Tinimbang ang Pamamahala ng Tao
Bahagi 6—Itim na Kamisadentro at mga Swastika
Pasismo: Gobyerno sa pamamagitan ng diktadura, na tinatandaan ng pagkontrol ng Estado sa ekonomiya, pagdisiplina sa lipunan, at isang ideolohiya ng mapanlabang nasyonalismo; Nazismo: Pasismo na isinagawa ng Partido ng Pambansang Sosyalista ng mga Manggagawang Aleman sa ilalim ni Hitler.
ANG salitang “Pasismo” ay karaniwang nagpapagunita ng mga larawan ng Italyanong mga sundalong nakasuot na kamisadentrong itim at ng may-swastika, nakaunipormeng-kaki na mga sundalong Aleman. Subalit naranasan din ng ibang mga bansa ang Pasismo.
Noong 1930’s, ang Pasismo ay napatanyag sa Hungary, Romania, at Hapón. Noong Gera Sibil sa Espanya, ang suportang Pasista ay tumulong kay Francisco Franco na makontrol ang Espanya, bagaman hindi ipinalalagay ng karamihan ng mga mananalaysay ang diktadura ni Franco (1939-75) na talagang Pasista sa kalikasan. Sa kabilang dako ang diktadura sa Argentina na itinatag ni Juan D. Perón (1943-55), ay Pasista.
Pagsamba sa Estado
Ang “Pasismo” ay galing sa salitang Italyano na fascio at tumutukoy sa isang sinaunang Romanong sagisag ng autoridad. Tinatawag na fasces sa Latin, ito ay isang bungkos ng mga gabilya kung saan nakaungos ang talim ng isang palakol, isang angkop na sagisag ng pagkakaisa ng mga tao sa ilalim ng kataas-taasang autoridad ng Estado.
Bagaman ang ilang ugat ng Pasismo ay bumabalik noon pang panahon ni Niccolò Machiavelli, noong lamang 1919, o 450 taon pagkasilang ng isang iyon, na ginamit ni Benito Mussolini ang salitang iyon sa unang pagkakataon. Ang pulitikal na kabulukan noong kaniyang kaarawan, sabi ni Machiavelli, ay mapagtatagumpayan lamang sa pamamagitan ng isang autoritaryong pinunò, isa na magsasagawa ng kapangyarihan nang may kalupitan subalit may kahinahunan.
Ang gobyernong Pasista ay nangangailangan ng gayong malakas, oportunistiko, at karismatikong lider upang ito’y maging mabisa. Angkop naman, kapuwa si Mussolini at si Hitler ay kilala bilang “ang lider”—Il Duce at der Führer.
Itinataas ng Pasismo ang Estado sa lahat ng iba pang autoridad, kapuwa sa relihiyon at sibil. Ang huradong Pranses na si Jean Bodin ng ika-16 siglo, ang pilosopong Ingles na si Thomas Hobbes ng ika-17 siglo, gayundin ang ika-18 at ika-19 siglong mga pilosopong Aleman na sina Johann Gottlieb Fichte, Georg Wilhelm Friedrich Hegel, at si Heinrich von Treitschke, ay pawang niluwalhati ang Estado. Itinuro ni Hegel na ang Estado ang kataas-taasang kapangyarihan at na ang pinakamataas na tungkulin ng indibiduwal ay ang maging matapat na tagatangkilik nito.
Sa kanila mismong kalikasan, ang lahat ng gobyerno ay dapat gumamit ng autoridad. Subalit ang Pasistang mga estado ay idinisenyo upang ipatupad ito sa pinakasukdulan, hinihiling ang bulag na pagsunod. Itinuturing ang mga tao na wala kundi mga alipin ng Estado, sabi ni Treitschke: “Hindi mahalaga kung ano ang palagay mo, basta sumunod ka.” Karaniwan na, pinalitan ng Pasismo ang sigaw na, “Kalayaan, pagkakapantay-pantay, kapatiran,” na narinig noong Rebolusyong Pranses, ng sawikaing Italyano na, “Maniwala, tumalima, makibaka.”
