Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
© 2024 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
SETYEMBRE 2-8
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 79-81
Ipakita ang Pag-ibig Mo sa Maluwalhating Pangalan ni Jehova
Ang Pantubos—Isang “Sakdal na Regalo” Mula sa Ating Ama
5 Paano natin maipakikitang mahal natin ang pangalan ni Jehova? Sa pamamagitan ng ating paggawi. Gusto ni Jehova na magpakabanal tayo. (Basahin ang 1 Pedro 1:15, 16.) Ibig sabihin, si Jehova lang ang sasambahin natin at susundin nang buong puso. Kahit pag-usigin tayo, sisikapin nating mamuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga simulain at utos. Sa pamamagitan ng ating matuwid na mga gawa, pinasisikat natin ang ating liwanag, at nakapagbibigay tayo ng kaluwalhatian sa pangalan ni Jehova. (Mat. 5:14-16) Bilang mga taong banal, pinatutunayan ng ating pamumuhay na mabuti ang mga utos ni Jehova at hindi totoo ang mga akusasyon ni Satanas. Kapag nakagawa tayo ng pagkakamali, nagsisisi tayo nang tunay at tinatalikuran ang mga gawaing lumalapastangan kay Jehova.—Awit 79:9.
Roma 10:13—‘Tumawag sa Pangalan ng Panginoon’
Sa Bibliya, ang pananalitang ‘tumawag sa pangalan ni Jehova’ ay hindi lang basta pagkaalam sa pangalan ng Diyos at paggamit nito sa pagsamba. (Awit 116:12-14) Kasama rin dito ang pagtitiwala sa Diyos at paghingi ng tulong sa kaniya.—Awit 20:7; 99:6.
Para kay Jesu-Kristo, napakahalaga ng pangalan ng Diyos. Sinimulan niya ang kaniyang modelong panalangin sa pagsasabing: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Sinabi rin ni Jesus na dapat nating kilalanin, sundin, at ibigin si Jehova para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan.—Juan 17:3, 6, 26.
Espirituwal na Hiyas
it-1 1253
Jose
Ang Pangalang Jose ay Naging Prominente. Dahil sa prominenteng posisyon ni Jose sa gitna ng mga anak ni Jacob, angkop na angkop na kung minsan ay ginagamit ang kaniyang pangalan upang tumukoy sa lahat ng tribo ng Israel (Aw 80:1) o doon sa mga napabilang sa hilagang kaharian. (Aw 78:67; Am 5:6, 15; 6:6) Ang kaniyang pangalan ay lumilitaw rin sa mga hula ng Bibliya. Sa makahulang pangitain ni Ezekiel, ang mana ni Jose ay dobleng bahagi (Eze 47:13), ang isa sa mga pintuang-daan ng lunsod na “Si Jehova Mismo ay Naroroon” ay nagtataglay ng pangalang Jose (Eze 48:32, 35), at sa pagtukoy sa muling-pinagkaisang bayan ni Jehova, ang Jose ay binanggit bilang pinuno ng isang bahagi ng bansa at ang Juda bilang pinuno ng isa pang bahagi. (Eze 37:15-26) Inihula ni Obadias na ang “sambahayan ni Jose” ay makikibahagi sa pagwasak sa “sambahayan ni Esau” (Ob 18), at inihula naman ni Zacarias na ililigtas ni Jehova ang “sambahayan ni Jose.” (Zac 10:6) Sa halip na Efraim, ang Jose ang lumilitaw bilang isa sa mga tribo ng espirituwal na Israel.—Apo 7:8.
Yamang itinala ang Jose sa Apocalipsis 7:8, ipinahihiwatig nito na ang hula ni Jacob noong mamamatay na siya ay magkakaroon ng pagkakapit sa espirituwal na Israel. Kaya naman kapansin-pansin na inilaan ng Makapangyarihan ng Jacob, ng Diyos na Jehova, si Kristo Jesus bilang ang Mabuting Pastol na nagbigay ng kaniyang buhay para sa “mga tupa.” (Ju 10:11-16) Si Kristo Jesus din ang pundasyong batong-panulok na kinatatayuan ng templo ng Diyos na binubuo ng espirituwal na mga Israelita. (Efe 2:20-22; 1Pe 2:4-6) At ang Pastol at Batong ito ay kasama ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.—Ju 1:1-3; Gaw 7:56; Heb 10:12; ihambing ang Gen 49:24, 25.
SETYEMBRE 9-15
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 82-84
Pahalagahan ang mga Pribilehiyo Mo
Mga Aral Mula sa mga Ibon
Pamilyar ang mga taga-Jerusalem sa langay-langayan. Karaniwan nang gumagawa ang mga ito ng kanilang pugad sa dulo ng bubong ng isang gusali. Ang ilang pugad ay matatagpuan sa templong itinayo ni Solomon. Malamang na namumugad dito ang mga langay-langayan taon-taon dahil ligtas na lugar ito para alagaan ang kanilang mga inakáy.
Ang mga pugad na iyon ay napansin ng kumatha ng Awit 84—isa sa mga anak ni Kora, na naglilingkod sa templo sa loob ng isang linggo kada anim na buwan. Hinangad niyang maging gaya ng langay-langayan na may permanenteng tirahan sa bahay ni Jehova. “Kay ganda ng iyong maringal na tabernakulo, O Jehova ng mga hukbo! Ninanasa at minimithi rin ng aking kaluluwa ang mga looban ni Jehova,” ang sabi niya. “Maging ang ibon man ay nakasumpong ng bahay, at ang langay-langayan ng pugad para sa kaniyang sarili, kung saan niya inilalagay ang kaniyang mga inakáy—ang iyong maringal na altar, O Jehova ng mga hukbo, aking Hari at aking Diyos!” (Awit 84:1-3) Nasasabik din ba tayo, pati na ang ating mga anak, na regular na makasama sa mga pagtitipon ang ating mga kapananampalataya?—Awit 26:8, 12.
