Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr22 Mayo p. 1-10
  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2022
  • Subtitulo
  • MAYO 2-8
  • MAYO 9-15
  • MAYO 23-29
  • MAYO 30–HUNYO 5
  • HUNYO 6-12
  • HUNYO 13-19
  • HUNYO 20-26
  • HUNYO 27–HULYO 3
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2022
mwbr22 Mayo p. 1-10

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

MAYO 2-8

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 27-29

“Ang Plano ni David sa Pakikipaglaban”

it-1 70

Akis

Nang tumatakas si David mula kay Saul, makalawang ulit siyang nanganlong sa teritoryo ni Haring Akis. Noong unang pagkakataon, nang paghinalaan siya na isang kaaway, si David ay nagkunwaring baliw, kaya pinayaon siya ni Akis bilang isang di-nananakit na sintu-sinto. (1Sa 21:10-15; Aw 34:Sup; 56:Sup) Noong ikalawang pagdalaw niya, kasama ni David ang 600 mandirigma at ang kanilang mga pamilya, at pinahintulutan sila ni Akis na manirahan sa Ziklag. Sa loob ng isang taon at apat na buwan na ipinamalagi nila roon, naniwala si Akis na nilulusob ng pangkat ni David ang mga bayan ng Juda, samantalang ang totoo ay sinasamsaman ni David ang mga Gesurita, mga Girzita, at mga Amalekita. (1Sa 27:1-12) Lubusang nalinlang ni David si Akis anupat inatasan pa nga siya ni Akis na maging personal na tagapagbantay nito noong ang mga Filisteo ay naghahandang sumalakay kay Haring Saul. Nang bandang huli na lamang pinabalik ni Akis sa Ziklag si David at ang kaniyang mga tauhan dahil sa paggigiit ng iba pang “mga panginoon ng alyansa” ng mga Filisteo. (1Sa 28:2; 29:1-11) Nang si David ay maging hari at makipagdigma laban sa Gat, lumilitaw na hindi pinatay si Akis. Nabuhay siya hanggang noong panahon ng paghahari ni Solomon.​—1Ha 2:39-41; tingnan ang GAT.

w21.03 4 ¶8

Mga Kabataang Brother—Paano Ninyo Makukuha ang Tiwala ng Iba?

8 Tingnan ang isa pang nangyari kay David. Pagkatapos maatasan bilang hari, kailangan niyang maghintay ng maraming taon bago siya aktuwal na mamahala bilang hari sa Juda. (1 Sam. 16:13; 2 Sam. 2:3, 4) Habang naghihintay siya, ano ang nakatulong sa kaniya? Imbes na wala siyang gawin dahil sa panghihina ng loob, nagpokus siya sa mga magagawa niya. Halimbawa, nang tumakas siya at tumira sa teritoryo ng mga Filisteo, ginamit niya ang panahon niya para labanan ang mga kaaway ng Israel. Dahil dito, naprotektahan niya ang mga hangganan ng teritoryo ng Juda.​—1 Sam. 27:1-12.

it-2 27 ¶2

Kasinungalingan

Bagaman tiyakang hinahatulan sa Bibliya ang mapaminsalang pagsisinungaling, hindi ito nangangahulugang obligado ang isang tao na magsiwalat ng katotohanan sa mga taong walang karapatan doon. Nagpayo si Jesu-Kristo: “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, upang hindi nila yurakan ang mga iyon sa ilalim ng kanilang mga paa at bumaling at kayo ay lapain.” (Mat 7:6) Kaya naman, sa ilang pagkakataon ay tumanggi si Jesus na magbigay ng kumpletong impormasyon o tuwirang mga sagot sa ilang tanong kung ang paggawa ng gayon ay magdudulot ng di-kanais-nais na pinsala. (Mat 15:1-6; 21:23-27; Ju 7:3-10) Maliwanag, ang naging pagkilos nina Abraham, Isaac, Rahab, at Eliseo nang iligaw nila o nang hindi nila sabihin ang buong katotohanan sa mga di-sumasamba kay Jehova ay dapat malasin sa gayunding paraan.​—Gen 12:10-19; kab 20; 26:1-10; Jos 2:1-6; San 2:25; 2Ha 6:11-23.

Espirituwal na Hiyas

w10 1/1 20 ¶5-6

Matutulungan Ba ng Patay ang Buháy?

Pag-isipan ito. Binabanggit ng Bibliya na sa kamatayan ang isang tao ay “bumabalik sa kaniyang pagkalupa” at na ‘naglalaho ang kaniyang pag-iisip.’ (Awit 146:4) Alam kapuwa nina Saul at Samuel na hinahatulan ng Diyos ang pakikipag-ugnayan sa mga espiritista. Aba, bago nito, nanguna pa nga si Saul sa pag-aalis ng espiritistikong mga gawain sa lupain!—Levitico 19:31.

