Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr23 Marso p. 1-9
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2023
  • Subtitulo
  • MARSO 6-12
  • MARSO 13-19
  • MARSO 20-26
  • MARSO 27–ABRIL 2
  • Espirituwal na Hiyas
  • ABRIL 10-16
  • Espirituwal na Hiyas
  • ABRIL 17-23
  • ABRIL 24-30
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2023
mwbr23 Marso p. 1-9

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

© 2022 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

MARSO 6-12

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CRONICA 23-26

“Naging Organisado ang Pagsamba sa Templo”

it-2 204

Levita, Mga

Sa ilalim ng paghahari ni David, organisadung-organisado ang gawain ng mga Levita dahil nag-atas siya ng mga tagapangasiwa, mga opisyal, mga hukom, mga bantay ng pintuang-daan, mga ingat-yaman, at ng napakaraming makakatulong ng mga saserdote sa templo, sa mga looban, at sa mga silid-kainan may kaugnayan sa paghahandog, paghahain, gawaing pagpapadalisay, pagtitimbang, pagsusukat, at sa iba’t ibang tungkuling pagbabantay. Ang mga Levitang manunugtog ay inorganisa sa 24 na grupo, katulad ng mga pangkat ng mga saserdote, at halinhinan silang naglilingkod. Ang kanilang mga tungkulin ay pinagpasiyahan sa pamamagitan ng palabunutan. Ang partikular na atas ng mga grupo ng bantay ng pintuang-daan ay pinili rin sa gayong paraan.​—1Cr 23, 25, 26; 2Cr 35:3-5, 10.

it-2 1103

Saserdote

Sa paglilingkod sa templo, ang mga saserdote ay inorganisa sa ilalim ng iba’t ibang opisyal. Idinaraan sa palabunutan ang pag-aatas ng partikular na paglilingkod. Ang bawat isa sa 24 na pangkat ay naglilingkod nang tig-iisang linggo, anupat dalawang ulit na naglilingkod sa loob ng isang taon. Sa mga kapanahunan ng kapistahan, maliwanag na ang lahat ng saserdote ay naglilingkod, yamang libu-libong hain ang inihahandog ng bayan, gaya noong ialay ang templo. (1Cr 24:1-18, 31; 2Cr 5:11; ihambing ang 2Cr 29:31-35; 30:23-25; 35:10-19.) Maaaring maglingkod ang isang saserdote sa ibang pagkakataon basta’t hindi siya makikialam sa itinakdang mga paglilingkod ng mga saserdoteng nakatokang maglingkod sa panahong iyon. Ayon sa mga tradisyong rabiniko, noong panahong nabubuhay si Jesus sa lupa, marami ang mga saserdote, kung kaya ang lingguhang paglilingkod ay hinati-hati pa sa iba’t ibang pamilya na bumubuo sa bawat pangkat, anupat ang bawat pamilya ay naglilingkod nang isa o higit pang mga araw depende sa kanilang bilang.

it-2 428

Musika

Kaugnay ng mga paghahanda para sa templo ni Jehova, ibinukod ni David ang 4,000 Levita para sa paglilingkod bilang mga mang-aawit at mga manunugtog. (1Cr 23:4, 5) Sa mga ito, 288 ang “sinanay sa pag-awit kay Jehova, ang lahat ay mga bihasa.” (1Cr 25:7) Ang buong kaayusan ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng tatlong mahuhusay na manunugtog, sina Asap, Heman, at Jedutun (lumilitaw na nagngangalan ding Etan). Yamang ang bawat isa sa mga lalaking ito ay inapo ng isa sa tatlong anak ni Levi na sina Gersom (ninuno ni Asap), Kohat (ninuno ni Heman), at Merari (ninuno ni Jedutun), kung gayon, nagkaroon ng kinatawan ang tatlong pangunahing Levitang pamilya sa organisasyong pangmusika ng templo. (1Cr 6:16, 31-33, 39-44; 25:1-6) Ang mga anak ng tatlong lalaking ito ay may kabuuang bilang na 24, na pawang kabilang sa nabanggit na 288 dalubhasang manunugtog. Sa pamamagitan ng palabunutan, bawat anak ay inatasang maging ulo ng isang pangkat ng mga manunugtog. Sa ilalim ng kaniyang pangunguna, mayroon pang 11 “bihasa,” na pinili naman mula sa sarili niyang mga anak gayundin sa iba pang mga Levita. Sa ganitong paraan, ang 288 ([1 + 11] × 24 = 288) bihasang Levitang manunugtog, tulad ng mga saserdote, ay pinagbukud-bukod sa 24 na grupo. Kung hahati-hatiin sa gayong paraan ang lahat ng natitirang 3,712 “nag-aaral,” sa katamtaman ay madaragdagan ng mga 155 ang bawat isa sa 24 na pangkat, anupat nangangahulugang sa bawat “bihasa” ay may nakaatas na mga 13 Levita sa iba’t ibang yugto ng edukasyon at pagsasanay sa musika. (1Cr 25:1-31) Yamang mga saserdote ang mga manunugtog ng trumpeta, magiging karagdagan pa sila sa bilang ng mga Levitang manunugtog.​—2Cr 5:12; ihambing ang Bil 10:8.