Maging Makatuwiran sa Iyong mga Tunguhin, at Maging Maligaya
Maaaring dahil sa pagtanda o humihinang kalusugan, limitado na ang nagagawa mo sa paglilingkod kay Jehova. Kung ikaw ay isang magulang, baka iniisip mong hindi ka na gaanong nakikinabang sa personal na pag-aaral o mga Kristiyanong pagpupulong dahil halos lahat ng oras at lakas mo ay nagugugol mo na sa iyong maliliit na anak. Gayunman, posible kayang ang labis na pagtutuon ng pansin sa iyong mga limitasyon ang humahadlang sa iyo na makita ang kaya mo pa rin namang gawin?
Libu-libong taon na ang nakalilipas, isang Levita ang nagpahayag ng pagnanais na gawin ang isang bagay na imposibleng mangyari. Nagkaroon siya ng pribilehiyong maglingkod sa templo nang dalawang linggo sa bawat taon. Gayunman, nagpahayag siya ng kapuri-puring pagnanais na tumahan nang permanente malapit sa altar. (Awit 84:1-3) Ano ang nakatulong sa tapat na lalaking ito na maging kontento? Napag-isip-isip niya na kahit isang araw lamang sa mga looban ng templo ay isa nang napakagandang pribilehiyo. (Awit 84:4, 5, 10) Sa katulad na paraan, sa halip na laging isipin ang ating mga limitasyon, dapat nating unawain at ipagpasalamat ang mga bagay na kaya nating gawin.
Mahalaga Ka kay Jehova!
12 Kung may malubha kang sakit, makakatiyak kang alam ni Jehova ang pinagdadaanan mo. Hilingin ang tulong niya para magkaroon ka ng tamang pananaw sa sitwasyon mo. Pagkatapos, hanapin ang mga positibong salita na ipinasulat ni Jehova sa Bibliya para sa iyo. Laging isipin ang mga teksto na nagpapakitang mahalaga kay Jehova ang mga lingkod niya. Kapag ginawa mo iyan, makikita mong napakabuti ni Jehova sa lahat ng tapat na naglilingkod sa kaniya.—Awit 84:11.
Espirituwal na Hiyas
it-1 349
Batang Lalaking Walang Ama
Yamang madaling makaligtaan ang mga batang naulila at walang kalaban-laban, ginamit ni Jehova ang pananalitang “batang lalaking walang ama” upang ilarawan ang antas ng katuwirang ipinamamalas ng Israel o ang antas ng paglihis nila mula rito. Noong ang bansa ay nagtatamasa ng mabuting espirituwal na kalusugan, ang batang lalaking walang ama ay pinangangalagaan. Kapag nabaluktot ang katarungan sa lupain, tiyak na mapapabayaan ang batang lalaking walang ama, at isa itong sintomas ng kabulukan ng bansa. (Aw 82:3; 94:6; Isa 1:17, 23; Jer 7:5-7; 22:3; Eze 22:7; Zac 7:9-11; Mal 3:5) Isinumpa ni Jehova yaong mga naniniil sa batang lalaking walang ama. (Deu 27:19; Isa 10:1, 2) Inilalarawan ni Jehova ang kaniyang sarili bilang Manunubos (Kaw 23:10, 11), Katulong (Aw 10:14), at Ama (Aw 68:5) ng mga batang iyon. Siya ang Isa na naglalapat ng hatol alang-alang sa kanila (Deu 10:17, 18), nagpapakita ng awa sa kanila (Os 14:3), nagpapaginhawa sa kanila (Aw 146:9), at nag-iingat sa kanilang buhay.—Jer 49:11.
Ang isa sa mga pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyanismo ay ang malasakit nito sa mga naulila dahil sa pagkawala ng asawang lalaki o mga magulang. Sumulat ang alagad na si Santiago sa mga Kristiyano: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan.”—San 1:27.
SETYEMBRE 16-22
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 85-87
Makakatulong ang Panalangin Para Makapagtiis
Ipinaaaninag Mo ba ang Kaluwalhatian ni Jehova?
10 Para maipaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos, kailangan din nating “magmatiyaga . . . sa pananalangin.” (Roma 12:12) Maaari at dapat nating ipanalangin kay Jehova na tulungan tayong maglingkod sa kaniya sa katanggap-tanggap na paraan. Puwede tayong humiling ng banal na espiritu, higit na pananampalataya, lakas para malabanan ang tukso, at ng kakayahan na ‘gamitin nang wasto ang salita ng katotohanan.’ (2 Tim. 2:15; Mat. 6:13; Luc. 11:13; 17:5) Kung paanong nagtitiwala ang isang bata sa kaniyang ama, kailangan din nating magtiwala sa ating makalangit na Ama na si Jehova. Kapag humihingi tayo ng tulong para mapaglingkuran natin siya nang higit, makapagtitiwala tayong sasagutin niya ang ating panalangin. Huwag na huwag nating iisipin na inaabala lang natin siya! Sa halip, manalangin tayo para purihin siya, pasalamatan siya, at hingin ang kaniyang patnubay lalo na kung napapaharap tayo sa pagsubok. Hilingin din natin kay Jehova na tulungan tayong luwalhatiin siya sa pamamagitan ng ating paglilingkod.—Awit 86:12; Sant. 1:5-7.
Paano Sinasagot ni Jehova ang mga Panalangin Natin?
17 Basahin ang Awit 86:6, 7. Kumbinsido ang salmistang si David na sinagot ni Jehova ang mga panalangin niya. Makakasigurado ka rin diyan, gaya niya! Tinitiyak sa atin ng mga halimbawa sa artikulong ito na kaya tayong bigyan ni Jehova ng karunungan at ng lakas na kailangan natin para makapagtiis. Puwede rin niyang gamitin ang mga kapatid o kahit ang mga hindi naglilingkod sa kaniya para tulungan tayo.