Isa pa, kung ang tapat na si Samuel ay buháy pa bilang isang espiritu, lalabagin kaya niya ang utos ng Diyos at makikipagtulungan sa isang espiritista upang makipagkita kay Saul? Ayaw kausapin ni Jehova si Saul. Kaya mapipilit ba ng isang espiritista ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na makipag-usap kay Saul sa pamamagitan ng patay nang si Samuel? Hindi. Maliwanag, ang “Samuel” na ito ay hindi ang tapat na propeta ng Diyos. Ito ay isang espiritu—isang demonyo na nagkukunwaring si Samuel.

MAYO 9-15

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 SAMUEL 30-31

“Patibayin ang Sarili sa Tulong ng Diyos na Jehova”

w06 8/1 28 ¶12

Matakot kay Jehova—Maging Maligaya!

12 Ang pagkatakot ni David kay Jehova ay hindi lamang pumigil sa kaniya na magkasala. Pinatibay siya nito na kumilos nang may determinasyon at katalinuhan sa ilalim ng mahirap na mga kalagayan. Sa loob ng isang taon at apat na buwan, nanganlong si David at ang kaniyang mga tauhan sa Ziklag sa karatig na lupain ng mga Filisteo para matakasan si Saul. (1 Samuel 27:5-7) Minsan, nang wala ang mga kalalakihan, sinunog ng mga mandarambong na Amalekita ang lunsod at tinangay ang lahat ng kanilang asawa, anak, at kawan. Nang makabalik sila at matuklasan ang nangyari, tumangis si David at ang kaniyang mga tauhan. Biglang nauwi sa galit ang pamimighati, at sinabi ng mga tauhan ni David na babatuhin nila siya. Bagaman nabagabag, hindi nawalan ng pag-asa si David. (Kawikaan 24:10) Dahil may takot siya sa Diyos, bumaling siya kay Jehova, at “pinatibay [niya] ang kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jehova.” Sa tulong ng Diyos, natalo ni David at ng kaniyang mga tauhan ang mga Amalekita at nabawi nila ang lahat ng tinangay ng mga ito.​—1 Samuel 30:1-20.

w12 4/15 30 ¶14

Iniingatan Tayo ni Jehova Para sa Ating Kaligtasan

14 Napaharap si David sa maraming kabagabagan sa buhay. (1 Sam. 30:3-6) Ipinakikita ng Bibliya na alam ni Jehova ang nadarama ni David. (Basahin ang Awit 34:18; 56:8.) Alam din ng Diyos ang ating nadarama. Kapag “wasak ang puso” natin o ‘nasisiil ang ating espiritu,’ lumalapit siya sa atin. Ang pagkaalam sa bagay na ito ay nakaaaliw na sa atin, kung paanong naaliw si David, na umawit: “Ako ay magagalak at magsasaya sa iyong maibiging-kabaitan, sapagkat nakita mo ang aking kapighatian; nalaman mo ang tungkol sa mga kabagabagan ng aking kaluluwa.” (Awit 31:7) Pero hindi lang basta napapansin ni Jehova ang ating kabagabagan. Binibigyan din niya tayo ng kaaliwan at pampatibay-loob para makapagbata. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng ating Kristiyanong pagpupulong.

Espirituwal na Hiyas

w05 3/15 24 ¶9

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Unang Samuel

30:23, 24. Ipinakikita ng pasiyang ito, batay sa Bilang 31:27, na pinahahalagahan ni Jehova ang mga sumusuporta sa kongregasyon. Kaya nga, anuman ang ating ginagawa, ‘gawin natin ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.’—Colosas 3:23.

MAYO 16-22

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 SAMUEL 1-3

“Ano ang Matututuhan Natin sa ‘Ang Pana’?”

w00 6/15 13 ¶9

Parangalan Yaong mga Binigyan ng Awtoridad sa Inyo

9 Nabagabag ba si David habang siya’y pinakikitunguhan nang masama? “May mga . . . maniniil na humahanap sa aking kaluluwa,” ang hinaing ni David kay Jehova. (Awit 54:3) Ibinuhos niya ang laman ng kaniyang puso kay Jehova: “Iligtas mo ako mula sa aking mga kaaway, O Diyos ko . . . Dinadaluhong ako ng malalakas, hindi dahil sa aking pagsalansang, ni sa anumang kasalanan ko, O Jehova. Bagaman walang kamalian, tumatakbo sila at naghahanda. Gumising ka sa aking pagtawag at tingnan mo.” (Awit 59:1-4) Nadama mo na rin ba ang gayon—na wala ka namang ginagawang masama sa isang taong nasa awtoridad, ngunit patuloy ka niyang pinahihirapan? Si David ay hindi nagkulang sa pagpapakita ng paggalang kay Saul. Nang mamatay si Saul, sa halip na magsaya, kumatha si David ng isang panambitan: “Si Saul at si Jonatan, ang mga kaibig-ibig at ang mga kaiga-igaya noong sila ay nabubuhay . . . Mas matutulin sila kaysa sa mga agila, mas malalakas sila kaysa sa mga leon. Kayong mga anak na babae ng Israel, tangisan ninyo si Saul.” (2 Samuel 1:23, 24) Kay inam na halimbawa ng tunay na paggalang sa pinahiran ni Jehova, kahit na nagkasala si Saul kay David!