it-1 320

Bantay ng Pintuang-daan

Sa Templo. Nang malapit nang mamatay si Haring David, inorganisa niya ang mga Levita at ang mga manggagawa sa templo, kabilang na rito ang mga bantay ng pintuang-daan, na 4,000. Pumapasok sila, ayon sa kani-kanilang pangkat, nang tigpipitong araw. Pananagutan nilang bantayan ang bahay ni Jehova at tiyaking nakabukas at nakasara ang mga pinto nito sa tamang mga panahon. (1Cr 9:23-27; 23:1-6) Bukod sa pagbabantay, inaasikaso rin ng ilan ang mga abuloy na dinadala ng bayan para sa templo. (2Ha 12:9; 22:4) Nang pahiran ni Jehoiada na mataas na saserdote si Jehoas bilang hari, may pantanging mga bantay na itinalaga sa mga pintuang-daan ng templo upang protektahan ang batang si Jehoas laban sa mang-aagaw ng kapangyarihan na si Reyna Athalia. (2Ha 11:4-8) Noong pawiin ni Haring Josias ang idolatrosong pagsamba, tumulong ang mga bantay-pinto sa pag-aalis ng mga kagamitang ginamit sa pagsamba kay Baal mula sa templo. Pagkatapos ay sinunog ang mga iyon sa labas ng lunsod.​—2Ha 23:4.

Espirituwal na Hiyas

w22.03 22 ¶10

Mas Magiging Masaya Ka Dahil sa Tunay na Pagsamba

10 Sinasamba natin si Jehova kapag sumasabay tayo sa pag-awit. (Awit 28:7) Para sa mga Israelita, mahalagang bahagi ng pagsamba ang pag-awit. Nag-atas si Haring David ng 288 Levita para umawit sa templo. (1 Cro. 25:1, 6-8) Ngayon, maipapakita nating mahal natin ang Diyos kapag kumakanta tayo ng mga awit ng papuri. Hindi naman kailangang maganda ang boses natin. Pag-isipan ito: “Lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit” kapag nagsasalita, pero hindi dahilan iyon para hindi tayo magsalita sa loob ng kongregasyon at sa ministeryo. (Sant. 3:2) Kaya hindi rin dahilan ang pagiging sintunado para hindi tayo umawit ng papuri kay Jehova.

MARSO 13-19

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 CRONICA 27-29

“Ang Payo ng Isang Mapagmahal na Ama sa Kaniyang Anak”

w05 2/15 19 ¶9

Ingatan ang Ating Pagkakakilanlan Bilang mga Kristiyano

9 Patunayan mo sa iyong sarili ang katotohanan sa Bibliya. Maaaring lumabo sa isipan natin ang ating pagkakakilanlan bilang mga lingkod ni Jehova kung hindi matatag na nakasalig ang ating pagkakakilanlan sa kaalaman sa Kasulatan. (Filipos 1:9, 10) Bata man o matanda, kailangang mapatunayan ng bawat Kristiyano sa kaniyang sarili na ang kaniyang pinaniniwalaan ay siya ngang katotohanan na masusumpungan sa Bibliya. Hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya: “Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam.” (1 Tesalonica 5:21) Dapat matanto ng mga kabataang Kristiyano na kabilang sa mga pamilyang may takot sa Diyos na hindi sila maaaring maging tunay na mga Kristiyano dahil lamang sa pananampalataya ng kanilang mga magulang. Hinikayat si Solomon ng kaniyang ama, si David, na ‘kilalanin ang Diyos ng kaniyang ama at maglingkod sa Kaniya nang may sakdal na puso.’ (1 Cronica 28:9) Hindi sapat para sa batang si Solomon na masaksihan kung paano nalinang ng kaniyang sariling ama ang pananampalataya nito kay Jehova. Kailangan niyang kilalanin mismo si Jehova, at gayon nga ang ginawa niya. Nagsumamo siya sa Diyos: “Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman upang ako ay makalabas sa harap ng bayang ito at upang ako ay makapasok.”​—2 Cronica 1:10.

