Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr23 Enero p. 1-9
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2023
  • Subtitulo
  • ENERO 2-8
  • ENERO 9-15
  • ENERO 16-22
  • ENERO 23-29
  • ENERO 30–PEBRERO 5
  • PEBRERO 6-12
  • PEBRERO 13-19
  • PEBRERO 20-26
  • PEBRERO 27–MARSO 5
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2023
mwbr23 Enero p. 1-9

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

© 2022 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

ENERO 2-8

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 22-23

“Dapat Maging Mapagpakumbaba”

w00 9/15 29-30

Ang Mapagpakumbabang si Josias ay Nagkamit ng Pagsang-ayon ni Jehova

Mula umagang-umaga, buong-kasipagang nagtatrabaho ang mga tagakumpuni ng templo. Tiyak na nagpapasalamat si Josias kay Jehova na inaayos ng mga manggagawa ang pinsalang ginawa ng ilan sa kaniyang mga balakyot na mga ninuno sa bahay ng Diyos. Habang sumusulong ang gawain, dumating si Sapan upang mag-ulat. Ngunit ano ito? Aba, may dala siyang balumbon! Ipinaliwanag niya na natagpuan ng Mataas na Saserdoteng si Hilkias “ang aklat ng kautusan ni Jehova sa pamamagitan ng kamay ni Moises.” (2 Cronica 34:12-18) Isa ngang walang-katumbas na tuklas—na walang-alinlangang ang orihinal na kopya ng Batas!

Nananabik si Josias na marinig ang bawat salita ng aklat. Habang nagbabasa si Sapan, tinitingnan ng hari kung paano kumakapit sa kaniya at sa bayan ang bawat utos. Lalung-lalo nang napukaw ang kaniyang damdamin sa kung paanong idiniin ng aklat ang tunay na pagsamba at inihula ang mga darating na salot at pagkatapon na sasapit kung lalahok ang bayan sa huwad na relihiyon. Ngayong napagtanto niya na hindi nasusunod ang lahat ng mga utos ng Diyos, hinapak ni Josias ang kaniyang mga kasuutan at inutusan sina Hilkias, Sapan, at ang iba pa: ‘Sumangguni kayo kay Jehova tungkol sa mga salita ng aklat na ito; sapagkat malaki ang pagngangalit ni Jehova na nagliyab sa atin sa dahilang ang ating mga ninuno ay hindi nakinig sa mga salita ng aklat na ito.’—2 Hari 22:11-13; 2 Cronica 34:19-21.

w00 9/15 30 ¶2

Ang Mapagpakumbabang si Josias ay Nagkamit ng Pagsang-ayon ni Jehova

Nagpunta ang mga mensahero ni Josias kay Hulda na propetisa sa Jerusalem at nagbalik na may dalang ulat. Ipinaabot ni Hulda ang salita ni Jehova, na nagpapahiwatig na ang mga kapahamakang nakaulat sa kasusumpong na aklat ay sasapit sa apostatang bansa. Gayunman, sa dahilang nagpakababa siya sa harapan ng Diyos na Jehova, hindi na kailangang makita ni Josias ang kapahamakan. Mapipisan siya sa kaniyang mga ninuno at dadalhin sa kaniyang libingan nang payapa.​—2 Hari 22:14-20; 2 Cronica 34:22-28.

Espirituwal na Hiyas

w01 4/15 26 ¶3-4

Maaari Kang Magtagumpay Anuman ang Paraan ng Pagpapalaki sa Iyo

Sa kabila ng di-kaayaayang mga kalagayan noong unang mga taon ng kaniyang pagkabata, pinasimulang gawin ni Josias ang mabuti sa paningin ni Jehova. Gayon na lamang katagumpay ang kaniyang paghahari anupat ang Bibliya ay nagsasabi: “Walang haring nauna sa kaniya ang naging tulad niya na nanumbalik kay Jehova nang kaniyang buong puso at nang kaniyang buong kaluluwa at nang kaniyang buong lakas, ayon sa lahat ng kautusan ni Moises; ni may bumangon mang kasunod niya na naging tulad niya.”​—2 Hari 23:19-25.

