Pagmamasid sa Daigdig
Samahang Nuklear Lumalago?
● Ang bilang ng mga bansang may kakayahang magtayo ng kanilang sariling mga sandatang nuklear ay maaaring dumami mula 5 hanggang 13, sabi ng dalawang report kamakailan. (Pinaniniwalaan na sa kasalukuyan limang bansa lamang ang nuklear na nasasandatahan: Britaniya, Tsina, Pransiya, ang Unyon Sobyet, at ang Estados Unidos.) Nasumpungan ng isang pag-aaral na isinagawa ng Carnegie Endowment for International Peace na noong nakaraang taon ang Libya, Timog Aprika, Pakistan, India, Israel, Iraq, Argentina, at Brazil ay “gumawa ng mahalagang mga hakbang tungo sa pagtatayo o pagpapalawak” ng mga kakayahang gumawa ng sandatang nuklear. Ang ulat mula sa Library of Congress ng Estados Unidos ay malungkot na nagsasabi: “Maraming estado ngayon na hindi gumagawa ng sandatang nuklear ang may nuklear na industriyal na base upang gumawa ng mga bombang atomika kaysa taglay ng E.U. noong mga maagang panahon na Manhattan Project, na gumawa ng [unang] mga bomba atomika ng E.U.”
Terorismo sa Negosyo
● Ang terorismo ay dumarami sa daigdig ng negosyo. Ang mga manedyer gayundin ang mga korporasyon ang siyang asinta ngayon ng pulitikal na mga organisasyong terorista sa mga pagkilos at mga banta ng karahasan—pagkidnap, panghuhuthot, at mga pagbomba. Sang-ayon sa Industry Week, ang terorismo laban sa mga negosyo ay lumalago, lalo na sa Gitnang Silangan at Latin Amerika. Ang Risks International Inc., isang corporate-security na kompaniyang pinagkukunsultahan, ay nagtala ng 2,838 mga teroristang insidente sa buong daigdig noong 1983, at sa mga ito, 690 ang may kaugnayan sa mga negosyo. Ngunit ang antas ng karahasan ay mas matindi kaysa ipinakikita ng mga bilang, sapagkat maraming mga negosyo ang atubiling ireport nang hayagan ang teroristang mga pangyayari. Si William Niehous, isang corporate executive na ginawang bihag ng mga terorista, ay nagpapayo: “Huwag ninyong ipangalandakan ang inyong kayamanan o importansiya. . . . Huwag kayong magsuot ng tsaleko. Sa Timog Amerika, ang mga tsaleko ay punahin. Magsuot lamang ng sport shirt. Manatiling mapagpakumbaba.”
“Napahiya” ang mga Baptist na Aleman
● Sa isang kombensiyon ng Pederasyon ng mga Baptist na Europeo na ginanap sa Hamburg, Alemanya, nitong nakaraang taon, ang mga Baptist na Aleman ay nagsalita sa kauna-unahang pagkakataon tungkol sa hindi pagtutol ng kanilang simbahan kay Hitler at sa kaniyang Third Reich, sabi ng The German Tribune. Ang pangulo ng kanilang pambansang seksiyon ay umamin: “Ikinahihiya namin na ang ating Alemang pangkat ay sumuko sa ideolohikal na tukso ng panahon at hindi nagpakita ng higit na tibay ng loob upang lumaban alang-alang sa katotohanan at katuwiran.”
Kanser—Sumpa ng Third World
● Kabaligtaran ng popular na paniniwala, ang kanser ay hindi lamang masusumpungan sa mga bansang industrialisado. Ito’y problema rin ng Third World. Batay sa estadistika ng World Health Organization, may tinatayang 5.9 milyong bagong mga kaso ng kanser sa daigdig taun-taon. Sa bilang na iyan 2.9 milyon ang sa maunlad na mga bansa, ngunit sa umuunlad na mga bansa ang bilang ay umabot ng 3 milyon. “Pagkatapos ng unang limang taon ng buhay,” sabi ng U.N. Chronicle, “ang kanser, pati na ang mga sakit sa puso at mga aksidente, ay isa sa tatlong pangunahing sanhi ng kamatayan sa buong daigdig.”
“Lansakang Pagpapatiwakal”
● Ang Estados Unidos ay dinaluyong ng pagpapatiwakal ng mga tin-edyer—lansakan sa kanila na ang isang pagpapatiwakal ng isang kabataan ay susundan ng isa pang pagpapatiwakal sa lugar ding iyon. Mga 6,000 nagbibinata o nagdadalaga ang nagpapakamatay taun-taon. Ito ang pinakamabilis na sanhi ng kamatayan sa gitna ng mga 15- hanggang 24-taóng-gulang—triple ang dami kaysa noong 1950—at ito ang ikalawang mamamatay-tao ng grupong iyon ng mga kabataan, sang-ayon sa isang drama sa telebisyon kamakailan tungkol sa pagpapatiwakal, ang Silence of the Heart. Karagdagan pa, binabanggit ng U.S.News & World Report na “mula noong 1970, ang dami ng mga kabataang edad 15 hanggang 19 na nagpakamatay ay tumaas ng 44 porsiyento, kung ihahambing sa 2.6 porsiyentong pagsulong sa bansa sa kabuuan.”
