig sa Iyong Sariling Pagkaunawa”

14 Dahil sa di-kasakdalan, lahat tayo—pati na ang makaranasang mga elder—ay kailangang magpakaingat na huwag gumawa ng desisyon nang hindi isinasaalang-alang ang patnubay ni Jehova. Pansinin kung paano tumugon ang kahalili ni Moises na si Josue at ang matatandang lalaki ng Israel nang lumapit sa kanila ang matatalinong Gibeonita na nagpanggap na nagmula sila sa malayong lupain. Kahit hindi pa sila sumasangguni kay Jehova, nagpasiya si Josue at ang iba pa na makipagpayapaan sa mga Gibeonita at nakipagtipan sila sa mga ito. Bagaman nang maglaon ay sinuportahan ni Jehova ang kasunduang ito, tiniyak niya na ang pangyayaring ito—ang di-pagsangguni sa patnubay niya—ay maiulat sa Kasulatan para sa ating kapakinabangan.—Jos. 9:3-6, 14, 15.

w04 10/15 18 ¶14

“Libutin Mo ang Lupain”

14 Ang mga kinatawang iyon ay nagsabi: “Isang napakalayong lupain ang pinanggalingan ng iyong mga lingkod dahil sa pangalan ni Jehova na iyong Diyos.” (Josue 9:3-9) Waring pinatutunayan ng kanilang pananamit at dalang mga pagkain na galing nga sila sa malayo, pero ang totoo, mga 30 kilometro lamang ang Gibeon mula sa Gilgal. Dahil napaniwala, nakipagkaibigan naman si Josue at ang kaniyang mga pinuno sa Gibeon at sa karatig na mga lunsod na kaugnay ng Gibeon. Ang taktika bang ito ng mga Gibeonita ay para lamang makaiwas sa kamatayan? Sa kabaligtaran, nagpakita ito ng hangarin na makamit ang lingap ng Diyos ng Israel. Sumang-ayon si Jehova na ang mga Gibeonita ay maging “tagakuha ng kahoy at mga tagasalok ng tubig para sa kapulungan at para sa altar ni Jehova,” anupat nagsusuplay ng mga panggatong sa altar ng paghahain. (Josue 9:11-27) Patuloy ang mga Gibeonita sa pagpapakita ng pagnanais na gawin ang hamak na mga atas sa paglilingkod kay Jehova. Malamang na kabilang ang ilan sa kanila sa mga Netineo na bumalik mula sa Babilonya at naglingkod sa muling itinayong templo. (Ezra 2:1, 2, 43-54; 8:20) Matutularan natin ang kanilang saloobin sa pamamagitan ng pagsisikap na manatiling nakikipagpayapaan sa Diyos at handang gumawa kahit hamak na mga atas bilang paglilingkod sa kaniya.

Espirituwal na Hiyas

it-2 577

Pagbibitin

Sa ilalim ng kautusang ibinigay ni Jehova sa Israel, maaaring ibitin sa tulos ang ilang kriminal matapos silang patayin, bilang “isinumpa ng Diyos,” anupat itinatanghal sa madla bilang isang babalang halimbawa. Ang isang taong patay na ibinitin sa gayong paraan ay ibababa bago gumabi at ililibing; kung iiwan siya sa tulos nang buong magdamag, durungisan nito ang lupa na ibinigay ng Diyos sa mga Israelita. (Deu 21:22, 23) Sinunod ng Israel ang alituntuning ito kahit hindi Israelita ang pinatay.—Jos 8:29; 10:26, 27.

OKTUBRE 11-17

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 10-11

“Nakipaglaban si Jehova Para sa Israel”

it-1 50

Adoni-zedek

Isang hari ng Jerusalem noong panahon ng pananakop ng Israel sa Lupang Pangako. Nakisama si Adoni-zedek sa iba pang maliliit na kaharian sa K ng Jordan upang sama-sama nilang pigilan ang nanlulupig na mga hukbo ni Josue. (Jos 9:1-3) Gayunman, nakipagpayapaan kay Josue ang mga Hivitang tumatahan sa Gibeon. Bilang pagganti sa Gibeon at upang mahadlangan din ang iba sa paglipat sa panig ng kaaway, isinanib ni Adoni-zedek ang kaniyang hukbo sa mga hukbo ng apat pang hari ng mga Amorita, at kinubkob niya ang Gibeon at nakipagdigma siya rito. Dahil sa kagila-gilalas na pagliligtas ni Josue sa mga Gibeonita at sa matinding pagkatalo ng pinagsama-samang mga hukbong iyon, ang limang hari ay tumakas patungong Makeda, kung saan sila nasukol sa isang yungib. Si Josue mismo ang pumatay kay Adoni-zedek at sa apat pang hari sa harap ng kaniyang mga hukbo, at ibinitin sila sa mga tulos. Ang kanilang mga bangkay ay inihagis nang dakong huli sa loob ng yungib, na naging libingan nila.—Jos 10:1-27.