Nakapagpapatibay ngang halimbawa si Josias para sa mga kinailangang magbata ng di-kaayaayang panahon ng pagkabata! Ano ang matututuhan natin sa kaniyang halimbawa? Ano ang nakatulong kay Josias upang piliin ang tamang landasin at manatili rito?

ENERO 9-15

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 24-25

“Maging Alisto”

w01 2/15 12 ¶2

Malapit Na ang Araw ng Paghuhukom ni Jehova!

2 Ang panghuhula ni Zefanias ay walang pagsalang nagpalaki sa kamalayan ng kabataang si Josias hinggil sa pangangailangang alisin ang maruming pagsamba sa Juda. Subalit ang mga ginawa ng hari na pag-aalis sa huwad na relihiyon mula sa lupain ay hindi pumawi sa lahat ng kabalakyutan ng mga tao o nagbayad-sala sa mga kasalanan ng kaniyang lolo, si Haring Manases, na ‘pumuno sa Jerusalem ng dugong walang-sala.’ (2 Hari 24:3, 4; 2 Cronica 34:3) Kaya, ang araw ng paghuhukom ni Jehova ay tiyak na darating.

w07 3/15 11 ¶10

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Jeremias

Ang taon ay 607 B.C.E. Ikalabing-isang taon na ng paghahari ni Zedekias. Labing-walong buwan na ang nakalipas mula nang kubkubin ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya ang Jerusalem. Sa ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ika-19 na taon ng paghahari ni Nabucodonosor, “dumating” sa Jerusalem si Nebuzaradan, ang pinuno ng tagapagbantay. (2 Hari 25:8) Marahil mula sa kaniyang kampo sa labas ng pader ng lunsod, pinag-aralan ni Nebuzaradan ang situwasyon at gumawa siya ng plano. Pagkalipas ng tatlong araw, sa ikasampung araw ng buwan, siya ay “dumating,” o pumasok, sa Jerusalem. At sinunog niya ang lunsod.​—Jeremias 52:12, 13.

Espirituwal na Hiyas

w05 8/1 12 ¶1

Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Ikalawang Hari

24:3, 4. Dahil sa pagkakasala ni Manases sa dugo, “hindi pumayag si Jehova na maggawad ng kapatawaran” sa Juda. Iginagalang ng Diyos ang dugo ng mga walang sala. Makapagtitiwala tayo na ipaghihiganti ni Jehova ang walang-salang dugo sa pamamagitan ng pagpuksa sa mga nagbububo nito.​—Awit 37:9-11; 145:20.

ENERO 16-22

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CRONICA 1-3

“Ang Bibliya—Totoo ang Nilalaman Nito, Hindi Alamat”

w09 9/1 14 ¶1

Adan at Eva—Talaga Bang Nabuhay Sila?

Kuning halimbawa ang talaangkanan ng mga Judio na nakaulat sa aklat ng Bibliya na Unang Cronica kabanata 1 hanggang 9 at sa Ebanghelyo ni Lucas kabanata 3. Ang kahanga-hanga at detalyadong ulat na ito ng talaangkanan ay sumasaklaw ng 48 at 75 henerasyon. Iniuulat ni Lucas ang talaangkanan ni Jesu-Kristo, samantalang iniuulat naman ng Cronica ang talaangkanan ng mga hari at saserdote ng bansang Israel. Mababasa sa mga talaangkanang ito ang mga pangalan ng kilalang mga tao na gaya nina Solomon, David, Jacob, Isaac, Abraham, Noe, at Adan. Ang lahat ng pangalang binanggit sa dalawang talaang ito ay mga taong talagang nabuhay. At sa parehong talaang ito, nakalista si Adan na unang taong nabuhay.

w08 6/1 3 ¶4

Si Noe at ang Baha—Isang Tunay na Pangyayari, Hindi Kathang-Isip

Dalawang talaangkanang binabanggit sa Bibliya ang nagpapatotoo na isang tunay na persona si Noe. (1 Cronica 1:4; Lucas 3:36) Sina Ezra at Lucas, na bumuo ng mga talaangkanang ito, ay maiingat na mananaliksik. Itinala ni Lucas na si Jesu-Kristo ay mula sa talaangkanan ni Noe.

w09 9/1 14

Adan at Eva—Talaga Bang Nabuhay Sila?