Winawalang Bahala ang Batas Tungkol sa Seat-Belt
● Ang mga batas tungkol sa seat-belt ay “hindi gaanong” mabisa sa pagliligtas ng buhay kaysa “inaakala ng lahat,” sabi ni Brian Jonah, isang opisyal ng Transport Canada. Bakit? Sinabi ni Jonah na yaong mga nagwawalang-bahala sa mga batas trapiko ay siya ring nagwawalang-bahala sa batas tungkol sa seat-belt, at yaong mga “masunurin sa batas, hindi mapanganib na mga tsuper” ang siyang sumusunod sa batas tungkol sa seat-belt. Sa isang news conference kamakailan na itinaguyod ng American Psychological Association sa Toronto, napansin ni Jonah na nang unang magkabisa ang mga batas tungkol sa seat-belt, ang paggamit ng seat-belt ay tumaas mula 20 porsiyento tungo sa 70 porsiyento, ngunit pagkalipas ng isang taon, ang paggamit ng seat-belt ay bumaba sa 50 porsiyento. Ganito pa ang sabi ni Propesor Gerald Wilde ng Queen’s University sa Kingston, Ontario: “Ang sapilitang mga seat-belt ay hindi tumutulong sa pagnanais ukol sa kaligtasan; tumutulong ito sa pagnanasang iwasan ang magmulta.”
Ang mga Haitiano ay Hindi Makatuwirang Pinulaan
● Sang-ayon sa Toronto Star, ang mga Haitiano ay nagtataglay ng di-makatuwirang dungis sa kanilang karangalan bilang isang bansa dahilan sa paraan ng pagbabalita ng mga kaso ng AIDS (acquired immune deficiency syndrome). Sa isang artikulong pinamagatang “Haitians and AIDS: The Facts and Fictions,” binanggit ng Star na “nasumpungan ng mga Haitiano ang kanilang mga sarili na hinihiya, winawalang-bahala at tinatanggihan dahilan dito.” Itinampok ni Kevin Orr ng AIDS Committee ng Toronto, Canada, ang problema nang kaniyang sabihin: “Waring inaakala ng mga tao na ang karamihan ng mga Haitiano ay nagkakaroon ng AIDS at iyan ay lubhang di-totoo.” Sabi pa niya: “Inaakala namin na napakaraming tao ang kumikilos laban sa mga Haitiano dahilan sa maling impormasyon nang hindi muna inaalam ang mga katotohanan.”
Ang Paninigarilyo ay Nauugnay sa Sakit sa Puso
● Pagkatapos repasuhin ang mga resulta ng 40 taóng pananaliksik sa buong daigdig, saganang ebidensiya ang nagpapakita na ang paninigarilyo ay nagdudulot ng sakit sa puso. Gayon ang konklusyon ng isang napakalawak na report, ang The Health Consequences of Smoking, ng U.S. Surgeon General, si C. Everett Koop. Ang mga sakit sa puso na nauugnay sa paninigarilyo ay pumapatay ng 170,000 katao taun-taon sa Estados Unidos. “Malibang baguhin ng populasyong Amerikano ang bisyo ng paninigarilyo,” hula ng isang report, “marahil 10 porsiyento ng lahat ng taong nabubuhay ngayon ay maaaring maagang mamatay sa sakit sa puso dahilan sa kanilang paninigarilyo.”
Gayunman, ang mabuting balita ay, sabi ni Koop, na kung “ang isa ay hihinto sa paninigarilyo, ang panganib na mamatay dahil sa sakit sa puso ay umuurong halos karakaraka at sa wakas ay nagiging katulad na lamang ng isa na hindi nanigarilyo kailanman.”
● Sa isang ulat noong labas ng Nobyembre ng The New England Journal of Medicine, ni Dr. Arthur J. Hartz ng Medical College sa Wisconsin, mariin niyang tinukoy ang paninigarilyo bilang sanhi ng isang pambihira ngunit nakamamatay na sakit sa puso na tinatawag na cardiomyopathy. Pinahihina ng sakit na ito ang buong kalamnan ng puso, sa gayo’y hinahadlangan ang wastong sirkulasyon ng dugo. Ang resulta ay isang anyo ng sakit sa puso.
Astrolohiya—‘Katawa-tawa’?