w12 4/15 10 ¶8

Pagtataksil—Palatandaan ng Ating Panahon!

8 Marami ring halimbawa sa Bibliya ng mga naging matapat. Isaalang-alang natin ang dalawa sa mga ito. Unahin natin ang halimbawa ng isa na naging matapat kay David, si Jonatan. Siya ang panganay na anak ni Haring Saul at posibleng tagapagmana ng trono ng Israel. Pero si David ang pinili ni Jehova. Iginalang ni Jonatan ang desisyon ng Diyos. Sa halip na mainggit at ituring na karibal si David, ang “kaluluwa ni Jonatan ay nalakip sa kaluluwa ni David,” at nangako si Jonatan na magiging matapat siya sa kaniya. Pinarangalan pa nga niya si David nang ibigay niya rito ang kaniyang mga kasuutan, tabak, busog, at sinturon. (1 Sam. 18:1-4) Ginawa ni Jonatan ang buong makakaya niya para ‘palakasin ang kamay ni David.’ Isinapanganib pa nga niya ang kaniyang buhay nang ipagtanggol niya si David kay Saul. Sinabi ni Jonatan kay David: “Ikaw ang magiging hari sa Israel, at ako ang magiging ikalawa sa iyo.” (1 Sam. 20:30-34; 23:16, 17) Hindi kataka-taka na nang mamatay si Jonatan, kumatha si David ng isang awit ng pag-ibig at pamimighati para sa kaniya.​—2 Sam. 1:17, 26.

Espirituwal na Hiyas

it-1 1424 ¶4

Kapatid na Lalaki, Kapatid

Ang salitang “kapatid” ay ikinakapit din sa mga taong nagkakaisa sa iisang mithiin at may magkakatulad na tunguhin at layunin. Halimbawa, tinawag ni Haring Hiram ng Tiro si Haring Solomon na kapatid niya, hindi lamang dahil sa magkapantay sila sa ranggo at posisyon kundi marahil ay dahil din sa kanilang magkaparehong interes na maglaan ng mga tabla at iba pang mga bagay para sa templo. (1Ha 9:13; 5:1-12) “Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!” ang isinulat ni David, anupat ipinahihiwatig na hindi lamang ang pagiging magkadugo ang nagdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa sa pagitan ng magkakapatid sa laman. (Aw 133:1) Sa katunayan, pagmamahal at interes sa isa’t isa, hindi ang pagiging anak ng iisang magulang, ang nag-udyok kay David na tawaging kapatid si Jonatan. (2Sa 1:26) Ang magkakasamahan na may magkakatulad na mga katangian at mga disposisyon, kahit masasama pa ang mga iyon, ay angkop na tawaging magkakapatid.​—Kaw 18:9.

MAYO 23-29

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 SAMUEL 4-6

“Panatilihin ang Takot na Mapalungkot si Jehova”

w05 5/15 17 ¶8

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ikalawang Samuel

6:1-7. Bagaman mabuti naman ang intensiyon ni David, ang kaniyang pagtatangkang ilipat ang Kaban sakay ng karwahe ay labag sa utos ng Diyos at ito ay nabigo. (Exodo 25:13, 14; Bilang 4:15, 19; 7:7-9) Ang pagsunggab ni Uzah sa Kaban ay nagpapakita rin na hindi nababago ng mabubuting intensiyon ang kahilingan ng Diyos.

w05 2/1 27 ¶20

Laging Ginagawa ni Jehova ang Tama

20 Tandaan na dapat sana’y pamilyar na si Uzah sa Kautusan. Ang Kaban ay kumakatawan sa presensiya ni Jehova. Espesipikong binanggit ng Kautusan na hindi ito dapat hipuin ng di-awtorisadong mga indibiduwal, anupat tuwirang ibinabala na parurusahan ng kamatayan ang mga lalabag. (Bilang 4:18-20; 7:89) Kaya ang paglilipat ng sagradong kaban na iyon ay isang gawain na dapat seryosohin. Maliwanag na isang Levita si Uzah (bagaman hindi isang saserdote), kaya dapat sana’y pamilyar na siya sa Kautusan. Karagdagan pa, maraming taon bago nito ay inilipat ang Kaban sa bahay ng kaniyang ama upang ingatan. (1 Samuel 6:20–7:1) Nanatili ito roon sa loob ng mga 70 taon, hanggang sa ipasiya ni David na ilipat ito. Kaya mula pagkabata, malamang na alam na ni Uzah ang mga kautusan hinggil sa Kaban.

