Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
MARSO 7-13
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 12-13
“Humahantong sa Kahihiyan ang Kapangahasan”
Humahantong sa Kahihiyan ang Kapangahasan
17 Sa unang tingin, mukha namang makatuwiran ang ginawa ni Saul. Tutal, ang bayan ng Diyos noon ay “nasa kagipitan,” “napipighati,” at nanginginig dahil sa kanilang desperadong kalagayan. (1 Samuel 13:6, 7) Mangyari pa, hindi naman masamang magkusa kung hinihingi ng pagkakataon. Subalit, tandaan na si Jehova ay nakababasa ng puso at nakababatid ng ating kaloob-loobang mga motibo. (1 Samuel 16:7) Samakatuwid, maaaring may nakita siyang ilang salik tungkol kay Saul na hindi tuwirang binanggit sa salaysay ng Bibliya. Halimbawa, maaaring nakita ni Jehova na ang pagkamainipin ni Saul ay udyok ng pagmamataas. Marahil ay inis na inis si Saul na siya—ang hari ng buong Israel—ay kailangang maghintay sa isa na sa pangmalas niya’y isang matanda na at mapagpaliban na propeta! Anuman ang nangyari, inakala ni Saul na ang kabagalan ni Samuel ay nagbigay sa kaniya ng karapatang siya na mismo ang gumawa ng mga bagay-bagay at ipagwalang-bahala ang maliliwanag na tagubilin na ibinigay sa kaniya. Ang resulta? Hindi pinuri ni Samuel ang pagkukusa ni Saul. Sa kabaligtaran, kinagalitan niya si Saul, na sinasabi: “Hindi mamamalagi ang iyong kaharian . . . sapagkat hindi mo tinupad ang iniutos sa iyo ni Jehova.” (1 Samuel 13:13, 14) Minsan pa, ang kapangahasan ay humantong sa kahihiyan.
Mahalaga kay Jehova ang Iyong Pagsunod
8 Idiniriin ng ulat ng Bibliya hinggil kay Haring Saul ang kahalagahan ng pagsunod. Nagsimula si Saul bilang isang mapagpakumbabang tagapamahala, anupat ‘maliit siya sa kaniyang sariling paningin.’ Subalit nang maglaon, nagsimulang makaapekto sa kaniyang mga pasiya ang pagmamapuri at maling pangangatuwiran. (1 Samuel 10:21, 22; 15:17) Minsan, naghahanda si Saul sa kaniyang pakikipagdigma laban sa mga Filisteo. Sinabi ni Samuel sa hari na hintayin siya para maghandog ng mga hain kay Jehova at magbigay ng karagdagang tagubilin. Subalit hindi dumating si Samuel sa panahong inaasahan, at nagsimulang mangalat ang bayan. Nang makita ito ni Saul, “inihandog niya ang haing sinusunog.” Hindi nalugod dito si Jehova. Nang sa wakas ay dumating si Samuel, ipinagmatuwid ng hari ang ginawa niyang pagsuway, na sinasabing dahil huli si Samuel, ‘napilitan siyang’ maghandog ng haing sinusunog upang matamo ang pagsang-ayon ni Jehova. Para kay Haring Saul, ang paghahandog ng haing iyon ay mas mahalaga kaysa sa pagsunod sa tagubilin sa kaniya na hintayin si Samuel para isagawa ang paghahandog na iyon. Sinabi sa kaniya ni Samuel: “Ikaw ay kumilos nang may kamangmangan. Hindi mo tinupad ang utos ni Jehova na iyong Diyos na iniutos niya sa iyo.” Dahil sa pagsuway ni Saul kay Jehova, naiwala niya ang pagsang-ayon ng Diyos bilang hari.—1 Samuel 10:8; 13:5-13.
Espirituwal na Hiyas
Susundin Mo Ba ang Maibiging Patnubay ni Jehova?