it-1 846

Graniso

Ginamit ni Jehova. Graniso ang isa sa mga puwersa na kung minsan ay ginagamit ni Jehova upang ganapin ang kaniyang salita at itanghal ang kaniyang dakilang kapangyarihan. (Aw 148:1, 8; Isa 30:30) Ang unang nakaulat na halimbawa nito ay ang ikapitong salot sa sinaunang Ehipto, isang mapaminsalang bagyo ng graniso na sumalanta sa pananim, sumira sa mga punungkahoy, at pumatay kapuwa ng mga tao at mga hayop na nasa parang ngunit hindi nakaapekto sa mga Israelita sa Gosen. (Exo 9:18-26; Aw 78:47, 48; 105:32, 33) Nang maglaon, sa Lupang Pangako, nang saklolohan ng mga Israelita, sa ilalim ni Josue, ang mga Gibeonita, na pinagbabantaan ng alyansa ng limang hari ng mga Amorita, malalaking batong graniso ang ginamit ni Jehova laban sa sumasalakay na mga Amorita. Sa pagkakataong ito, mas marami ang namatay sa mga batong graniso kaysa sa pakikipagbaka sa Israel.—Jos 10:3-7, 11.

w04 12/1 11 ¶1

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Josue

10:13—Paano naging posible ang gayong pambihirang pangyayari? “May anumang bagay ba na lubhang pambihira para kay Jehova,” ang Maylalang ng mga langit at ng lupa? (Genesis 18:14) Kung nanaisin niya, maaaring kontrolin ni Jehova ang galaw ng lupa upang ang araw at buwan ay waring hindi kumikilos sa paningin ng isang taong nasa lupa. O kaya’y mapananatili niyang di-nagbabago ang galaw ng lupa at buwan samantalang binabago ang direksiyon ng mga sinag ng liwanag mula sa araw at buwan sa paraang magpapatuloy ang sinag ng liwanag ng dalawang tanglaw na ito. Anuman ang nangyari, “wala pang araw ang naging katulad ng isang iyon” sa kasaysayan ng tao.—Josue 10:14.

Espirituwal na Hiyas

w09 3/15 32 ¶5

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Hindi natin dapat isipin na dahil binanggit sa Bibliya ang ilang aklat at dahil naging kapaki-pakinabang na reperensiya ang mga ito ay masasabi nang kinasihan ang mga ito. Gayunman, iningatan ng Diyos na Jehova ang mga akda na naglalaman ng “salita ng ating Diyos,” at ang mga ito ay “mananatili hanggang sa panahong walang takda.” (Isa. 40:8) Oo, pinili ni Jehova na maging bahagi ng 66 na aklat ng Bibliya kung ano lamang ang kailangan natin para “maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Tim. 3:16, 17.

OKTUBRE 18-24

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 12-14

“Sundin si Jehova Nang Buong Puso”

w04 12/1 12 ¶2

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Josue

14:10-13. Bagaman 85 anyos na, hiniling ni Caleb ang mahirap na atas na palayasin ang mga tao sa rehiyon ng Hebron. Ang lugar na iyon ay okupado ng mga Anakim—mga taong di-pangkaraniwan ang laki. Sa tulong ni Jehova, nagtagumpay ang bihasang mandirigmang ito, at naging isang kanlungang lunsod ang Hebron. (Josue 15:13-19; 21:11-13) Pinasisigla tayo ng halimbawa ni Caleb na huwag umiwas sa mahihirap na teokratikong mga atas.