w12 4/15 16 ¶13

Panatilihin ang Isang Sakdal na Puso kay Jehova

13 Malinaw ang aral. Hindi sapat ang pagiging regular sa mga pulong at sa ministeryo para makapaglingkod kay Jehova nang may sakdal na puso. (2 Cro. 25:1, 2, 27) Kung sa kaibuturan ng puso ng isang Kristiyano ay patuloy niyang iniibig ang “mga bagay na nasa likuran”—samakatuwid nga, mga bagay na bahagi ng pamumuhay ng sanlibutang ito—nanganganib ang kaniyang mabuting katayuan sa Diyos. (Luc. 17:32) Magiging “karapat-dapat [lang tayo] sa kaharian ng Diyos” kung ‘kamumuhian natin ang balakyot at kakapit tayo sa mabuti.’ (Luc. 9:62; Roma 12:9) Kahit may mga bagay sa sanlibutan ni Satanas na tila kapaki-pakinabang o kanais-nais, dapat nating tiyakin na walang makapagpapahinto sa atin sa buong-pusong paglilingkod sa Diyos.​—2 Cor. 11:14; basahin ang Filipos 3:13, 14.

w17.09 32 ¶20-21

“Magpakalakas-loob Ka . . . at Kumilos”

20 Ipinaalaala ni Haring David kay Solomon na sasakaniya si Jehova hanggang sa matapos ang pagtatayo ng templo. (1 Cro. 28:20) Tiyak na isinapuso ni Solomon ang sinabi ng kaniyang ama, at hindi niya hinayaang maging sagabal ang kaniyang pagiging kabataan at kawalan ng karanasan. Nagpakalakas-loob siya, kumilos, at sa tulong ni Jehova, natapos niya ang maringal na templo sa loob ng pito at kalahating taon.

21 Tinulungan ni Jehova si Solomon, at matutulungan din niya tayong magpakalakas-loob at kumilos para magampanan ang ating gawain sa pamilya at sa kongregasyon. (Isa. 41:10, 13) Kapag nagpapakita tayo ng lakas ng loob sa pagsamba kay Jehova, makapagtitiwala tayo na pagpapalain niya tayo ngayon at sa hinaharap. Kung gayon, lahat nawa tayo ay “magpakalakas-loob . . . at kumilos.”

Espirituwal na Hiyas

w17.03 29 ¶6-7

Maging Kaibigan Kapag Nanganganib ang Pagkakaibigan

May iba pang matapat na kaibigan si David na dumamay sa kaniya sa mahihirap na panahon. Isa rito si Husai, na tinutukoy sa Bibliya bilang “kaibigan ni David.” (2 Sam. 16:16; 1 Cro. 27:33) Malamang na isa siyang opisyal ng korte na naging kaibigan at kasamahan ng hari, isa na nagsasagawa ng kompidensiyal na mga utos.

Nang agawin ng anak ni David na si Absalom ang trono, maraming Israelita ang kumampi kay Absalom, pero hindi si Husai. Noong tumatakas si David, pinuntahan siya ni Husai. Napakasakit kay David dahil tinraidor siya ng kaniyang sariling anak at ng ilang pinagkakatiwalaan niya. Pero nanatiling matapat si Husai at handa siyang isapanganib ang buhay niya para maisagawa ang isang misyon na bibigo sa sabuwatan. Hindi ito ginawa ni Husai dahil lang sa obligasyon niya ito bilang opisyal ng korte. Talagang naging matapat na kaibigan siya.​—2 Sam. 15:13-17, 32-37; 16:15–17:16.

MARSO 20-26

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 1-4

“Ang Maling Desisyon ni Haring Solomon”

it-1 1020 ¶3

Hukbo, I

Nang mamahala si Solomon, isang bagong kabanata ang napasulat sa kasaysayan ng hukbo ng Israel. Bagaman maituturing na mapayapa ang kaniyang paghahari, nagparami siya ng mga kabayo at mga karo. (Tingnan ang KARO.) Ang karamihan sa mga kabayong ito ay binili at inangkat mula sa Ehipto. Buu-buong mga lunsod ang kinailangang itayo sa buong teritoryo upang maging himpilan ng bagong mga dibisyong ito ng militar. (1Ha 4:26; 9:19; 10:26, 29; 2Cr 1:14-17) Ngunit hindi kailanman pinagpala ni Jehova ang bagong ideyang ito ni Solomon, at nang mamatay siya at mahati ang kaharian, humina ang hukbo ng Israel. Gaya ng isinulat ni Isaias nang maglaon: “Sa aba niyaong mga bumababa sa Ehipto upang magpatulong, yaong mga nananalig sa hamak na mga kabayo, at naglalagak ng kanilang tiwala sa mga karong pandigma, dahil marami ang mga iyon, at sa mga kabayong pandigma, dahil napakalakas ng mga iyon, ngunit hindi tumitingin sa Banal ng Israel at hindi humahanap kay Jehova.”​—Isa 31:1.

