Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
ENERO 3-9
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | HUKOM 15-16
“Napakasama ng Pagtataksil!”
Pagtataksil—Palatandaan ng Ating Panahon!
4 Ang unang halimbawa ay ang mapandayang si Delaila, na minahal ni Hukom Samson. Gustong pangunahan ni Samson ang pakikipaglaban ng bayan ng Diyos sa mga Filisteo. Marahil ay alam ng limang panginoon ng mga Filisteo na hindi tapat ang pag-ibig ni Delaila kay Samson. Kaya inalok nila siya ng malaking halaga para tuklasin kung saan nanggagaling ang pambihirang lakas ni Samson at nang mapatay nila ito. Tinanggap ng sakim na si Delaila ang kanilang alok, pero tatlong beses siyang nabigong malaman ang lihim ni Samson. Kaya naman patuloy niyang ginipit si Samson ng “kaniyang mga salita sa lahat ng pagkakataon at lagi siyang pinipilit.” Sa wakas, si Samson ay “hindi na nakatiis hanggang sa gusto na niyang mamatay.” Sinabi ni Samson na kailanman ay hindi pa nagupitan ang kaniyang buhok at kung magugupitan ito, mawawala ang kaniyang lakas. Nang malaman ito ni Delaila, pinatulog niya si Samson sa kaniyang kandungan at ipinaahit ang buhok nito. Pagkatapos, ibinigay niya si Samson sa kamay ng mga Filisteo. (Huk. 16:4, 5, 15-21) Napakasama ng ginawa niya! Dahil sa kaniyang pagkagahaman, ipinagkanulo ni Delaila ang taong nagmamahal sa kaniya.
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Hukom
14:16, 17; 16:16. Ang panggigipit na dinadaan sa iyak at paninisi ay makasisira ng ugnayan.—Kawikaan 19:13; 21:19.
Pagtataksil—Palatandaan ng Ating Panahon!
15 Paano makapananatiling matapat ang mga may-asawa sa kanilang kabiyak? Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan” at, “Tamasahin mo ang buhay kasama ng asawa na iniibig mo.” (Kaw. 5:18; Ecles. 9:9) Habang nagkakaedad ang mag-asawa, kailangan nilang gawin ang lahat para mapanatiling matibay ang kanilang ugnayan sa pisikal at emosyonal na paraan. Ano ang ibig sabihin nito? Kailangan nilang ilaan ang pangangailangan ng isa’t isa, gumugol ng panahon sa isa’t isa, at manatiling malapít sa isa’t isa. Dapat nilang patibayin ang kanilang pagsasama at ang kanilang kaugnayan kay Jehova. Para magawa ito, kailangan silang magkasamang mag-aral ng Bibliya, magkasamang gumawa nang regular sa ministeryo, at magkasamang manalangin para sa pagpapala ni Jehova.
MANATILING MATAPAT KAY JEHOVA
16 May mga miyembro ng kongregasyon na nakagawa ng malulubhang pagkakasala at sinaway “nang may kahigpitan, upang maging malusog sila sa pananampalataya.” (Tito 1:13) Dahil sa kanilang paggawi, ang ilan ay kinailangang itiwalag. Pero ang mga nasanay ng disiplina ay natulungang makapanauli sa espirituwal. (Heb. 12:11) Paano kung mayroon tayong kamag-anak o malapít na kaibigan na natiwalag? Masusubok dito kung kanino tayo matapat—sa taong iyon o sa Diyos. Kay Jehova tayo dapat maging matapat. Pinagmamasdan niya tayo kung susundin natin ang kaniyang utos na huwag makipag-ugnayan sa sinumang tiwalag.—Basahin ang 1 Corinto 5:11-13.
Espirituwal na Hiyas
Nagtagumpay si Samson Dahil sa Lakas ni Jehova!