Niluluwalhati ng Pasismo ang Digmaan
Makibaka? Oo! “Ang digmaan lamang ang nagbibigay ng sukdulang tensiyon sa lahat ng lakas ng tao at tinatatakan ng karangalan ang mga taong may lakas-loob na harapin ito,” sabi minsan ni Mussolini, na ang sabi pa: “Ang digmaan ay sa lalaki kung paanong ang pagiging ina ay sa babae.” Tinawag niya ang patuloy na kapayapaan na “nakapanlulumo at kabaligtaran ng lahat ng pangunahing kagalingan ng tao.” Sa pagsasabi ng mga salitang ito, ipinababanaag lamang ni Mussolini ang mga pangmalas ni Treitschke, na nagsabing ang digmaan ay isang pangangailangan at na ang pag-aalis nito sa mundo, bukod sa pagiging lubhang masama, “ay ang pag-aaksaya ng maraming mahalaga at dakilang lakas ng kaluluwa ng tao.”
Sa kapaligirang ito ng digmaan at diktadura, hindi tayo magtatakang malaman na tinunton ng maraming mananalaysay ang pasimula ng modernong Pasismo pabalik sa panahon ni Napoleon I ng Pransiya. Diktador noong maagang 1800’s, siya mismo ay umaming hindi Pasista. Gayumpaman, marami sa mga patakaran niya, gaya ng pagtatatag ng isang sistema ng sekretong pulisya at ng may kasanayang paggamit ng propaganda at pagsensura upang kontrolin ang press, ay nang maglaon sinunod ng mga Pasista. At tiyak na ang kaniyang determinasyong isauli ang kaluwalhatian ng Pransiya ay karaniwang hangarin taglay ang pambansang kadakilaan na dahil dito naging kilalá ang mga lider ng Pasista.
Noong 1922 ang mga Pasista sa Italya ay naging lubhang makapangyarihan upang ilulok si Mussolini sa tungkulin bilang punong ministro, isang posisyon na agad niyang ginamit bilang isang tuntungang-bato sa pagiging isang diktador. Kung mga sahod, oras, at tunguhing produksiyon ang pag-uusapan, ang industriyang pribadong pag-aari ay napasailalim ng mahigpit na pamamahala ng gobyerno. Sa katunayan, ang pribadong mga negosyo ay hinihimok lamang sa lawak na ito’y naglilingkod sa kapakanan ng gobyerno. Ang mga partido sa pulitika maliban sa Pasista ay ipinagbawal; ang mga unyon ng manggagawa ay bawal. May kasanayang kinontrol ng gobyerno ang media, pinatatahimik ang mga sumasalansang sa pamamagitan ng pagsensura. Binigyan ng pantanging pansin ang pag-iindoktrina sa mga kabataan, at ang personal na kalayaan ay lubhang binawasan.
Pasismo, Istilong Aleman
“Sa kabila ng pagkakatulad ng kanilang landas sa kapangyarihan,” sabi ng aklat na Fascism, ni A. Cassels, “ang Pasismong Italyano at ang Nazismong Aleman ay lubhang magkaiba sa temperamento at sa kanilang pangitain sa hinaharap.”
Bukod sa nabanggit na mga pilosopong Aleman na nagsilbing tagapanguna ng kaisipang Pasista, ang iba pa, tulad ng ika-19 na siglong pilosopong Aleman na si Friedrich Nietzsche, ay tumulong sa paglikha ng isang uri ng Pasismo na natatanging Aleman. Hindi naman dahil sa si Nietzsche ay isang Pasista, subalit nanawagan siya para sa isang nagpupunong piling tao, isang lahi ng mga superman. Gayunman, sa paggawa ng gayon, wala sa isip niya ang isang lahi o bansa, sabihin pa nga ang mga Aleman, na hindi niya nagugustuhan. Subalit ang ilan sa kaniyang mga ideya ay malapit sa kung ano ang ipinalalagay ng mga ideologo ng Pambansang Sosyalista na talagang Aleman. Kaya ang mga ideyang ito ay tinanggap, samantalang ang iba, na hindi sumasang-ayon sa doktrinang Nazi, ay iwinaksi.
Si Hitler ay lubhang naimpluwensiyahan ng Alemang kompositor na si Richard Wagner. Lubhang nasyonalistiko at makabayan, minalas ni Wagner ang Alemanya na nakataang gumawa ng dakilang misyon sa mundo. “Para kay Hitler at sa mga ideologong Nazi si Wagner ang sakdal na bayani,” sabi ng Encyclopedia of the Third Reich. Sabi nito: “Inilalarawan ng kompositor ang kadakilaan ng Alemanya. Sa pangmalas ni Hitler ang musika ni Wagner ay nagbibigay-matuwid sa nasyonalismong Aleman.”