it-1 1455

Karo

Sa Israel, noong panahon lamang ni Solomon nagsimulang magkaroon ng malaking hukbo ng mga karo ang bansa. Malamang na ito’y dahil sa babala ng Diyos sa mga hari na huwag silang magparami ng mga kabayo, na para bang nakasalalay sa mga iyon ang seguridad ng bansa. Nilimitahan ng pagbabawal na ito ang paggamit ng mga karo, yamang mga kabayo ang ginagamit para patakbuhin ang mga sasakyang ito. (Deu 17:16) Nang babalaan ni Samuel ang bayan tungkol sa pabigat na ipapataw ng mga haring tao, sinabi niya sa kanila: “Ang inyong mga anak na lalaki ay kukunin niya at ilalagay sila bilang kaniya sa kaniyang mga karo.” (1Sa 8:11) Nang tangkain ni Absalom at ni Adonias na agawin ang pagkahari, kapuwa sila nagpagawa ng kani-kaniyang karo, at 50 lalaki ang tumatakbo sa unahan ng mga ito. (2Sa 15:1; 1Ha 1:5) Nagtira si David ng 100 buháy na kabayong pangkaro matapos niyang talunin ang hari ng Zoba.​—2Sa 8:3, 4; 10:18.

Upang palakasin ang hukbo ng Israel, pinarami ni Haring Solomon ang mga karo hanggang umabot ang mga ito sa bilang na 1,400. (1Ha 10:26, 29; 2Cr 1:14, 17) Maliban sa Jerusalem, may iba pang mga bayang kilala bilang mga lunsod ng karo na nagkaroon ng mga pasilidad para pangalagaan ang lahat ng sasakyang pandigmang ito.​—1Ha 9:19, 22; 2Cr 8:6, 9; 9:25.

Espirituwal na Hiyas

w05 12/1 19 ¶6

Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Ikalawang Cronica

1:11, 12. Ang kahilingan ni Solomon ay nagpapakita kay Jehova na ang pagkakaroon ng karunungan at kaalaman ang hangarin ng puso ng hari. Tunay ngang isinisiwalat ng ating mga panalangin kung ano ang hangarin ng ating puso. Isang katalinuhan na suriin natin kung ano ang ating ipinapanalangin.

MARSO 27–ABRIL 2

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 5-7

“Ang Puso Ko ay Mananatili Rito”

w02 11/15 5 ¶1

Huwag Pabayaan ang Pagtitipon

Nang maglaon, nang si David ang hari sa Jerusalem, ipinahayag niya ang masidhing hangarin na magtayo ng isang permanenteng bahay ukol sa kaluwalhatian ni Jehova. Subalit dahil si David ay isang lalaking mandirigma, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.” Sa halip, pinili Niya ang anak ni David na si Solomon upang magtayo ng templo. (1 Cronica 22:6-10) Pinasinayaan ni Solomon ang templo noong 1026 B.C.E., pagkatapos ng pagtatayong tumagal nang pito at kalahating taon. Sinang-ayunan ni Jehova ang gusaling ito, na sinasabi: “Pinabanal ko ang bahay na ito na iyong itinayo sa pamamagitan ng paglalagay ng aking pangalan doon hanggang sa panahong walang takda; at ang aking mga mata at ang aking puso ay tiyak na doroong lagi.” (1 Hari 9:3) Hangga’t nananatiling tapat ang mga Israelita, itutuon ni Jehova ang kaniyang lingap sa bahay na iyon. Ngunit kung tatalikuran nila ang tama, aalisin ni Jehova ang kaniyang lingap sa dakong iyon, at “ang bahay na [iyon] ay magiging mga bunton ng mga guho.”​—1 Hari 9:4-9; 2 Cronica 7:16, 19, 20.

it-2 1290

Templo

Kasaysayan. Umiral ang templong ito hanggang noong 607 B.C.E., kung kailan winasak ito ng hukbong Babilonyo sa ilalim ni Haring Nabucodonosor. (2Ha 25:9; 2Cr 36:19; Jer 52:13) Dahil sa pagbaling ng Israel sa huwad na relihiyon, pinahintulutan ng Diyos ang mga bansa na ligaligin ang Juda at Jerusalem, anupat may mga pagkakataong sinamsam pa nga nila ang mga kayamanan ng templo. May mga panahon din na pinabayaan ang templo. Noong mga araw ni Rehoboam na anak ni Solomon, anupat mga 33 taon lamang mula nang pasinayaan ang templo, ninakawan ito ni Haring Sisak ng mga kayamanan nito (993 B.C.E.). (1Ha 14:25, 26; 2Cr 12:9) Iginalang ni Haring Asa (977-937 B.C.E.) ang bahay ni Jehova, ngunit upang protektahan ang Jerusalem, may-kamangmangan niyang sinuhulan ng pilak at ginto mula sa kabang-yaman ng templo si Haring Ben-hadad I ng Sirya, upang sirain nito ang pakikipagtipan nito kay Baasa na hari ng Israel.​—1Ha 15:18, 19; 2Cr 15:17, 18; 16:2, 3.

