Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr24 Nobyembre p. 1-10
  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2024
  • Subtitulo
  • NOBYEMBRE 4-10
  • NOBYEMBRE 11-17
  • NOBYEMBRE 18-24
  • NOBYEMBRE 25–DISYEMBRE 1
  • DISYEMBRE 2-8
  • DISYEMBRE 9-15
  • DISYEMBRE 16-22
  • DISYEMBRE 23-29
  • DISYEMBRE 30–ENERO 5
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2024
mwbr24 Nobyembre p. 1-10

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

© 2024 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

NOBYEMBRE 4-10

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 105

“Naaalaala Niya ang Kaniyang Tipan Magpakailanman”

w23.04 28 ¶11-12

Patibayin ang Pananampalataya Mo sa Pangako ni Jehova na Bagong Sanlibutan?

11 Pansinin ang ilang pangako ni Jehova sa mga lingkod niya noon na parang imposibleng mangyari. Sinabi niya kina Abraham at Sara na magkakaroon sila ng anak kahit matanda na sila. (Gen. 17:15-17) Sinabi rin niya kay Abraham na ibibigay sa mga inapo niya ang Canaan. Pero maraming taóng naging alipin sa Ehipto ang mga Israelita na inapo ni Abraham. Kaya parang imposibleng matupad ang pangako ng Diyos. Pero nangyari iyon! Sinabi naman ni Jehova sa may-edad nang si Elisabet na magkakaanak siya. Sinabi rin Niya kay Maria, na isang birhen, na isisilang niya ang Anak ng Diyos. Magiging katuparan ito ng pangako ni Jehova sa hardin ng Eden libo-libong taon na ang nakakaraan!—Gen. 3:15.

12 Kung pag-iisipan natin ang mga pangako ni Jehova noon at kung paano niya tinupad ang lahat ng iyon, mas titibay ang pananampalataya natin na may kapangyarihan siya na tuparin ang pangako niya na bagong sanlibutan. (Basahin ang Josue 23:14; Isaias 55:10, 11.) At kung matibay ang pananampalataya natin, matutulungan natin ang iba na maging totoong-totoo rin sa kanila ang pangako ng Diyos. Tungkol sa pangako ni Jehova na bagong langit at bagong lupa, sinabi niya: “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”—Apoc. 21:1, 5.

it-2 1053 ¶4

Salita, Ang

Ang mga nilalang, may buhay at walang buhay, ay sakop ng salita ng Diyos, at maaari niyang gamitin ang mga ito upang isagawa ang kaniyang mga layunin. (Aw 103:20; 148:8) Ang kaniyang salita ay maaasahan; gayundin, anumang ipinangako ng Diyos ay hindi niya nakakaligtaang gawin. (Deu 9:5; Aw 105:42-45) Gaya ng sinabi niya mismo, ang kaniyang salita ay “mananatili hanggang sa panahong walang takda”; hinding-hindi ito babalik hangga’t hindi nito naisasagawa ang layunin para rito.—Isa 40:8; 55:10, 11; 1Pe 1:25.

Espirituwal na Hiyas

w86 11/1 18 ¶15

Mga Kabataan—Ang Bahagi Ninyo sa Isang Maligayang, Nagkakaisang Pamilya

15 “Ang mga paa niya [ni Jose] ay sinaktan nila ng mga panggapos, siya’y nalagay sa mga tanikalang bakal; hanggang sa panahon na dumating ang kaniyang salita, ang salita ni Jehova mismo ang dumalisay sa kaniya.” (Awit 105:17-19) Sa loob ng 13 mga taon, si Jose ay nagdusa bilang isang alipin at isang bilanggo hanggang sa matupad ang ipinangako ni Jehova. Sa pamamagitan ng karanasang ito siya ay dinalisay. Bagama’t hindi si Jehova ang pinagmulan ng mga kabagabagan, kaniyang pinahintulutan ang mga ito ukol sa isang layunin. Paglalagakan kaya ni Jose ng kaniyang pag-asa “ang salita ni Jehova” sa kabila ng kaniyang pagiging nasa sukdulan ng kahirapan? Kaniya bang pagugulangin ang kaniyang mahuhusay na katangian, at pauunlarin ang kinakailangang pagtitiyaga, kababaang-loob, espirituwal na lakas, at determinasyon na harapin ang isang mahirap na atas? Bueno, si Jose ay umahon na mistulang ginto buhat sa apoy na tagadalisay—na lalong dalisay at lalong mahalaga sa Diyos, at pagkatapos nito ay lalo pa siyang ginamit sa kahanga-hangang paraan.—Genesis 41:14, 38-41, 46; 42:6, 9.

NOBYEMBRE 11-17

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 106

“Kinalimutan Nila ang Diyos na Kanilang Tagapagligtas”

w18.07 20 ¶13

“Sino ang Nasa Panig ni Jehova?”