Determinado si Samson na maabot ang kaniyang tunguhin, ang kaniyang pakikipagbaka sa mga Filisteo. Ang kaniyang pananatili sa bahay ng isang patutot sa Gaza ay para sa layuning labanan ang mga kaaway ng Diyos. Kailangan ni Samson ng matutuluyan sa gabi sa lunsod ng kaaway, at nasumpungan niya ito sa bahay ng isang patutot. Wala sa isip ni Samson na gumawa ng imoralidad. Umalis siya sa bahay ng babae nang maghatinggabi, sinunggaban ang mga pintuang-daan ng lunsod at ang dalawang posteng panggilid, at dinala ang mga ito sa taluktok ng bundok na malapit sa Hebron, mga 60 kilometro ang layo. Ginawa ito nang may pagsang-ayon at lakas mula sa Diyos.—Hukom 16:1-3.
ENERO 10-16
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | HUKOM 17-19
“Napapahamak ang mga Hindi Sumusunod sa Diyos”
Mikas
1. Isang lalaki mula sa Efraim. Bagaman labag sa ikawalo sa Sampung Utos (Exo 20:15), kumuha si Mikas ng 1,100 pirasong pilak mula sa kaniyang ina. Nang magtapat siya at ibalik ang mga iyon, sinabi nito: “Walang pagsalang dapat kong pabanalin kay Jehova ang pilak mula sa aking kamay para sa aking anak, upang gumawa ng isang inukit na imahen at isang binubong estatuwa; at ngayon ay isasauli ko iyon sa iyo.” Sa gayon ay nagdala siya ng 200 pirasong pilak sa isang panday-pilak, na gumawa ng “isang inukit na imahen at isang binubong estatuwa” na sa kalaunan ay napunta sa bahay ni Mikas. Si Mikas, na may “isang bahay ng mga diyos,” ay gumawa ng isang epod at terapim at binigyang-kapangyarihan ang isa sa kaniyang mga anak upang maglingkod bilang saserdote para sa kaniya. Bagaman ang kaayusang ito ay waring naglalayong parangalan si Jehova, lubha itong di-wasto, sapagkat nilabag nito ang utos na nagbabawal sa idolatriya (Exo 20:4-6) at binale-wala ang tabernakulo ni Jehova at ang kaniyang kaayusan ng pagkasaserdote. (Huk 17:1-6; Deu 12:1-14) Nang maglaon, dinala ni Mikas si Jonatan, isang inapo ng anak ni Moises na si Gersom, sa kaniyang tahanan, anupat inupahan niya ang kabataang Levitang ito bilang kaniyang saserdote. (Huk 18:4, 30) May-kamaliang nakadama ng kasiyahan sa bagay na ito, sinabi ni Mikas: “Ngayon ay alam kong gagawan ako ng mabuti ni Jehova.” (Huk 17:7-13) Ngunit si Jonatan ay hindi nagmula sa linya ni Aaron at sa gayon ay hindi man lamang kuwalipikado para sa makasaserdoteng paglilingkod, na lalo lamang nakaragdag sa kamalian ni Mikas.—Bil 3:10.
Mikas
Di-nagtagal pagkatapos nito, hinabol ni Mikas at ng isang pulutong ng mga lalaki ang mga Danita. Nang maabutan nila ang mga ito at tanungin sila kung ano ang nangyayari, sinabi ni Mikas: “Ang aking mga diyos na ginawa ko ay kinuha ninyo, gayundin ang saserdote, at yumayaon kayo, at ano pa ang nasa akin?” Dahil dito, nagbabala ang mga anak ni Dan na maaaring may sumalakay kung patuloy silang susundan ni Mikas at magrereklamo. Sa pagkakitang mas malakas ang mga Danita kaysa sa kaniyang pangkat, umuwi na si Mikas. (Huk 18:22-26) Pagkatapos nito, ibinagsak at sinunog ng mga Danita ang Lais, saka itinayo ang lunsod ng Dan sa kinaroroonan nito. Si Jonatan at ang kaniyang mga anak ay naging mga saserdote ng mga Danita, na ‘nagpanatiling nakatindig sa ganang kanila sa inukit na imahen ni Mikas, na ginawa niya, sa lahat ng mga araw na ang bahay ng tunay na Diyos [ang tabernakulo] ay nananatili sa Shilo.’—Huk 18:27-31.