w05 2/1 27 ¶21

Laging Ginagawa ni Jehova ang Tama

21 Tulad ng binanggit kanina, nababasa ni Jehova ang mga puso. Yamang tinawag ng kaniyang Salita ang ginawa ni Uzah bilang “walang-pitagang pagkilos,” maaaring may nakita si Jehova na makasariling motibo na hindi espesipikong isiniwalat ng ulat. Hindi kaya isang pangahas na lalaki si Uzah, na may hilig magmalabis? (Kawikaan 11:2) Hindi kaya lumaki ang kaniyang ulo dahil pinangunahan niya ang paglilipat ng Kaban na pribadong binantayan ng kaniyang pamilya? (Kawikaan 8:13) Wala bang pananampalataya si Uzah anupat inisip niyang masyadong maikli ang kamay ni Jehova upang pigilang mabuwal ang sagradong kahon na kumakatawan sa Kaniyang presensiya? Anuman ang dahilan, makatitiyak tayo na ginawa ni Jehova ang tama. Malamang na may nakita siya sa puso ni Uzah na nag-udyok sa Kaniya na karaka-rakang maglapat ng hatol.​—Kawikaan 21:2.

Espirituwal na Hiyas

w96 4/1 29 ¶1

Laging Ihagis ang Iyong Pasanin kay Jehova

Bilang hari ay nanagot si David dahil dito. Ipinakikita ng kaniyang ikinilos na kahit yaong may mabuting kaugnayan kay Jehova ay maaaring kumilos nang di-wasto sa mahihirap na situwasyon sa pana-panahon. Una ay nagalit si David. Pagkatapos ay natakot siya. (2 Samuel 6:8, 9) Ang kaniyang maaasahang kaugnayan kay Jehova ay sumailalim sa mahigpit na pagsubok. Narito ang isang pagkakataon nang waring hindi siya naghagis ng kaniyang pasanin kay Jehova, nang hindi niya sinunod ang kaniyang mga utos. Maaari kayang malagay tayo sa ganiyang kalagayan kung minsan? Sinisisi ba natin si Jehova sa mga suliranin na ibinunga ng hindi natin pagsunod sa kaniyang mga tagubilin?​—Kawikaan 19:3.

MAYO 30–HUNYO 5

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 SAMUEL 7-8

“Ang Tipan ni Jehova kay David”

w10 4/1 20 ¶3

“Ang Iyong Kaharian ay Tiyak na Magiging Matatag”

Natuwa si Jehova sa taos-pusong hangarin ni David. Kasuwato ng debosyon ni David at ng layunin ng Diyos, nakipagtipan Siya kay David na magbabangon Siya ng isa mula sa maharlikang linya ni David na mamamahala magpakailanman. Sinabi ni Natan ang pangako ng Diyos kay David: “Ang iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay tiyak na magiging matatag hanggang sa panahong walang takda sa harap mo; ang iyo mismong trono ay magiging isa na itinatag nang matibay hanggang sa panahong walang takda.” (Talata 16) Sino ang permanenteng Tagapagmana sa tipang ito—ang Isa na mamamahala magpakailanman?​—Awit 89:20, 29, 34-36.

w10 4/1 20 ¶4

“Ang Iyong Kaharian ay Tiyak na Magiging Matatag”

Si Jesus ng Nazaret ay inapo ni David. Nang ipahayag ng isang anghel ang tungkol sa pagsilang kay Jesus, sinabi niya: “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Kaya ang tipan kay David ay natupad kay Jesu-Kristo. Namamahala si Jesus, hindi sa pamamagitan ng mga tao, kundi sa pamamagitan ng pangako ng Diyos. Ito ang nagbigay sa kaniya ng karapatang mamahala magpakailanman. Tandaan natin na ang mga pangako ng Diyos ay laging natutupad.​—Isaias 55:10, 11.