15 Iniisip kaya ng mga Israelita na mas maaasahan nila ang isang haring tao kaysa kay Jehova? Kung oo, talagang sumusunod sila sa kabulaanan! At mas madali na silang mapaniwala sa marami pang kabulaanan ni Satanas. Madali na rin silang maaakay ng mga haring tao na sumamba sa idolo. Ang mga mananamba sa idolo ay hindi nagtitiwala sa Diyos na Jehova, na gumawa ng lahat ng bagay, dahil hindi siya nakikita. Inaakala nilang mas makapagtitiwala sila sa mga diyos na kahoy o bato dahil nakikita at nahihipo nila ang mga ito. Pero gaya ng sinabi ni apostol Pablo, ang mga idolo ay “walang anuman,” o walang saysay. (1 Cor. 8:4) Hindi sila nakakakita, nakaririnig, nakapagsasalita, at nakakakilos. Kaya kamangmangan na sumamba sa mga idolong hindi makatutulong sa atin. Ang mga ito ay “kabulaanan,” at ang mga nagtitiwala sa mga ito ay “magiging tulad nila.”—Awit 115:4-8.
MARSO 14-20
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 14-15
“Mas Mahalaga ang Pagsunod Kaysa sa Hain”
Mahalaga kay Jehova ang Iyong Pagsunod
4 Bilang Maylalang, ang lahat ng bagay na taglay natin ay pag-aari ni Jehova. Dahil dito, may maibibigay ba tayo sa Diyos na wala sa kaniya? Oo, may isang napakahalagang bagay tayong maibibigay sa kaniya. Ano iyon? Mababasa natin ang sagot sa payong ito: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Maibibigay natin sa Diyos ang ating pagsunod. Bagaman iba-iba ang ating kalagayan at pinagmulan, sa pamamagitan ng pagiging masunurin, ang bawat isa sa atin ay makapagbibigay ng sagot sa napakasamang bintang ni Satanas na Diyablo na ang mga tao ay hindi mananatiling tapat sa Diyos sa harap ng pagsubok. Isa ngang malaking karangalan iyan!
Pagkamasunurin
Walang maihahalili sa pagkamasunurin; hindi maaaring matamo ang lingap ng Diyos kung wala ito. Gaya ng sinabi ni Samuel kay Haring Saul: “Mayroon bang gayon kalaking kaluguran si Jehova sa mga handog na sinusunog at mga hain na gaya ng sa pagsunod [isang anyo ng sha·maʽʹ] sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod [sa literal, ang pakikinig] ay mas mabuti kaysa sa hain, ang pagbibigay-pansin kaysa sa taba ng mga barakong tupa.” (1Sa 15:22) Ang hindi pagsunod ay pagtanggi sa salita ni Jehova, anupat nagpapakita na ang isa ay hindi talaga naniniwala, nagtitiwala, o nananampalataya sa salitang iyon at sa Pinagmumulan niyaon. Kaya naman, ang hindi sumusunod ay walang ipinagkaiba sa isa na nanghuhula o gumagamit ng mga idolo. (1Sa 15:23; ihambing ang Ro 6:16.) Walang kabuluhan ang berbal na mga kapahayagan ng pagsang-ayon kung hindi sinusundan ng hinihiling na pagkilos; ang kawalan ng pagtugon ay katibayan ng kawalan ng paniniwala o paggalang sa pinagmumulan ng mga tagubilin. (Mat 21:28-32) Yaong mga nasisiyahan sa basta pakikinig at pagtanggap sa katotohanan ng Diyos, ngunit hindi naman gumagawa ng hinihiling nito, ay lumilinlang sa kanilang sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran at hindi tatanggap ng anumang pagpapala. (San 1:22-25) Nilinaw ng Anak ng Diyos na kahit yaong mga gumagawa ng mga bagay na katulad niyaong mga ipinag-utos, ngunit maliwanag na sa maling paraan o taglay ang maling motibo, ay hindi kailanman makapapasok sa Kaharian kundi lubusang itatakwil.—Mat 7:15-23.
