Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 10/8 p. 8-10
  • Nakapagdala Ba ng Kapayapaan ang Pulitikal na mga Mesiyas?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakapagdala Ba ng Kapayapaan ang Pulitikal na mga Mesiyas?
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mesiyas ng Italya
  • Isang Panahon ng Malaking Takot
  • “Dapat Silang Patayin na Parang mga Baboy!”
  • Ang Digmaang Pandaigdig II at Higit pang mga Kasakunaan
  • Ang Wakas ng Isang Pangitain
    Gumising!—1986
  • Ang Pangitain Para sa Kapayapaan
    Gumising!—1986
  • Bahagi 6—Itim na Kamisadentro at mga Swastika
    Gumising!—1990
  • Isang Pangitaing Tinanggihan
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 10/8 p. 8-10

Nakapagdala Ba ng Kapayapaan ang Pulitikal na mga Mesiyas?

ANG dating pangulo ng E.U. na si Woodrow Wilson ay isa sa mga pinuno sa pag-aayos ukol sa kapayapaan pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Nakita siya ng iba bilang “ang di-makasariling tagapagtanggol ng isang bagong kaayusang pandaigdig na salig sa katarungan at isang matuwid na paggalang sa mga hangarin ng lahat ng tao.” Ang kaniyang kasagutan sa mga problema ng kapayapaang pandaigdig ay ang Liga ng mga Bansa. Malaki ang pagtitiwala niya sa kaniyang paboritong proyekto.

Ganito ang sabi ng isang ulat: “Minsan ay pinahanga niya [ang Punong Ministrong Britano] si Lloyd George at [ang Punong Ministrong Pranses] si Clemenceau sa pagpapaliwanag kung paanong ang liga ay magtatatag ng isang kapatiran ng tao na hindi nagawa ng Kristiyanismo.” Bakit hindi “nagtagumpay” si Kristo Jesus? Ang sagot ni Wilson: “Itinuro niya ang mithiin o huwaran nang hindi gumagawa ng anumang praktikal na pamamaraan ng pagtatamo nito. Iyan ang dahilan kung bakit iminumungkahi ko ang isang praktikal na panukala upang isakatuparan ang Kaniyang mga layunin.”

Tinawag ng pahayagang Pranses si Wilson bilang ang “Mataas na Saserdote ng Mithiin, Tagapagkaisa ng mga Bansa, Tagapagtaguyod ng Sangkatauhan, Pastol ng Tagumpay at Mambabatas ng Kapayapaan.” Minsan pa ang mga tao ay naakay na maglagak ng kanilang buong pag-asa at pagtitiwala sa mga pulitiko at sa kanilang mga panukala sa pagdadala ng isang “bagong kaayusang pandaigdig.” Ang Liga ng mga Bansa ba ay nagdala ng walang hanggang kapayapaan? O nakaragdag ba ito sa isang panahon ng kaguluhan?

Mesiyas ng Italya

Karakaraka pagkatapos ng pasinaya ng Liga bumangon ang higit pang pulitikal na mga mesiyas at nagdulot ng pagdurusa sa angaw-angaw. Noong 1922 si Benito Mussolini, isang masugid na mambabasa ni Machiavelli, ay namahala sa Italya. Ang kaniyang Fascismo ay ibinunyi bilang “ang tunay na relihiyon.” Gayunman, nagpasok ito ng isang panahon ng “karahasan, at ng pandaraya at panlalalang sa mga eleksiyon” banggit ng mananalaysay na si Palmer. Si Propesor Gentile, isang prominenteng Italyanong pilosopo ng fascismo, ay “pumuri sa paggamit ng karahasan, kahit na ang mga banta ng karahasan ng mga Fascista, kapag ginamit sa kapakanan ng estado.” Sinabi niya na ang gayong karahasan ay “niloob ng Diyos, at ng lahat ng tao na naniniwala sa Diyos, . . . at ayon sa batas na siyang kalooban ng Diyos para sa daigdig.”

Kapahayagan ba ito ng alituntunin sa paggawi na binanggit ni Kristo o ng mga kasabihan ni Machiavelli? Alin sa kanila ang nagsabi, “Mas mabuting katakutan kaysa mahalin”? Tiyak na hindi si Jesu-Kristo! Sa kabaligtaran itinuro niya: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.”​—Juan 13:35.

Noong 1935, taglay ang bendisyon ng Iglesya Katolika, sinalakay at tinalo ng Fascistang Italya ang Ethiopia. Ano ang ginawa ng mesianikong Liga ni Wilson tungkol diyan? “Minsan pang nabigo ang Liga ng mga Bansa . . . upang maglaan ng disiplinaryong pagkilos laban sa nagkasalang Dakilang Kapangyarihan.”​—A History of the Modern World, ni R. R. Palmer.