13 Natakot ang mga Israelita sa madilim na ulap, kidlat, at sa iba pang kasindak-sindak na mga tanda mula sa Diyos. Pumayag si Moises sa kanilang kahilingan na maging tagapagsalita nila sa lahat ng pakikipag-usap kay Jehova sa Bundok Sinai. (Ex. 20:18-21) Nagtatagal si Moises sa taluktok ng bundok. Mananatili ba ang mga Israelita sa ilang nang wala ang kanilang pinagkakatiwalaang lider? Lumilitaw na masyadong nakadepende kay Moises ang pananampalataya ng bayan. Nabalisa sila at sinabi kay Aaron: “Igawa mo kami ng isang diyos na mangunguna sa amin, sapagkat kung tungkol sa Moises na ito, ang lalaking nag-ahon sa amin mula sa lupain ng Ehipto, hindi nga namin alam kung ano na ang nangyari sa kaniya.”—Ex. 32:1, 2.

Espirituwal na Hiyas

w06 7/15 13 ¶9

Mga Tampok na Bahagi sa Ikatlo at Ikaapat na Aklat ng mga Awit

106:36, 37. Pinag-uugnay ng mga talatang ito ang pagsamba sa mga idolo at ang mga hain sa mga demonyo. Nagpapahiwatig ito na ang isang taong gumagamit ng mga idolo ay maaaring maimpluwensiyahan ng demonyo. Hinihimok tayo ng Bibliya: “Bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.”—1 Juan 5:21.

NOBYEMBRE 18-24

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 107-108

“Magpasalamat Kayo kay Jehova, Dahil Siya ay Mabuti”

w07 4/15 20 ¶2

Purihin ng Kongregasyon si Jehova

2 Ang kongregasyon ay hindi lamang isang asosasyon sa komunidad o isang samahan kung saan nagsasama-sama ang mga taong may parehong pinagmulan o interes sa isang isport o libangan. Sa halip, ang kongregasyon ay itinatag pangunahin na para purihin ang Diyos na Jehova. Noon pa ma’y ito na ang papel ng kongregasyon, gaya ng idiniriin ng aklat ng Mga Awit. Ganito ang mababasa natin sa Awit 35:18: “Dadakilain kita sa malaking kongregasyon; sa gitna ng maraming tao ay pupurihin kita.” Sa katulad na paraan, pinasisigla tayo ng Awit 107:31, 32: “O magpasalamat nawa ang mga tao kay Jehova dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan at dahil sa kaniyang mga kamangha-manghang gawa sa mga anak ng mga tao. At dakilain nila siya sa kongregasyon ng bayan.”

w15 1/15 9 ¶4

Magpasalamat kay Jehova Para Pagpalain Ka

4 Kailangan nating magsikap para manatili tayong mapagpasalamat kay Jehova. Para magawa ito, isipin kung anong mga pagpapala ang natanggap mo mula kay Jehova. Pagkatapos, pag-isipang mabuti kung paano makikita sa mga pagpapalang ito ang masidhing pag-ibig ni Jehova. Nang gawin ito ng salmista, namangha siya sa maraming napakagandang bagay na ginawa ni Jehova.—Basahin ang Awit 40:5; 107:43.

Espirituwal na Hiyas

it-2 412 ¶2

Moab, Mga Moabita

Nang maglaon, nang si David na ang naghahari, nagkaroon din ng pagdidigmaan sa pagitan ng Israel at Moab. Lubusang nasupil ang mga Moabita at pinagbayad sila ng tributo kay David. Lumilitaw na sa pagwawakas ng labanan, dalawang katlo ng mga lalaking mandirigma ng Moab ang pinatay. Waring pinahiga sila ni David sa lupa sa isang hanay at pagkatapos ay sinukat niya ang hanay na iyon upang italaga ang dalawang katlo na papatayin at ang isang katlo na pananatilihing buháy. (2Sa 8:2, 11, 12; 1Cr 18:2, 11) Posibleng sa labanan ding iyon ‘pinabagsak ni Benaias na anak ni Jehoiada ang dalawang anak ni Ariel ng Moab.’ (2Sa 23:20; 1Cr 11:22) Ang ganap na tagumpay ni David laban sa mga Moabita ay katuparan ng makahulang mga salita na binigkas ni Balaam mahigit na 400 taon bago nito: “Isang bituin ang tiyak na lalabas mula sa Jacob, at isang setro ang titindig nga mula sa Israel. At tiyak na babasagin niya ang mga pilipisan ng ulo ni Moab at ang bao ng ulo ng lahat ng mga anak ng kaguluhan ng digmaan.” (Bil 24:17) Lumilitaw na may kaugnayan din sa tagumpay na ito, binanggit ng salmista na itinuring ng Diyos ang Moab bilang kaniyang “hugasan.”—Aw 60:8; 108:9.

NOBYEMBRE 25–DISYEMBRE 1

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 109-112

Suportahan si Jesus, ang Hari Natin!

w06 9/1 13 ¶6

Mga Tampok na Bahagi sa Ikalimang Aklat ng mga Awit

110:1, 2—Ano ang ginagawa ng “Panginoon [ni David],” si Jesu-Kristo, habang nakaupo sa kanan ng Diyos? Matapos siyang buhaying muli, umakyat si Jesus sa langit at naghintay sa kanan ng Diyos hanggang noong 1914 kung kailan nagsimula siyang mamahala bilang Hari. Habang nakaupo sa kanan ng Diyos, pinamamahalaan ni Jesus ang kaniyang pinahirang mga tagasunod, anupat ginagabayan sila sa kanilang gawaing pangangaral at paggawa ng mga alagad at inihahanda rin sila para mamahalang kasama niya sa kaniyang Kaharian.—Mateo 24:14; 28:18-20; Lucas 22:28-30.

w00 4/1 18 ¶3

Ang mga Lumalaban sa Diyos ay Hindi Mananaig!