18 Hindi man laging sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin sa paraang inaasahan natin, alam nating sinasagot niya ang mga iyon. Ibibigay niya kung ano ang kailangan natin sa tamang panahon. Kaya patuloy na manalangin nang may pananampalataya. Magtiwala na tutulungan ka ni Jehova ngayon at ibibigay niya ang “inaasam ng bawat bagay na may buhay” sa darating na bagong sanlibutan.—Awit 145:16.
Espirituwal na Hiyas
Puso
Paglilingkod Taglay ang “Sakdal na Puso.” Kailangang buo ang literal na puso upang gumana ito nang normal, ngunit ang makasagisag na puso ay maaaring mabahagi. Nanalangin si David: “Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan,” anupat nagpapahiwatig na maaaring mabahagi ang puso ng isang tao may kinalaman sa mga kinalulugdan at mga kinatatakutan nito. (Aw 86:11) Ang gayong tao ay maaaring “may pusong hati”—malahininga sa pagsamba sa Diyos. (Aw 119:113; Apo 3:16) Ang isang indibiduwal ay maaari ring may ‘salawahang puso’ (sa literal, may isang puso at isang puso), anupat nagsisikap na maglingkod sa dalawang panginoon, o mapanlinlang na nagsasabi ng isang bagay gayong iba naman ang nasa isip. (1Cr 12:33; Aw 12:2, tlb sa Rbi8) Mariing tinuligsa ni Jesus ang gayong pagpapaimbabaw ng salawahang puso.—Mat 15:7, 8.
SETYEMBRE 23-29
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 88-89
Pinakamaganda ang Pamamahala ni Jehova
Itaguyod ang Soberanya ni Jehova!
5 May isa pang dahilan kung bakit si Jehova ang karapat-dapat na Soberano. Ginagamit niya ang kaniyang awtoridad nang may sakdal na katarungan. Sinabi niya: “Ako ay si Jehova, ang Isa na nagpapakita ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa; sapagkat ang mga bagay na ito ay kinalulugdan ko.” (Jer. 9:24) Hindi siya nakadepende sa mga batas na gawa ng di-sakdal na mga tao para magpasiya kung ano ang makatarungan at patas. Bahagi na ng personalidad niya ang katarungan, at dahil dito, nagbigay siya ng nasusulat na mga batas para sa mga tao. “Ang katuwiran at ang kahatulan [o, katarungan] ang siyang tatag na dako ng [kaniyang] trono,” kaya makatitiyak tayo na lahat ng kaniyang batas, simulain, at pasiya ay matuwid. (Awit 89:14; 119:128) Sa kabila naman ng mga alegasyon ni Satanas na di-tama ang pamamahala ni Jehova, hindi niya nagawang maging makatarungan ang mundong ito.
Itaguyod ang Soberanya ni Jehova!
10 Ang paraan ng pamamahala ni Jehova ay hindi malupit at hindi sobrang higpit. Ito ay nagbibigay ng kalayaan at nagtataguyod ng kagalakan. (2 Cor. 3:17) Ganito ang sabi ni David: “Ang dangal at ang karilagan ay nasa harap [ng Diyos], ang lakas at ang kagalakan ay nasa kaniyang dako.” (1 Cro. 16:7, 27) Isinulat din ng salmistang si Etan: “Maligaya ang bayan na nakaaalam ng mga sigaw ng kagalakan. O Jehova, sa liwanag ng iyong mukha ay patuloy silang lumalakad. Sa iyong pangalan ay nagagalak sila buong araw at sa iyong katuwiran ay napadadakila sila.”—Awit 89:15, 16.
11 Kung lagi nating bubulay-bulayin ang kabutihan ni Jehova, titibay ang ating pagtitiwala na ang kaniyang pamamahala ang pinakamahusay. Gaya ng salmista, masasabi rin natin: “Ang isang araw sa iyong mga looban ay mas mabuti kaysa sa isang libo sa ibang dako.” (Awit 84:10) Bilang ating maibiging Disenyador at Maylikha, alam ni Jehova ang kailangan natin para maging tunay na maligaya, at sagana niya itong inilalaan. Anumang hilingin niya ay para sa ating ikabubuti at magdudulot ng tunay na kagalakan sa bandang huli, kahit may kaakibat pa itong sakripisyo.—Basahin ang Isaias 48:17.
Magkaroon ng Di-natitinag na Pananampalataya sa Kaharian
13 Isaalang-alang ang ipinangako ni Jehova kay Haring David ng sinaunang Israel sa pamamagitan ng tipang Davidiko. (Basahin ang 2 Samuel 7:12, 16.) Nakipagtipan si Jehova kay David noong naghahari ito sa Jerusalem. Ipinangako niya kay David na ang magiging Mesiyas ay isa sa mga inapo nito. (Luc. 1:30-33) Sa gayon, higit pang nilinaw ni Jehova kung kaninong angkan magmumula ang binhi. Itinakda niya na isang tagapagmana ni David ang bibigyan ng “legal na karapatan” sa trono ng Mesiyanikong Kaharian. (Ezek. 21:25-27) Sa pamamagitan ni Jesus, ang paghahari ni David ay “matibay na matatatag . . . hanggang sa panahong walang takda.” Oo, ang binhi ni David ay “magiging hanggang sa panahong walang takda, at ang kaniyang trono ay magiging gaya ng araw.” (Awit 89:34-37) Ang pamamahala ng Mesiyas ay hindi kailanman magiging tiwali, at ang mga isasagawa nito ay mamamalagi magpakailanman.