Kuning halimbawa ang turo ng Bibliya na napakahalaga sa maraming nagsisimba—ang pantubos. Ayon sa turong ito, ibinigay ni Jesu-Kristo ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos upang iligtas ang mga tao sa kanilang kasalanan. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Gaya ng alam natin, ang pantubos ay kabayaran na kasinghalaga ng isang bagay na tinutubos. Kaya inilalarawan ng Bibliya si Jesus bilang “katumbas na pantubos.” (1 Timoteo 2:6) Baka maitanong natin, ‘Katumbas ng ano?’ Ganito ang sagot ng Bibliya: “Kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” (1 Corinto 15:22) Ang sakdal na buhay na inihandog ni Jesus para tubusin ang masunuring sangkatauhan ay katumbas ng sakdal na buhay na naiwala ni Adan nang magkasala siya sa Eden. (Roma 5:12) Maliwanag, kung hindi umiral si Adan, walang saysay ang haing pantubos ni Kristo.

Espirituwal na Hiyas

it-2 1255 ¶2-3

Talaangkanan

Mga Pangalan ng mga Babae. Paminsan-minsan, ang mga babae ay binabanggit sa mga rehistro ng mga talaangkanan kapag hinihiling iyon sa kasaysayan. Sa Genesis 11:29, 30 ay binabanggit si Sarai (Sara), maliwanag na dahil ang ipinangakong Binhi ay manggagaling sa kaniya, hindi sa iba pang asawa ni Abraham. Maaaring kaya binanggit si Milca sa salaysay ring iyon ay sapagkat siya ang lola ni Rebeka na asawa ni Isaac, sa gayon ay ipinakikita na ang angkan ni Rebeka ay nagmula sa mga kamag-anak ni Abraham, yamang hindi dapat kumuha si Isaac ng asawa mula sa ibang mga bansa. (Gen 22:20-23; 24:2-4) Sa Genesis 25:1, ibinibigay naman ang pangalan ng mas huling asawa ni Abraham na si Ketura. Ipinakikita nito na muling nag-asawa si Abraham pagkamatay ni Sara at na mayroon pa siyang kakayahang magkaanak mahigit sa 40 taon mula nang makahimala itong panauliin ni Jehova. (Ro 4:19; Gen 24:67; 25:20) Isa pa, isinisiwalat nito ang kaugnayan sa Israel ng Midian at ng iba pang mga tribong Arabe.

Sina Lea, Raquel, at ang mga babae ni Jacob ay binabanggit din, kasama ang mga anak na isinilang nila. (Gen 35:21-26) Tinutulungan tayo nito na maunawaan ang naging pakikitungo ng Diyos sa kanilang mga anak noong dakong huli. Sa ganito ring kadahilanan, makikita natin sa mga rehistro ng mga talaangkanan ang mga pangalan ng iba pang mga babae. Kapag ang isang mana ay isinalin sa pamamagitan nila, maaaring ilakip ang kanilang mga pangalan. (Bil 26:33) Sabihin pa, namumukod-tangi sina Tamar, Rahab, at Ruth. Sa bawat kaso, kahanga-hanga kung paano sila napabilang sa linya ng pinagmulang angkan ng Mesiyas, si Jesu-Kristo. (Gen 38; Ru 1:3-5; 4:13-15; Mat 1:1-5) Ang iba pang mga halimbawa ng pagbanggit sa mga babae sa mga talaan ng angkan ay 1 Cronica 2:35, 48, 49; 3:1-3, 5.

ENERO 23-29

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CRONICA 4-6

“Ano ang Nakikita ni Jehova sa Akin sa mga Panalangin Ko?”

w10 10/1 23 ¶3-7

Isa na “Dumirinig ng Panalangin”

Nananalangin si Jabez mula sa puso. Sinimulan niya ang kaniyang panalangin sa pamamagitan ng pagsusumamo para sa pagpapala ng Diyos. Pagkatapos, tatlong bagay ang hiniling niya na nagpapakita ng kaniyang matibay na pananampalataya.

Una, nagsumamo si Jabez sa Diyos: ‘Palakihin mo ang aking teritoryo.’ (Talata 10) Ang marangal na lalaking ito ay hindi gahaman sa lupain, na kinukuha ang pag-aari ng kaniyang kapuwa. Ang kahilingan niya ay may kaugnayan sa mga tao sa halip na sa lupain. Maaaring hinihiling niya na mapalaki ang kaniyang teritoryo sa mapayapang paraan upang mas maraming mananamba ng tunay na Diyos ang makatira dito.

