Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 10/8 p. 5-7
  • Pulitika—Ang Bunga Nito Noong Digmaang Pandaigdig I

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pulitika—Ang Bunga Nito Noong Digmaang Pandaigdig I
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Resulta ng Digmaang Pandaigdig I
  • Digmaan o Kapayapaan—At Ikaw
    Gumising!—1986
  • Nakapagdala Ba ng Kapayapaan ang Pulitikal na mga Mesiyas?
    Gumising!—1985
  • Ang Digmaan na Tatapos sa mga Digmaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Ang Tunay na Salarin sa Likod ng Digmaan at Pagdurusa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 10/8 p. 5-7

Pulitika​—Ang Bunga Nito Noong Digmaang Pandaigdig I

Halos 2,000 taon na ang nakalipas ipinahayag ni Jesu-Kristo ang kaniyang bantog na Sermon sa Bundok kung saan ibinigay niya ang pangunahing mga simulain para sa paggawing Kristiyano. Sa halip na pagkapoot, itinuro niya ang pag-ibig; sa halip ng paghihiganti, pagpapatawad at kawalang-karahasan. (Mateo, mga kabanatang 5 hanggang 7) Sa paglipas ng panahon inangkin ng Sangkakristiyanuhan na sinusunod nito ang kaniyang halimbawa. Ngunit ano ba ang isinisiwalat ng isang masusing pagsisiyasat sa ika-20 siglong pulitika? Talaga bang ikinapit ng mga pamahalaan ng Sangkakristiyanuhan ang Kristiyanismo? O kanila bang, sadya o di sinasadyang, sinunod ang mapangutyang mga simulain na napansin ni Niccolò Machiavelli sa kaniyang pag-aaral sa kasaysayan ng tao? Sa kaniyang aklat na The Prince, ipinaliwanag niya ang mga pamamaraan na ginamit ng matagumpay na mga estadista sa nakalipas na mga dantaon. Ang kaniyang pangunahing mga kasabihan ay nakatala sa pahina 7.

HABANG ang daigdig ay nagtutungo sa ika-20 siglo ang hinaharap ay waring nagiging matatag. Ang pangunahing mga kapanyarihan sa Europa ay nagtatag ng katimbang na mga alyansa o kasunduan na ayon sa teoriya ay dapat gumarantiya ng kapayapaan. Subalit gaya ng isinulat ng mananalaysay na si R. R. Palmer sa A History of the Modern World, “Naniniwala ang mga Europeo na sila ay patungo sa isang uri ng mataas na talampas, punô ng kaaya-ayang pagsulong at mas masaganang sibilisasyon, kung saan ang mga pakinabang ng modernong siyensiya at imbensiyon ay mapalalaganap. . . . Sa halip, ang Europa ay nadapa sa malaking kapahamakan noong 1914.”

Ganito pa ang sabi ni Propesor A. J. P. Taylor: “Sa katunayan, mahirap tuklasin ang anumang sanhi o dahilan ng kapootan sa pagitan ng Europeong Dakilang mga Kapangyarihan maaga noong tag-init ng 1914.” Gayunman, ang Europeong mga pulitiko ‘ay nadapa sa malaking kapahamakan ng Dakilang Digmaan’ ng 1914-18. Bakit? Sang-ayon sa propesor ding iyon, ang dahilan ay “ang sistema ng mga alyansa [ang Triple Alliance ng Alemanya/Austria-Hungary/Italya laban sa Triple Entente ng Pransiya/Rusya/Britaniya] . . . Ang mga ito ay ipinalalagay na gagawa ukol sa kapayapaan, sila ay nagdigma.”

Itinuro ni Jesus, “Sa sinuman sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila” at, “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway.” (Mateo 5:39, 44) Ipinakita ni Machiavelli na ang ‘makahayop na pamamaraan ng dahas ay kalimitang kinakailangan’ upang matamo ng isang pinuno ang kaniyang mga tunguhin. Sulat niya: “Kailangang malaman ng isang prinsipe na nagnanais na pangasiwaan ang kaniyang sarili kung paano gagawa ng masama, at gamitin ito o hindi ayon sa pangangailangan”! Sang-ayon sa kaniya, ang mga simulaing Kristiyano ay kailangang isakripisyo alang-alang sa sariling kapakanan.