Ganito pa ang sabi ng autor na si William L. Shirer: “Gayunman, hindi ang pulitikal na mga sulat niya [ni Wagner] kundi ang kaniyang naghahabaang mga opera, malinaw na ginugunita ang unang panahong Alemanya pati na ang magiting na mga alamat nito, ang naglalabanang paganong mga diyos at mga bayani, ang mga demonyo at mga dragon nito, ang mga alitan ng kadugo at sinaunang mga kodigo ng tribo, ang diwa ng destino nito, ng maringal na pag-ibig at buhay at ang karangalan ng kamatayan, na nagbigay inspirasyon sa mga alamat ng modernong Alemanya at nagbigay rito ng isang Alemang Weltanschauung [pangmalas ng daigdig] na taglay ang ilang pagbibigay-matuwid, ay ginawa ni Hitler at ng mga Nazi na kanila mismong pangmalas.”
Ang kaisipan kapuwa ni Nietzsche at Wagner ay hinubog ni Comte Joseph Arthur de Gobineau, diplomatiko at ethnologong Pranses, na, sa pagitan ng 1853 at 1855, ay isinulat ang Essai sur l’inégalité des races humaines (Sanaysay Tungkol sa Hindi Pagkakapantay-pantay ng Lahi ng Tao). Ikinatuwiran niya na ang kayariang panlahi ang tumitiyak sa tadhana ng mga sibilisasyon. Ang pagbanto sa katangiang panlahi ng mga lipunang Aryan sa wakas ay hahantong sa kanilang pagkabagsak, babala niya.
Ang pagtatangi ng lahi at pagkapoot sa mga lahing Judio na nagmula sa mga ideyang ito ang katangian ng istilong-Aleman na Pasismo. Ang mga patakarang iyon ay hindi gaanong makikita sa Italya. Sa katunayan, ang mga katibayan ng pagkapoot sa lahing Judio sa Italya ay ipinalalagay ng maraming Italyano na isang pahiwatig na pinapalitan ni Hitler si Mussolini bilang ang nangingibabaw na puwersa sa likuran ng Pasismo. Oo, sa paglipas ng panahon, lumaki ang impluwensiya ni Hitler sa mga patakaran ng Pasismong Italyano.
Sa pagsisikap na makamit ang pambansang kadakilaan, ang Pasismong Italyano at ang Pasismong Aleman ay tumingin sa magkasalungat na direksiyon. Ang awtor na si A. Cassels ay nagpapaliwanag na “kung saan maaaring hinikayat ni Mussolini ang kaniyang mga kababayan na tularan ang mga gawa ng sinaunang mga Romano, nilayon naman ng diwa ng rebolusyong Nazi ang pag-udyok sa mga Aleman, hindi lamang gawin ang ginawa ng dambuhalang mga Teutonic noong una, kundi maging gaya ng mga bayani ng tribong iyon na reinkarnado sa ikadalawampung siglo.” Sa ibang salita, sinikap ng Pasismong Italyano na muling makamit ang nakalipas na kaluwalhatian, wika nga, sa paghatak sa Italya, isang industriyal na mahirap na bansa, sa ika-20 siglo. Sa kabilang dako naman, sinikap ng Alemanya na muling makamit ang dating kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagbalik sa makaalamat na nakaraan.
Kung Ano ang Nagpangyari Nito
Sa karamihan ng mga bansa, ang mga Pasista ay nagkaroon ng kapangyarihan pagkatapos ng isang pambansang sakuna, isang pagbagsak ng ekonomiya, o isang militar na pagkatalo. Totoo ito kapuwa sa Italya at Alemanya. Bagaman nasa magkalabang panig noong Digmaang Pandaigdig I, sila kapuwa ay lumabas mula sa digmaan na lubhang mahina. Ang kaligaligan ng mga makabayan, pagkalinsad ng ekonomiya, at pagtindi ng digmaan sa pagitan ng mga manggagawa at kapitalista ay sumalot sa dalawang bansa. Naranasan ng Alemanya ang di-mapigil na implasyon, at dumami ang walang hanapbuhay. Mahina rin ang demokratikong simulain, nahahadlangan pa rin ng militar at autoritaryong tradisyon ng Prussia. At saanman ay nanganganinag ang multo ng kinatatakutang Bolshevismong Sobyet.
Ang ideya ni Charles Darwin tungkol sa ebolusyon at likas na pagpili ay isa pang mahalagang salik sa pagbangon ng Pasismo. Binabanggit ng aklat na The Columbia History of the World ang tungkol sa “muling pagbangon ng Social Darwinism sa mga ideolohiya ng mga Pasista, na ipinahayag kapuwa ni Mussolini at ni Hitler.”