Ikalawa, nagsumamo si Jabez na sumakaniya nawa ang “kamay” ng Diyos, na sagisag ng Kaniyang kapangyarihan. Ginagamit ito ni Jehova para tulungan ang kaniyang mga mananamba. (1 Cronica 29:12) Para matanggap ang kaniyang mga kahilingan, umasa si Jabez sa Diyos, na ang kamay ay hindi maikli sa mga nananampalataya sa kaniya.​—Isaias 59:1.

Ikatlo, nanalangin si Jabez: “[Ingatan] mo ako mula sa kapahamakan, upang hindi ako saktan niyaon.” Ang pananalitang “upang hindi ako saktan niyaon” ay maaaring magpahiwatig na hindi ipinanalangin ni Jabez na makaligtas siya mula sa kapahamakan, kundi na sana’y makayanan niya ito o hindi siya madaig ng kasamaan.

Ipinakikita ng panalangin ni Jabez na mahalaga sa kaniya ang tunay na pagsamba at na nananampalataya siya sa Dumirinig ng panalangin. Ano ang naging sagot ni Jehova? Sa ganito nagtatapos ang maikling ulat na ito: “Sa gayon ay pinangyari ng Diyos ang kaniyang hiniling.”

Espirituwal na Hiyas

w05 10/1 9 ¶7

Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Unang Cronica

5:10, 18-22. Noong panahon ni Haring Saul, tinalo ng mga tribong nasa silangan ng Jordan ang mga Hagrita bagaman mahigit sa doble ang dami ng mga Hagrita kaysa sa mga tribong ito. Nangyari ito dahil ang magigiting na lalaki ng mga tribong ito ay nagtiwala kay Jehova at umasa sa tulong niya. Magkaroon sana tayo ng lubos na tiwala kay Jehova habang isinasagawa natin ang ating espirituwal na pakikibaka laban sa napakaraming kaaway.​—Efeso 6:10-17.

ENERO 30–PEBRERO 5

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CRONICA 7-9

“Makakayanan Mo ang Mahihirap na Atas sa Tulong ni Jehova”

w05 10/1 9 ¶8

Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Unang Cronica

9:26, 27. Ang mga Levitang bantay ng pintuang-daan ay binigyan ng napakahalagang atas. Ipinagkatiwala sa kanila ang susi sa pasukan ng banal na mga dako ng templo. Maaasahan sila sa pagbubukas ng mga pinto araw-araw. Ipinagkatiwala sa atin ang pananagutang kausapin ang mga tao sa ating teritoryo at tulungan silang maging mananamba ni Jehova. Hindi ba’t dapat din nating patunayan na tayo’y maaasahan at mapagkakatiwalaan na gaya ng mga Levitang bantay ng pintuang-daan?

w11 9/15 32 ¶8

Matutularan Mo ba si Pinehas sa Pagharap sa mga Hamon?

Mabigat ang responsibilidad ni Pinehas sa sinaunang Israel. Pero dahil sa lakas ng loob, kaunawaan, at pananalig sa Diyos, matagumpay niyang naharap ang mga hamon. Sinuportahan siya ng Diyos sa pagsisikap niyang pangalagaan ang kongregasyon ni Jehova. Pagkaraan ng mga 1,000 taon, isinulat ni Ezra: “Si Pinehas na anak ni Eleazar ang lider nila noong nakalipas. Si Jehova ay sumakaniya.” (1 Cro. 9:20) Totoo rin sana iyan sa lahat ng nangunguna ngayon sa bayan ng Diyos, pati na sa lahat ng Kristiyanong matapat na naglilingkod sa kaniya.

Espirituwal na Hiyas

w10 12/15 21 ¶6

Umawit kay Jehova!

6 Oo, ginamit ni Jehova ang mga propeta para utusan ang kaniyang mga mananamba na purihin siya sa pamamagitan ng awit. Ang mga mang-aawit mula sa makasaserdoteng tribo ay hindi na binigyan ng mga tungkuling hinihiling sa ibang mga Levita para magkaroon sila ng sapat na panahon sa pagkatha ng mga awitin at, malamang, sa pag-eensayo.​—1 Cro. 9:33.