w06 10/1 18 ¶11

Malakas ang Loob Dahil sa Pananampalataya at Makadiyos na Takot

11 Ang gayong pananampalataya ay sumusulong. Lumalaki ito habang namumuhay tayo alinsunod sa katotohanan, habang ‘natitikman’ natin ang mga kapakinabangan nito, habang nakikita natin ang mga sagot sa ating mga panalangin at, sa iba pang paraan, habang nadarama natin ang pag-akay ni Jehova sa ating buhay. (Awit 34:8; 1 Juan 5:14, 15) Makatitiyak tayo na habang natitikman nina Josue at Caleb ang kabutihan ng Diyos, lalong sumidhi ang kanilang pananampalataya. (Josue 23:14) Isaalang-alang ang mga puntong ito: Nakayanan nila ang 40-taóng paglalakbay sa ilang, gaya ng ipinangako ng Diyos. (Bilang 14:27-30; 32:11, 12) Binigyan sila ng aktibong papel sa anim-na-taóng paglupig sa Canaan. Kahuli-hulihan, natamasa nila ang mahabang buhay at mabuting kalusugan at tinanggap pa nga nila ang kani-kanila mismong mga mana. Talaga ngang ginagantimpalaan ni Jehova ang mga tapat at lakas-loob na naglilingkod sa kaniya!—Josue 14:6, 9-14; 19:49, 50; 24:29.

Espirituwal na Hiyas

it-1 808

Gebal

Isinama ni Jehova “ang lupain ng mga Gebalita” sa mga pook na kukunin pa lamang ng Israel noong mga araw ni Josue. (Jos 13:1-5) Itinawag-pansin ito ng mga kritiko bilang isang di-pagkakasuwato, yamang ang lunsod ng Gebal ay nasa malayong H ng Israel (mga 100 km [60 mi] sa H ng Dan) at lumilitaw na hindi kailanman napasailalim ng pamumuno ng Israel. Iminumungkahi ng ilang iskolar na ang tekstong Hebreo ay nasira sa talatang ito at itinuturing nila na ang sinaunang ulat ay kababasahan ng “ang lupaing karatig ng Lebanon,” o ‘hanggang sa hanggahan ng mga Gebalita.’ Gayunman, dapat ding pansinin na ang mga pangako ni Jehova sa Josue 13:2-7 ay may pasubali. Kaya maaaring hindi natamo ng Israel ang Gebal dahil sa sarili nitong pagsuway.—Ihambing ang Jos 23:12, 13.

OKTUBRE 25-31

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOSUE 15-17

“Ingatan ang Iyong Napakahalagang Mana”

it-1 964 ¶1

Hebron

Habang nagpapatuloy ang kampanya ng Israel sa timugang Canaan, ang mga naninirahan sa Hebron, pati na ang kanilang hari (maliwanag na ang kahalili ni Hoham), ay itinalaga sa pagkapuksa. (Jos 10:36, 37) Gayunman, bagaman sa ilalim ng pangunguna ni Josue ay naigupo ng mga Israelita ang kapangyarihan ng mga Canaanita, waring hindi sila agad nagtatag ng mga garison upang mapanatili nila ang kanilang kontrol sa mga lupaing nalupig nila. Maliwanag na habang nakikipagdigma ang Israel sa ibang lugar, muling nanirahan ang mga Anakim sa Hebron, anupat kinailangan ni Caleb (o ng mga anak ni Juda sa ilalim ng pangunguna ni Caleb) na agawin ang lunsod sa kanila ilang panahon pagkaraan nito. (Jos 11:21-23; 14:12-15; 15:13, 14; Huk 1:10) Bagaman ang Hebron ay orihinal na nakaatas kay Caleb na mula sa tribo ni Juda, nang maglaon ay binigyan ito ng sagradong katayuan bilang isang kanlungang lunsod. Nagsilbi rin itong isang lunsod ng mga saserdote. Gayunman, “ang parang ng lunsod [Hebron]” at ang mga pamayanan nito ay naging minanang pag-aari ni Caleb.—Jos 14:13, 14; 20:7; 21:9-13.