Espirituwal na Hiyas
Isang Buháy na Salin ng Salita ng Diyos
6 May karagdagan pang ebidensiya para panatilihin ang pangalan ng Diyos sa Bibliya. Sa 2013 nirebisang edisyon ng New World Translation, makikita ang pangalan ni Jehova nang 7,216 na ulit, mas marami nang 6 na paglitaw kaysa sa 1984 edisyon. Ang limang karagdagang paglitaw ay makikita sa 1 Samuel 2:25; 6:3; 10:26; 23:14, 16. Idinagdag ang mga ito dahil ang pangalan ng Diyos ay matatagpuan sa mga tekstong iyon sa Dead Sea Scrolls, na nauna nang mahigit 1,000 taon sa Hebreong tekstong Masoretiko. Ang isa pa ay nasa Hukom 19:18, na resulta ng higit pang pag-aaral sa sinaunang mga manuskrito.
ENERO 17-23
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | HUKOM 20-21
“Laging Hingin ang Patnubay ni Jehova”
Matutularan Mo Ba si Pinehas sa Pagharap sa mga Hamon?
Matapos gahasain at paslangin ng mga Benjamitang taga-Gibeah ang babae ng isang Levita, naghandang makipagdigma ang ibang mga tribo sa tribo ni Benjamin. (Huk. 20:1-11) Bago lumaban, humingi sila ng tulong kay Jehova, pero dalawang ulit silang natalo, at marami sa kanila ang namatay. (Huk. 20:14-25) Iisipin kaya nilang hindi pinakinggan ang kanilang panalangin? Talaga kayang gusto ni Jehova na maglapat sila ng katarungan?
Matutularan Mo Ba si Pinehas sa Pagharap sa mga Hamon?
Ano ang matututuhan natin dito? May ilang problema sa kongregasyon na nagpapatuloy pa rin sa kabila ng pagsisikap ng mga elder na ayusin ito at kahit hinihiling nila ang tulong ng Diyos. Kapag ganito ang sitwasyon, makabubuting tandaan ng mga elder ang sinabi ni Jesus: “Patuloy na humingi [o manalangin], at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo.” (Luc. 11:9) Kahit parang hindi agad sinasagot ang kanilang panalangin, makatitiyak ang mga elder na tutugon si Jehova sa kaniyang takdang panahon.
Espirituwal na Hiyas
Alam Mo Ba?
Paano ginagamit sa sinaunang digmaan ang panghilagpos bilang sandata?
Ang panghilagpos ang sandatang ginamit ni David para patayin si Goliat. Lumilitaw na natutong gumamit ng sandatang ito ang kabataang si David noong mga taóng nagpapastol siya.—1 Samuel 17:40-50.
Makikita ang panghilagpos sa mga sining ng Ehipto at Asirya mula pa noong panahon ng Bibliya. Ang sandatang ito ay yari sa isang malapad na piraso ng balat o tela na nakakabit sa dalawang istrap o tali. Inilalagay ng tagapaghilagpos sa malapad na pirasong telang ito ang makinis o bilog na bato na sinlaki ng isang maliit na dalandan at may timbang na 250 gramo. Tapos paiikutin niya ito sa itaas ng kaniyang ulo at saka bibitiwan ang isang tali. Hihilagpos ang bato nang pagkalakas-lakas at eksakto sa target.
Maraming panghilagpos na ginamit sa mga sinaunang digmaan ang nahukay sa Gitnang Silangan. Maiaasinta ng isang bihasang mandirigma ang bato sa bilís na 160 hanggang 240 kilometro bawat oras. Pinagdedebatihan ng mga iskolar kung ang layo na natatarget ng panghilagpos at ang bilís nito ay gaya ng sa pana.—Hukom 20:16.