3 Ang bayan ni Jehova ay sinasalakay na mula pa noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Sa maraming lupain, sinisikap ng mga taong may balakyot na hangarin na hadlangan—oo, patahimikin—ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sila’y sinusulsulan ng ating pangunahing Kaaway, ang Diyablo, na “gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.” (1 Pedro 5:8) Nang matapos “ang itinakdang panahon ng mga bansa” noong 1914, iniluklok ng Diyos ang kaniyang Anak bilang ang bagong Hari ng lupa, taglay ang utos na: “Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.” (Lucas 21:24; Awit 110:2) Sa paggamit sa kaniyang kapangyarihan, pinalayas ni Kristo si Satanas sa langit at pinapanatili siya sa kapaligiran ng lupa. Palibhasa’y alam niyang maikli na lamang ang kaniyang panahon, ibinubuhos ng Diyablo ang kaniyang galit sa mga pinahirang Kristiyano at sa kanilang mga kasama. (Apocalipsis 12:9, 17) Ano ang mga naging resulta ng paulit-ulit na pagsalakay ng mga lumalabang ito sa Diyos?

be 76 ¶3

Maging Progresibo—Gumawa ng Pagsulong

Ang payo na gamitin ang iyong kaloob ay nagpapahiwatig ng pagkukusa. Nagkukusa ka bang gumawang kasama ng iba sa ministeryo sa larangan? Humahanap ka ba ng mga pagkakataon upang tulungan ang mga baguhan, kabataan, o may-kapansanang miyembro ng inyong kongregasyon? Ikaw ba ay nagboboluntaryo upang maglinis ng Kingdom Hall o tumutulong sa iba’t ibang paraan sa mga kombensiyon at mga asamblea? Maaari ka bang magpatala sa pana-panahon bilang isang auxiliary pioneer? Makapaglilingkod ka ba bilang isang regular pioneer o makatutulong sa isang kongregasyon kung saan mas malaki ang pangangailangan? Kung ikaw ay isang kapatid na lalaki, sinisikap mo bang abutin ang mga maka-Kasulatang kuwalipikasyon para sa mga ministeryal na lingkod at matatanda? Ang pagnanais mong mag-alok ng tulong at tumanggap ng pananagutan ay isang tanda ng pagsulong.—Awit 110:3.

Espirituwal na Hiyas

it-2 1326 ¶2

Tipan

Tipan Upang Maging Saserdoteng Tulad ni Melquisedec. Ang tipang ito ay ipinahayag sa Awit 110:4, at ikinapit ito kay Kristo ng manunulat ng aklat ng Mga Hebreo sa Hebreo 7:1-3, 15-17. Ito’y tipan na tanging kay Jesu-Kristo ipinakipagtipan ni Jehova. Lumilitaw na tinukoy ito ni Jesus nang makipagtipan siya sa kaniyang mga tagasunod ukol sa isang kaharian. (Luc 22:29) Sa pamamagitan ng ipinanatang sumpa ni Jehova, si Jesu-Kristo, ang makalangit na Anak ng Diyos, ay magiging isang saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec. Si Melquisedec ay naging hari at saserdote ng Diyos sa lupa. Manunungkulan si Jesu-Kristo kapuwa bilang Hari at Mataas na Saserdote, hindi sa lupa, kundi sa langit. Permanente siyang itinalaga sa katungkulang ito pagkaakyat niya sa langit. (Heb 6:20; 7:26, 28; 8:1) Ang tipang ito ay may bisa magpakailanman, yamang maglilingkod si Jesus bilang Hari at Mataas na Saserdote magpakailanman sa ilalim ng patnubay ni Jehova.—Heb 7:3.

DISYEMBRE 2-8

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 113-118

Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?

w01 1/1 11 ¶13

Mapatibay Ka Nawa ng Pag-ibig

13 Mula sa mga salita ni Jesus, maliwanag na una sa lahat ay dapat nating ibigin si Jehova. Subalit hindi tayo isinilang na may ganap na pag-ibig kay Jehova. Iyan ay isang bagay na kailangang linangin natin. Nang una nating marinig ang tungkol sa kaniya, naakit tayo sa kaniya dahil sa ating narinig. Unti-unti, natutuhan natin kung paano niya inihanda ang lupa para sa sangkatauhan. (Genesis 2:5-23) Natutuhan natin kung paano siya nakitungo sa sangkatauhan, anupat hindi niya tayo pinabayaan nang unang pumasok ang kasalanan sa pamilya ng tao, kundi gumawa siya ng mga hakbang upang tubusin tayo. (Genesis 3:1-5, 15) Nakitungo siya nang may kabaitan sa mga tapat, at nang dakong huli ay inilaan niya ang kaniyang bugtong na Anak para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. (Juan 3:16, 36) Ang pagsulong na ito sa kaalaman ang siyang nagpalaki ng ating pagpapahalaga kay Jehova. (Isaias 25:1) Sinabi ni Haring David na inibig niya si Jehova dahil sa Kaniyang maibiging pangangalaga. (Awit 116:1-9) Sa ngayon, pinangangalagaan tayo ni Jehova, pinapatnubayan tayo, pinalalakas tayo, at pinasisigla tayo. Habang dumarami ang ating natututuhan tungkol sa kaniya, lalong sumisidhi ang ating pag-ibig.—Awit 31:23; Zefanias 3:17; Roma 8:28.