Espirituwal na Hiyas
it-1 867
Habag
Ang pagpapadala sa panggigipit na magpakita ng habag, kung salungat ito sa kalooban ng Diyos, ay maaaring magdulot ng kapaha-pahamak na mga resulta. Isinisiwalat ito ng nangyari kay Haring Saul. Dumating ang panahon upang ilapat ang hatol ng Diyos sa mga Amalekita, ang unang bayan na sumalakay sa mga Israelita pagkaalis nila mula sa Ehipto. Inutusan si Saul na huwag mahabag sa kanila. Palibhasa’y nagpadala sa panggigipit ng kaniyang mga sakop, hindi niya lubusang sinunod ang utos ni Jehova. Dahil dito, itinakwil ni Jehova si Saul mula sa pagiging hari. (1Sa 15:2-24) Kung lubos na pahahalagahan ng isang tao ang pagiging matuwid ng mga daan ni Jehova at kung magiging pangunahin sa kaniya ang pagiging matapat sa Diyos, maiiwasan niyang magkamali na gaya ni Saul at hindi niya maiwawala ang pagsang-ayon ni Jehova.
MARSO 21-27
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 16-17
“Kay Jehova ang Labanan”
“Kay Jehova ang Pagbabaka”
Para makumbinsi si Saul, ikinuwento ni David ang tungkol sa ginawa niya sa leon at sa oso. Nagyayabang ba siya? Hindi. Alam ni David kung bakit niya natalo ang mga ito. Sinabi niya: “Si Jehova, na nagligtas sa akin mula sa pangalmot ng leon at mula sa pangalmot ng oso, siya ang magliligtas sa akin mula sa kamay ng Filisteong ito.” Sa wakas, pumayag si Saul at sinabi: “Yumaon ka, at sumaiyo nawa si Jehova.”—1 Samuel 17:37.
Gusto mo bang magkaroon ng pananampalatayang gaya ng kay David? Pansinin na hindi lang ito basta paniniwala na walang basehan. May pananampalataya siya sa Diyos dahil sa kaalaman at karanasan. Alam niyang si Jehova ay maibiging Tagapagsanggalang at Tagatupad ng mga pangako. Para magkaroon ng gayong pananampalataya, kailangan nating patuloy na kilalanin ang Diyos ng Bibliya. Habang isinasabuhay natin ang ating natututuhan, magkakaroon ito ng mabubuting resulta na magpapatibay ng ating pananampalataya.—Hebreo 11:1.
“Kay Jehova ang Pagbabaka”
Kitang-kita sa isinagot ni David ang kaniyang pananampalataya. Isip-isipin ang kabataang ito habang isinisigaw kay Goliat: “Ikaw ay pumaparito sa akin taglay ang isang tabak at isang sibat at isang diyabelin, ngunit ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong tinuya.” Alam ni David na hindi ganoon kahalaga ang lakas ng tao at mga sandata. Winalang-galang ni Goliat ang Diyos na Jehova, at tiyak na hindi Niya ito palalampasin. Gaya ng sinabi ni David, “kay Jehova ang pagbabaka.”—1 Samuel 17:45-47.
Nakikita ni David na napakalaki ni Goliat at kumpleto sa sandata. Pero hindi ito nagpahina ng kaniyang loob. Hindi niya tinularan ang pagkakamaling ginawa ni Saul at ng hukbo nito. Hindi niya ikinumpara ang kaniyang sarili kay Goliat. Sa halip, ikinumpara niya si Goliat kay Jehova. Sa taas na 2.9 metro (siyam at kalahating talampakan), talagang napakataas ni Goliat kumpara sa ibang tao. Pero gaano ba siya kalaki kumpara sa Soberano ng uniberso? Aba, para lang siyang insekto na kayang-kayang tirisin ni Jehova!
“Kay Jehova ang Pagbabaka”
Sa ngayon, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi na nakikipagdigma. Tapos na ang panahong iyon. (Mateo 26:52) Pero kailangan pa rin nating tularan ang pananampalataya ni David. Gaya niya, dapat na maging totoong-totoo sa atin si Jehova, at siya lamang ang tanging Diyos na dapat paglingkuran at igalang. Kung minsan, baka pakiramdam natin ay napakalaki ng ating problema, pero napakaliit lang nito kumpara sa walang-hanggang kapangyarihan ni Jehova. Kung ang ating Diyos ay si Jehova at may pananampalataya tayo sa kaniya, gaya ni David, hindi natin katatakutan ang anumang pagsubok at problema. Wala nang hihigit pa sa kapangyarihan ni Jehova!