● Ang bilang ng mga naniniwala sa astrolohiya ay dumarami, sabi ni Dr. Jeremy Cherfas sa isang pahayag kamakailan sa Inglatera. Ipinakikita ng isang Gallup surbey na isinagawa noong 1951 na 6 porsiyento lamang ang naniniwala sa astrolohiya. Ngayon ang bilang ay tumaas ng hanggang 80 porsiyento. Gayunman, iniuulat ng Daily Telegraph ng London na sinira ng siyentipikong mga tuklas kamakailan ang astronomikal na saligan para sa astrolohiya. Batid na ngayon na ang lupa ay hindi ang sentro ng sistema solar, at ang pagkatuklas ng isang ekstrang bituin ay lubha pang nagpasalimuot sa tradisyunal na pag-iisip tungkol sa mga konstelasyon. Ang astrolohiya, sang-ayon kay Dr. Cherfas, “ay punô ng mga pagkakasalungatan anupa’t [katawa-tawa] ang pag-aangkin nito na maging isang siyensiya.”
Pangangalunya
● Ano ang nagpapangyari sa maraming babae na mangalunya? Si Lynn Atwater, kasamang propesor ng sosyolohiya sa Seton Hall University, New Jersey, ay nagsasabi na ang hindi pakikipag-usap sa kani-kanilang asawa ang pangunahing dahilan. Sang-ayon sa Daily News ng New York, sinasabi niya na “75% ng mga babae ang umamin na ang dahilan na sila ay nangalunya ay hindi dahil sa sekso, kundi dahilan sa komunikasyon.” Sabi ni Atwater: “Inaakala nila na ang mga lalaking kanilang kinakasama ay nakikinig sa kanilang mga damdamin at nauunawaan sila.” Dalawampung taon na ang nakalipas, isa sa apat na mga babaing Amerikano ang nangalunya, sabi niya, ngunit ngayon, ito ay isa sa bawat dalawa.
“Nakalalasong” Lunsod ng Mexico
● Sa isang sukatan ng polusyon na 1 sa 100, ang Roma, New York, at Tokyo ay makakapuntos ng 5, ngunit ang Lunsod ng Mexico ay makakapuntos ng literal na nakalalasong 97 puntos, ulat ng Mexican Ecologic Movement, isang pangunahing organisasyon na kumakatawan sa 63 Mexicanong mga pangkat na pangkapaligiran. “Ang Lunsod ng Mexico ay nanganganib na maging isang ‘ekolohikong Hiroshima,’” babala ng chairman ng kilusan. Hinuhulaan niya na kung ang polusyon ay hindi mapipigil karakaraka, sa loob lamang ng apat na taon 25,000 mga biktima ng polusyon (kalahati nito ang ma bata) ang mamamatay taun-taon. Inanunsyo ng Ministri ng Kalusugan noong nakaraang taon, sang-ayon sa magasing Olandes na Internationale Samenwerking, na “ang paglalakad sa Lunsod ng Mexico” ay mas nakapipinsala sa kalusugan kaysa sa paninigarilyo ng “dalawang pakete ng sigarilyo sa isang araw.”
Suspetsang Solbento sa Dry-Cleaning
● Ang solbentong kemikal na ginagamit sa dry-cleaning ng mga damit ay maaaring magharap ng panganib sa kalusugan ng mga manggagawa sa mga bahay-kalakal ng dry-cleaning, sang-ayon sa magasin sa kalusugan na Prevention. Yamang ang PCE (perchloroethylene) ay sinasabing nagdulot ng kanser sa mga daga, ang National Institute for Occupational Safety and Health ng Estados Unidos ay nagpapahintulot ng paggamit nito, bagaman sinasabihan yaong mga gumagamit nito na ito ay pakitunguhan na “parang ito ay isang carcinogen,” sabi ng report. Ang Occupational Safety and Health Administration ay nagtatakda ng pinakamataas na pagkahantad ng manggagawa sa kemikal na 100 ppm (bahagi por milyon). Yaong mga humahawak ng mga damit at ng mga sisidlan ng dry-cleaning ay sinasabing nalalantad dito ng “halos 35 o 40 ppm,” yaong mga namamalantsa hanggang 10 ppm, at ang mga kahera ay mga 1 ppm. Ang International Fabricare Institute “ay nagpapayo sa mga manggagawa na bawasan ang kanilang pagkahantad” sa PCE.
Atletiks para sa Lahat?
● Ang atletiks ay hindi para sa lahat—sa paanuman, hindi lahat ay dapat makibahagi nang walang medikal na superbisyon—sang-ayon kay Gershon Lesser, M. D., clinical instructor ng medisina sa University of Southern California at host ng isang pangkalusugang palabas sa telebisyon sa Los Angeles. Sino lalo na ang nangangailangan ng superbisyon? “Ang atletikong paglilibang ay maaaring masama sa mga taong nagmamadali, ang uri ng mga tao na nagmamadali patungo sa trabaho, nagmamadali sa pagkain, at nagmamadali sa pag-uwi sa bahay na nagmamadaling gawin ang mga gawaing-bahay bago matulog,” sabi ng cardiologist-internist na si Lesser. “Ang uring iyan ng tao ay malamang na gamitin ang ehersisyo na isa pang paraan ng pagmamadali sa libingan.”