Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 10/22 p. 22-23
  • Ang Di-mapigil na Mariposa Hitana

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Di-mapigil na Mariposa Hitana
  • Gumising!—1985
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Magandang Mariposa
    Gumising!—2001
  • Tangà
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Ang Damit Ninyo ay Kinain ng Insekto”
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Kapag Bulag ang Pag-ibig
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 10/22 p. 22-23

Ang Di-mapigil na Mariposa Hitana

“NAGKALAT ang mga ito,” reklamo ng isang kabataang babae sa kaniyang asawa habang nagkukukumpas ng kaniyang kamay upang itaboy ang mabalahibo, matingkad-kayumangging higad na tinatangay ng hangin na papalapit sa kaniya. Tama siya. Ang mga higad ay nagkalat saanman​—gumagapang sa mga katawan at mga sanga ng punungkahoy o nakabitin sa di nakikitang malasedang mga sinulid. Pinaikli nilang dalawa, na pagod na sa katataboy sa mga higad, ang kanilang paglalakad sa kakahuyan. Ang mga higad ay nakayayamot.

Nakayayamot? Sinasabi ng mga awtoridad na sila ay isang salot. Noong 1980 inalisan ng dahon ng mga higad na ito ang limang milyong acre ng mga kagubatan sa hilagang-silangan ng Estados Unidos. Masahol pa, noong 1981 inalisan nila ng dahon ang 12.8 milyong acre na kagubatan. “Nilabanan din nila ang lahat ng pagsalakay na itinuon laban sa kanila,” sabi ng Smithsonian, “hanggang sa ang kanilang pagsalakay ngayon ay lumalawak mula sa Virginia at Maryland, hanggang sa West Virginia at hanggang pa sa gawing kanluran ng Pennsylvania at New York, pati na ang ibang nabubukod na mga kagubatan sa paligid.” Pati na ang mga estado sa West Coast na California, Oregon, at Washington ay pinagbabantaan.

Ang kaaway, sa wari, ay di-mapigil. Lumalabas mula sa kanilang mga itlog sa dakong huli ng Abril o Mayo, ang isang-ikawalong-pulgadang-haba (0.3 cm) na larvae ay manginginain sa alinman sa 500 uri ng mga punungkahoy at kulumpon kung kinakailangan, bagaman ang mga dahon ng encina ang nananatiling paborito nila. Tinatangay ng mga hangin ang kanilang malasedang mga sinulid, sila ay lumulutang mula sa isang punungkahoy tungo sa isang punungkahoy o nakikisakay sa mga kotse, mga campers, o mga muwebles sa hardin tungo sa bagong mga teritoryo​—kaya ang pangalang hitana. Kapag ang haba nila ay umabot na ng ganap na 2 1/2 pulgada (6.5 cm), ang bawat higad ay makakaubos ng 12 pulgada kuwadrado (77 sq cm) ng dahon sa loob ng 24 oras. Kapag dumadaluhong, sila talaga ay salot​—gumagapang sa mga driveway, nahuhulog sa mga pinggan kapag nagkakainan sa likod ng bahay, lumilikha ng walang-tigil na pag-ulan ng dumi at mga dahon na kinain. Pinakamasamâ pa, pinapatay nila ang mga punungkahoy na lubhang mahina upang matagalan ang sunud-sunod na mga taon na pagkawala ng dahon.

Ang mariposa ay di sinasadyang dinala sa Amerika noong 1869 nang pataubin ng isang bagyong-hangin ang kulungan ng mga higad na mariposa hitana na inangkat ng isang Pranses na dalubhasa sa kalikasan (naturalist) na nagtatrabaho sa Medford, Massachusetts. Ang mga higad ay gumapang palabas ng bintana. Pagkalipas ng dalawampung taon ang Medford ay napunô ng mga ito. Sa sumunod na sampung taon nilipol ng mga tagapuksa ng peste sa Massachusetts ang insekto sa pamamagitan ng mga sulo, pinturang creosote, mga pangayod, papel na may pandikit, at mga isprey ng lead arsenate at iba pang mga lason, at halos naging matagumpay sila sa paglipol sa mga ito. Ngunit habang ang bilang ng mga mariposa ay umuunti, gayundin ang interes upang lipulin sila.

Gayunman ang kanilang teritoryo ay patuloy na lumalawak. Noong 1900 inubos nila ang mga dahon ng mga punungkahoy sa buong Massachusetts. Nasa Rhode Island sila noong 1901. Lumipat sila sa New Hampshire noong 1905, sa Connecticut noong 1906, sa Vermont noong 1912, at sa New York noong 1922. Noong 1934 sila ay nasa Pennsylvania. Subalit bagaman ang kanilang teritoryo ay lumalawak, ang dami ng mga kagubatan na inalisan nila ng mga dahon ay iba-iba​—isang nakalilitong bagay para sa mga tagapuksa ng salot na nagsisikap hulaan ang susunod na kilos ng kaaway.