PEBRERO 6-12

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CRONICA 10-12

“Maging Determinadong Sundin ang Diyos”

w12 11/15 6 ¶12-13

“Turuan Mo Akong Gawin ang Iyong Kalooban”

12 Dapat din nating tularan ang pagpapahalaga ni David sa mga simulain ng Kautusan at ang pagnanais niyang mamuhay ayon dito. Pag-usapan natin ang nangyari nang maghangad si David na ‘makainom ng tubig mula sa imbakang-tubig ng Betlehem.’ Tatlo sa mga tauhan niya ang sapilitang pumasok sa lunsod—na noon ay okupado ng mga Filisteo—at kumuha ng tubig. Pero “hindi pumayag [si David] na inumin iyon, kundi ibinuhos niya iyon para kay Jehova.” Bakit? Ipinaliwanag ni David: “Malayong mangyari sa ganang akin, kung tungkol sa aking Diyos, na gawin ito! Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito na nagsapanganib ng kanilang mga kaluluwa? Sapagkat nanganib ang kanilang mga kaluluwa nang kunin nila iyon.”​—1 Cro. 11:15-19.

13 Alam ni David na ayon sa Kautusan, ang dugo ay dapat ibuhos para kay Jehova at hindi dapat kainin. Nauunawaan din niya kung bakit dapat itong gawin. Alam ni David na “ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo.” Pero tubig ito, hindi dugo. Bakit hindi niya ito ininom? Naunawaan niya ang simulain sa kahilingan ng Kautusan. Para kay David, ang tubig na iyon ay kasinghalaga ng dugo ng tatlong tauhan niya. Kaya naman hindi niya maatim na inumin iyon. Sa halip, ipinasiya niyang ibuhos iyon sa lupa.​—Lev. 17:11; Deut. 12:23, 24.

w18.06 17 ¶5-6

Hayaan Mong Sanayin ng Kautusan at Simulain ng Diyos ang Iyong Budhi

5 Para makinabang sa mga kautusan ng Diyos, hindi sapat ang basta pagbabasa lang o pagiging pamilyar sa mga ito. Dapat nating pasidhiin ang pag-ibig at paggalang dito. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.” (Amos 5:15) Pero paano? Tularan ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay. Para ilarawan: Ipagpalagay nang hindi ka nakakatulog nang mahimbing. Iminungkahi ng doktor mo na magdiyeta ka, mag-ehersisyo, at baguhin ang lifestyle mo. Nang subukan mo ito, epektibo pala! Malamang na pasalamatan mo ang doktor mo.

6 Sa katulad na paraan, binigyan tayo ng ating Maylalang ng mga kautusang poprotekta sa atin mula sa masasamang epekto ng kasalanan at sa gayo’y gumanda ang buhay natin. Isipin kung paano tayo nakikinabang sa pagsunod sa mga utos ng Bibliya tungkol sa pagsisinungaling, pagpapakana, pagnanakaw, seksuwal na imoralidad, karahasan, at espiritismo. (Basahin ang Kawikaan 6:16-19; Apoc. 21:8) Kapag nararanasan natin ang maraming pagpapalang dulot ng pagsunod kay Jehova, sisidhi ang ating pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang kautusan.

Espirituwal na Hiyas

it-2 993 ¶5-6

Puso

Paglilingkod Taglay ang “Sakdal na Puso.” Kailangang buo ang literal na puso upang gumana ito nang normal, ngunit ang makasagisag na puso ay maaaring mabahagi. Nanalangin si David: “Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan,” anupat nagpapahiwatig na maaaring mabahagi ang puso ng isang tao may kinalaman sa mga kinalulugdan at mga kinatatakutan nito. (Aw 86:11) Ang gayong tao ay maaaring “may pusong hati”—malahininga sa pagsamba sa Diyos. (Aw 119:113; Apo 3:16) Ang isang indibiduwal ay maaari ring may ‘salawahang puso’ (sa literal, may isang puso at isang puso), anupat nagsisikap na maglingkod sa dalawang panginoon, o mapanlinlang na nagsasabi ng isang bagay gayong iba naman ang nasa isip. (1Cr 12:33; Aw 12:2, tlb sa Rbi8) Mariing tinuligsa ni Jesus ang gayong pagpapaimbabaw ng salawahang puso.​—Mat 15:7, 8.