Isang Panahon ng Malaking Takot

Noong 1933 si Adolf Hitler, isang dating hindi kilalang Katolikong Austriano, ay naging kansilyer ng Alemanya. Hindi siya naghintay nang matagal upang ipahayag ang kaniyang pagkasuklam sa Liga ng mga Bansa at sa Kasunduan ng Versailles, na ang mga kondisyon o hinihingi ay lubhang humamak sa Alemanya noong 1919. Inalis niya ang Alemanya mula sa Liga, itinakwil ang mga pagbabawal ng kasunduan, at sinimulang itayong-muli ang hukbong sandatahan ng Alemanya.

Sa kaniyang pulitikal na manipesto, ang Mein Kampf (Ang Aking Pagpupunyagi), ipinaliwanag ni Hitler kung bakit napilitan siyang gamitin ang espirituwal na malaking takot salig sa mga kasinungalingan at paninirang-puri: “Ito ay isang taktika na batay sa tamang kalkulasyon ng lahat ng kahinaan ng tao, at ang resulta nito ay hahantong sa halos tiyak na tagumpay . . . Natamo ko ang parehong pagkaunawa sa kahalagahan ng pisikal na malaking takot para sa indibiduwal at sa masa.”

Itinatag ni Hitler ang Gestapo na, kasama ng SS, ay naging isang ahensiya ng malaking takot. Sa pamamagitan ng walang-awang pag-uusig sa mga minoridad, natamo niya ang magalang na takot ng karamihan nang hindi pinupukaw ang kanilang poot. Tinawag ng di-gaanong tahimik na karamihang ito si Hitler na kanilang führer. Anuman ang kanilang pinanggalingang relihiyon, ang karamihan ay tumalima o nakiayon. Ang mga kasabihan ni Machiavelli ay muling naging isang pulitikal na katotohanan.

Mula noong 1936 patuloy sinunod ni Hitler ang isang patakaran ng pagsasanib at pagsalakay na humantong sa pagsakop sa Rhineland, Danzig, Austria, at Czechoslovakia. Lahat ng ito ay pasimula ng mas malaking kaguluhang darating.

“Dapat Silang Patayin na Parang mga Baboy!”

Noong 1936 pinangunahan ng Fascistang si Heneral Franco ang isang paghihimagsik laban sa radikal na republikanong pamahalaan sa Madrid. Ang paghihimagsik ay binasbasan ng Iglesya Katolika na para bang ito’y isang banal na krusada. Hindi nagtagal, sang-ayon sa manunulat na si C. L. Sulzberger, si Hitler at si Mussolini ay nagpadala ng 85,000 mga sundalo upang tangkilikin ang hukbo ni Franco. Binomba ng mga eroplanong Aleman ang mga lunsod sa Espanya.

Si Antonio Bahamonde, isang nangungunang ayudante sa isa sa mga heneral ni Franco, nagkukomento tungkol sa pagdanak ng dugo at lansakang pagpatay ng mga bilanggo, ay nagsabi na “alam na alam [ng mga heneral ni Franco] na tanging sa pamamagitan ng malaking takot . . . maaari nilang sakupin ang mga tao . . . Ang kunwang kaayusan ay wala kundi ang kilabot na pamamahala at kamatayan, na ang huling hantungan ay ang libingan.” Ganito ang tahasang sabi ng isa pang heneral: “Ang karaniwang tao ay mga baboy. At dapat silang patayin na parang mga baboy!” (Miracle of November, Madrid’s Epic Stand 1936, ni Dan Kurzman) Ang mga lalaking ito ay mga opisyal ng isang nanlulupig na hukbo na pawang mga Katoliko. Sa pangalan ng pulitikal na kapakanan, sinang-ayunan nila ang pagpatay.

Gaya ng sa lahat ng mga digmaan, ang kalupitan ay isinagawa ng magkabilang panig. Minsan pa ang bunga ng pumupukaw-poot na pulitika, na itinataguyod ng relihiyon, ay nangibabaw. Pinagbayaran ito ng mga tao. Ang Gera Sibil Espanyola, na tumagal ng tatlong taon, ay nagbunga ng kamatayan sa mahigit na kalahating milyong mga tao. Ang digmaan sa Espanya ang naging pasimula ng isang mas malaking kapahamakan​—Digmaang Pandaigdig II.