Espirituwal na Hiyas
“Ikaw Lang ang Tapat”
4 Ang salitang “tapat,” gaya ng pagkagamit sa Hebreong Kasulatan, ay lumalarawan sa isang taong laging nandiyan para sa taong mahal niya at patuloy siya sa pagtulong at pagsuporta rito. Hindi niya ito ginagawa dahil sa obligasyon. Sa halip, ginagawa niya ito dahil sa pagmamahal. Kaya ang isang taong tapat ay hindi lang basta maaasahan. Pag-isipan ang halimbawang ito: Tinawag ng salmista ang buwan na “tapat na saksi sa kalangitan” kasi lagi itong nasa langit tuwing gabi. (Awit 89:37) Sa ganitong paraan, ang buwan ay “tapat,” o maaasahan. Pero magkaiba ang katapatan ng buwan at ang katapatan ng tao. Bakit? Dahil hindi makapagpapakita ng pag-ibig ang buwan.
5 Sa makakasulatang diwa, ang katapatan ay may pagkagiliw. Ang mismong pagpapakita nito ay nagpapahiwatig na may umiiral na ugnayan sa pagitan ng taong nagpapakita ng katangiang ito at ng isa na pinagpapakitaan nito. Ang gayong katapatan ay hindi pabago-bago. Hindi ito gaya ng mga alon sa dagat na natatangay ng pabago-bagong hihip ng hangin. Sa halip, ang katapatan, o tapat na pag-ibig, ay matatag at malakas upang madaig ang pinakamahihirap na balakid.
SETYEMBRE 30–OKTUBRE 6
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 90-91
Magtiwala kay Jehova Para Humaba ang Buhay Mo
Paghahangad ng Mahabang Buhay
Hindi sang-ayon ang lahat ng siyentipiko na kayang pahabain ng mga antiaging treatment ang buhay ng tao. Totoo, humahaba na ang buhay ng tao mula noong ika-19 na siglo. Pero pangunahin na, dahil ito sa kalinisan, matagumpay na paglaban sa mga nakakahawang sakit, at sa mga antibiyotiko at bakuna. Naniniwala ang ilang geneticist na hanggang dito na lang ang normal na haba ng buhay ng tao.
Mga 3,500 taon na ang nakararaan, inamin ng manunulat ng Bibliya na si Moises: “Ang haba ng buhay namin ay 70 taon, o 80 taon sa mas malalakas. Pero punô ito ng problema at kalungkutan; mabilis itong lumilipas, at naglalaho na kami.” (Awit 90:10) Sa kabila ng pagsisikap ng tao na pahabain ang buhay, kagaya pa rin ito ng pagkakalarawan ni Moises.
Pero may mga nilikha, gaya ng red sea urchin o ng isang uri ng quahog clam, na nabubuhay nang mahigit 200 taon, at may mga puno, gaya ng giant sequoia, na nabubuhay nang libo-libong taon. Kung ikukumpara natin sa mga ito at sa iba pang nilalang na buháy ang 70 o 80 taóng buhay natin, baka maitanong mo, ‘Ganito na lang ba ang buhay?’
wp19.1 5, kahon
Ano ang Pangalan ng Diyos?
Baka napag-isip-isip mo na rin ang tanong na iyan. Sa ibang salita: Kung ang uniberso at ang lahat ng bagay na nandito ay may pinagmulan o lumikha, saan naman nagmula ang Diyos?
Nagkakaisa ang mga siyentipiko na ang pisikal na uniberso ay may pasimula. Kaayon iyan ng unang teksto sa Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”—Genesis 1:1.
Hindi nilikha ng uniberso ang sarili nito; hindi puwedeng basta na lang ito lumitaw. Ang isang bagay ay hindi puwedeng magmula sa wala. Kung walang umiiral bago pa ang uniberso, wala sanang uniberso ngayon. Mahirap maintindihan iyan. Pero tiyak na mayroong isa, na dati nang umiiral at hindi bahagi ng uniberso, na lumikha ng lahat. Ang Maylikha na iyan ay ang Diyos na Jehova—ang espiritung persona na makapangyarihan at marunong sa lahat.—Juan 4:24.
Sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Bago naipanganak ang mga bundok, o bago mo iniluwal na waring may mga kirot ng pagdaramdam ang lupa at ang mabungang lupain, mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda ay ikaw ang Diyos.” (Awit 90:2) Ibig sabihin, dati nang umiiral ang Diyos. Pagkatapos, “nang pasimula” ay nilalang niya ang pisikal na uniberso.—Apocalipsis 4:11.
Tinutulungan Tayo ng Pag-ibig na Madaig ang Takot
16 Alam ni Satanas na gusto nating mabuhay. Kaya ipinaparatang niya na isasakripisyo natin ang lahat—kahit ang kaugnayan natin kay Jehova—para manatili tayong buháy. (Job 2:4, 5) Hindi iyan totoo! Pero dahil si Satanas “ang nagdudulot ng kamatayan,” sinasamantala niya ang takot natin dito para iwan natin si Jehova. (Heb. 2:14, 15) Kung minsan, iniimpluwensiyahan ni Satanas ang ilang tao para pagbantaan ang mga lingkod ni Jehova kung hindi nila itatakwil ang pananampalataya nila. Kapag nasa peligro naman ang buhay natin, puwede itong samantalahin ni Satanas para makipagkompromiso tayo. Baka pilitin tayo ng mga doktor o ng mga di-Saksing kapamilya na magpasalin ng dugo, na labag sa utos ng Diyos. O baka sabihan tayo ng iba na tumanggap ng paraan ng paggamot na labag sa mga prinsipyo sa Bibliya.
