Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w07 7/15 p. 6-7
  • “Humayo Ka at Maghugas sa Tipunang-tubig ng Siloam”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Humayo Ka at Maghugas sa Tipunang-tubig ng Siloam”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Kaparehong Materyal
  • Imbakan ng Tubig ng Siloam
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Siloam
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Tipunang-tubig
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Paliguan ng Betzata
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
w07 7/15 p. 6-7

“Humayo Ka at Maghugas sa Tipunang-tubig ng Siloam”

MATAPOS pagalingin ang isang bulag na lalaki gamit ang mamasa-masang putik, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Humayo ka at maghugas sa tipunang-tubig ng Siloam.” Sumunod ang lalaki at “bumalik na nakakakita.” (Juan 9:6, 7) Nasaan ba ang Tipunang-tubig ng Siloam? Ang natuklasan kamakailan ng mga arkeologo ay nagbibigay ng bagong impormasyon kung nasaan ito.

Pumapasyal ang maraming turista sa isang lugar sa Jerusalem na kilala bilang ang Tipunang-tubig ng Siloam, sa paniniwalang ito ang aktuwal na tipunang-tubig na binabanggit sa Juan 9:7. Ito ay nasa dulo ng paagusan ni Hezekias​—isang paagusan ng tubig na may habang 530 metro at ginawa noong ikawalong siglo B.C.E. Ngunit ang totoo, ipinagawa ang tipunang-tubig na ito noon lamang ikaapat na siglo C.E. Ginawa ito ng mga Bizantinong “Kristiyano” na nag-akalang nasa dulo ng paagusang ito ang tipunang-tubig na binabanggit sa Ebanghelyo ni Juan.

Gayunman, natagpuan noong 2004 ng mga arkeologo ang pinaniniwalaan nilang Tipunang-tubig ng Siloam na umiral noong nasa lupa si Jesus. Matatagpuan ito mga 100 metro sa timog-silangan ng lugar na inakala noon na kinaroroonan ng Tipunang-tubig ng Siloam. Paano nila ito natuklasan? Kinailangang kumpunihin ng mga opisyal ng lunsod ang isang imburnal sa lugar na iyon, kaya nagpadala sila roon ng mga manggagawa at malalaking makinang panghukay. Isang arkeologo na nagtatrabaho sa di-kalayuan ang nanonood sa ginagawang paghuhukay at nakapansin na may lumitaw na dalawang baitang ng hagdan. Kaya ipinatigil ang pagkukumpuni, at inaprubahan naman ng Israeli Antiquities Authority ang paghuhukay ng mga arkeologo sa lugar na iyon. Nahukay na ang isang panig ng tipunang-tubig na may habang mga 70 metro, pati na rin ang dalawang sulok nito.

Ang mga baryang nakita sa paghuhukay ay ginagamit noong ikalawa, ikatlo, at ikaapat na taon ng paghihimagsik ng mga Judio laban sa Roma. Naganap ang paghihimagsik na iyon sa pagitan ng 66 at 70 C.E. Pinatutunayan ng mga baryang ito na ginagamit pa ang tipunang-tubig na ito nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem noong 70 C.E. Ganito ang konklusyon ng babasahing Biblical Archaeology Review: “Kaya ginamit ang tipunang-tubig na iyon hanggang sa matapos ang paghihimagsik, at pagkaraan ay napabayaan na ito. Ang dakong ito, na siyang pinakamababang lugar sa buong Jerusalem, ay muli lamang tinirhan noong panahong Bizantino. Taun-taon tuwing taglamig, naiipon sa tipunang-tubig na ito ang putik na dala ng tubig-ulan na humuhugos sa libis. At pagkaraang wasakin ng mga Romano ang lunsod, hindi na nalinis ang tipunang-tubig. Sa paglipas ng mga siglo, naipon ang makapal na putik sa tipunang-tubig at unti-unti na itong natabunan. Sa ilang bahagi nito, nasumpungan ng mga arkeologo na natabunan ito ng putik na halos tatlong metro ang kapal.”

Bakit interesado ang taimtim na mga estudyante ng Bibliya sa kinaroroonan ng Tipunang-tubig ng Siloam? Sapagkat tumutulong ito sa kanila upang higit na maunawaan ang heograpiya ng Jerusalem noong unang siglo, na madalas banggitin sa ulat ng mga Ebanghelyo tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus.

[Larawan sa pahina 7]

Ang bagong tuklas na Tipunang-tubig ng Siloam

[Credit Line]

© 2003 BiblePlaces.com

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share