w14 10/15 10 ¶14

Magkaroon ng Di-natitinag na Pananampalataya sa Kaharian

14 Isaalang-alang ang ipinangako ni Jehova kay Haring David ng sinaunang Israel sa pamamagitan ng tipang Davidiko. (Basahin ang 2 Samuel 7:12, 16.) Nakipagtipan si Jehova kay David noong naghahari ito sa Jerusalem. Ipinangako niya kay David na ang magiging Mesiyas ay isa sa mga inapo nito. (Luc. 1:30-33) Sa gayon, higit pang nilinaw ni Jehova kung kaninong angkan magmumula ang binhi. Itinakda niya na isang tagapagmana ni David ang bibigyan ng “legal na karapatan” sa trono ng Mesiyanikong Kaharian. (Ezek. 21:25-27) Sa pamamagitan ni Jesus, ang paghahari ni David ay “matibay na matatatag . . . hanggang sa panahong walang takda.” Oo, ang binhi ni David ay “magiging hanggang sa panahong walang takda, at ang kaniyang trono ay magiging gaya ng araw.” (Awit 89:34-37) Ang pamamahala ng Mesiyas ay hindi kailanman magiging tiwali, at ang mga isasagawa nito ay mamamalagi magpakailanman.

Espirituwal na Hiyas

it-1 1033 ¶6

Huling Araw, Mga

Hula ni Balaam. Bago pumasok sa Lupang Pangako ang mga Israelita, sinabi ng propetang si Balaam sa hari ng Moab na si Balak: “Pumarito ka, ipahahayag ko sa iyo kung ano ang gagawin ng bayang ito [ng Israel] sa iyong bayan sa dakong huli sa kawakasan ng mga araw. . . . Isang bituin ang tiyak na lalabas mula sa Jacob, at isang setro ang titindig nga mula sa Israel. At tiyak na babasagin niya ang mga pilipisan ng ulo ni Moab at ang bao ng ulo ng lahat ng mga anak ng kaguluhan ng digmaan.” (Bil 24:14-17) Sa unang katuparan ng hulang ito, ang “bituin” ay si Haring David, na sumupil sa mga Moabita. (2Sa 8:2) Samakatuwid, sa unang katuparan ng hulang ito, maliwanag na nagsimula ang “kawakasan ng mga araw” nang maging hari si David. Yamang si David ay lumalarawan sa Mesiyanikong Hari na si Jesus, matutupad din ang hulang ito kay Jesus kapag nanupil na siya sa kaniyang mga kaaway.​—Isa 9:7; Aw 2:8, 9.

HUNYO 6-12

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 SAMUEL 9-10

“Ang Tapat na Pag-ibig ni David”

w06 6/15 14 ¶6

Oo, Maaari Kang Maging Maligaya

“Maligaya ang sinumang gumagawi nang may pakundangan sa maralita,” ang isinulat ni David. Nagpatuloy siya: “Sa araw ng kapahamakan ay paglalaanan siya ni Jehova ng pagtakas. Babantayan siya ni Jehova at iingatan siyang buháy. Ipahahayag siyang maligaya.” (Awit 41:1, 2) Ang maibiging konsiderasyong ipinakita ni David kay Mepiboset, ang pilay na anak ng minamahal na kaibigan ni David na si Jonatan, ay isang halimbawa ng pagpapakita ng tamang saloobin sa maralita.​—2 Samuel 9:1-13.

w05 5/15 17 ¶12

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ikalawang Samuel

9:1, 6, 7. Tinupad ni David ang kaniyang pangako. Dapat din nating sikaping tuparin ang ating pangako.

w02 2/15 14 ¶10

Napagtagumpayan Nila ang mga Tinik sa Kanilang Laman

10 Pagkaraan ng ilang taon, udyok ng kaniyang matinding pag-ibig kay Jonatan, si Haring David ay nagpahayag ng maibiging-kabaitan kay Mepiboset. Ibinigay sa kaniya ni David ang lahat ng pag-aari ni Saul at inatasan ang tagapaglingkod ni Saul na si Ziba bilang katiwala ng lupaing iyon. Sinabi rin ni David kay Mepiboset: ‘Ikaw ay palagiang kakain ng tinapay sa aking mesa.’ (2 Samuel 9:6-10) Tiyak na nakaaliw kay Mepiboset ang maibiging-kabaitan ni David at nakatulong ito upang maibsan ang pasakit na dulot ng kaniyang kapansanan. Ano ngang inam na halimbawa! Dapat din tayong magpakita ng kabaitan sa mga nakikipagpunyagi sa isang tinik sa laman.

Espirituwal na Hiyas

it-1 306

Balbas

Sa maraming sinaunang mga tao sa Silangan, pati na sa mga Israelita, ang balbas ay pinahahalagahan bilang isang tanda ng dignidad ng lalaki. Ipinagbawal ng kautusan ng Diyos sa Israel ang paggupit sa ‘buhok sa gilid ng mukha’ o ang buhok sa pagitan ng tainga at ng mata, at pati na rin ang pag-ahit sa dulo ng balbas. (Lev 19:27; 21:5) Walang alinlangang ipinagbawal ito dahil isa itong relihiyosong kaugalian noon ng ilang pagano.

HUNYO 13-19

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 SAMUEL 11-12

“Huwag Kang Magpakontrol sa Maling Pagnanasa”

w21.06 17 ¶10

Makakatakas Ka sa mga Bitag ni Satanas!

10 Dahil sa kasakiman, nalimutan ni Haring David ang mga ibinigay sa kaniya ni Jehova, kasama na ang kayamanan, katanyagan, at tagumpay sa maraming kaaway. Sinabi ni David na ‘hindi niya mabanggit ang lahat ng ibinigay sa kaniya ng Diyos dahil sa dami!’ (Awit 40:5) Pero may pagkakataong nalimutan ni David ang mga ibinigay sa kaniya ni Jehova. Hindi na siya kontento at gusto pa niya ng higit. Marami nang asawa noon si David pero hinayaan niyang tumubo sa puso niya ang pagnanasa sa asawa ng iba. Si Bat-sheba ang babaeng iyon, at si Uria na Hiteo ang asawa nito. Naging makasarili si David at nakipagtalik siya kay Bat-sheba, at nagdalang-tao ito. Hindi pa siya nakontento, gumawa pa siya ng paraan para mapatay si Uria! (2 Sam. 11:2-15) Bakit iyon nagawa ni David? Hindi ba niya naisip na nakikita siya ni Jehova? Ang dating tapat na lingkod ni Jehova ay nagpadala sa kasakiman at pinagbayaran niya iyon nang malaki. Buti na lang, inamin ni David na nagkasala siya at pinagsisihan iyon. Laking pasasalamat niya na pinatawad siya ni Jehova!—2 Sam. 12:7-13.

w19.09 17 ¶15

Magpasakop kay Jehova—Bakit at Paano?

15 Inatasan ni Jehova si David hindi lang bilang ulo ng kaniyang pamilya kundi ng buong bansang Israel. Bilang hari, makapangyarihan si David. May mga pagkakataong ginamit niya sa maling paraan ang kapangyarihan niya at nagkasala siya nang malubha. (2 Sam. 11:14, 15) Pero ipinakita niyang nagpapasakop siya kay Jehova nang tanggapin niya ang disiplina sa kaniya. Nanalangin siya at sinabi niya kay Jehova ang kaniyang niloloob. At sinikap niyang sundin ang mga payo ni Jehova. (Awit 51:1-4) Gayundin, mapagpakumbaba siyang tumanggap ng magandang mungkahi, hindi lang mula sa mga lalaki, kundi pati sa mga babae. (1 Sam. 19:11, 12; 25:32, 33) Natuto si David sa kaniyang mga pagkakamali at inuna niya sa kaniyang buhay ang paglilingkod kay Jehova.

w18.06 17 ¶7

Hayaan Mong Sanayin ng Kautusan at Simulain ng Diyos ang Iyong Budhi

7 Mabuti na lang at hindi na natin kailangang danasin pa ang masasaklap na resulta ng pagsuway sa kautusan ng Diyos para matuto ng mahahalagang aral. Matututo tayo mula sa pagkakamali ng iba na nakaulat sa Salita ng Diyos. Sinasabi ng Kawikaan 1:5: “Ang taong marunong ay makikinig at kukuha ng higit pang turo.” Oo, tumatanggap tayo ng pinakamahusay na tagubilin mula sa Diyos kapag binabasa natin at binubulay-bulay ang mga karanasang nakaulat sa Bibliya. Halimbawa, isipin ang pagdurusang dinanas ni Haring David nang suwayin niya ang utos ni Jehova at mangalunya kay Bat-sheba. (2 Sam. 12:7-14) Habang binabasa at binubulay-bulay natin ang ulat na ito, tanungin ang sarili: ‘Paano sana naiwasan ni Haring David ang sakit ng kalooban dahil sa pangangalunya kay Bat-sheba? Kung mapaharap ako sa gayong tukso, kaya ko bang iwasan iyon? Tatakas ba ako gaya ni Jose, o magpapadala sa tukso gaya ni David?’ (Gen. 39:11-15) Kapag binulay-bulay natin ang masasamang resulta ng pagkakasala, magagawa nating ‘kapootan ang kasamaan.’

Espirituwal na Hiyas

it-1 568 ¶4

David

Ngunit nagmamasid si Jehova, at ibinunyag niya ang kasuklam-suklam na pangyayaring iyon. Kung pinahintulutan ni Jehova na mga taong hukom sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang humawak sa kaso nina David at Bat-sheba, pinatay na sana ang dalawang nagkasala, at sabihin pa, ang di-pa-naisisilang na supling na bunga ng kanilang pangangalunya ay mamamatay kasama ng kaniyang ina. (Deu 5:18; 22:22) Gayunman, si Jehova mismo ang humawak sa kasong ito at pinagpakitaan niya ng awa si David dahil sa tipan ukol sa Kaharian (2Sa 7:11-16), walang alinlangang dahil si David mismo ay nagpakita ng awa (1Sa 24:4-7; ihambing ang San 2:13) at dahil sa pagsisisi na nakita ng Diyos sa mga nagkasala. (Aw 51:1-4) Ngunit hindi nila naiwasan ang lahat ng kaparusahan. Sa pamamagitan ng propetang si Natan, ipinahayag ni Jehova: “Narito, magbabangon ako laban sa iyo ng kapahamakan mula sa iyong sariling sambahayan.”​—2Sa 12:1-12.