ENERO 24-30
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | RUTH 1-2
“Magpakita ng Tapat na Pag-ibig”
Tularan ang Malalapít na Kaibigan ni Jehova
5 Puwede sanang ikatuwiran ni Ruth na nasa Moab ang mga kapamilya niya at kamag-anak na maaaring kumupkop sa isang balong tulad niya. Tutal, taga-Moab naman siya. Pamilyar siya sa kultura, wika, at mga mamamayan nito. Walang ganiyang maipapangako si Noemi sa Betlehem. Pinayuhan nga niya si Ruth na magpaiwan na lang sa Moab. Nangangamba si Noemi na wala siyang mahahanap na asawa o tahanan para sa kaniyang mga manugang. Ano ang gagawin ni Ruth? Ibang-iba siya kay Orpa, na “bumalik na sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga diyos.” (Ruth 1:9-15) Nagpasiya si Ruth na huwag nang bumalik sa huwad na mga diyos ng kaniyang mga kababayan.
Tularan ang Malalapít na Kaibigan ni Jehova
6 Posibleng nalaman ni Ruth ang tungkol sa Diyos na Jehova mula sa kaniyang asawa o kay Noemi. Ibang-iba si Jehova sa mga diyos ng Moab. Alam ni Ruth na karapat-dapat si Jehova na ibigin at sambahin. Pero hindi sapat ang kaalaman. Kailangang magdesisyon si Ruth. Sasambahin ba niya si Jehova bilang kaniyang Diyos? Nakagawa si Ruth ng matalinong desisyon. “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan,” ang sabi niya kay Noemi, “at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” (Ruth 1:16) Kahanga-hanga ang pag-ibig ni Ruth para kay Noemi, pero mas kahanga-hanga ang pag-ibig niya kay Jehova. Pinuri pa nga siya ni Boaz, isang may-ari ng lupain, dahil nanganlong siya sa ilalim ng mga pakpak ni Jehova. (Basahin ang Ruth 2:12.) Ang paglalarawang ito ay nagpapaalaala sa atin ng isang inakáy na nanganganlong sa ilalim ng malalakas na pakpak ng kaniyang magulang. (Awit 36:7; 91:1-4) Sa katulad na paraan, maibiging pinrotektahan ni Jehova si Ruth at ginantimpalaan ang pananampalataya nito. Hindi pinagsisihan ni Ruth ang naging desisyon niya.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ruth
1:13, 21—Si Jehova ba ang nagpangyari ng kasawian sa buhay ni Noemi at nagdulot sa kaniya ng kalamidad? Hindi, at hindi pinaratangan ni Noemi ang Diyos ng paggawa ng masama. Gayunman, dahil sa lahat ng nangyari sa kaniya, inisip niyang si Jehova ay laban sa kaniya. Nakadama siya ng hinanakit at kabiguan. Bukod diyan, noong panahong iyon, ang pagkakaroon ng mga anak ay itinuturing na isang pagpapala mula sa Diyos samantalang ang pagkabaog ay itinuturing na isang sumpa. Palibhasa’y wala siyang apo at patay na ang kaniyang dalawang anak na lalaki, posibleng nadama ni Noemi na may dahilan siya upang isipin na hinamak siya ni Jehova.
ENERO 31–PEBRERO 6
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | RUTH 3-4
“Magkaroon ng Magandang Reputasyon at Panatilihin Ito”
“Isang Mahusay na Babae”
Tiyak na nawala ang kaba ni Ruth nang marinig niya ang mahinahong tinig ni Boaz: “Pagpalain ka nawa ni Jehova, anak ko. Ipinamalas mo ang iyong maibiging-kabaitan nang higit sa huling pagkakataon kaysa sa unang pagkakataon, sa hindi pagsunod sa mga kabinataan, maralita man o mayaman.” (Ruth 3:10) Ang “unang pagkakataon” ay tumutukoy sa matapat na pag-ibig ni Ruth nang sumama siya kay Noemi pabalik sa Israel at pangalagaan ito. Ang “huling pagkakataon” ay ang ginawa ni Ruth. Sinabi ni Boaz na ang isang kabataang gaya ni Ruth ay karaniwan nang pipili ng mas batang mapapangasawa, mayaman man o mahirap. Sa halip, gusto niyang gumawa ng mabuti hindi lang kay Noemi, kundi pati na sa namatay nitong asawa para magpatuloy ang pangalan ng asawa nito sa kanilang sariling lupain. Hindi nga kataka-takang hangaan ni Boaz ang babaing ito.