Kung nais ng isa na paluguran ang Diyos, hindi siya dapat magkaroon ng pusong hati ni ng salawahang puso kundi dapat niyang paglingkuran ang Diyos taglay ang isang sakdal na puso. (1Cr 28:9) Nangangailangan ito ng marubdob na pagsisikap dahil ang puso ay mapanganib at nakahilig sa kasamaan. (Jer 17:9, 10; Gen 8:21) Makatutulong sa pagpapanatili ng isang sakdal na puso ang mga sumusunod: taos-pusong pananalangin (Aw 119:145; Pan 3:41), regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos (Ezr 7:10; Kaw 15:28), masigasig na pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita (ihambing ang Jer 20:9), at pakikisama sa iba na ang mga puso ay sakdal kay Jehova.​—Ihambing ang 2Ha 10:15, 16.

PEBRERO 13-19

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CRONICA 13-16

“Magtatagumpay Ka Kung Masunurin Ka”

w03 5/1 10

Itinatanong Mo ba Kung “Nasaan si Jehova?”

12 Pagkatapos maibalik ang kaban ng tipan sa Israel at maingatan sa loob ng maraming taon sa Kiriat-jearim, hinangad ni Haring David na ilipat ito sa Jerusalem. Sumangguni siya sa mga pinuno ng bayan at sinabi na ililipat ang Kaban ‘kung waring mabuti ito sa kanila at kaayaaya ito kay Jehova.’ Ngunit hindi sapat ang paghahanap niya kay Jehova upang matiyak ang kalooban Niya sa bagay na ito. Kung ginawa niya iyon, hindi sana isinakay sa karwahe ang Kaban. Binuhat sana ito ng mga Kohatitang Levita sa kanilang mga balikat, gaya ng malinaw na iniutos ng Diyos. Bagaman madalas na sumangguni si David kay Jehova, hindi niya ginawa iyon sa wastong paraan sa pagkakataong ito. Kapaha-pahamak ang resulta. Nang maglaon ay inamin ni David: “Sumiklab ang galit ni Jehova na ating Diyos laban sa atin, sapagkat hindi natin siya hinanap ayon sa kaugalian.”​—1 Cronica 13:1-3; 15:11-13; Bilang 4:4-6, 15; 7:1-9.

w03 5/1 11 ¶13

Itinatanong Mo ba Kung “Nasaan si Jehova?”

13 Nang sa wakas ay mailipat ng mga Levita ang Kaban mula sa bahay ni Obed-edom tungo sa Jerusalem, inawit ang awiting kinatha ni David. Kalakip dito ang taos-pusong paalaala: “Saliksikin ninyo si Jehova at ang kaniyang lakas, lagi ninyong hanapin ang kaniyang mukha. Alalahanin ninyo ang kaniyang mga kamangha-manghang pagkilos na kaniyang isinagawa, ang kaniyang mga himala at ang mga hudisyal na pasiya ng kaniyang bibig.”​—1 Cronica 16:11, 12.

Espirituwal na Hiyas

w14 1/15 10 ¶14

Sambahin si Jehova, ang Haring Walang Hanggan

14 Dinala ni David sa Jerusalem ang sagradong kaban ng tipan. Sa masayang okasyong iyon, ang mga Levita ay umawit ng papuri na may kapansin-pansing pananalita, na nakaulat sa 1 Cronica 16:31: “Sabihin nila sa gitna ng mga bansa, ‘Si Jehova ay naging hari!’” Pero kung si Jehova ang Haring walang hanggan, paanong siya ay naging Hari noong panahong iyon? Si Jehova ay nagiging Hari kapag ginagamit niya ang kaniyang awtoridad o nagtatalaga siya ng kakatawan sa kaniya sa isang partikular na panahon o sitwasyon. Napakahalagang maintindihan ang aspektong ito ng kaniyang pagkahari. Bago namatay si David, ipinangako ni Jehova na ang paghahari nito ay magpapatuloy magpakailanman: “Ibabangon ko nga ang iyong binhi na kasunod mo, na lalabas mula sa iyong mga panloob na bahagi; at itatatag ko nga nang matibay ang kaniyang kaharian.” (2 Sam. 7:12, 13) Natupad ang pangakong iyon nang lumitaw ang “binhi” ni David pagkaraan ng mahigit 1,000 taon. Sino siya, at kailan siya magiging Hari?