Nang ang Katoliko, Protestante, at Orthodoxong pulitikal na mga pinuno ng Europa​—mga hari, emperador, presidente, at punong ministro​—ay makipagdigma noong 1914, kaninong mga turo ang may malay o walang malay na sinusunod nila? Yaon bang sa kanilang sinasabing Panginoon na si Jesu-Kristo? O ang pragmatikong payo ni Machiavelli?

“Ang digmaan na magwawakas sa mga digmaan” at ang digmaan “upang gawing ligtas ang daigdig para sa demokrasya” ang ilan sa mga sawikain na ginamit upang bigyang-matuwid ang walang patumanggang pagpapatayan kung saan inakay ng pulitikal na mga lider ang mga kabataan noong 1914. At anong uri ng digmaan ito? Ano ang halagang ibinayad​—hindi ng mga pulitiko​—kundi ng mga tao?

Mga Resulta ng Digmaang Pandaigdig I

Marahil ipinaghahalimbawa ng Digmaan ng Somme sa gawing hilaga ng Pransiya ang walang saysay na sakripisyo ng tao na naganap noong Dakilang Digmaan. Ganito ang sabi ni Propesor Palmer: “Ang Digmaan ng Somme, na tumagal mula Hulyo hanggang Oktubre [1916], ay nagkahalaga sa mga Aleman ng halos 500,000 mga lalaki, 400,000 sa mga Britano at 200,000 sa mga Pranses.” Kabuuang halaga​—1,100,000 mga lalaki! Ang resulta? “Walang anumang may halaga ang natamo,” sabi ng mananalaysay na si Palmer. Subalit napakarami ang namatay​—1,100,000 mga ama, mga asawang lalaki, at mga anak na lalaki na nag-iwan ng angaw-angaw na nagdadalamhating mga magulang, mga asawang babae, at mga ulila. Ito ang nakamamatay na resulta ng isa lamang digmaan! Ang pangunahing sanhi? Ang tagapagbaha-bahaging pulitika na kinasangkapan ang nasyonalismo at patriotismo upang pasiklabin ang isang digmaan na hindi sana dapat nangyari.

At ano ang kabuuang halaga na ibinayad ng mga tao (subalit bihira ng mga pinuno) ng naglalabang mga bansa? Ganito ang sabi ng isang babasahin: “Noong Nobyembre 11, 1918 . . . walong milyong sundalo ang namatay, dalawampung milyon pa ang nasugatan, may sakit, naputulan ng bahagi ng katawan, o sumusuka ng dugo mula sa mga pagsalakay ng gas.” At kumusta naman ang mga namatay na sibilyan? “Dalawampu’t dalawang milyong mga sibilyan ang namatay o nasugatan, at ang mga nakaligtas ay nakatira sa mga nayon na pinasabog.”

Dahilan sa lahat ng mga pagpatay na ito, anong pagkaangkop ng sagisag ng Bibliya sa buong pandaigdig na pulitikal na organisasyon ni Satanas sa buong kasaysayan​—“isang mabangis na hayop.”a (Apocalipsis 13:1, 2) Kung minsan ang ilang mababangis na hayop ay pumapatay para lamang pumatay. Ang iba ay pinapatay pa nga ang kanilang sariling anak.

Gayunman nalipos ang pag-asa nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig I sa isang armistisyo noong Nobyembre ng 1918. Gaya ng pagkakasabi ng manunulat na si Charles L. Mee sa kaniyang aklat na The End of Order, Versailles 1919: “Ang Digmaang Pandaigdig I ay naging isang malungkot na pangyayari sa kakila-kilabot na antas. Animnapu’t limang milyong mga lalaki ang tinawag upang maglingkod sa hukbo​—angaw-angaw na mas marami kaysa mga dinala upang makipagdigma noon​—upang makipagdigma, sila’y sinabihan, ng tungkol sa katarungan at karangalan, ng pambansang dangal at ng dakilang mga mithiin, upang ipakipaglaban ang isang digmaan na magwawakas sa lahat ng digmaan, upang magtatag ng isang ganap na bagong kaayusan ng kapayapaan at katarungan sa daigdig.”