it-2 997

Puwersahang Pagtatrabaho

Maliwanag na pangkaraniwan ang paggamit ng “puwersahang pagtatrabaho” (sa Heb., mas) noong panahon ng Bibliya, anupat kadalasa’y ginagawang mga alipin ang nalupig na mga tao. (Deu 20:11; Jos 16:10; 17:13; Es 10:1; Isa 31:8; Pan 1:1) Bilang mga alipin na puwersahang pinagtrabaho, ang mga Israelita, sa ilalim ng tuwirang pangangasiwa ng mga Ehipsiyong pinuno na naniniil sa kanila, ay nakibahagi sa pagtatayo ng mga imbakang dako ng Pitom at Raamses. (Exo 1:11-14) Pagkatapos nito, nang makapasok sila sa Lupang Pangako, sa halip na sundin ang utos ni Jehova na palayasin ang lahat ng mga Canaanitang tumatahan sa lupain at italaga ang mga ito sa pagkapuksa, puwersahang pinagtrabaho ng mga Israelita ang mga ito bilang mga alipin. Nagkaroon ito ng masamang epekto anupat nagsilbing pain upang sumamba ang Israel sa huwad na mga diyos. (Jos 16:10; Huk 1:28; 2:3, 11, 12) Patuloy namang kinalap ni Haring Solomon ang mga inapo ng mga Canaanitang ito, samakatuwid nga, ng mga Amorita, mga Hiteo, mga Perizita, mga Hivita, at mga Jebusita, para sa mapang-aliping puwersahang pagtatrabaho.—1Ha 9:20, 21.

it-1 475 ¶2

Canaan

Bagaman napakarami sa mga Canaanita ang nakaligtas sa kalakhang bahagi ng pananakop at tumangging magpasupil, masasabi pa rin na “ibinigay ni Jehova sa Israel ang buong lupain na isinumpa niyang ibibigay sa kanilang mga ninuno,” na binigyan niya sila ng “kapahingahan sa buong palibot,” at na “walang isa mang pangako ang nabigo sa lahat ng mabuting pangako na binitiwan ni Jehova sa sambahayan ng Israel; ang lahat ay nagkatotoo.” (Jos 21:43-45) Sa buong palibot ng mga Israelita, ang mga kaaway na bayan ay pinanghinaan ng loob at hindi na naging malubhang banta sa kanilang katiwasayan. Sinabi ng Diyos noong una na “unti-unti” niyang palalayasin ang mga Canaanita upang hindi dumami ang mababangis na hayop kapag biglang natiwangwang ang lupain. (Exo 23:29, 30; Deu 7:22) Sa kabila ng mas mahuhusay na kasangkapang pandigma ng mga Canaanita, kasama na ang mga karong pandigma na may mga lingkaw na bakal, ang anumang pagkabigo ng mga Israelita nang dakong huli na makuha ang ilang lugar ay hindi maisisisi kay Jehova dahil sa anumang pagkabigo niya na tuparin ang kaniyang pangako. (Jos 17:16-18; Huk 4:13) Sa halip, ipinakikita ng ulat na ang iilang pagkatalo ng mga Israelita ay dahil sa kanilang kawalang-katapatan.—Bil 14:44, 45; Jos 7:1-12.

Espirituwal na Hiyas

w15 7/15 32

Alam Mo Ba?

Marami bang kagubatan sa sinaunang Israel gaya ng inilalarawan sa Bibliya?

SINASABI sa Bibliya na may mga lugar sa Lupang Pangako na magubat at ‘napakaraming’ puno. (1 Hari 10:27; Jos. 17:15, 18) Pero dahil halos wala nang kagubatan sa malalaking bahagi ng lupain sa ngayon, maaaring may mga nag-iisip kung ganoon ba ang kalagayan noon.

Ayon sa aklat na Life in Biblical Israel, “ang mga kagubatan sa sinaunang Israel ay di-hamak na mas malalawak kumpara ngayon.” Mga punong gaya ng Aleppo pine (Pinus halepensis), evergreen oak (Quercus calliprinos), at terebinth (Pistacia palaestina) ang karaniwan nang makikita roon. Sa Sepela, isang lugar na sumasaklaw sa mabababang burol sa pagitan ng gitnang kabundukan at ng Baybayin ng Mediteraneo, napakaraming igos ng sikomoro (Ficus sycomorus).

Sinasabi ng aklat na Plants of the Bible na sa ilang lugar sa Israel ngayon, wala nang makikitang puno. Bakit? Ipinaliliwanag ng aklat na hindi ito biglang nangyari: “Walang habas na sinisira ng tao ang likas na mga pananim, hindi lang para lumawak ang kanilang sinasakang lupa at pastulan, kundi para kumuha rin ng mga materyales sa konstruksiyon at ng panggatong.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share