w09 7/15 29 ¶4-5

Tumanggap Nang May Pagpapahalaga—Magbigay Nang Bukal sa Loob

Naisip ng salmista: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng mga pakinabang ko mula sa kaniya?” (Awit 116:12) Ano ang mga tinanggap niya mula kay Jehova? Tinulungan siya ni Jehova sa mga panahon ng “kabagabagan at pamimighati.” Bukod diyan, “iniligtas [ni Jehova] ang [kaniyang] kaluluwa mula sa kamatayan.” Ano ngayon ang magagawa ng salmista para sa paanuman ay ‘makaganti’ kay Jehova? Sinabi niya: “Ang aking mga panata ay tutuparin ko kay Jehova.” (Awit 116:3, 4, 8, 10-14) Determinado siyang patuloy na tuparin ang kaniyang mga pangako at obligasyon kay Jehova.

Magagawa mo rin iyan. Paano? Sa pamamagitan ng laging pagsunod sa mga batas at simulain ng Diyos. Kaya dapat na tiyakin mong pangunahin sa iyong buhay ang pagsamba kay Jehova at hayaang ang espiritu ng Diyos ang pumatnubay sa lahat ng iyong ginagawa. (Ecles. 12:13; Gal. 5:16-18) Ang totoo, hindi mo kailanman magagantihan si Jehova sa lahat ng ginawa niya para sa iyo. Gayunman, ‘mapasasaya mo si Jehova’ kung buong-puso kang maglilingkod sa kaniya. (Kaw. 27:11) Isa ngang napakagandang pribilehiyo na mapalugdan si Jehova!

w19.11 22-23 ¶9-11

Mga Aral na Matututuhan Natin sa Aklat ng Levitico

9 Ikalawang aral: Naglilingkod tayo kay Jehova udyok ng pasasalamat sa kaniya. Matututuhan natin ang aral na iyan kapag sinuri natin ang handog na pansalo-salo, isa pang mahalagang bahagi ng pagsamba ng mga Israelita noon. Sa aklat ng Levitico, makikita na puwedeng maghandog ang isang Israelita ng haing pansalo-salo “bilang hain ng pasasalamat.” (Lev. 7:11-13, 16-18) Naghahandog siya nito, hindi dahil kailangan, kundi dahil gusto niya. Kaya ito ay kusang-loob na handog na ibinibigay ng isa dahil mahal niya ang kaniyang Diyos na si Jehova. Ang naghandog, ang pamilya niya, at ang mga saserdote ay magsasalo-salo sa karne ng inihandog na hayop. Pero may ilang bahagi ng hayop na para lang kay Jehova. Ano-ano iyon?

10 Ikatlong aral: Dahil mahal natin si Jehova, ibinibigay natin sa kaniya ang ating pinakamabuti. Para kay Jehova, ang taba ang pinakamagandang parte ng hayop. Espesyal din para sa kaniya ang iba pa nitong bahagi, gaya ng bato. (Basahin ang Levitico 3:6, 12, 14-16.) Kaya talagang natutuwa si Jehova kapag ang mga ito ay kusang inihahandog sa kaniya ng isang Israelita. Ipinapakita ng Israelitang iyon na gustong-gusto niyang ibigay sa Diyos ang pinakamabuti. Ganiyan din si Jesus. Dahil mahal niya si Jehova, ibinigay niya kay Jehova ang kaniyang pinakamabuti—buong kaluluwa siyang naglingkod sa Diyos. (Juan 14:31) Kaligayahan ni Jesus na gawin ang kalooban ng Diyos; napakahalaga sa kaniya ng kautusan ng Diyos. (Awit 40:8) Siguradong masayang-masaya si Jehova na makitang taos-pusong naglilingkod sa kaniya si Jesus!

11 Gaya ng mga haing pansalo-salo, ipinapakita ng paglilingkod natin kay Jehova ang nadarama natin para sa kaniya. Ibinibigay natin kay Jehova ang ating pinakamabuti dahil mahal na mahal natin siya. Tiyak na masayang-masaya si Jehova na makitang naglilingkod sa kaniya ang milyon-milyong mananamba niya dahil sa kanilang malalim na pag-ibig sa kaniya at sa kaniyang pamantayan! Nakakapagpatibay isiping nakikita at pinahahalagahan ni Jehova hindi lang ang ginagawa natin kundi pati ang motibo natin. Halimbawa, kung may-edad ka na at limitado na lang ang nagagawa mo, makakatiyak kang naiintindihan iyon ni Jehova. Baka pakiramdam mo, kaunti na lang ang nagagawa mo para sa kaniya, pero nakikita ni Jehova na dahil mahal na mahal mo siya, ginagawa mo ang makakaya mo. Natutuwa siyang tanggapin ang pinakamabuting maibibigay mo.