HUNYO 20-26

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 SAMUEL 13-14

“Nauwi sa Kapahamakan ang Pagiging Makasarili ni Amnon”

it-1 36

Absalom

Pagpaslang kay Amnon. Dahil sa kagandahan ng kapatid na babae ni Absalom na si Tamar, nahumaling dito ang kaniyang nakatatandang kapatid sa ama na si Amnon. Habang nagkukunwaring may sakit, nagpakana si Amnon na paparoonin si Tamar sa kaniyang kuwarto upang ipagluto siya nito, at pagkatapos ay puwersahan niya itong hinalay. Ang erotikong pag-ibig ni Amnon ay napalitan ng mapanghamak na pagkapoot at iniutos niyang itaboy si Tamar sa labas. Hinapak naman ni Tamar ang kaniyang mahabang damit na guhit-guhit na pagkakakilanlan sa kaniya bilang isang anak na dalaga ng hari at naglagay siya ng abo sa kaniyang ulo. Nang makasalubong niya si Absalom, agad nitong nahalata kung ano ang nangyari at kaagad nitong pinaghinalaan si Amnon, anupat nagpapahiwatig na dati na nitong alam na pinagnanasahan ni Amnon si Tamar. Gayunman, tinagubilinan ni Absalom ang kaniyang kapatid na babae na huwag magharap ng anumang akusasyon at dinala niya ito sa kaniyang tahanan upang doon manirahan.​—2Sa 13:1-20.

w17.09 5 ¶11

Magkaroon ng Pagpipigil sa Sarili

11 Sa Bibliya, may mga babalang halimbawa ng mga hindi nagpakita ng pagpipigil sa sarili pagdating sa seksuwal na paggawi at ang masasamang resulta nito. Kung napapaharap ka sa sitwasyong kagaya ng kay Kim, makabubuting pag-isipan mo ang nangyari sa walang-karanasang kabataang lalaki na inilarawan sa Kawikaan kabanata 7. Isipin din ang ginawa ni Amnon at ang masaklap na resulta nito. (2 Sam. 13:1, 2, 10-15, 28-32) Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng karunungan at pagpipigil sa sarili kung pag-uusapan nila ito sa kanilang pampamilyang pagsamba gamit ang nabanggit na mga teksto at ulat sa Bibliya.

it-1 36 ¶5

Absalom

Pagkalipas ng dalawang taon, dumating ang panahon ng paggugupit sa mga tupa na isang masayang okasyon. At naghanda si Absalom ng isang piging sa Baal-hazor na mga 22 km (14 na mi) sa HHS ng Jerusalem, anupat inanyayahan niya ang mga anak ng hari at si David mismo. Nang tumangging dumalo ang kaniyang ama, pinilit ito ni Absalom na padaluhin na lamang si Amnon na panganay ni David. (Kaw 10:18) Sa piging, nang si Amnon ay ‘sumaya dahil sa alak,’ inutusan ni Absalom ang kaniyang mga lingkod na patayin ito. Ang iba pang mga anak ni David ay bumalik sa Jerusalem, at si Absalom ay yumaon sa pagkatapon sa piling ng kaniyang Siryanong lolo sa kaharian ng Gesur sa dakong S ng Dagat ng Galilea. (2Sa 13:23-38) Ang “tabak” na inihula ng propetang si Natan ay pumasok na ngayon sa “sambahayan” ni David at nanatili roon habang nabubuhay siya.​—2Sa 12:10.

Espirituwal na Hiyas

g04 12/22 8-9

Ang Pinakamahalagang Uri ng Kagandahan

Ibang-iba naman ang isa sa mga anak ni David na si Absalom. Siya ay naging isang taong di-kanais-nais sa kabila ng kaniyang kaakit-akit na hitsura. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Kung ihahambing nga kay Absalom ay walang lalaki na gayon kaganda sa buong Israel anupat pinupuri nang gayon na lamang. Mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo ay walang kapintasan sa kaniya.” (2 Samuel 14:25) Gayunman, ambisyon ang nag-udyok kay Absalom na magrebelde laban sa kaniyang sariling ama at agawin ang trono. Hinalay pa man din niya ang mga babae ng kaniyang ama. Bunga nito, napoot ang Diyos kay Absalom at dumanas siya ng masaklap na kamatayan.​—2 Samuel 15:10-14; 16:13-22; 17:14; 18:9, 15.