17 Ayaw nating mamatay, pero alam natin na mahal pa rin tayo ni Jehova kahit mangyari iyon. (Basahin ang Roma 8:37-39.) Kapag namatay ang mga kaibigan ni Jehova, nasa alaala niya sila, na para bang buháy pa rin sila. (Luc. 20:37, 38) Sabik na sabik siyang buhayin silang muli. (Job 14:15) Malaki ang ibinayad ni Jehova para “magkaroon [tayo] ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Alam natin na mahal na mahal tayo ni Jehova at nagmamalasakit siya sa atin. Kaya hindi niya tayo pababayaan kapag may sakit tayo o nanganganib ang buhay natin. Papatibayin niya tayo at bibigyan ng karunungan at lakas. Iyan ang naranasan ni Valérie at ng asawa niya.—Awit 41:3.
Espirituwal na Hiyas
May Guardian Angel Ka Ba?
Hindi itinuturo ng Bibliya na ang bawat indibiduwal ay may guardian angel. Totoo na minsang sinabi ni Jesus: “Tiyakin na hindi ninyo hinahamak ang isa sa maliliit na ito [mga alagad ni Kristo]; sapagkat sinasabi ko sa inyo na laging nakikita ng kanilang mga anghel sa langit ang mukha ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 18:10) Pero sa halip na ipahiwatig na may guardian angel ang bawat tao, ang sinasabi lang ni Jesus ay interesado ang mga anghel sa bawat alagad niya. Kaya hindi isinasapanganib ng tunay na mga mananamba ang kanilang buhay sa paniniwalang poprotektahan naman sila ng mga anghel ng Diyos.
Ibig bang sabihin, hindi tayo tinutulungan ng mga anghel? Hindi naman. (Awit 91:11) Kumbinsido ang ilan na tinulungan sila ng Diyos sa pamamagitan ng proteksiyon at patnubay ng mga anghel. Ganiyan ang nadama ni Kenneth na nabanggit sa unang artikulo. Hindi natin matitiyak, pero posibleng tama siya. Madalas na nararanasan ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pangangaral ang tulong ng mga anghel. Pero dahil hindi nakikita ang mga anghel, hindi natin masasabi kung hanggang saan sila ginagamit ng Diyos para tulungan ang mga indibiduwal. Kaya tama lang na pasalamatan natin ang Makapangyarihan-sa-lahat sa anumang tulong na ibinibigay niya sa atin.—Colosas 3:15; Santiago 1:17, 18.
OKTUBRE 7-13
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 92-95
Pinakamasayang Buhay ang Paglingkuran si Jehova!
Mga Kabataan, Nakapokus Ba Kayo sa Espirituwal na mga Tunguhin?
5 Ang pangunahing dahilan sa pagkakaroon ng espirituwal na mga tunguhin ay para ipakita ang ating pasasalamat sa pag-ibig ni Jehova at sa mga ginawa niya para sa atin. Sinabi ng salmista: “Mabuti ang magpasalamat kay Jehova . . . Sapagkat pinasaya mo ako, O Jehova, dahil sa iyong gawa; dahil sa mga gawa ng iyong mga kamay ay humihiyaw ako nang may kagalakan.” (Awit 92:1, 4) Bilang isang kabataan, isipin ang mga ibinigay sa iyo ni Jehova: ang buhay mo, ang pananampalataya mo, ang Bibliya, ang kongregasyon, at ang pag-asa mong mabuhay magpakailanman sa Paraiso. Kung magiging priyoridad mo ang espirituwal na mga bagay, maipakikita mo ang pasasalamat mo sa Diyos sa lahat ng mga pagpapalang ito, at dahil diyan, mas mapapalapít ka sa kaniya.
Sino ang Humuhubog sa Iyong Pag-iisip?
8 Gaya ng isang mabuting magulang, gusto ni Jehova na magkaroon ng pinakamakabuluhang buhay ang mga anak niya. (Isa. 48:17, 18) Kaya naglaan siya ng mga simulain tungkol sa moralidad at pakikitungo sa iba. Hinihimok tayo ni Jehova na tularan ang kaniyang kaisipan at mga prinsipyo. Hindi ito nakasasakal kundi nakatutulong pa nga para sumulong, humusay, at lumawak ang ating kakayahang mag-isip. (Awit 92:5; Kaw. 2:1-5; Isa. 55:9) Tumutulong ito para makagawa tayo ng mga desisyong magpapaligaya sa atin habang patuloy tayong sumusulong bilang indibidwal. (Awit 1:2, 3) Oo, ang pagtulad sa kaisipan ni Jehova ay kapaki-pakinabang at kasiya-siya!
Mahalaga Ka kay Jehova!
18 Kahit matanda na tayo, makakatiyak tayong gagamitin pa rin tayo ni Jehova. (Awit 92:12-15) Itinuro ni Jesus na kahit pakiramdam natin ay hindi mahalaga ang paglilingkod natin, pinapahalagahan ni Jehova anuman ang magagawa natin para sa kaniya. (Luc. 21:2-4) Kaya gawin kung ano ang kaya mo. Halimbawa, kaya mo pa ring magpatotoo tungkol kay Jehova, ipanalangin ang mga kapatid, at patibayin ang iba na manatiling tapat. Itinuturing ka ni Jehova na kamanggagawa niya, hindi dahil sa nagagawa mo, kundi dahil sa pagiging handa mong sumunod sa kaniya.—1 Cor. 3:5-9.
Espirituwal na Hiyas
‘Talagang Kahanga-hanga ang Karunungan ng Diyos!’