Espirituwal na Hiyas

w12 5/15 22 ¶1-2

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Inawit ng isang kinasihang salmista: “Mahalaga sa paningin ni Jehova ang kamatayan ng kaniyang mga matapat.” (Awit 116:15) Napakahalaga kay Jehova ang buhay ng bawat mananamba niya. Pero hindi kamatayan ng iisang indibiduwal lang ang tinutukoy ng mga salitang ito sa Awit 116.

Kapag nagbibigay ng pahayag para sa isang namatay na Kristiyano, hindi angkop na ikapit sa kaniya ang Awit 116:15, kahit namatay siyang tapat kay Jehova. Bakit? Dahil mas malawak ang pagkakapit ng mga salita ng salmista. Nangangahulugan ito na ang kamatayan, o pagkalipol, ng buong grupo ng mga matapat kay Jehova ay napakalaking kawalan sa Kaniya anupat hindi niya ito pahihintulutang mangyari.—Tingnan ang Awit 72:14; 116:8.

DISYEMBRE 9-15

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 119:1-56

“Paano Mapananatiling Malinis ng Isang Kabataan ang Landas Niya?”

w87 11/1 18 ¶10

Ikaw ba’y Nananatiling Malinis sa Lahat ng Paraan?

10 Sa Efeso 5:5 si Pablo ay nagbabala: “Sapagkat alam naman ninyo ito, na talastas ninyong lubos, na sinumang mapakiapid o mahalay o masakim na tao—na ibig sabihin ang pagiging isang mananamba sa idolo—ay walang anumang mamanahin sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.” Gayunman, libu-libo taun-taon ang sumasailalim ng pagsaway o natitiwalag dahilan sa seksuwal na imoralidad—isang ‘pagkakasala laban sa katawan.’ (1 Corinto 6:18) Kalimitan, resulta ito ng hindi “patuloy na pag-iingat ayon sa salita [ng Diyos].” (Awit 119:9) Halimbawa, maraming kapatid ang hindi nagpapakaingat kung mga panahon ng bakasyon. Hindi teokratikong mga kasama ang kanilang pinipili, kundi sila’y nakikipagkaibigan sa makasanlibutang mga bakasyunista. Yamang ikinakatuwiran nila na ang mga ito naman ay ‘talagang mababait na tao,’ ang ibang mga Kristiyano’y sumama sa kanila sa kuwestiyunableng mga gawain. Gayundin, ang iba naman ay labis na nakipagkaibigan sa kanilang mga kasamahan sa trabaho. Isang elder na Kristiyano ang nahulog nang husto ang loob sa isang babaing kasamahan sa trabaho na anupa’t iniwan niya ang kaniyang pamilya at nakisama sa babaing iyon! Pagkatiwalag ang naging bunga. Anong pagkatotoo nga ang mga salita ng Bibliya, “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali”!—1 Corinto 15:33.

w06 6/15 25 ¶1

“Ang Iyong mga Paalaala ang Aking Kinagigiliwan”

NAGLALAAN si Jehova ng mga paalaala para sa kaniyang bayan upang matulungan silang harapin ang mga panggigipit na nararanasan sa mahihirap na panahong ito. Ang ilan sa mga paalaalang ito ay naitatampok sa panahon ng personal na pagbabasa ng Bibliya, samantalang ang iba naman ay sa mga bahagi o komentong inihaharap sa mga Kristiyanong pagpupulong. Hindi na bago sa atin ang karamihan sa nababasa o naririnig natin sa mga pagkakataong ito. Malamang na dati pa’y napag-aralan na natin ang gayunding impormasyon. Subalit dahil may tendensiya tayong makalimot, kailangan nating patuloy na sariwain sa ating isip ang mga bagay na may kinalaman sa mga layunin, kautusan, at mga tagubilin ni Jehova. Dapat nating pahalagahan ang mga paalaala ng Diyos. Pinatitibay tayo nito sa pamamagitan ng pagtulong sa atin na maging palaisip sa mga bagay na nagpakilos sa atin na mamuhay alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya umawit ang salmista kay Jehova: “Ang iyong mga paalaala ang aking kinagigiliwan.”—Awit 119:24.

w10 4/15 20 ¶2

Huwag Tumingin sa mga Bagay na Walang Kabuluhan!

2 Pero puwede rin tayong ipahamak ng ating nakikita. Talagang magkaugnay ang paningin at ang isip, anupat ang mga nakikita natin ay maaaring pumukaw o magpasidhi sa ating mga ambisyon at hangarin. At dahil nabubuhay tayo sa isang mapagpalugod-sa-sarili at masamang daigdig na pinamumunuan ni Satanas, kabi-kabila ang makikitang larawan at advertisement na madaling magpapahamak sa atin—kahit na sulyapan lang natin ang mga ito. (1 Juan 5:19) Hindi nga nakapagtatakang magsumamo sa Diyos ang salmista: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan; ingatan mo akong buháy sa iyong daan.”—Awit 119:37.