Kaakit-akit ba sa iyo si Absalom? Siyempre, hindi. Sa kabuuan, isa siyang kasuklam-suklam na indibiduwal. Hindi natakpan ng kaniyang pambihirang pisikal na kagandahan ang kaniyang kahambugan at kataksilan, ni napigilan man nito ang kaniyang kapahamakan. Sa kabilang panig, naglalaman ang Bibliya ng maraming halimbawa ng matatalino at kanais-nais na mga tao pero wala namang binabanggit tungkol sa kanilang pisikal na anyo. Maliwanag, higit na mahalaga ang kanilang panloob na kagandahan.

HUNYO 27–HULYO 3

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 SAMUEL 15-17

“Nagrebelde si Absalom Dahil sa Pagmamataas”

it-2 1231

Tagapagpauna

Kaugalian noon sa Silangan na magpauna ang mga mananakbo sa maharlikang karo upang ihanda at ianunsiyo ang pagdating ng hari at upang tulungan siya sa iba pang mga bagay. (1Sa 8:11) Bilang paggaya sa gayong maharlikang dignidad at upang magdagdag ng karangalan sa kani-kanilang paghihimagsik at magtinging may pagsang-ayon ang mga ito, naglagay si Absalom at si Adonias ng 50 mananakbo sa unahan ng sarili nilang mga karo.​—2Sa 15:1; 1Ha 1:5; tingnan ang MANANAKBO, MGA.

w12 7/15 13 ¶5

Maglingkod sa Diyos ng Kalayaan

5 Sa Bibliya, maraming halimbawa ng mga tao na naging masamang impluwensiya sa iba. Ang isa sa mga ito ay si Absalom na anak ni Haring David. Napakagandang lalaki ni Absalom. Pero gaya ni Satanas, nagpadaig siya sa sakim na ambisyon. Gusto niyang mapasakaniya ang trono ng kaniyang ama kahit wala naman siyang karapatan dito. Para maagaw ang pagkahari, pinapaniwala niya ang kaniyang mga kapuwa Israelita na gusto niya silang tulungan at na walang malasakit sa kanila ang hari. Tulad ng Diyablo sa hardin ng Eden, nagpanggap si Absalom na nagmamalasakit siya sa taong-bayan at kasabay nito’y siniraang-puri ang kaniyang sariling ama.​—2 Sam. 15:1-5.

it-1 964

Hebron

Pagkaraan ng ilang taon, ang anak ni David na si Absalom ay bumalik sa Hebron. Dito niya sinimulan ang nabigo niyang pag-agaw sa pagkahari ng kaniyang ama. (2Sa 15:7-10) Malamang na dahil sa pagiging makasaysayan ng Hebron, palibhasa’y naging kabisera ito ng Juda, at dahil ito ang kaniyang tinubuang lunsod, kung kaya pinili ni Absalom na sa lunsod na ito pasimulan ang kaniyang kampanya para makuha ang trono. Nang maglaon, ang Hebron ay muling itinayo ng apo ni David na si Haring Rehoboam. (2Cr 11:5-10) Pagkatapos itiwangwang ng mga Babilonyo ang Juda at pagkabalik ng mga Judiong tapon, ang ibang nakabalik na mga Judio ay nanirahan sa Hebron (Kiriat-arba).​—Ne 11:25.

Espirituwal na Hiyas

w18.08 6 ¶11

Tama Ba ang Nakuha Mong Impormasyon?

11 Bilang mga indibiduwal, puwede rin tayong mabiktima ng kawalang-katarungan dahil sa di-kumpletong impormasyon na kumakalat tungkol sa atin. Tingnan ang nangyari kina Haring David at Mepiboset. Naging bukas-palad at mabait si David kay Mepiboset. Ibinalik niya sa kaniya ang lahat ng lupain ng kaniyang lolong si Saul. (2 Sam. 9:6, 7) Pero nang maglaon, nakatanggap si David ng negatibong ulat tungkol kay Mepiboset. Inalisan niya agad si Mepiboset ng lahat ng pag-aari nito nang hindi muna inaalam kung tama ang impormasyong natanggap niya. (2 Sam. 16:1-4) Nang makausap ni David si Mepiboset, nalaman niyang nagkamali siya at ibinalik niya rito ang isang bahagi ng pag-aari. (2 Sam. 19:24-29) Pero naiwasan sana ang kawalang-katarungang iyon kung naglaan si David ng panahon para alamin ang katotohanan sa halip na magpadalos-dalos batay sa di-kumpletong impormasyon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share