Espirituwal na Hiyas

w10 12/1 11 ¶7

Alam Niya ang Laman ng “Puso ng mga Anak ng Sangkatauhan”

Makasusumpong tayo ng kaaliwan sa panalangin ni Solomon. Maaaring hindi lubusang maunawaan ng ating kapuwa ang nadarama natin—ang ating “sariling salot” at “sariling kirot.” (Kawikaan 14:10) Pero alam ito ni Jehova, at talagang nagmamalasakit siya sa atin. Kung ibubuhos natin ang laman ng ating puso sa panalangin, gagaan ang ating pasanin. “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan,” ang sabi ng Bibliya, “sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”​—1 Pedro 5:7.

ABRIL 10-16

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 8-9

“Napakahalaga sa Kaniya ng Karunungan”

w99 11/1 20 ¶4

Kapag Umapaw ang Pagkabukas-palad

Siyempre pa, ang reyna ng Sheba ay gumawa rin ng malaking pagsasakripisyo ng panahon at pagsisikap upang dalawin si Solomon. Maliwanag na ang Sheba ay nasa lugar ng makabagong-panahong Republika ng Yemen; kaya ang reyna at ang hanay ng kaniyang mga kamelyo ay naglakbay nang mahigit na 1,600 kilometro patungong Jerusalem. Tulad ng sinabi ni Jesus, “dumating siya mula sa mga wakas ng lupa.” Bakit ba sinuong ng reyna ng Sheba ang gayong kalaking hirap? Siya ay dumalaw pangunahin na “upang pakinggan ang karunungan ni Solomon.”​—Lucas 11:31.

w99 7/1 30 ¶4-5

Isang Pagdalaw na Saganang Pinagpala

Sa paano man, dumating ang reyna sa Jerusalem “na may kasunod na lubhang kahanga-hangang pangkat, mga kamelyo na may dalang langis ng balsamo at napakaraming ginto at mahahalagang bato.” (1 Hari 10:2a) Sinasabi ng ilan na kasama sa “kahanga-hangang pangkat” ang isang nasasandatahang konsorte. Mauunawaan naman ito, kung isasaalang-alang na ang reyna ay isang makapangyarihang dignitaryo at naglalakbay na may dalang sampu-sampung milyong dolyar na halaga ng mahahalagang bagay.

Gayunman, pansinin na narinig ng reyna ang kabantugan ni Solomon “may kaugnayan sa pangalan ni Jehova.” Kaya hindi lamang ito isang paglalakbay na pangkalakal. Maliwanag, ang reyna ay pangunahin nang nagpunta upang marinig ang karunungan ni Solomon—marahil ay matuto pa nga tungkol sa kaniyang Diyos, si Jehova. Yamang siya ay malamang na nagmula kay Shem o kay Ham, na mga mananamba ni Jehova, maaaring gusto niyang malaman ang tungkol sa relihiyon ng kaniyang mga ninuno.

w99 7/1 30

Isang Pagdalaw na Saganang Pinagpala

Gayon na lamang ang paghanga ng reyna ng Sheba sa karunungan ni Solomon at sa kasaganaan ng kaniyang kaharian anupat “nawalan siya ng espiritu.” (1 Hari 10:4, 5) Sinasabi ng ilan na ang pariralang ito ay nangangahulugan na ang reyna ay “halos di-makahinga.” Sinabi pa nga ng isang iskolar na ito’y hinimatay! Anuman ang nangyari, namangha ang reyna sa kaniyang nakita at narinig. Sinabi niyang maligaya ang mga lingkod ni Solomon sa pagkarinig sa karunungan ng haring ito, at pinagpala niya si Jehova sa pagluluklok kay Solomon sa trono. Pagkatapos ay binigyan niya ang hari ng mamahaling mga regalo, ang ginto lamang ay nagkakahalaga sa kabuuan, sa halaga ngayon, ng mga $40,000,000. Nagregalo rin si Solomon, anupat ibinigay sa reyna “ang lahat ng kaniyang kinalugdan na hiniling niya.”​—1 Hari 10:6-13.