18 Pansinin kung paano ipinahayag ni apostol Pablo ang walang-katulad na karunungan ni Jehova: “Talagang kahanga-hanga ang saganang pagpapala [o, “O ang lalim ng kayamanan,” talababa], karunungan, at kaalaman ng Diyos! Di-maabot ng isipan ang mga hatol niya at di-matunton ang mga daan niya!” (Roma 11:33) Makikita sa sinabi ni Pablo na talagang namangha siya. Ang salitang Griego na kaniyang pinili para sa “lalim” ay may malapit na kaugnayan sa salita para sa “kalaliman.” Kung gayon, ang kaniyang pananalita ay nagbibigay ng isang malinaw na larawan sa isipan. Kapag binubulay-bulay natin ang karunungan ni Jehova, para bang tumititig tayo sa walang-hanggang kalaliman, isang daigdig na ubod-lalim, pagkalawak-lawak anupat ni hindi natin kailanman malilirip ang lawak nito, lalo pa nga kung ilalarawan ito o dedetalyehin ito. (Awit 92:5) Hindi ba’t dahilan iyan upang mapag-isip-isip natin kung gaano tayo kababa?
OKTUBRE 14-20
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 96-99
‘Ihayag ang Mabuting Balita’!
Ano ang Mabuting Balita?
DAPAT ipangaral ng mga Kristiyano ang ‘mabuting balita ng kaharian’ sa pamamagitan ng pagsasabi nito sa iba, na ipinaliliwanag na ang Kaharian ay ang gobyernong mamamahala nang matuwid sa buong lupa. Pero sa Bibliya, ang pananalitang ‘mabuting balita’ ay ginagamit din sa iba pang paraan. Halimbawa, may binabanggit ito na “mabuting balita ng . . . pagliligtas” (Awit 96:2); “mabuting balita ng Diyos” (Roma 15:16); at “mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo.”—Marcos 1:1.
Sa simpleng pananalita, kasama sa mabuting balita ang lahat ng katotohanan na sinabi ni Jesus at isinulat ng kaniyang mga alagad. Bago umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Kung gayon, ang gawain ng mga tunay na Kristiyano ay hindi lamang ipaalam sa iba ang tungkol sa Kaharian; dapat din silang magsikap na gumawa ng mga alagad.
Ano ang Mangyayari sa Araw ng Paghuhukom?
Gaya ng makikita sa larawan sa kanan, marami ang nag-iisip na sa Araw ng Paghuhukom, bilyun-bilyong kaluluwa ang haharap sa trono ng Diyos para hatulan ayon sa kanilang mga ginawa. Ang ilan ay gagantimpalaan ng buhay sa langit, ang ilan naman ay pahihirapan sa impiyerno. Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na ang layunin ng Araw ng Paghuhukom ay para sagipin ang mga tao mula sa kawalang-katarungan. (Awit 96:13) Inatasan ng Diyos si Jesus para maging Hukom na magsasauli ng katarungan sa sangkatauhan.—Basahin ang Isaias 11:1-5; Gawa 17:31.
Kapayapaan sa Loob ng Isang Libong Taon—At Magpakailanman!
18 Nasira ang mapayapang kaugnayan na iyon nang udyukan ni Satanas ang mga tao na magrebelde sa soberanya ni Jehova. Pero mula noong 1914, kumikilos na ang Mesiyanikong Kaharian para maibalik ang kapayapaan at pagkakaisang iyon. (Efe. 1:9, 10) Sa Sanlibong Taóng Paghahari, matutupad ang kahanga-hangang mga bagay na ‘hindi pa nakikita’ ngayon. Pagkatapos ay darating “ang wakas,” o ang katapusan ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Ano ang mangyayari sa panahong iyon? Bagaman ipinagkaloob kay Jesus ang ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa,’ hindi siya ambisyoso. Wala siyang planong agawin ang posisyon ni Jehova. Mapagpakumbaba niyang ‘ibibigay ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.’ Oo, lagi niyang ginagamit ang kaniyang pantanging posisyon at awtoridad “sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—Mat. 28:18; Fil. 2:9-11.
19 Sa panahong iyon, naibalik na sa kasakdalan ang makalupang mga sakop ng Kaharian. Tutularan nila ang halimbawa ni Jesus at mapagpakumbaba nilang kikilalanin ang soberanya ni Jehova. Maipakikita nilang iyan ang hangarin nila kung makapapasa sila sa panghuling pagsubok. (Apoc. 20:7-10) Pagkatapos nito, ang lahat ng rebelde—tao man o espiritu—ay pupuksain magpakailanman. Napakasayang panahon iyon! Ang buong pansansinukob na pamilya ay maligayang pupuri kay Jehova, na magiging “lahat ng bagay sa bawat isa.”—Basahin ang Awit 99:1-3.
Espirituwal na Hiyas
it-1 255
Awit
Ang mga pagtukoy sa “isang bagong awit” ay lumilitaw hindi lamang sa Mga Awit kundi pati sa mga isinulat ni Isaias at ng apostol na si Juan. (Aw 33:3; 40:3; 96:1; 98:1; 144:9; 149:1; Isa 42:10; Apo 5:9; 14:3) Isinisiwalat ng pagsusuri sa konteksto ng karamihan sa mga paglitaw ng pananalitang “bagong awit” na inaawit ito dahil sa isang bagong pangyayari sa paggamit ni Jehova ng kaniyang pansansinukob na soberanya. Gaya ng may-kagalakang inihahayag sa Awit 96:10: “Si Jehova ay naging hari.” Waring ang mga bagong pangyayari sa pagpapalawak ni Jehova ng kaniyang paghahari, at ang kahulugan ng mga bagay na ito para sa langit at sa lupa, ang paksa ng “bagong awit” na ito.—Aw 96:11-13; 98:9; Isa 42:10, 13.
OKTUBRE 21-27
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 100-102
Pahalagahan ang Tapat na Pag-ibig ni Jehova
Maging Handa Para sa Bautismo
18 Napakahalaga ng pag-ibig mo kay Jehova. (Basahin ang Kawikaan 3:3-6.) Kung mahal na mahal mo siya, makakayanan mo ang mga problema. Madalas banggitin ng Bibliya na may tapat na pag-ibig si Jehova sa mga lingkod niya. Kaya hinding-hindi niya sila iiwan anuman ang mangyari. (Awit 100:5) Dahil ginawa ka ayon sa larawan ng Diyos, maipapakita mo rin ang ganoong uri ng pag-ibig. (Gen. 1:26) Paano?