Espirituwal na Hiyas
it-2 1113
Saul
Pagkatapos nito at pagkatapos ng pagpapahid kay David bilang ang susunod na hari ng Israel, nilisan ng espiritu ni Jehova si Saul. Mula noon ay “pinangilabot siya ng isang masamang espiritu mula kay Jehova.” Dahil inalis na ni Jehova kay Saul ang kaniyang espiritu, naging posibleng panaigan ito ng isang masamang espiritu, anupat nawalan si Saul ng kapayapaan ng isip at napukaw ang kaniyang mga damdamin, mga kaisipan, at mga guniguni sa maling paraan. Ang hindi pagsunod ni Saul kay Jehova ay nagpahiwatig ng masamang hilig ng isip at puso, na laban sa mga ito ay hindi ipinagsanggalang ng espiritu ng Diyos si Saul. Gayunman, yamang pinahintulutan ni Jehova na halinhan ng “masamang espiritu” ang kaniyang espiritu at pangilabutin niyaon si Saul, iyon ay maaaring tawaging isang “masamang espiritu mula kay Jehova,” kung kaya tinukoy iyon ng mga lingkod ni Saul na “masamang espiritu ng Diyos.” Sa rekomendasyon ng isa sa kaniyang mga tagapaglingkod, hiniling ni Saul na si David ang maging manunugtog niya sa korte upang magpakalma sa kaniya kapag binabagabag siya ng “masamang espiritu.”—1Sa 16:14-23; 17:15.
MARSO 28–ABRIL 3
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 18-19
“Manatiling Mapagpakumbaba Kapag Nagtagumpay Ka”
Manalig sa Espiritu ng Diyos sa Pagharap sa mga Pagbabago sa Buhay
4 Di-nagtagal at naging tanyag sa buong bansa ang batang pastol na ito. Ipinatawag siya upang maglingkod sa hari at tumugtog ng musika para sa kaniya. Pinatay niya ang mandirigmang si Goliat, isang higanteng napakabangis anupat maging ang makaranasang mga kawal ng Israel ay takot na humarap sa kaniya. Nang hirangin siya bilang pinuno ng mga lalaking mandirigma, nagtagumpay si David sa pakikidigma sa mga Filisteo. Mahal na mahal siya ng mga tao. Kumatha sila ng mga awiting nagbibigay-papuri sa kaniya. Una pa rito, inilarawan ng isang tagapayo ni Haring Saul ang kabataang si David hindi lamang bilang ‘dalubhasang manunugtog’ ng alpa kundi bilang “isang magiting at makapangyarihang lalaki at isang lalaking mandirigma at isang matalinong tagapagsalita at isang lalaking may makisig na anyo.”—1 Samuel 16:18; 17:23, 24, 45-51; 18:5-7.
Tingnan ang Pagkakaiba ng mga Tao
6 Ang ilan ay nagmamalaki dahil sa kanilang magandang hitsura, popularidad, husay sa musika, pisikal na lakas, o mataas na posisyon. Taglay ni David ang lahat ng ito; pero nanatili siyang mapagpakumbaba buong buhay niya. Matapos niyang patayin si Goliat at alukin siyang mapangasawa ng anak ni Haring Saul, sinabi ni David: “Sino ako at sino ang aking mga kaanak, ang pamilya ng aking ama, sa Israel, anupat magiging manugang ako ng hari?” (1 Sam. 18:18) Paano nakapanatiling mapagpakumbaba si David? Alam niya na ang mga katangian, abilidad, at pribilehiyong taglay niya ay resulta ng ‘pagpapakababa,’ o pagpapakumbaba, ng Diyos, para magbigay-pansin sa kaniya. (Awit 113:5-8) Naunawaan ni David na anumang mabuting bagay na mayroon siya ay tinanggap lang niya kay Jehova.—Ihambing ang 1 Corinto 4:7.