Ang bahagyang pag-asa na pahintuin sila ay dumating noong 1950’s sa pamamagitan ng pag-iisprey sa himpapawid ng DDT. Subalit ang mga tagapuksa ng peste ay napilitang bumaling sa hindi gaanong nakalalasong mga kemikal nang ipagbawal ang DDT dahilan sa nakalalasong epekto nito sa iba pang mga nabubuhay na bagay sa kagubatan. Samantala, gumawa ng mga mas mapamiling pagsawata sa mga peste. Ang isang popular na bacterial agent na ginamit, ang Bacillus thuringiensis, ay pinapatay lamang ang mga mariposa at mga paruparo. Isa pang kemikal ang pumapatay lamang ng mga mariposa hitana subalit napakamahal at hindi maaaring makuha sa malalaking kantidad. Karagdagan pa, sa mga 45 na mga maninila at mga parasito ng mariposa hitana na dinala sa Hilagang Amerika, mga isang dosena lamang ang nagtagumpay.

Subalit sa kabila ng milyun-milyong dolyar na ginugol sa mga lason at biyolohikal na mga sandata, ang mga mariposa ay pumapakanluran at pumapatimog pa rin sa bilis na 5 hanggang 15 milya (8 hanggang 25 km) isang taon. Sinasabi ng ibang awtoridad na ang malawakang paggamit ng mga pestisidyo ay lalo lamang nagpapalaganap o nagpaparami sa mga mariposa. Papaano? Ang mga mariposa na marahang kumakalat o walang imyunidad sa mga lason ay madaling malipol. Kaya, ang natitirang mga mariposa ay waring mas maliksi at hindi tinatablan ng lason. Higit pa riyan, ang mga mariposang ito na hindi tinatablan ng lason ay napakabilis dumami, yamang wala silang kakompitensiya sa pagkain at dahilan sa ang kanilang likas na mga kaaway ay nalipol ng karaniwang mga lason.

Iminumungkahi ng biyologong si Jack Schultz ng Dartmouth College na umasa tayo sa sariling mga depensa ng kalikasan. Ipinakita niya na ang mga punungkahoy na kinain ang mga dahon ay naghahalili ng mga dahon na mayaman sa tannin​—na hindi masarap sa mga higad. “Pabayaan lang ang mga punungkahoy at ang mga halaman,” giit niya. “Ang pagbabagu-bago ay mas mabisang pansawata kaysa magkakatulad na pag-iisprey, at ang tannin ay hindi nagdadala ng nakalalasong mga sustansiya sa kapaligiran.” Kapansin-pansin, iba’t ibang uri ng likas na mga sanhi​—sakit dala ng virus, mga maninila, at kaigtingan dahil sa kakulangan ng pagkain​—ang nangyari nang ang populasyon ng mga mariposa ay lubhang dumami. Sa mga kadahilanang ito, mula noong 1981 ang pag-ubos ng mga dahon sa kagubatan ng mga mariposa hitana ay lubhang bumaba.

Ang tanawin ng isang kalbo, mukhang-patay na mga kagubatan ng encina na sinalanta ng gutom na mga higad ay nakasisindak. Gayunman, ang kagubatan ay maaaring hindi naman ganap na nasira gaya ng inaakala. Sinasabing ang gayong pagkaubos ng dahon sa mga kagubatan sa gawing silangan ay nagpapabilis lamang sa paglago ng mga American beech, sugar maple, at eastern hemlock​—mga uri ng punungkahoy na hindi naiibigan ng mga mariposa hitana bilang pagkain. Marahil ipinakikita ng kalikasan ang isa pang likas na pagsawata na balang araw ay babawas sa mga pagdaluyong ng mga mariposa hitana. Sa paanuman, ang Conservationist ay naghihinuha: “Ang matagalang biyolohikal na mga pinsala ng pagsalakay sa kagubatan ng mga mariposa hitana ay waring nahuhulaan ng ngayon at maaaring aktuwal na maging kapaki-pakinabang.” Iyan ay pagkuha ng isang positibong pangmalas. Makabubuting kunin natin ang isang positibong pangmalas. Tutal, ang munting mga kinapal na ito ay mananatili.

[Mga larawan sa pahina 22, 23]

Ang buhay ng isang adultong mariposa ay tumatagal lamang ng isang linggo, sapat upang makapagparami. Ang babae ay nangingitlog ng mga kulumpol na itlog na maaaring maglaman ng kasindami ng isang libong mga itlog

[Mga Pinagmulan]

USDA Forest Service

USDA Forest Service

USDA Forest Service

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share