“Isang Mahusay na Babae”
Tiyak na masayang-masaya si Ruth kapag naiisip niya ang sinabi ni Boaz—na siya’y kilala ng mga tao bilang “isang mahusay na babae”! Walang-alinlangang nagkaroon siya ng gayong reputasyon dahil sa pagsisikap niyang makilala si Jehova at maglingkod sa kaniya. Nagpakita rin siya ng kabaitan at pagmamalasakit kay Noemi at sa mga kababayan nito, anupat handa siyang makibagay sa paraan ng pamumuhay at mga kaugaliang di-pamilyar sa kaniya. Para matularan ang pananampalataya ni Ruth, sikapin nating magpakita ng matinding paggalang sa iba at sa kanilang paraan ng pamumuhay at mga kaugalian. Kung gagawin natin iyan, magkakaroon din tayo ng magandang reputasyon.
“Isang Mahusay na Babae”
Naging asawa ni Boaz si Ruth. Pagkatapos nito, mababasa natin: “Ipinagkaloob ni Jehova na ito ay maglihi at nagsilang ito ng isang anak na lalaki.” Pinagpala ng mga babae sa Betlehem si Noemi at pinuri nila si Ruth dahil siya’y naging mas mabuti kay Noemi kaysa sa pitong anak na lalaki. Nang maglaon, ang anak ni Ruth ay naging ninuno ng dakilang si Haring David. (Ruth 4:11-22) At si David naman ay naging ninuno ni Jesu-Kristo.—Mateo 1:1.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ruth
4:6—Sa anong paraan maaaring “masira” ng isang manunubos ang kaniyang mana kung gagawin niya ang pagtubos? Unang-una, kapag ipinagbili ng isang taong nabaon sa kahirapan ang kaniyang lupaing mana, kailangang bilhin ng manunubos ang lupain sa isang tiyak na halaga depende sa bilang ng nalalabing mga taon bago sumapit ang susunod na Jubileo. (Levitico 25:25-27) Pabababain nito ang halaga ng kaniyang sariling mga ari-arian. Bukod diyan, kapag nanganak si Ruth, ang anak niyang lalaki, hindi ang sinuman sa kasalukuyang malalapit na kamag-anak ng manunubos, ang magmamana ng biniling lupain.
PEBRERO 7-13
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 1-2
“Ibuhos ang Laman ng Puso Mo kay Jehova sa Panalangin”
Ibinuhos Niya sa Diyos ang Laman ng Kaniyang Puso
12 Si Hana ay isang huwaran sa pananalangin para sa lahat ng lingkod ng Diyos. Magiliw na inaanyayahan ni Jehova ang kaniyang bayan na huwag mag-atubiling sabihin sa kaniya ang lahat ng kanilang ikinababahala, gaya ng ginagawa ng isang anak sa kaniyang maibiging magulang. (Basahin ang Awit 62:8; 1 Tesalonica 5:17.) Kinasihan si apostol Pedro na isulat ang nakaaaliw na mga salitang ito tungkol sa pananalangin kay Jehova: “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”—1 Ped. 5:7.
Kung Paano Nakasumpong ng Kapayapaan si Hana
Ano ang matututuhan natin sa lahat ng ito? Kapag idinudulog natin kay Jehova ang ating mga kabalisahan, maaari nating ipaalam sa kaniya kung ano ang nadarama natin at taos-puso nating hilingin kung ano ang nais natin. Kung wala na tayong magawa para malutas ang problema, ipaubaya na lamang natin iyon sa kaniya. Ito ang pinakamabuting gawin.—Kawikaan 3:5, 6.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Unang Samuel
2:10—Bakit ipinanalangin ni Hana na ‘bigyan ni Jehova ng lakas ang kaniyang hari’ samantalang wala pa namang taong hari sa Israel? Inihula sa Kautusang Mosaiko na magkakaroon ng taong hari ang mga Israelita. (Deuteronomio 17:14-18) Sa kaniyang hula bago siya mamatay, sinabi ni Jacob: “Ang setro [sagisag ng maharlikang awtoridad] ay hindi lilihis mula kay Juda.” (Genesis 49:10) Bukod diyan, may kinalaman kay Sara—ang ninuno ng mga Israelita—sinabi ni Jehova: “Mga hari ng mga bayan ang magmumula sa kaniya.” (Genesis 17:16) Kung gayon, idinadalangin ni Hana ang tungkol sa magiging hari sa hinaharap.