Ang Digmaang Pandaigdig II at Higit pang mga Kasakunaan

Ang paglusob ni Hitler sa Poland noong Setyembre 1939 ay nagpangyari na magpahayag ng pakikidigma ang Britaniya at Pransiya laban sa Alemanya. Nasumpungan ng sangkatauhan ang kaniyang sarili sa isa pang kombulsiyon ng lansakang pagkalipol at paghihirap. Minsang pang ipinagkanulo ng pulitika, na itinataguyod ng malalaking negosyo, ang karaniwang tao.

Bakit kasangkot ang malalaking negosyo? Sa pulitika ang salapi ay nangangahulugan ng kapangyarihan at taglay ng malalaking negosyo ang salapi. Kung wala ito maaaring hindi naging kansilyer ng Alemanya si Hitler. Ganito ang isinulat ni William Shirer sa The Rise and Fall of the Third Reich: “Sa pagtatapos ng 1920’s, ang salapi ay dumagsa sa Partido ng Nazi mula sa ilang malalaking industrialista sa Bavaria at Rhineland na naakit sa oposisyon ni Hitler sa mga Marxista at sa mga unyon.”

Ang ikalawang digmaang pandaigdig ay nagbunga pa ng isang kakila-kilabot na ani ng kalupitan ng tao sa tao. Ilan ang namatay sa anim na taon na pagpapatayan na inudyukan ng pulitika? Ang ilang tantiya ay nagsasabi na 55 milyon katao. Milyun-milyon pa ang “iniwang lumpo, bulag, putol ang mga bahagi ng katawan, walang tirahan, ulila, at maralita.” (The People’s Chronology, ni James Trager) Ang pulitikal na “mabangis na hayop” ay muling sumalakay!

Upang magtatag ng permanenteng kapayapaan sa lupa, binagong-tatag ng mga pulitiko ng nangungunang mga kapangyarihan sa daigdig noong 1945 ang Liga tungo sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa. Gayunman, mula ng petsang iyan, nagkaroon ng di kukulanging 62 na mga digmaan, mga gera sibil, mga rebolusyon, at mga kaguluhan sa buong daigdig na nagbunga ng angaw-angaw na kamatayan at mga sakuna​—lahat ay sa ngalan ng pulitikal na mga pagkakaiba ng ideolohiya.

Si Propesor Palmer ay angkop na sumulat: “Ang daigdig ng tao ay nasa bingit ng . . . isang kasakunaan mula noong 1914. Ang Unang Digmaang Pandaigdig, ang mga kaguluhan pagkatapos ng digmaan, ang Ruso, Intsik, Turko, at iba pang mga rebolusyon, ang matinding panghihina ng negosyo, ang parada ng mga diktador, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang ikalawang ani ng rebolusyunaryong mga pagbabago at ang mga kaguluhan pagkatapos ng digmaan, ay pawang bahagi ng iyo’t iyunding paraan ng pagbabago, . . . na hindi pa natatapos, at kung saan ang salitang ‘kasakunaan’ ay hindi sapat.”

Sa ngayon, sa 1985, ang daigdig ay waring nahahati sa dalawang dakilang magkalabang pulitikal na mga kampo. Sa loob mismo ng mga pangkat na iyon, mayroon pang iba’t ibang pulitikal at sosyal na mga sistema, mula sa militar na pagkadiktador tungo sa demokratikong mga pamamahala. Ang naglalabang mga ideolohiya ay nagbabantang pukawin ang isang pandaigdig na kapahamakang nuklear, isang kasakunaan na hindi ibig ng karamihan sa sangkatauhan.

Bagaman may taimtim na mga pulitiko na gumagawa ukol sa kabutihan ng sangkatauhan, gayunman, dapat nating aminin na ang tagapagbaha-bahaging pulitika ay nagdala sa atin sa bingit ng pagkalipol. Mayroon bang anumang lunas? Mayroon bang anumang pamahalaan o anyo ng pamamahala na talagang makapagkakaisa sa sambahayan ng tao sa tunay na kapayapaan at paggalang sa isa’t-isa?

[Larawan sa pahina 8]

Iminungkahi ni Presidente Wilson ang Liga ng mga Bansa bilang “isang praktikal na panukala upang isagawa ang mga layunin [ni Kristo]”

[Pinagmulan]

National Archives

[Larawan sa pahina 9]

Ginamit ng Fascismo ni Benito Mussolini ang karahasan sa mga kapakanan ng Estado

[Pinagmulan]

National Archives

[Larawan sa pahina 9]

Ginamit ni Adolf Hitler ang malaking takot upang panatilihin ang kaniyang kapangyarihan

[Pinagmulan]

National Archives

[Larawan sa pahina 10]

Tinanggap ni Heneralisimo Franco ang pagtangkilik mula kay Hitler at Mussolini

[Pinagmulan]

National Archives

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share