it-2 1193

Solomon

Pagkatapos na mamasdan din ng reyna ang karilagan ng templo at ng bahay ni Solomon, ang pagsisilbi sa mesa nito at ang mga tagapagsilbi ng inumin bukod pa sa kagayakan ng mga ito, at ang palagiang mga haing sinusunog sa templo, “nawalan na siya ng espiritu,” anupat ibinulalas niya, “Narito! Ni hindi nga nasabi sa akin ang kalahati. Nahigitan mo sa karunungan at kasaganaan ang mga bagay na narinig na aking napakinggan.” Pagkatapos ay ipinahayag niyang maligaya ang mga lingkod na naglilingkod sa gayong hari. Dahil sa lahat ng ito, pinuri niya at pinagpala ang Diyos na Jehova, na nagpamalas ng kaniyang pag-ibig sa Israel sa pamamagitan ng pag-aatas kay Solomon bilang hari upang maglapat ng hudisyal na pasiya at katuwiran.​—1Ha 10:4-9; 2Cr 9:3-8.

Espirituwal na Hiyas

it-2 1346

Trono

Ang tanging trono ng isang tagapamahala ng Israel na inilarawan nang detalyado ay yaong ipinagawa ni Solomon. (1Ha 10:18-20; 2Cr 9:17-19) Waring ito ay nasa “Beranda ng Trono,” isa sa mga gusaling nakatayo sa Bundok Moria sa Jerusalem. (1Ha 7:7) Iyon ay ‘isang malaking tronong garing na kinalupkupan ng dinalisay na ginto at may bilog na kulandong sa likuran nito at mga patungan ng braso.’ Bagaman posible na garing ang pangunahing materyales ng maharlikang silyang ito, ang pamamaraan ng pagtatayo na karaniwang sinunod sa templo ay waring nagpapahiwatig na yari ito sa kahoy, anupat kinalupkupan ng dinalisay na ginto at magarbong pinalamutian ng kalupkop na mga panel ng garing. Sa nagmamasid, ang gayong trono ay magtitinging yari sa taganas na garing at ginto. Matapos banggitin ang anim na baytang na patungo sa trono, nagpatuloy ang ulat: “Dalawang leon ang nakatayo sa tabi ng mga patungan ng braso. At labindalawang leon ang nakatayo roon sa anim na baytang sa panig na ito at sa panig na iyon.” (2Cr 9:17-19) Angkop na sagisag ang leon para sa namamahalang awtoridad. (Gen 49:9, 10; Apo 5:5) Waring ang 12 leon ay katumbas ng 12 tribo ng Israel, anupat posibleng sumasagisag sa kanilang pagpapasakop at pagsuporta sa tagapamahalang nakaupo sa tronong ito. Sa paanuman ay nakakabit sa trono ang isang tuntungang ginto. Batay sa pagkakalarawan dito, ang tronong ito na garing at ginto—sa matayog at nakukulandungang posisyon nito na may mariringal na leon sa harap—ay nakahihigit sa alinmang trono noong yugtong iyon ng panahon, yaon mang natuklasan ng mga arkeologo, ipinakita sa mga bantayog, o inilarawan sa mga inskripsiyon. Gaya ng makatotohanang obserbasyon ng mananalaysay: “Walang ibang kaharian ang gumawa ng anumang katulad nito.”​—2Cr 9:19.

ABRIL 17-23

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 10-12

“Makinabang sa Matalinong Payo”

w18.06 13 ¶3

Nakamit Niya Sana ang Pagsang-ayon ng Diyos

Nahirapang magdesisyon si Rehoboam! Kung pakikinggan niya ang hiling nila, baka mabawasan ang luho niya, ng pamilya niya, at ng mga kasama niya sa palasyo, at hindi na sila makapag-uutos nang husto sa bayan. Kung tatanggi naman siya, baka magrebelde ang bayan. Ano’ng gagawin niya? Humingi muna ng payo ang bagong hari sa matatandang lalaki na naging tagapayo ni Solomon. Pero pagkatapos nito, humingi rin siya ng payo sa mga nakababatang lalaki na kaedaran niya. Sinunod niya ang payo ng mga kaedaran niya at ipinasiyang pagmalupitan ang bayan. Sinabi niya: “Gagawin kong mas mabigat ang inyong pamatok, at ako, sa ganang akin, ay magdaragdag doon. Ang aking ama, sa ganang kaniya, ay nagparusa sa inyo sa pamamagitan ng mga hampas, ngunit ako naman ay sa pamamagitan ng mga hagupit.”​—2 Cro. 10:6-14.