7 Gaya ni David, sinisikap din ng bayan ni Jehova sa ngayon na maging mapagpakumbaba. Namamangha tayo dahil si Jehova, ang pinakadakilang Persona sa uniberso, ay nagpapakita ng kapakumbabaan. (Awit 18:35) Sinusunod natin ang payong ito: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.” (Col. 3:12) Alam din natin na ang pag-ibig ay “hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki.” (1 Cor. 13:4) Kapag nakikita ng mga tao na mapagpakumbaba tayo, maaaring gustuhin din nilang makilala si Jehova. Kung paanong puwedeng mawagi ang mga asawang lalaki sa pamamagitan ng paggawi ng kanilang asawang babae, maaari ding maakay sa Diyos ang iba dahil sa kapakumbabaan ng kaniyang mga lingkod.—1 Ped. 3:1.
Espirituwal na Hiyas
it-2 973
Propeta
Bagaman inatasan sila sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova, waring hindi naman patuluyang nagsasalita ang mga propeta sa ilalim ng pagkasi. Sa halip, ‘sumasakanila’ ang espiritu ng Diyos sa espesipikong mga pagkakataon upang isiwalat ang mga mensaheng kailangan nilang ipatalastas. (Eze 11:4, 5; Mik 3:8) Dahil dito, napupukaw ang kanilang damdamin at nauudyukan silang magsalita. (1Sa 10:10; Jer 20:9; Am 3:8) Hindi lamang sila gumagawa ng mga bagay na di-pangkaraniwan kundi tiyak na masasalamin din sa kanilang pananalita at kilos ang kakaibang masidhing damdamin. Maaaring ito ang dahilan kung bakit may mga indibiduwal na inilarawang ‘gumagawing tulad ng mga propeta.’ (1Sa 10:6-11; 19:20-24; Jer 29:24-32; ihambing ang Gaw 2:4, 12-17; 6:15; 7:55.) Dahil sa kanilang pagkaseryoso, sigasig, at katapangan sa pagganap ng kanilang atas, ang kanilang paggawi ay nagmimistulang kakatwa, baka hindi pa nga matino, sa paningin ng iba, gaya ng tingin ng mga pinuno ng militar sa propetang nagpahid kay Jehu bilang hari. Gayunman, nang matanto ng mga pinuno na ang lalaki ay isang propeta, tinanggap nila ang kaniyang mensahe. (2Ha 9:1-13; ihambing ang Gaw 26:24, 25.) Noong tinutugis ni Saul si David, naudyukan si Saul na ‘gumawing tulad ng isang propeta,’ anupat hinubad niya ang kaniyang mga kasuutan at humigang “hubad nang buong araw na iyon at nang buong gabing iyon.” Maliwanag na nang pagkakataong iyon ay tumakas si David. (1Sa 19:18–20:1) Hindi naman ito nangangahulugan na karaniwa’y naghuhubad ang mga propeta, sapagkat hindi ganiyan ang ipinakikita ng ulat ng Bibliya. Sa dalawa pang kaso na iniulat, may layunin ang paghuhubad ng mga propeta, samakatuwid nga, upang isadula ang isang aspekto ng kanilang hula. (Isa 20:2-4; Mik 1:8-11) Hindi sinabi kung bakit inudyukan si Saul na maghubad: kung ito’y upang ipakita na siya’y isang hamak na taong hinubaran ng maharlikang kasuutan anupat inutil sa harap ng makaharing awtoridad at kapangyarihan ni Jehova, o kung may iba pa itong layunin.