PEBRERO 20-26

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CRONICA 17-19

“Maging Masaya Pa Rin Kahit May mga Hindi Ka Magawa”

w06 7/15 19 ¶1

Ituon ang Pansin sa Kabutihan ng Organisasyon ni Jehova

SI David ng sinaunang Israel ay isa sa pinakabukod-tanging tao na binanggit sa Hebreong Kasulatan. Ang pastol, musikero, propeta, at haring ito ay lubusang nagtiwala sa Diyos na Jehova. Dahil sa kaniyang matalik na kaugnayan kay Jehova, ninais ni David na magtayo ng bahay para sa Diyos. Ang bahay na iyon, o templo, ang magiging sentro ng tunay na pagsamba sa Israel. Alam ni David na ang mga kaayusan sa templo ay magdudulot ng kagalakan at pagpapala sa bayan ng Diyos. Kaya umawit si David: “Maligaya siya na iyong [Jehova] pinipili at pinalalapit, upang tumahan siya sa iyong mga looban. Kami ay tunay na masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay, ang banal na dako ng iyong templo.”​—Awit 65:4.

w21.08 22 ¶11

Masiyahan sa mga Pribilehiyo Mo Ngayon

11 Magiging mas masaya rin tayo kung gagawin natin ang buong makakaya natin anumang atas ang ibigay sa atin ni Jehova. Maging “abalang-abala” sa pangangaral at sa iba pang gawain sa kongregasyon. (Gawa 18:5; Heb. 10:24, 25) Paghandaang mabuti ang mga pag-aaralan sa pulong para makapagbigay ka ng nakakapagpatibay na mga komento. Pahalagahan anuman ang bahagi na iatas sa iyo sa midweek meeting. Kung pinakisuyuan ka na tumulong sa isang gawain sa kongregasyon, dumating nang tama sa oras at ipakitang maaasahan ka. Huwag maliitin ang atas na ibinibigay sa iyo at isipin na hindi sulit na paglaanan iyon ng panahon. Sikaping pasulungin ang mga kakayahan mo. (Kaw. 22:29) Kapag ibinibigay mo ang buong makakaya mo para gampanan ang atas mo at ang iba pang espirituwal na gawain, mas mabilis kang susulong at magiging mas masaya ka. (Gal. 6:4) Magiging mas madali rin para sa iyo na makipagsaya kapag may ibang nakatanggap ng pribilehiyo na gusto mo sanang maabot.​—Roma 12:15; Gal. 5:26.

Espirituwal na Hiyas

w20.02 12, kahon

Mahal na Mahal Natin ang Ating Ama, si Jehova

Napapansin Kaya Ako ni Jehova?

Naitanong mo na ba sa sarili mo, ‘Bakit naman ako mapapansin ni Jehova, samantalang bilyon-bilyon ang tao sa mundo?’ Marami rin ang nakakaisip niyan. Isinulat ni Haring David: “O Jehova, ano ang tao para pansinin mo, ang anak ng taong mortal para pagmalasakitan mo?” (Awit 144:3) Sigurado si David na kilalang-kilala siya ni Jehova. (1 Cro. 17:16-18) At gamit ang kaniyang Salita at organisasyon, tinitiyak din ni Jehova sa iyo na napapansin niya ang pag-ibig mo sa kaniya. Tingnan ang ilang patunay sa Salita ng Diyos:

• Nakita ka na ni Jehova bago ka pa man ipanganak.​—Awit 139:16.

• Alam ni Jehova kung ano ang nasa puso mo at ang iniisip mo.​—1 Cro. 28:9.

• Si Jehova mismo ang nakikinig sa mga panalangin mo.​—Awit 65:2.

• May epekto kay Jehova ang mga ginagawa mo.​—Kaw. 27:11.

• Si Jehova mismo ang naglapit sa iyo sa kaniya.​—Juan 6:44.