Espirituwal na Hiyas

w05 4/15 10 ¶2

Magtiwala sa Salita ni Jehova

2 Isang mahalagang punto sa Awit 119 ang kahalagahan ng salita, o mensahe, ng Diyos. Malamang na upang madaling masaulo, kinatha ito ng manunulat bilang awit ayon sa pagkakasunud-sunod ng alpabeto. Ang 176 na talata nito ay salig sa pagkakasunud-sunod ng alpabetong Hebreo. Sa orihinal na Hebreo, bawat isa sa 22 taludtod ng awit na ito ay may 8 linya na nagsisimula sa pare-parehong letra. Ang awit na ito ay tumutukoy sa salita, kautusan, mga paalaala, daan, pag-uutos, tuntunin, utos, hudisyal na pasiya, pananalita, at batas ng Diyos. Sa artikulong ito at sa kasunod, tatalakayin ang Awit 119 ayon sa isang tumpak na salin ng Hebreong teksto ng Bibliya. Ang pagbubulay-bulay sa mga karanasan ng mga lingkod ni Jehova noon at ngayon ay dapat magpasidhi sa ating pagpapahalaga sa awit na ito na kinasihan ng Diyos at magpatindi sa ating pasasalamat sa nasusulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya.

DISYEMBRE 16-22

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 119:57-120

Kung Paano Matitiis ang Paghihirap

w06 6/15 20 ¶2

“Gayon na Lamang ang Pag-ibig Ko sa Iyong Kautusan!”

2 Kaya makabubuting itanong, “Paano nagdulot ng kaginhawahan at kaaliwan sa salmista ang kautusan ng Diyos?” Ang nagpalakas sa kaniya ay ang pagtitiwala niyang nagmamalasakit sa kaniya si Jehova. Maligaya ang salmista dahil alam niya ang mga kapakinabangan ng pagkakapit sa kautusan na maibiging ibinigay ng Diyos, sa kabila ng paghihirap na idinulot sa kaniya ng mga mananalansang. Nauunawaan niyang matuwid ang pakikitungo ni Jehova sa kaniya. Karagdagan pa, dahil sa pagkakapit sa patnubay ng kautusan ng Diyos, naging mas marunong ang salmista kaysa sa kaniyang mga kaaway at naingatan pa nga ang buhay niya. Ang pagsunod sa kautusan ay nagbigay sa kaniya ng kapayapaan at isang mabuting budhi.—Awit 119:1, 9, 65, 93, 98, 165.

w00 12/1 14 ¶3

Lubha Mo Bang Iniibig ang mga Paalaala ni Jehova?

3 Ang mga paalaala ng Diyos ay lubhang pinahalagahan ng salmista na umawit: “Ako ay nagmadali, at hindi ako nagluwat sa pagtupad sa iyong mga utos. Pinuluputan ako ng mga lubid ng mga balakyot. Ang iyong kautusan ay hindi ko nilimot.” (Awit 119:60, 61) Ang mga paalaala ni Jehova ay tumutulong sa atin na mabata ang pag-uusig sapagkat nagtitiwala tayo na kayang putulin ng ating makalangit na Ama ang mga lubid na pamigil na ipinantatali sa atin ng mga kaaway. Sa takdang panahon, pinalalaya niya tayo mula sa gayong mga hadlang upang maisagawa natin ang gawaing pangangaral ng Kaharian.—Marcos 13:10.

w06 9/1 14 ¶3

Mga Tampok na Bahagi sa Ikalimang Aklat ng mga Awit

119:71—Anong kabutihan ang maidudulot ng pagdanas ng kapighatian? Matuturuan tayo ng kahirapan na lalo pang umasa kay Jehova, lalo pang maging marubdob sa pananalangin, at lalo pang maging masikap sa pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit ng sinasabi nito. Karagdagan pa, ang reaksiyon natin sa kapighatian ay magsisiwalat ng di-magagandang pag-uugali na maaaring ituwid. Hindi sasama ang loob natin sa panahon ng kahirapan kung hahayaan nating dalisayin tayo nito.

w17.07 13 ¶3, 5

‘Makitangis sa mga Tumatangis’

3 Si Jehova, ang ating mahabagin at makalangit na Ama, ang pangunahing pinagmumulan ng kaaliwan. (Basahin ang 2 Corinto 1:3, 4.) Siya ang pinakamagandang halimbawa ng empatiya, at tiniyak niya sa kaniyang bayan: “Ako ang Isa na umaaliw sa inyo.”—Isa. 51:12; Awit 119:50, 52, 76.

5 Makapagtitiwala tayo na kikilos si Jehova alang-alang sa atin. Kaya huwag tayong mag-atubili na sabihin sa panalangin ang laman ng ating puso. Nakaaaliw ngang malaman na nauunawaan ni Jehova ang kirot na nararamdaman natin at na naglalaan siya ng kaaliwan na kailangang-kailangan natin! Pero paano?