ABRIL 4-10
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 20-22
“Kung Paano Magiging Mabuting Kaibigan”
Patibayin ang Pagkakaibigan Bago Dumating ang Wakas
18 Sa ngayon, napapaharap ang mga kapatid sa iba’t ibang problema. Halimbawa, marami ang nabibiktima ng likas na sakuna o ng mga kapahamakang gawa ng tao. Kapag nangyari iyan, ang ilan ay puwedeng magpatulóy ng mga kapatid sa bahay nila. Ang iba naman ay puwedeng makatulong sa pinansiyal. Pero lahat tayo ay puwedeng manalangin kay Jehova na tulungan ang mga kapatid na ito. Kapag nalaman nating pinanghihinaan ng loob ang isang kapatid, baka hindi natin alam kung ano ang ating sasabihin o gagawin. Pero lahat tayo ay may maitutulong. Halimbawa, puwede nating samahan ang kapatid na iyon. Pakinggan nating mabuti ang sinasabi niya. At sabihin natin sa kaniya ang isang nakakapagpatibay na tekstong gustong-gusto natin. (Isa. 50:4) Ang pinakamahalaga, nandoon ka para sa mga kaibigan mo sa panahong kailangan ka nila.—Basahin ang Kawikaan 17:17.
Lumakad sa mga Daan ni Jehova
7 Inaasahan ng Diyos na tayo ay magiging mapagkakatiwalaang mga kaibigan. (Kaw. 17:17) Si David ay naging kaibigan ng anak ni Haring Saul na si Jonatan. Nang mabalitaan ni Jonatan na napatay ni David si Goliat, “ang mismong kaluluwa ni Jonatan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at inibig siya ni Jonatan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” (1 Sam. 18:1, 3) Kaya naman, nang malaman ni Jonatan na gustong patayin ni Saul si David, binabalaan niya si David. Nakatakas si David, at pagkatapos ay pinuntahan siya ni Jonatan at nakipagtipan sa kaniya. Nalagay sa panganib ang buhay ni Jonatan nang makipag-usap siya kay Saul tungkol kay David. Pero nagkita silang muli at pinagtibay ang kanilang pagkakaibigan. (1 Sam. 20:24-41) Sa huli nilang pagkikita, pinalakas ni Jonatan ang kamay ni David “may kinalaman sa Diyos.”—1 Sam. 23:16-18.
Tunay na Pagkakaibigan sa Daigdig na Salat sa Pag-ibig
11 Maging matapat. “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan,” ang isinulat ni Solomon. (Kaw. 17:17) Nang isulat niya ito, malamang na ang nasa isip niya ay ang pagkakaibigan ni Jonatan at ng kaniyang amang si David. (1 Sam. 18:1) Gusto ni Haring Saul na si Jonatan ang magmana ng trono. Gayunman, tanggap ni Jonatan na si David ang pinili ni Jehova para maging hari. Di-tulad ni Saul, hindi nainggit si Jonatan kay David. Hindi sumamâ ang loob niya kahit si David ang pinapupurihan, ni naniwala man siya sa paninira ni Saul sa kaniyang kaibigan. (1 Sam. 20:24-34) Katulad ba tayo ni Jonatan? Kapag nabigyan ng pribilehiyo ang ating mga kaibigan, natutuwa ba tayo? Kapag may problema sila, nandoon ba tayo para sa kanila? Kapag may tsismis tungkol sa kaibigan natin, agad-agad ba tayong naniniwala o, gaya ni Jonatan, ipinagtatanggol natin sila?
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Unang Samuel
21:12, 13. Inaasahan ni Jehova na gagamitin natin ang ating talino at mga kakayahan upang maharap ang mahihirap na kalagayan sa buhay. Ibinigay niya sa atin ang kaniyang kinasihang Salita, na nagbibigay ng katalinuhan, kaalaman, at kakayahang mag-isip. (Kawikaan 1:4) Nariyan din ang tulong mula sa hinirang na Kristiyanong matatanda.
ABRIL 18-24
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 23-24
“Matiyagang Maghintay kay Jehova”
Manalig sa Espiritu ng Diyos sa Pagharap sa mga Pagbabago sa Buhay
8 Tumanggi si David na saktan si Saul. Palibhasa’y nananampalataya at nagtitiis, kontento na siyang ipaubaya ang mga bagay-bagay sa kamay ni Jehova. Nang makaalis sa yungib ang hari, sumigaw si David sa kaniya at nagsabi: “Humatol nawa si Jehova sa akin at sa iyo; at ipaghihiganti ako ni Jehova mula sa iyo, ngunit hindi ka pagbubuhatan ng aking sariling kamay.” (1 Samuel 24:12) Bagaman alam niyang mali si Saul, hindi ipinaghiganti ni David ang kaniyang sarili; ni nagsalita man siya nang may pang-aabuso kay Saul o tungkol kay Saul. Sa ilang pagkakataon, pinigilan ni David ang kaniyang sarili na maghiganti. Sa halip, nanalig siya na si Jehova ang magtutuwid ng mga bagay-bagay.—1 Samuel 25:32-34; 26:10, 11.