Ang Encyclopedia of the Third Reich ay sumasang-ayon sa kalkulasyong ito, ipinaliliwanag na ang social Darwinism “ang ideolohiyang nasa likuran ng patakaran ni Hitler na paglipol sa isang lahi.” Kasuwato ng mga turo ni Darwin na ebolusyon, “ang mga ideolohistang Aleman ay nangangatuwiran na ang modernong estado, sa halip na italaga ang lakas nito sa pangangalaga sa mahihina, ay dapat tanggihan ang mahihinang mamamayan nito alang-alang sa malalakas, malulusog na mga elemento.” Ikinakatuwiran nila na ang digmaan ay normal sa labanang matira ang matibay, na “ang tagumpay ay para sa malalakas, at ang mahihina ay dapat alisin.”
Natutuhan ba ang Leksiyon?
Ang mga panahon ng itim-na-kamisadentrong mga hukbong militar ng Italya at ang nakasuot-swastika, nakaunipormeng-kaking hukbong Aleman ay wala na. Gayunman, kahit na sa 1990, ang mga bakas ng Pasismo ay nananatili. Dalawang taon ang nakalipas ang magasing Newsweek ay nagbabala na sa lahat halos ng bansa sa Kanlurang Europa, “ang mga hukbong makakanan ay minsan pang nagpapatunay na ang balatkayong pagtatangi ng lahi at ang pagsamo sa makabayan at autoritaryong mga pamantayan ay maaari pa ring makakuha ng nakapagtatakang pagtangkilik.” Walang alinlangan ang isa sa pinakadinamiko sa mga kilusang ito ay ang Pambansang Prontera ni Jean-Marie Le Pen sa Pransiya na may mensahe na pangunahin nang “katulad niyaong sa Pambansang Sosyalismo.”
Matalino bang maglagak ng tiwala sa mga kilusang neo-Pasista? Ang mga ugat ba ng Pasismo—ebolusyon ni Darwin, pagtatangi ng lahi, militarismo, at nasyonalismo—ay isang mahusay na pundasyon na kasasaligan ng isang mabuting gobyerno? O hindi ba sasang-ayon ka na gaya ng lahat ng iba pang uri ng pamamahala ng tao, ang Pasismo ay tinimbang at nasumpungang kulang?
[Kahon sa pahina 26]
Pasismo—Matatag ba ang Saligan Nito?
Ebolusyon ni Darwin: “Parami nang paraming siyentipiko, lalo na ang dumaraming bilang ng mga ebolusyunista . . . ay nangangatuwiran na ang teoriyang ebolusyon ni Darwin ay hindi tunay na siyentipikong teoriya.”—New Scientist, Hunyo 25, 1981, Michael Ruse.
Pagtatangi ng Lahi: “Ang agwat sa pagitan ng mga lahi at mga bayan ng tao, kung saan umiiral ito, ay sikolohikal at sosyolohikal; hindi ito genetiko!”—Genes and the Man, Propesor Bentley Glass.
“Ang mga tao ng lahat ng lahi ay . . . mula sa iisang unang tao.”—Heredity and Humans, manunulat sa siyensiya na si Amram Scheinfeld.
Militarismo: “Ang talino, trabaho, at yaman na ibinuhos sa . . . kabaliwang ito ay totoong nakalilito sa isipan. Kung ang mga bansa ay hindi na mag-aaral pa ng pakikidigma, walang hindi magagawa ang tao.”—Amerikanong manunulat at nanalo ng gantimpalang Pulitzer na si Herman Wouk.
Nasyonalismo: “Hinahati ng nasyonalismo ang tao sa hindi nagpaparayang mga yunit. Bunga nito, ang mga tao’y nag-iisip bilang mga Amerikano, Ruso, Intsik, Ehipsiyo o Peruviano muna, at pangalawa bilang mga tao—kung iniisip pa nila ito.”—Conflict and Cooperation Among Nations, Ivo Duchacek.
“Napakarami ng mga problemang nakakaharap natin ngayon ay dahilan sa, o bunga ng, maling mga saloobin—ang ilan dito ay halos wala sa loob na sinusunod. Kabilang dito ang ideya ng makitid na nasyonalismo—‘aking bansa, tama o mali.’ ”—Dating Kalihim-Panlahat ng UN na si U Thant.
[Mga larawan sa pahina 25]
Sinaunang mga sagisag ng relihiyon, gaya ng swastika, at ang sawikaing, “Ang Diyos ay Sumasa-atin,” ay hindi nagligtas sa pamamahala ni Hitler
Ang fasces, sagisag ni Mussolini para sa Pasismo, ay masusumpungan sa ilang barya ng E.U.