PEBRERO 14-20
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 3-5
“Makonsiderasyon si Jehova”
Makapangyarihan-sa-Lahat Pero Makonsiderasyon
3 Si Samuel ay nagsimulang ‘maglingkod kay Jehova’ sa tabernakulo sa murang edad. (1 Sam. 3:1) Isang gabi habang natutulog siya, may nangyaring kakaiba. (Basahin ang 1 Samuel 3:2-10.) May tumatawag sa kaniyang pangalan. Inisip niyang boses iyon ng matanda nang si Eli, kaya agad siyang tumakbong palapit sa kaniya at sinabi: “Narito ako, sapagkat tinawag mo ako.” Sinabi ni Eli na hindi siya iyon. Nang maulit pa ito nang dalawang beses, napag-unawa ni Eli na ang Diyos ang tumatawag kay Samuel. Kaya itinuro niya sa bata kung paano tutugon, at sumunod si Samuel. Bakit hindi agad nagpakilala si Jehova kay Samuel sa pamamagitan ng kaniyang anghel? Walang sinasabi ang Bibliya, pero sa takbo ng mga pangyayari, ipinahihiwatig na mahalagang pagpakitaan ng konsiderasyon ang batang si Samuel. Bakit?
Makapangyarihan-sa-Lahat Pero Makonsiderasyon
4 Basahin ang 1 Samuel 3:11-18. Sa Kautusan ni Jehova, itinuturo sa mga bata na igalang ang matatanda, lalo na ang isang pinuno. (Ex. 22:28; Lev. 19:32) Magagawa kaya ni Samuel na pumunta kay Eli isang umaga at buong-tapang na sabihin sa kaniya ang mabigat na mensahe ng paghatol ng Diyos? Siyempre hindi! Ang totoo, si Samuel ay “natakot na sabihin kay Eli ang tungkol sa pagpapakita [o, pangitain].” Pero nilinaw ng Diyos kay Eli na Siya ang tumatawag kay Samuel. Dahil dito, si Eli na mismo ang nagsabi kay Samuel na magsalita ito. ‘Huwag mong ilihim sa akin ang isa mang salita mula sa lahat ng salita na sinabi niya sa iyo,’ ang utos ni Eli. Sumunod si Samuel at ‘sinabi sa kaniya ang lahat ng mga salita.’
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Unang Samuel
3:3—Aktuwal bang natulog si Samuel sa Kabanal-banalan? Hindi. Si Samuel ay isang Levita mula sa di-makasaserdoteng pamilya ng mga Kohatita. (1 Cronica 6:33-38) Dahil dito, hindi siya pinahihintulutang ‘pumasok upang tingnan ang mga banal na bagay.’ (Bilang 4:17-20) Ang tanging bahagi ng santuwaryo na maaaring gamitin ni Samuel ay ang looban ng tabernakulo. Maaaring doon siya natulog. Lumilitaw, sa looban din natutulog si Eli. Ang pananalitang “kinaroroonan ng kaban ng Diyos” ay maliwanag na tumutukoy sa lugar ng tabernakulo.
PEBRERO 21-27
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 6-8
“Sino ang Hari Mo?”