Kinokontrol ba ng mga Kalagayan Mo ang Iyong Buhay?
Ang ikatlong leksiyon ay, sa halip na gumamit ng di-makakasulatang paraan upang baguhin ang ating mga kalagayan, dapat tayong maghintay kay Jehova. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Hayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito, upang kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng bagay, na hindi nagkukulang ng anuman.” (Santiago 1:4) Dapat nating hayaan ang pagbabata na ‘ganapin ang gawa nito’ sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa pagsubok hanggang sa matapos ito nang hindi bumabaling sa di-makakasulatang paraan upang tapusin ito agad. Sa gayon ang ating pananampalataya ay masusubok at madadalisay, at mahahayag ang nagpapalakas na kapangyarihan nito. Taglay nina Jose at David ang ganitong uri ng pagbabata. Hindi nila sinikap na gumawa ng lunas na maaaring di-makalugod kay Jehova. Sa halip, ginawa nila ang pinakamabuti hinggil sa kanilang situwasyon. Naghintay sila kay Jehova, at kaylaking pagpapala ang tinanggap nila sa paggawa niyaon! Kapuwa sila ginamit ni Jehova upang iligtas at akayin ang kaniyang bayan.—Genesis 41:39-41; 45:5; 2 Samuel 5:4, 5.
Tayo man ay puwedeng mapaharap sa mga situwasyon kung saan maaari tayong matukso na humanap ng di-makakasulatang mga lunas. Halimbawa, nasisiraan ka ba ng loob dahil hindi ka pa nakasusumpong ng isang nararapat na kabiyak? Kung gayon, iwasan ang anumang tukso na labagin ang utos ni Jehova na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) May mga problema ka ba sa iyong pag-aasawa? Sa halip na magpadala sa espiritu ng sanlibutan na humihimok ng paghihiwalay o diborsiyo, sikapin ninyong lutasin ang mga problema nang magkasama. (Malakias 2:16; Efeso 5:21-33) Nahihirapan ka ba sa pag-aasikaso ng iyong pamilya dahil sa kalagayan ng iyong kabuhayan? Kalakip sa paghihintay kay Jehova ang pag-iwas sa kuwestiyunable o ilegal na mga gawain upang kumita ng salapi. (Awit 37:25; Hebreo 13:18) Oo, lahat tayo ay dapat magpagal upang gawin ang pinakamabuti hinggil sa ating mga kalagayan at magsumikap upang pagpalain tayo ni Jehova. Habang ginagawa natin ito, maging determinado tayo na maghintay kay Jehova para sa pinakaangkop na lunas.—Mikas 7:7.
Espirituwal na Hiyas
Huwag Hayaang Mapagkaitan Ka ng Gantimpala
11 Kung lilinangin natin ang pag-ibig at kabaitan sa ating puso, hindi tayo madaling maiinggit. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin.” (1 Cor. 13:4) Para huwag tumubo sa puso natin ang inggit, sikapin nating tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ng Diyos at ituring ang ating mga kapatid bilang bahagi ng iisang katawan—ang kongregasyon. Kaayon ito ng sinasabi ng Bibliya: “Kung ang isang sangkap ay niluluwalhati, ang lahat ng iba pang sangkap ay nakikipagsaya rito.” (1 Cor. 12:16-18, 26) Kaya sa halip na mainggit, magiging masaya tayo kapag tumatanggap ng pagpapala ang iba. Pansinin ang halimbawa ng anak ni Haring Saul, si Jonatan. Hindi siya nainggit nang hirangin si David bilang tagapagmana ng trono. Pinasigla at sinuportahan pa nga niya si David. (1 Sam. 23:16-18) Puwede ba nating tularan ang kabaitan at pag-ibig ni Jonatan?