• Kaya kang buhaying muli ni Jehova sakaling mamatay ka, dahil kilalang-kilala ka niya. Bibigyan ka niya ng bagong katawan at pag-iisip na kagayang-kagaya ng dati. Ibabalik niya ang mga alaala mo at katangian.​—Juan 11:21-26, 39-44; Gawa 24:15.

PEBRERO 27–MARSO 5

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CRONICA 20-22

“Tulungan ang mga Kabataan sa Paglilingkod Nila”

w17.01 29 ¶8

“Ang mga Bagay na Ito ay Ipagkatiwala Mo sa mga Taong Tapat”

8 Basahin ang 1 Cronica 22:5. Puwede sanang isipin ni David na hindi kuwalipikado si Solomon na pangasiwaan ang importanteng proyektong iyon. Ang itatayong templo kasi ay “magiging lubhang maringal,” at si Solomon ay “bata pa” noon at walang karanasan. Pero alam ni David na tutulungan ni Jehova si Solomon na magampanan ang atas na ibinigay sa kaniya. Kaya nagpokus si David sa magagawa niya, at inihanda ang maraming materyales na gagamitin.

w17.01 29 ¶7

“Ang mga Bagay na Ito ay Ipagkatiwala Mo sa mga Taong Tapat”

7 Hindi nagmukmok si David kahit hindi sa kaniya mapupunta ang kapurihan sa pagtatayo ng templo. Totoo, tinawag nga itong templo ni Solomon, hindi templo ni David. Malamang na nalungkot si David dahil hindi natupad ang naisin ng kaniyang puso, pero lubos niyang sinuportahan ang proyekto. Nag-organisa siya ng mga grupo ng manggagawa at nagtipon ng bakal, tanso, pilak, at ginto, at ng mga tablang sedro. Pinasigla rin niya si Solomon at sinabi: “Ngayon, anak ko, sumaiyo nawa si Jehova, at maging matagumpay ka at itayo mo ang bahay ni Jehova na iyong Diyos, gaya ng sinalita niya may kinalaman sa iyo.”​—1 Cro. 22:11, 14-16.

w18.03 11 ¶14-15

Tinutulungan Mo Ba ang Iyong Anak na Sumulong Tungo sa Bautismo?

14 Bilang espirituwal na mga pastol, makatutulong ang mga elder sa pagsisikap ng mga magulang kung ipakikipag-usap nila ang espirituwal na mga tunguhin. Naalaala ng isang sister na kinausap siya ni Brother Charles T. Russell noong anim na taóng gulang lang siya. Sinabi ng sister, “Naglaan siya ng 15 minuto para kausapin ako tungkol sa espirituwal na mga tunguhin ko.” Ang resulta? Ang sister na ito ay nagpayunir nang mahigit 70 taon! Oo, panghabambuhay ang epekto ng positibong mga salita at pampatibay-loob. (Kaw. 25:11) Puwede ring anyayahan ng mga elder ang mga magulang at ang kanilang mga anak sa mga proyekto sa Kingdom Hall at bigyan ng atas ang mga bata depende sa edad at kakayahan ng mga ito.

15 Paano makatutulong ang iba sa kongregasyon? Puwede silang magpakita ng angkop na personal na interes sa mga kabataan, gaya ng pagbibigay-pansin sa mga palatandaan ng pagsulong sa espirituwal. Halimbawa, mahusay ba ang komento ng isang bata, o gumanap ba siya ng bahagi sa pulong sa gitnang sanlinggo? Napagtagumpayan ba ng isang kabataan ang isang pagsubok sa katapatan o nakapagpatotoo siya sa paaralan? Bigyan siya agad ng komendasyon. Puwede rin nating gawing tunguhin—bago o pagkatapos ng pulong—na kausapin ang isang kabataan at magpakita ng personal na interes. Ipadama natin sa mga bata na bahagi sila ng “malaking kongregasyon.”​—Awit 35:18.

Espirituwal na Hiyas

w05 10/1 11 ¶6

Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Unang Cronica

21:13-15. Inutusan ni Jehova ang anghel na ihinto ang salot dahil damang-dama Niya ang pagdurusa ng Kaniyang bayan. Talagang “napakarami ng kaniyang kaawaan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share