Kaharian ng Diyos
Paghiling ng Isang Taong Hari. Halos 400 taon mula noong panahon ng Pag-alis at mahigit 800 taon mula noong makipagtipan ang Diyos kay Abraham, humiling ang mga Israelita ng isang taong hari na mangunguna sa kanila, kung paanong may mga taong monarka ang ibang mga bansa. Ang kanilang kahilingan ay isang pagtatakwil sa paghahari ni Jehova sa kanila. (1Sa 8:4-8) Totoo, wasto namang asahan ng bayan na magtatatag ang Diyos ng isang kaharian kasuwato ng kaniyang pangako kay Abraham at kay Jacob, gaya ng nabanggit na. Mayroon pa silang higit na saligan para sa gayong pag-asa batay sa hula ni Jacob may kinalaman kay Juda bago namatay si Jacob (Gen 49:8-10), sa mga salita ni Jehova sa Israel pagkatapos ng Pag-alis (Exo 19:3-6), sa mga kundisyon ng tipang Kautusan (Deu 17:14, 15), at maging sa bahagi ng mensahe na pinangyari ng Diyos na salitain ng propetang si Balaam (Bil 24:2-7, 17). Sinambit ng tapat na ina ni Samuel na si Hana ang pag-asang ito sa kaniyang panalangin. (1Sa 2:7-10) Gayunpaman, hindi pa lubusang isinisiwalat ni Jehova noon ang kaniyang “sagradong lihim” may kinalaman sa Kaharian at hindi pa niya sinasabi kung kailan ang kaniyang takdang panahon para sa pagtatatag nito ni kung ano ang magiging kaayusan at kabuuan ng pamahalaang iyon—kung iyon ba ay makalupa o makalangit. Samakatuwid, naging pangahas ang bayan nang humingi sila ng isang taong hari.
Nakapagtiis Siya sa Kabila ng mga Kabiguan
Pansinin ang naging sagot ni Jehova nang idulog ito sa kaniya ni Samuel sa panalangin: “Makinig ka sa tinig ng bayan may kinalaman sa lahat ng sinasabi nila sa iyo; sapagkat hindi ikaw ang itinatakwil nila, kundi ako ang itinatakwil nila mula sa pagiging hari sa kanila.” Tiyak na nakaaliw ito kay Samuel, pero kaylaking insulto naman sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang ginawa ng bayan! Sinabi ni Jehova sa kaniyang propeta na babalaan ang mga Israelita na malaki ang magiging kabayaran ng pagkakaroon ng isang haring tao. Nang sabihin ito ni Samuel, iginiit nila: “Hindi, kundi isang hari ang mamamahala sa amin.” Palibhasa’y masunurin sa kaniyang Diyos, hinirang ni Samuel ang haring pinili ni Jehova.—1 Samuel 8:7-19.
Naipagbangong-Puri ang Pamamahala ng Diyos!
9 Nakita sa kasaysayan na totoo nga ang babala ni Jehova. Dahil taong hari ang namamahala, nagkaroon ng malulubhang problema ang mga Israelita, lalo na kapag di-tapat ang kanilang hari. Sa nangyaring iyon sa Israel, hindi na dapat pagtakhan kung hindi man nakapagbibigay ng permanenteng ginhawa ang pamahalaan ng mga taong hindi nakakakilala kay Jehova. Oo nga’t may mga pulitikong nakikiusap sa Diyos na pagpalain sana ang kanilang pagsisikap na matamo ang kapayapaan at katiwasayan, pero paano sila pagpapalain ng Diyos kung hindi naman sila nagpapasakop sa kaniyang pamamahala?—Awit 2:10-12.
Espirituwal na Hiyas
Bakit Ba Magpapabautismo?