19 Maging mapagpasalamat. (1 Tes. 5:18) Sa bawat araw, tanungin ang sarili, ‘Paano ko nakita ang pagmamahal sa akin ni Jehova ngayon?’ Pagkatapos, manalangin at pasalamatan siya sa espesipikong mga bagay na ginawa niya para sa iyo. Isipin kung paano ipinakita sa iyo ni Jehova ang pag-ibig niya bilang indibidwal, gaya ng napatunayan ni apostol Pablo. (Basahin ang Galacia 2:20.) Tanungin ang sarili, ‘Paano ko naman masusuklian ang pag-ibig ni Jehova?’ Makakatulong sa iyo ang pag-ibig kay Jehova para mapaglabanan ang mga tukso at makayanan ang mga problema. Ito rin ang tutulong sa iyo na sundin ang espirituwal na rutin mo para maipakita mo araw-araw na mahal mo si Jehova.
“Panatilihin ang Inyong Katinuan, Maging Mapagbantay!”
10 Kasama sa mga dapat nating iwasan ang flirting, sobrang pag-inom at pagkain, at pagsasabi ng masasakit na salita, pati na ang mararahas na libangan, pornograpya, at iba pang katulad nito. (Awit 101:3) Palaging naghahanap ang kaaway natin, ang Diyablo, ng mga pagkakataon para sirain ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova. (1 Ped. 5:8) Kapag hindi tayo naging mapagbantay, puwedeng itanim ni Satanas sa isip at puso natin ang inggit, kawalang-katapatan, kasakiman, galit, pride, at hinanakit. (Gal. 5:19-21) Sa una, baka isipin nating hindi naman iyon ganoon kasama. Pero kung hindi natin agad aalisin ang mga iyon, lalala iyon at mapapahamak tayo.—Sant. 1:14, 15.
Susundin Mo ba ang Maliwanag na Babala ni Jehova?
7 Paano natin iiwasan ang mga bulaang guro? Hindi natin sila babatiin o tatanggapin sa ating tahanan. Hindi rin natin babasahin ang kanilang mga literatura, panonoorin ang programa nila sa TV, bubuksan ang kanilang mga Web site, o magkokomento sa kanilang mga blog. Bakit? Dahil sa pag-ibig. Iniibig natin ang “Diyos ng katotohanan,” kaya hindi tayo interesado sa pilipit na mga turong salungat sa kaniyang Salita ng katotohanan. (Awit 31:5; Juan 17:17) Iniibig din natin ang organisasyon ni Jehova na nagturo sa atin ng kamangha-manghang mga katotohanan—kasali na ang pangalan ng Diyos at ang kahulugan nito, ang layunin ng Diyos para sa lupa, ang kalagayan ng mga patay, at ang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Natatandaan mo pa ba kung ano ang nadama mo nang una mong matutuhan ang mga ito at ang iba pang mahahalagang katotohanan? Kaya bakit mo tatalikuran ang organisasyon na nagturo sa iyo ng mga katotohanang ito dahil lang sa paninira ng iba?—Juan 6:66-69.
8 Anuman ang sabihin ng mga bulaang guro, hindi tayo makikinig sa kanila! Bakit tayo lalapit sa mga tuyong balon na iyon? Madadaya at madidismaya lang tayo. Sa halip, maging determinado tayo na manatiling tapat kay Jehova at sa organisasyon na matagal nang naglalaan sa atin ng pamatid-uhaw—ang dalisay at nakagiginhawang tubig ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos.—Isa. 55:1-3; Mat. 24:45-47.
Espirituwal na Hiyas
it-2 895
Pelikano
Kapag bundat na sa pagkain, kadalasa’y lumilipad ang pelikano patungo sa isang liblib na lugar, kung saan ito tumatayo na parang namamanglaw, anupat ang ulo ay nakalubog sa mga balikat nito at walang kakilus-kilos kung kaya sa malayo ay mapagkakamalan itong isang puting bato. Nananatili sa ganitong posisyon ang ibong ito sa loob ng ilang oras, sa gayo’y tumutugma sa kapanglawan at kawalang-ginagawa na tinutukoy ng salmista nang ilarawan niya ang tindi ng kaniyang pamimighati sa pamamagitan ng pagsulat: “Kahalintulad ako ng pelikano sa ilang.” (Aw 102:6) Dito, ang “ilang” ay hindi naman tumutukoy sa isang disyerto, kundi sa isang lugar na malayo sa tirahan ng mga tao, marahil ay sa isang latian. Sa pana-panahon, ang mga latian sa hilagaang Libis ng Jordan ay tinatahanan pa rin ng mga pelikano. Tatlong uri ng pelikano ang matatagpuan sa Israel. Ang pinakakaraniwan ay ang eastern white pelican (Pelecanus onocrotalus). Mas madalang namang makita ang Dalmatian pelican (Pelecanus crispus) at ang pink-backed pelican (Pelecanus rufescens).
Mas gustong manirahan ng mga pelikano sa mga lugar na hindi pa nalilinang, kung saan hindi ito magagambala ng tao. Doon ito namumugad at nagpipisa ng mga itlog at nagpapahinga pagkatapos nitong mangisda. Dahil mahilig ito sa mga liblib at tiwangwang na dako, ang ibong ito’y ginagamit sa Bibliya bilang sagisag ng lubos na pagkatiwangwang. Upang ilarawan ang dumarating na pagkatiwangwang ng Edom, inihula ni Isaias na aariin ng pelikano ang lupaing iyon. (Isa 34:11) Inihula naman ni Zefanias na ang mga pelikano ay mananahanan sa mga kapital ng mga haligi ng Nineve, anupat nagpapahiwatig ng ganap na pagkawasak at kawalan ng mga tao roon.—Zef 2:13, 14.