w01 9/1 29

Kung Paano Ka Makagagawa ng Mabubuting Pasiya

Naglalaan din si Jehova ng mga maygulang sa kongregasyon na sa kanila’y maaari nating ipakipag-usap ang ating mga pasiya. (Efeso 4:11, 12) Gayunman, sa pagsangguni sa iba, hindi natin dapat gayahin ang landasin ng mga lumalapit sa iba’t ibang tao hanggang sa matagpuan nila ang isa na magsasabi ng kanilang nais marinig. Pagkatapos ay susundin nila ang kaniyang payo. Dapat din nating tandaan ang babalang halimbawa ni Rehoboam. Nang mapaharap siya sa isang seryosong pagpapasiya, tumanggap siya ng mahusay na payo mula sa matatandang lalaki na naglingkod sa kaniyang ama. Gayunman, sa halip na sundin ang kanilang payo, sumangguni siya sa mga kabataang lalaki na kababata niya. Sa pagsunod sa kanilang payo, nakagawa siya ng isang lubhang di-matalinong pasiya at bilang resulta ay naiwala niya ang malaking bahagi ng kaniyang kaharian.​—1 Hari 12:1-17.

Kapag humihingi ng payo, lumapit sa mga may karanasan sa buhay at may mahusay na kaalaman sa Kasulatan at may malalim na paggalang sa mga tamang simulain. (Kawikaan 1:5; 11:14; 13:20) Kung posible, maglaan ng panahon upang magbulay-bulay sa mga simulaing nasasangkot at sa lahat ng impormasyon na nasaliksik mo. Kapag nakikita mo na ang mga bagay-bagay ayon sa liwanag ng Salita ni Jehova, ang tamang pasiya ay malamang na magiging mas malinaw.​—Filipos 4:6, 7.

it-2 1011

Rehoboam

Dahil sa mapagmataas at mapang-aping saloobing ito ni Rehoboam, lubusang lumayo ang loob ng karamihan sa bayan. Ang tanging mga tribo na patuloy na sumuporta sa sambahayan ni David ay ang Juda at Benjamin, samantalang ang mga saserdote at mga Levita ng dalawang kaharian, gayundin ang nakapangalat na mga indibiduwal sa sampung tribo, ay nagbigay rin ng suporta.​—1Ha 12:16, 17; 2Cr 10:16, 17; 11:13, 14, 16.

Espirituwal na Hiyas

it-1 1016

Hugis-kambing na Demonyo

Ipinakikita ng mga salita ni Josue sa Josue 24:14 na sa paanuman ay naapektuhan ang mga Israelita ng huwad na pagsamba ng Ehipto noong panahong nakikipamayan sila roon, samantalang binabanggit naman ni Ezekiel na sinasalot pa rin sila ng gayong mga paganong gawain kahit mahabang panahon na ang lumipas. (Eze 23:8, 21) Dahil dito, ipinapalagay ng ilang iskolar na ang utos ng Diyos na ibinigay sa ilang upang ang mga Israelita ay hindi na gumawa ng “mga hain sa hugis-kambing na mga demonyo” (Lev 17:1-7) at ang pagtatalaga ni Jeroboam ng mga saserdote “para sa matataas na dako at para sa hugis-kambing na mga demonyo at para sa mga guya na kaniyang ginawa” (2Cr 11:15) ay nagpapahiwatig na nagsagawa noon ng isang anyo ng pagsamba sa kambing ang mga Israelita gaya ng ginagawa sa Ehipto, partikular na sa Mababang Ehipto. Ayon kay Herodotus (II, 46), ang gayong pagsambang Ehipsiyo ang pinagbatayan ng mga Griego ng paniniwala nila kay Pan at pati sa mga satyr, mahahalay na diyos sa kagubatan, na nang maglaon ay inilarawan bilang may mga sungay, buntot ng kambing, at mga binti ng kambing. Ipinapalagay ng ilan na ang hitsura ng mga paganong diyos na ito, na kalahating tao at kalahating hayop, ang pinagmulan ng kaugaliang ilarawan si Satanas bilang may buntot, mga sungay, at mga paang may baak, isang kaugaliang laganap sa gitna ng mga nag-aangking Kristiyano noong Panahon ng Kadiliman.

Gayunman, hindi sinasabi kung ano talaga ang “mga mabalahibo” (seʽi·rimʹ) na iyon. Bagaman ipinapalagay ng ilan na ang mga iyon ay literal na mga kambing o mga idolo sa anyong kambing, waring hindi naman talagang gayon ang ipinahihiwatig; ni pinatutunayan man ito ng ibang mga kasulatan. Maaaring ipinahihiwatig lamang ng ginamit na termino na, sa isip ng mga sumasamba sa mga iyon, ang gayong huwad na mga diyos ay hugis-kambing o may mabalahibong kaanyuan. Maaari rin naman na ang paggamit ng “mga kambing” sa mga tekstong nabanggit ay isang paraan lamang ng paghamak sa lahat ng idolatrosong bagay, kung paanong sa maraming teksto, ang salita para sa mga idolo ay hinalaw sa isang termino na orihinal na nangangahulugang “bilug-bilog na dumi ng hayop,” na hindi naman nangangahulugan na ang mga idolo ay literal na gawa sa dumi ng hayop.​—Lev 26:30; Deu 29:17.