Natuto ba ng leksiyon ang pulitikal na mga lider ng daigdig mula sa kakila-kilabot na pagdanak na ito ng dugo? Naisagawa ba ng tinatawag na mga bansang Kristiyano ang pag-ibig na itinuro ni Jesus? Hindi, sapagkat ang mga pangyayari mula noong 1918 ay tiyak na nagpapasinungaling sa karaniwang bukambibig at mga kasabihan na may katusuhang ginamit ng mga pulitiko, klero, at mga militarista.

Ang komento ng manunulat na si Mee ay nauukol: “Ang mga diplomatiko ay nagkatipon [sa Komperensiya ukol sa Kapayapaan sa Paris]​—at, malayo sa pagsasauli ng kaayusan sa daigdig, kinuha nila ang kaguluhan ng Dakilang Digmaan, at, sa pamamagitan ng paghihiganti at kapabayaan, kawalang kakayahan at disenyo, tinatakan nila ito bilang isang permanenteng kalagayan ng ating dantaon.” Ang bagay na ang kaguluhan ay tinatakan bilang isang permanenteng kalagayan ng ika-20 siglong pamumuhay ay pinatutunayan ng mga pangyayari ng dakong huli.

[Talababa]

a Para sa mas detalyadong impormasyon tungkol sa pulitikal na “mabangis na hayop” ng Apocalipsis, tingnan ang aklat na “Then Is Finished the Mystery of God,” na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon sa pahina 7]

Sa kaniyang aklat na The Prince ipinahayag ni Niccolò Machiavelli (1469-1527), isang bihasang estadista at manunulat, ang sumusunod na mga kasabihan kung paano magtatagumpay bilang isang pulitikal na pinuno.

(1) “Mas mabuting katakutan kaysa mahalin . . . Ang mga tao ay hindi gaanong nag-aatubili [pagtutol] na magkasala sa isa na minamahal kaysa sa isa na kinatatakutan.

(2) “Ating naranasan na yaong mga prinsipe na nakagawa ng dakilang mga bagay ay hindi relihiyoso.

(3) “Dapat mong malaman na mayroong dalawang paraan ng pagtutol, ang una ay sa pamamagitan ng batas, at ang isa pa ay sa pamamagitan ng dahas; ang unang pamamaraan ay angkop sa tao, ang ikalawa sa mga hayop; ngunit dahilan sa ang una ay kadalasang hindi sapat, kailangang gamitin ang ikalawa.

(4) “Samakatuwid hindi mahalagang taglayin ng isang prinsipe ang lahat ng mabubuting katangian na inilista ko, ngunit mahalaga na magkunwang taglay ang mga ito.”​—Amin ang italiko.

(5) Ang prinsipe ay dapat “magmukhang maawain, tapat, makatao, matuwid, at relihiyoso sa isa na nakakakita at nakakarinig sa kaniya. Wala nang mahalaga pa kaysa magkunwang taglay niya ang huling katangiang ito, yamang karaniwang hinahatulan ng mga tao kung ano ang nakikita ng mata kaysa ginagawa ng kamay . . . Nakikita ng lahat kung ano wari ka, kaunti ang nakakakilala kung ano ka nga.”

(6) “Ang isang prinsipe ay dapat walang ibang layon o isipin, ni piliing anumang bagay para sa kaniyang pag-aaral, maliban sa digmaan at ang mga tuntunin nito at disiplina, sapagkat ito ang tanging sining na nababagay sa kaniya na namumuno.

(7) “Kinakailangang malaman ng isang prinsipe na nagnanais na pangasiwaan ang kaniyang sarili kung paano gagawa ng masama, at gamitin ito o hindi ayon sa pangangailangan.”

[Larawan sa pahina 6]

Itinatampok ng lansakang pagpapatayan noong Digmaang Pandaigdig I ang kahangalan ng mga pulitiko

[Pinagmulan]

National Archives

[Larawan sa pahina 7]

Ibinatay ni Machiavelli ang kaniyang pulitikal na mga kasabihan sa naunang kasaysayan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share