ABRIL 25–MAYO 1
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 25-26
“Padalos-dalos Ka Ba?”
Kumilos Siya Nang May Kaunawaan
10 Paano pinakitunguhan ng masisipag na mandirigmang iyon ang mga pastol? Madali silang makapagnanakaw ng tupa para may makain sila, pero hindi nila ito ginawa. Sa halip, naging gaya sila ng pader na nagsasanggalang sa mga kawan at lingkod ni Nabal. (Basahin ang 1 Samuel 25:15, 16.) Laging napapaharap sa panganib ang mga tupa at pastol. Maraming mababangis na hayop, at napakalapit lang nito sa timugang hangganan ng Israel kaya madalas sumalakay ang mga pangkat ng mga dayuhang magnanakaw at mandarambong.
11 Tiyak na hindi madaling paglaanan ng pagkain ang lahat ng lalaking iyon sa ilang. Kaya isang araw, nagsugo si David ng sampung mensahero para humingi ng tulong kay Nabal. Itinaon ni David na humingi ng tulong sa panahon ng paggugupit ng balahibo ng mga tupa dahil okasyon iyon ng pagbibigayan at pagkakasayahan. Naging maingat at magalang din si David sa kaniyang mga salita. Tinukoy pa nga niya ang kaniyang sarili na “iyong anak na si David,” marahil bilang paggalang kay Nabal na di-hamak na mas matanda sa kaniya. Paano tumugon si Nabal?—1 Sam. 25:5-8.
12 Galít na galít siya! “Sinigawan niya sila ng mga panlalait,” ang sabi kay Abigail ng kabataang lalaki na binanggit sa pasimula. Nagsisigaw si Nabal at ipinagdamot ang mahahalagang bagay na mayroon siya—tinapay, tubig, at kinatay na hayop. Minaliit niya si David at ikinumpara sa isang lingkod na naglayas. Maaaring ang pangmalas ni Nabal ay tulad ng kay Saul na napopoot kay David. Pero iba naman ang pangmalas ni Jehova. Mahal ng Diyos si David at para sa Kaniya, hindi siya isang rebeldeng alipin kundi ang magiging hari ng Israel.—1 Sam. 25:10, 11, 14.
Kumilos Siya Nang May Kaunawaan
18 Inako ni Abigail ang pagkakasala at humingi siya ng tawad kay David. Inamin niyang hangal ang kaniyang asawa gaya ng kahulugan ng pangalan nito, na marahil ay ipinahihiwatig na bababa lang ang dignidad ni David kung papatulan niya ang gayong lalaki. Sinabi niyang nagtitiwala siya kay David bilang kinatawan ni Jehova, anupat kinilalang ang ipinakikipaglaban ni David ay “mga digmaan ni Jehova.” Ipinahiwatig din niyang alam niya ang pangako ni Jehova tungkol kay David at sa kaniyang paghahari, sapagkat sinabi niya: “Tiyak na aatasan ka [ni Jehova] bilang lider sa Israel.” Bukod diyan, hinimok niya si David na huwag gumawa ng anumang magdudulot sa kaniya ng pagkakasala sa dugo o magiging “isang sanhi ng pagsuray”—malamang na tumutukoy sa isang nababagabag na budhi. (Basahin ang 1 Samuel 25:24-31.) Talagang nakaaantig na pananalita!
Espirituwal na Hiyas
Kumilos Siya Nang May Kaunawaan
16 Nangangahulugan ba ito na nagrerebelde si Abigail sa pagkaulo ng kaniyang asawa? Hindi; tandaan na kumilos nang masama si Nabal laban sa pinahirang lingkod ni Jehova, na maaaring ikamatay ng maraming inosenteng miyembro ng sambahayan ni Nabal. Kung hindi kikilos si Abigail, hindi kaya maging kabahagi rin siya sa kasalanan ng kaniyang asawa? Sa pagkakataong ito, kailangan siyang magpasakop sa Diyos sa halip na sa kaniyang asawa.