Espirituwal na Hiyas

w06 9/1 14 ¶4

Mga Tampok na Bahagi sa Ikalimang Aklat ng mga Awit

119:96—Ano ang ibig sabihin ng “wakas ng lahat ng kasakdalan”? Ang tinutukoy ng salmista ay kasakdalan ayon sa pananaw ng tao. Malamang na iniisip niya na limitado ang pananaw ng tao sa kasakdalan. Sa kabaligtaran, ang kautusan ng Diyos ay walang gayong limitasyon. Ang patnubay nito ay kapit sa lahat ng aspekto ng buhay. “Sa lahat ng kaganapan [o kasakdalan], may hanggahan akong nakikita,” ang mababasa sa Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino, “ngunit ang mga kautusan mo’y walang hanggan.”

DISYEMBRE 23-29

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 119:121-176

Kung Paano Mo Maiiwasang Masaktan

w18.06 17 ¶5-6

Hayaan Mong Sanayin ng Kautusan at Simulain ng Diyos ang Iyong Budhi

5 Para makinabang sa mga kautusan ng Diyos, hindi sapat ang basta pagbabasa lang o pagiging pamilyar sa mga ito. Dapat nating pasidhiin ang pag-ibig at paggalang dito. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.” (Amos 5:15) Pero paano? Tularan ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay. Para ilarawan: Ipagpalagay nang hindi ka nakakatulog nang mahimbing. Iminungkahi ng doktor mo na magdiyeta ka, mag-ehersisyo, at baguhin ang lifestyle mo. Nang subukan mo ito, epektibo pala! Malamang na pasalamatan mo ang doktor mo.

6 Sa katulad na paraan, binigyan tayo ng ating Maylalang ng mga kautusang poprotekta sa atin mula sa masasamang epekto ng kasalanan at sa gayo’y gumanda ang buhay natin. Isipin kung paano tayo nakikinabang sa pagsunod sa mga utos ng Bibliya tungkol sa pagsisinungaling, pagpapakana, pagnanakaw, seksuwal na imoralidad, karahasan, at espiritismo. (Basahin ang Kawikaan 6:16-19; Apoc. 21:8) Kapag nararanasan natin ang maraming pagpapalang dulot ng pagsunod kay Jehova, sisidhi ang ating pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang kautusan.

w93 4/15 17 ¶12

Mga Kabataan—Ano ang Inyong Itinataguyod?

12 Higit sa lahat, kailangang matuto kang mapoot, mamuhi, at itakwil ang masama. (Awit 97:10) Papaano mo kapopootan ang sa simula ay maaaring nakatutuwa o nakalulugod? Sa pamamagitan ng pag-iisip ng tungkol sa magiging resulta! “Huwag kayong padaya: Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya; sapagkat ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman.” (Galacia 6:7, 8) Pagka natutukso na magbigay-daan sa silakbo ng damdamin, pag-isipan kung ano ang lalong may malubhang epekto—kung papaano ito makasasakit sa Diyos na Jehova. (Ihambing ang Awit 78:41.) Pag-isipan din ang tungkol sa posibilidad ng pagbubuntis nang di-inaasahan o pagkakasakit, halimbawa ng AIDS. Pag-isipan ang sakit ng damdamin at pagkawala ng paggalang sa sarili na daranasin mo. Maaaring magkaroon din ito ng pangmahabang-panahong mga resulta. Inaamin ng isang babaing Kristiyano: “Kami ng aking kabiyak ay nakikipagtalik na sa iba bago kami nagkakilala. Bagaman kami ay kapuwa Kristiyano na ngayon, ang aming nakalipas may kinalaman sa sekso ay pinagmumulan ng pagtatalo at paninibugho sa aming pagsasama.” Hindi rin dapat kaligtaan ang pagkawala ng iyong mga pribilehiyong teokratiko o ang posibilidad na matiwalag sa kongregasyong Kristiyano! (1 Corinto 5:9-13) Ang anumang panandaliang kaligayahan ba ay sulit sa napakataas na halagang ibabayad?

Espirituwal na Hiyas

w23.01 2 ¶2

Maging Kumbinsido na ‘Katotohanan ang Salita ng Diyos’

2Bilang mga lingkod ni Jehova, kumbinsido tayo na siya ang “Diyos ng katotohanan” at laging pinakamabuti ang gusto niya para sa atin. (Awit 31:5; Isa. 48:17) Alam nating makakapagtiwala tayo sa mga nababasa natin sa Bibliya dahil “katotohanan ang diwa ng salita [ng Diyos].” (Basahin ang Awit 119:160.) Sang-ayon tayo sa isinulat ng isang iskolar ng Bibliya: “Walang sinabi ang Diyos na mali o hindi matutupad. Makakapagtiwala ang bayan ng Diyos sa sinasabi niya dahil nagtitiwala sila sa Diyos na nagsabi nito.”