ABRIL 24-30

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 13-16

“Kailan Ka Umaasa kay Jehova?”

w21.03 5 ¶12

Mga Kabataang Brother—Paano Ninyo Makukuha ang Tiwala ng Iba?

12 Noong kabataan pa si Haring Asa, mapagpakumbaba siya at malakas ang loob. Halimbawa, nang palitan niya ang tatay niyang si Abias sa paghahari, gumawa siya ng kampanya laban sa idolatriya. “Sinabi rin niya sa Juda na hanapin si Jehova na Diyos ng mga ninuno nila at sundin ang Kautusan at ang mga batas.” (2 Cro. 14:1-7) At nang lusubin ni Zera na Etiope ang Juda kasama ang 1,000,000 mandirigma, humingi ng tulong si Asa kay Jehova at sinabi: “O Jehova, matutulungan mo kahit sino, marami man sila o mahina. Diyos naming Jehova, tulungan mo kami, dahil umaasa kami sa iyo.” Kitang-kita sa mga salita ni Asa na umasa siya sa kakayahan ni Jehova na iligtas siya at ang mga sakop niya. Nagtiwala si Asa sa kaniyang Ama sa langit, at “tinalo ni Jehova ang mga Etiope.”​—2 Cro. 14:8-12.

w21.03 5 ¶13

Mga Kabataang Brother—Paano Ninyo Makukuha ang Tiwala ng Iba?

13 Nakakatakot nga naman kung mapaharap ka sa 1,000,000 mandirigma, pero dahil umasa si Asa kay Jehova, nagtagumpay siya. Pero nang magkaroon ng maliit na problema si Asa, nakakalungkot, hindi siya lumapit kay Jehova. Nang pagbantaan siya ng hari ng Israel na si Baasa, humingi siya ng tulong sa hari ng Sirya. Dahil doon, napahamak siya! Ginamit ni Jehova si propeta Hanani para sabihin kay Asa: “Dahil umasa ka sa hari ng Sirya at hindi ka umasa sa Diyos mong si Jehova, nakatakas mula sa kamay mo ang hukbo ng hari ng Sirya.” At mula noon, lagi nang nakikipagdigma si Asa. (2 Cro. 16:7, 9; 1 Hari 15:32) Ano ang matututuhan natin dito?

w21.03 6 ¶14

Mga Kabataang Brother—Paano Ninyo Makukuha ang Tiwala ng Iba?

14 Manatiling mapagpakumbaba at laging magtiwala kay Jehova. Nang mabautismuhan ka, ipinakita mo ang pananampalataya mo at pagtitiwala kay Jehova. At ipinagkatiwala sa iyo ni Jehova ang pribilehiyo na maging bahagi ng pamilya niya. Ang kailangan mong gawin ngayon ay laging magtiwala kay Jehova. Baka madaling gawin iyan kapag napaharap ka sa malalaking desisyon, pero paano naman sa iba pang bagay? Napakahalaga na magtiwala kay Jehova kapag gumagawa ng mga desisyon, kasama na dito ang pagpili ng libangan, trabaho, at tunguhin sa buhay! Huwag magtiwala sa mga bagay na alam mo. Humanap ng mga prinsipyo sa Bibliya na bagay sa kalagayan mo, at sundin iyon. (Kaw. 3:5, 6) Kung gagawin mo iyan, mapapasaya mo si Jehova at makukuha mo ang respeto ng mga kapatid sa kongregasyon.​—Basahin ang 1 Timoteo 4:12.

Espirituwal na Hiyas

w17.03 19 ¶7

Maglingkod kay Jehova Nang May Sakdal na Puso!

7 Puwede nating suriin ang ating puso kung lubos ang debosyon natin sa Diyos. Tanungin ang sarili, ‘Determinado ba akong palugdan si Jehova, ipagtanggol ang tunay na pagsamba, at protektahan ang kaniyang bayan mula sa masasamang impluwensiya?’ Isipin ang lakas ng loob na kinailangan ni Asa para makapanindigan kay Maaca, ang inang reyna! Malamang na wala ka namang kilalá na katulad ni Maaca, pero baka may pagkakataong matutularan mo ang sigasig ni Asa. Halimbawa, paano kung isang kapamilya mo o isang malapít na kaibigan ang nagkasala pero hindi nagsisisi, at itiniwalag? Kikilos ka ba para putulin na ang pakikisama sa taong iyon? Ano talaga ang sinasabi ng puso mo?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share