OKTUBRE 28–NOVEMBER 3
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 103-104
Alam Niyang “Tayo ay Alabok”
Tularan si Jehova—Maging Makatuwiran
5 Naging makatuwiran din si Jehova dahil mapagpakumbaba siya at makonsiderasyon. Halimbawa, kitang-kita ang kapakumbabaan ni Jehova nang pupuksain na niya ang mga taga-Sodoma. Ginamit ni Jehova ang mga anghel para utusan si Lot na tumakas papunta sa mabundok na rehiyon kasama ang pamilya niya. Takot doon si Lot. Kaya nakiusap siya na pumunta na lang sila sa Zoar, isang maliit na bayan na kasama sa pupuksain ni Jehova. Puwede sanang ipinilit ni Jehova kay Lot na sundin kung ano ang eksaktong iniutos Niya. Pero pinagbigyan niya si Lot, at hindi niya pinuksa ang Zoar. (Gen. 19:18-22) Daan-daang taon pagkatapos nito, nagpakita ng konsiderasyon at awa si Jehova sa mga taga-Nineve. Inatasan niya si propeta Jonas para ihayag na malapit nang puksain ang lunsod at ang masasamang nakatira dito. Pero nang magsisi ang mga Ninevita, naawa si Jehova sa kanila at hindi niya winasak ang Nineve.—Jonas 3:1, 10; 4:10, 11.
Umasa kay Jehova Gaya ni Samson
16 Pinagdusahan ni Samson ang epekto ng pagkakamali niya, pero hindi siya tumigil sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Kahit na magkamali tayo at kailangang ituwid o mawalan ng pribilehiyo, hindi tayo dapat sumuko. Tandaan na handa tayong patawarin ni Jehova. (Awit 103:8-10) Kahit nagkakamali tayo, puwede pa rin tayong bigyan ni Jehova ng lakas para magawa ang kalooban niya, gaya ng ginawa niya kay Samson.
17 Tingnan ang halimbawa ng kabataang brother na si Michael. Abala siya sa paglilingkod kay Jehova. Isa siyang ministeryal na lingkod at regular pioneer. Pero nakakalungkot, nakagawa siya ng pagkakamali kaya nawala ang mga pribilehiyo niya. Sinabi niya: “Napaka-busy ko sa paglilingkod kay Jehova. Pero sa isang iglap lang, pakiramdam ko, wala na akong magagawa para kay Jehova. Kahit kailan, hindi ko naman inisip na iiwan ako ni Jehova. Pero hindi ako sigurado kung maibabalik ko pa ang dati kong kaugnayan sa kaniya o kung makakapaglingkod pa ulit ako gaya ng dati.”
18 Nakakatuwa, hindi sumuko si Michael. Sinabi pa niya: “Nagsikap akong ibalik ang kaugnayan ko kay Jehova. Regular akong nananalangin, nag-aaral, at nagbubulay-bulay.” Paglipas ng panahon, naibalik ni Michael ang mga pribilehiyo niya sa kongregasyon. Naglilingkod siya ngayon bilang elder at regular pioneer. Sinabi niya: “Nakatulong sa akin ang suporta at pampatibay ng mga kapatid, lalo na ng mga elder, para makita ko na mahal pa rin ako ni Jehova. Nakakapaglingkod na ulit ako ngayon sa kongregasyon nang may malinis na konsensiya. Natutuhan ko na pinapatawad ni Jehova ang mga tunay na nagsisisi.” Makakapagtiwala rin tayo na gagamitin at pagpapalain tayo ni Jehova kahit nakagawa tayo ng mga pagkakamali. Ang mahalaga, ginagawa natin ang lahat para itama ang mga iyon at patuloy tayong umaasa sa kaniya.—Awit 86:5; Kaw. 28:13.
Maaabot Mo ang mga Goal Mo
2 Kung may goal ka ngayon na hindi mo pa naaabot, huwag kang masiraan ng loob. Tandaan na kailangan ang panahon at pagsisikap kahit sa isang simpleng goal. Kapag sinisikap mong abutin ang goal mo, ibig sabihin, mahalaga sa iyo ang kaugnayan mo kay Jehova at gusto mong ibigay sa kaniya ang best mo. Pinapahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap mo. Hindi niya hihilingin sa iyo ang hindi mo kayang ibigay. (Awit 103:14; Mik. 6:8) Kaya umabot ng mga goal na talagang kaya mong abutin. Pero paano mo iyon maaabot? Talakayin natin ang ilang mungkahi.
Espirituwal na Hiyas
Paglalang—“Ang Maylikha ng Langit at Lupa”
18 Ano ang ating matututuhan mula sa paggamit ni Jehova ng kaniyang kapangyarihang lumalang? Namamangha tayo dahil sa pagkakasari-sari ng paglalang. Isang salmista ang nagsabi: “Napakarami ng mga gawa mo, O Jehova! . . . Ang lupa ay punô ng mga ginawa mo.” (Awit 104:24) Totoong-totoo nga ito! Ang mga biyologo ay nakatuklas na ng mahigit sa isang milyong uri ng nabubuhay na bagay sa lupa; gayunman, iba’t iba ang kanilang opinyon kung ilang milyon talaga lahat ang mga iyon. Kung minsan, ang isang dalubsining ay hindi na makaisip ng malilikha. Sa kabaligtaran, ang pagiging malikhain ni Jehova—ang kaniyang kakayahang umimbento at lumikha ng mga bago at sari-saring bagay—ay maliwanag na walang limitasyon.