DISYEMBRE 30–ENERO 5

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 120-126

Naghasik Nang May Luha, Gumapas Nang May Kagalakan

w04 6/1 16 ¶10

Pinagpapala ang mga Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos

10 Kapag pinapasan natin ang pamatok ng pagkaalagad, nilalabanan natin si Satanas. “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo,” ang pangako ng Santiago 4:7. Hindi ito nangangahulugan na madali itong gawin. Ang paglilingkod sa Diyos ay nagsasangkot ng malaking pagsisikap. (Lucas 13:24) Pero nangangako ng ganito ang Bibliya sa Awit 126:5: “Yaong mga naghahasik ng binhi na may mga luha ay gagapas na may hiyaw ng kagalakan.” Oo, hindi tayo sumasamba sa isang Diyos na walang pagpapahalaga sa ating mga ginawa. Siya ay “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya,” at pinagpapala niya ang mga nagbibigay sa kaniya ng kaluwalhatian.—Hebreo 11:6.

w21.11 24 ¶17

Gaano Katibay ang Pananampalataya Mo?

17 Sobra ka bang nalulungkot dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay? Basahin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga taong binuhay-muli para tumibay ang pananampalataya mo sa pag-asang ito. Nalulungkot ka ba dahil natiwalag ang isang kapamilya mo? Mag-aral para maintindihan mo na laging tama ang paraan ng pagdidisiplina ng Diyos. Anuman ang problema mo ngayon, ituring mo itong pagkakataon para patibayin ang pananampalataya mo. Sabihin mo kay Jehova ang eksaktong nararamdaman mo. Huwag mong ibukod ang sarili mo. Manatili kang malapít sa mga kapatid. (Kaw. 18:1) Makibahagi sa mga gawaing tutulong sa iyo na makapagtiis, kahit naiiyak ka pa dahil sa kalungkutan. (Awit 126:5, 6) Regular ka pa ring dumalo sa mga pulong, makibahagi sa paglilingkod sa larangan, at magbasa ng Bibliya. Magpokus sa mga pagpapalang ibibigay sa iyo ni Jehova sa hinaharap. Kapag nakikita mo kung paano ka tinutulungan ni Jehova, lalong titibay ang pananampalataya mo.

w01 7/15 18-19 ¶13-14

Magmatiyaga sa Gawaing Pag-aani!

13 Malaking kaaliwan para sa mga mang-aani ng Diyos, at lalo na sa mga dumaranas ng pag-uusig, ang mga salita sa Awit 126:5, 6: “Yaong mga naghahasik ng binhi na may mga luha ay gagapas na may hiyaw ng kagalakan. Siya na walang pagsalang yumayaon, na tumatangis pa man din, na may dala-dalang isang supot ng binhi, ay walang pagsalang papasok na may hiyaw ng kagalakan, na dala-dala ang kaniyang mga tungkos.” Ang mga salita ng salmista tungkol sa paghahasik at paggapas ay naglalarawan sa pangangalaga at pagpapala ni Jehova sa nalabi na bumalik mula sa pagkabihag sa sinaunang Babilonya. Sila ay tuwang-tuwa sa kanilang paglaya, ngunit marahil ay lumuha sila nang sila ay naghahasik ng binhi sa tiwangwang na lupa na hindi nabungkal noong panahon ng kanilang 70-taóng pagkakatapon. Gayunman, yaong mga nagpatuloy sa kanilang mga gawaing paghahasik at pagtatayo ay nagtamasa ng mga bunga at kasiyahan mula sa kanilang pagpapagal.

14 Maaaring mapaluha tayo kapag nakararanas ng pagsubok o kapag tayo o ang ating mga kapananampalataya ay nagdurusa dahil sa katuwiran. (1 Pedro 3:14) Sa ating gawaing pag-aani, maaaring nahihirapan tayo sa simula dahil waring wala tayong maipakitang katibayan ng tagumpay sa ating mga pagsisikap sa ministeryo. Ngunit kung patuloy tayong maghahasik at magdidilig, palalaguin ng Diyos ang mga bagay-bagay, na kadalasan ay higit pa sa ating inaasahan. (1 Corinto 3:6) Ito ay maliwanag na ipinakikita ng mga resulta ng ating pamamahagi ng mga Bibliya at ng maka-Kasulatang mga publikasyon.

Espirituwal na Hiyas

cl 86 ¶15

Pagbibigay ng Proteksiyon—“Ang Diyos ang Ating Kanlungan”

15 Isaalang-alang muna natin ang tungkol sa pisikal na proteksiyon. Bilang mga mananamba ni Jehova, maaasahan natin ang gayong proteksiyon bilang isang grupo. Kung hindi, wala tayong kalaban-laban kay Satanas. Pag-isipan ito: Wala nang ibang gusto si Satanas, “ang tagapamahala ng mundong ito,” kundi ang pawiin ang tunay na pagsamba. (Juan 12:31; Apocalipsis 12:17) Ipinagbawal ng ilan sa pinakamakapangyarihang mga pamahalaan sa lupa ang ating pangangaral at sinikap na pawiin tayo nang lubusan. Gayunman, ang bayan ni Jehova ay nananatiling matatag at nagpapatuloy sa pangangaral nang walang humpay! Bakit kaya hindi mapahinto ng makapangyarihang mga bansa ang gawain ng maituturing na maliit at sa wari’y walang kalaban-labang grupong ito ng mga Kristiyano? Sapagkat ikinubli tayo ni Jehova sa ilalim ng kaniyang makapangyarihang mga pakpak!—Awit 17:7, 8.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share