13 Dapat muna tayong makumberte bago tayo mabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova. Ang pagkakumberte ay isang kusang-loob na pagkilos na malayang isinagawa ng isa na buong-pusong nagpasiya na sundin si Kristo Jesus. Itinatakwil ng gayong mga indibiduwal ang kanilang dating maling landasin at determinado sila na gawin ang tama sa paningin ng Diyos. Sa Kasulatan, ang Hebreo at Griegong mga pandiwa na tumutukoy sa pagkakumberte ay may diwa na pagtalikod at panunumbalik. Ipinahihiwatig ng ganitong pagkilos ang pagbaling sa Diyos mula sa isang maling landasin. (1 Hari 8:33, 34) Kahilingan sa pagkakumberte ang “mga gawang angkop sa pagsisisi.” (Gawa 26:20) Hinihiling nito na talikuran natin ang huwad na pagsamba, kumilos na kasuwato ng mga utos ng Diyos, at mag-ukol ng bukod-tanging debosyon kay Jehova. (Deuteronomio 30:2, 8-10; 1 Samuel 7:3) Ang pagkakumberte ay nagbubunga ng mga pagbabago sa ating pag-iisip, mga tunguhin, at disposisyon. (Ezekiel 18:31) Tayo ay ‘nanunumbalik’ habang ang di-makadiyos na mga paggawi ay hinahalinhan ng bagong personalidad.—Gawa 3:19; Efeso 4:20-24; Colosas 3:5-14.
PEBRERO 28–MARSO 6
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 9-11
“Mapagpakumbaba si Saul Noong Una”
Maging Mapagpakumbaba sa Paglakad na Kasama ng Diyos
11 Pag-isipan ang nangyari kay Haring Saul. Mapagpakumbaba siya noong una. Alam niya ang mga limitasyon niya, at nag-alangan pa nga siyang tumanggap ng higit na responsibilidad. (1 Sam. 9:21; 10:20-22) Pero di-nagtagal matapos siyang maging hari, naging pangahas siya. Minsan, naubusan siya ng pasensiya sa paghihintay kay propeta Samuel. Imbes na magtiwalang kikilos si Jehova para sa kaniyang bayan, naghandog si Saul ng haing sinusunog kahit hindi siya awtorisadong gawin iyon. Dahil dito, naiwala ni Saul ang pagsang-ayon ni Jehova, pati na ang pagiging hari. (1 Sam. 13:8-14) Maipapakita nating marunong tayo kung iiwasan nating maging pangahas.
Kung Paano Mananatiling Mapagsakripisyo
8 Ipinakikita ng nangyari kay Haring Saul ng Israel kung paano maaaring madaig ng pagkamakasarili ang ating pagiging mapagsakripisyo. Mapagpakumbaba si Saul nang magsimula siyang maghari. (1 Sam. 9:21) Hindi niya pinarusahan ang mga Israelitang humamak sa kaniyang pagkahari, kahit makatuwiran lang na ipagtanggol niya ang kaniyang bigay-Diyos na posisyon. (1 Sam. 10:27) Nagpagabay si Haring Saul sa espiritu ng Diyos nang pangunahan niya ang Israel sa matagumpay na pakikipaglaban sa mga Ammonita. Pagkatapos, mapagpakumbaba niyang ibinigay kay Jehova ang lahat ng kapurihan.—1 Sam. 11:6, 11-13.
Ang mga Ammonita—Isang Bayan na Gumanti ng Poot sa Kabaitan
Muli na namang ang mga Ammonita ay gumanti ng poot sa kabaitan ni Jehova. Hindi pinalampas ni Jehova ang buktot na bantang ito. “Ang espiritu ng Diyos ay kumilos kay Saul nang marinig niya ang mga salitang ito [ni Nahas], at ang kaniyang galit ay lubhang nag-init.” Sa ilalim ng patnubay ng espiritu ng Diyos, tinipon ni Saul ang isang puwersa na binubuo ng 330,000 lalaking mandirigma na lubusang nagpangalat sa mga Ammonita anupat “walang dalawang magkasama ang natira sa kanila.”—1 Samuel 11:6, 11.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Unang Samuel
9:9—Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “ang propeta ngayon ay tinatawag na tagakita noong mga panahong nagdaan”? Maaaring ipahiwatig ng pananalitang ito na habang ang mga propeta ay nagiging mas prominente noong panahon ni Samuel at noong panahon ng mga hari sa Israel, ang salitang “tagakita” ay napalitan ng katagang “propeta.” Si Samuel ang itinuturing na una sa hanay ng mga propeta.—Gawa 3:24.