Paliguan ng Betzata
Sa Ebanghelyo lang ni Juan binanggit ang isang paliguan na tinatawag na Betzata, na makikita sa “Jerusalem, sa Pintuang-Daan ng mga Tupa.” (Ju 5:2) Malamang na ito ang Pintuang-Daan ng mga Tupa na binabanggit sa Hebreong Kasulatan. Ang pintuang-daang iyon ay nasa hilagang-silangang kanto ng lunsod. (Ne 3:1, 32; 12:39) Posible rin na ang “Pintuang-Daan ng mga Tupa” na binanggit ni Juan ay mas nahuling itinayo kaysa sa tinutukoy sa Hebreong Kasulatan. Sa hilaga ng bundok ng templo, natagpuan ng mga arkeologo ang mga labí ng isang malaking paliguan na tumutugma sa paglalarawan ni Juan. Base sa mga ginawang paghukay, isa itong paliguan na nahahati sa dalawa, at may lapad itong 46 m (150 ft) at haba na 92 m (300 ft). Sinasabi ng Ebanghelyo na ang paliguan ay may “limang kolonada” at kasya dito ang “maraming maysakit” at may kapansanan. (Ju 5:2, 3) Ang pader sa pagitan ng hilaga at timugang bahagi nito ay malamang na isa sa limang kolonadang iyon, at ang apat na iba pang kolonada ay nakapalibot sa buong paliguan.
1. Betzata
2. Bundok ng Templo
Kaugnay na (mga) Teksto: