Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 2/8 p. 18-19
  • Mga Horoscope—Nakatutulong o Nakapipinsala?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Horoscope—Nakatutulong o Nakapipinsala?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Horoscope ba ay Talagang Nakatutulong?
  • Nakapipinsala ba ang mga Horoscope?
  • Isang Nakahihigit na Patnubay
  • Astrolohiya ba ang Susi sa Iyong Kinabukasan?
    Gumising!—2005
  • Pagmamasid sa mga Bituin Ngayon
    Gumising!—1989
  • Talaga bang Kontrolado ng mga Bituin ang Inyong Buhay?
    Gumising!—1989
  • Astrolohiya—Ito Ba’y Hindi Nakapipinsalang Katuwaan?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 2/8 p. 18-19

Ang Pangmalas ng Bibliya . . .

Mga Horoscope​—Nakatutulong o Nakapipinsala?

SINISIMULAN ng maybahay ang kaniyang pang-araw-araw na gawain sa pagbabasa ng isang pitak sa pahayagan na “Ang Inyong mga Bituin.” Tinatawagan sa telepono ng isang negosyante ang kaniyang astrologo bago makipagnegosyo. Hawak-hawak ng isang sugarol sa karera sa isang kamay ang balumbon ng pera, at sa kabilang kamay, ang aklat na How to Play the Horses Horoscopically. Kinukonsulta ng mga bituin sa palakasan, mga pulitiko, at marami pang iba ang kanilang mga horoscope bago gumawa ng isang disisyon.

Naaapektuhan ba ang iyong buhay ng mga posisyon ng mga bituin, planeta, buwan, at araw sa kapanganakan ng isang tao na gaya ng iginuguhit ng mga astrologo? Angaw-angaw sa ngayon ang naniniwala na naaapektuhan nga sila. Kaya ikaw ay maaaring magtanong:

Ang mga Horoscope ba ay Talagang Nakatutulong?

Oo, ang sagot ng masugid na mga tagasunod. Bakit ganito ang kanilang palagay? Ganito ang paliwanag ng isang tao: “Binabasa ko ang aking horoscope araw-araw . . . at masasabi ko na halos 80 porsiyento ng mga bagay na sinasabi sa akin ay nagkatotoo.” Oo, inaakala nila na ang mga kasagutan, o sa paanuman ang mga patnubay sa pagsagot sa kanilang mga problema, ay masusumpungan sa horoscope.

Gayunman, nakatutulong nga ba ang mga pitak ng horoscope sa mga pahayagan at mga magasin? Pansinin kung ano ang isinulat ng astrologong si Alexandra Mark sa kaniyang aklat na Astrology for the Aquarian Age: “Ang mga pagbasa na ito . . . ay halos walang kaugnayan sa isang indibiduwal maliban na lamang na magkataon. Subalit ang kapangyarihan ng mungkahi ay hindi maaaring walaing-bahala.” Huminto at mag-isip, nanaisin mo bang ang iyong buhay ay ugitan ng basta pagkakataon o ng kapangyarihan ng mungkahi lamang?

‘Gayunman,’ maaaring itanong mo, ‘ang pagsapantaha ba ng personal na horoscope batay sa eksaktong oras at lugar ng kapangakan ng isa ay mas wasto?’ Maliwanag na ang gayong paniniwala ay batay sa palagay na sa paano man ang makalangit na mga planeta ay may malakas na impluwensiya sa buhay ng mga tao. Gayunman paano ito magiging totoo yamang pagkalayu-layo ng pagitan ng mga planeta at ng lupa? Ipinakita ng mga siyentipiko na ang epekto, kung mayroon man, ng makalangit na mga planeta sa indibiduwal ay halos wala. Sa katunayan, ang mismong saligan na roon ibinatay ang astrolohiya, na ang lupa diumano ang sentro ng sansinukob at na ang araw at ang mga planeta ay umiikot sa palibot nito, ay mali.

Yamang ang pagiging kapaki-pakinabang ng mga horoscope ay hindi tiyak, makabubuting itanong natin ang mas mahalagang katanungan:

Nakapipinsala ba ang mga Horoscope?

Oo, maaari itong makapinsala. Kapag binabasa mo ang mga pitak sa horoscope, nariyan ang panganib na maiwala mo ang iyong kakayahan na gumawa ng makahulugang mga pasiya, o gaya ng pagkakasabi ng astronomong si Roger Culver: “Ang panganib ay na maaari mong iwasan ang pananagutan at sabihin​—ipinagawa ito sa akin ng mga bituin.” Oo, maaaring basahin ng isang tao ang mga pitak para lamang sa kanilang paglilibang, subalit ipagpalagay nang isang pangyayari sa kaniyang buhay ay nagkataon na kahawig ng kung ano ang nabasa niya sa horoscope. Hindi kaya siya akayin nito na maniwala na mayroon ngang katotohanan sa mga inihuhula ng horoscope? Hindi kaya siya matukso na maging higit na mapasangkot sa astrolohiya?

Kung gayon, higit pang seryosong bagay ang maaaring mangyari. Kung ano ang nagsimula bilang di-nakapipinsalang pag-uusyoso ay maaaring mauwi sa isang gawain na labag sa sinabi ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ang sinaunang mga Israelita ay sinabihan ng Diyos na Jehova na kinapopootan niya ang anumang anyo ng panghuhula, pati na ang pagmamasid sa makalangit na mga planeta.

Upang ipakita kung gaano kaselan ang bagay na ito, ang Bibliya ay nagsasabi: “Kung may masusumpungan sa gitna mo sa loob ng alinman sa iyong mga lunsod na ibinigay sa iyo ni Jehovang iyong Diyos ng lalaki o babae na gumagawa ng kasamaan sa paningin ni Jehovang iyong Diyos sa pagsalansang sa kaniyang tipan, at yumaon at sumamba sa ibang mga diyos at yumukod sa kanila o sa araw o sa buwan o sa anumang natatanaw sa langit, na hindi ko iniutos, at maisaysay sa iyo at iyong mabalitaan at iyo ngang sisiyasating masikap, at, narito! ang bagay ay napatunayang totoo, na ang gayong karumal-dumal na bagay ay nagawa sa Israel! ay iyo ngang ilalabas ang lalaki o babaing yaon na gumawa nitong bagay na kasamaan sa iyong mga pintuang-daan, oo, ang lalaki o babae, at iyong babatuhin sila ng mga bato, hanggang sila’y mamatay.”​—Deuteronomio 17:2-5.

Bakit kinasusuklaman ng Diyos ang paggamit sa araw, buwan, at mga bituin bilang mga pangitain? Una, labag ito sa kaniyang layunin sa pagkalikha sa mga ito. (Genesis 1:14-18) Dapat tayong umasa sa Maylikha, hindi sa nilikha, para sa patnubay. (Roma 1:25) Ikalawa, ang Diyos ay dapat na may pambihirang dako sa ating buhay. Ang pagsamba sa kaniya ay hindi dapat ibahagi sa anumang iba pang tao o bagay. (Deuteronomio 4:24) Ang isang tao ay maaaring labis-labis na magtiwala sa kaniyang horoscope anupa’t ang pagtitiwala niya rito ay maaaring mauwi sa pagsamba rito. Ikatlo, maaari itong magbukas ng daan sa okultismo. At ang pagtatampisaw sa okultismo ay maaaring gumawa sa isang hindi naghihinalang tao na isang madaling target ng sobrenatural na puwersa na nasa likuran ng okultismo​—ang mga demonyo. (Ihambing ang Deuteronomio 18:9-12; Isaias 47:12-14; Gawa 16:16-18.) Upang maiwasan na tayo’y mapanganib na mapasangkot sa mga horoscope, ang Diyos ay naglalaan sa atin ng isang bagay na mas mabuti:

Isang Nakahihigit na Patnubay

Ang Diyos na Jehova ay naglaan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, na laging mapaniniwalaan. Tinitiyak niya sa atin: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. . . . Tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.”​—Isaias 55:11.

Gayunman, nangangailangan ng pagsisikap sa ating bahagi na masusing suriin ang Salita ng Diyos at halawin ang espisipikong payo. Iyan ang ginawa ng pantas na Haring Solomon. Sulat niya: “Sapagkat lahat ng ito ay inilagak ko sa aking puso, upang siyasatin ang lahat ng ito, na ang matuwid at ang pantas at ang kanilang mga gawa ay nangasa kamay ng tunay na Diyos.” (Eclesiastes 9:1) Kaya, sa halip na paakay sa mabuway na kamay ng astrologo, ilagak ang iyong pagtitiwala sa matatag na kamay ng Diyos na Jehova.

[Kahon sa pahina 18]

“Ang mga tao ay nalilito. Nais nila ng tulong sa paggawa ng mga disisyon tungkol sa kabuhayan, personal na mga kaugnayan at trabaho. Hindi ito natutugunan ng relihiyon na gaya ng nagawa nito dati at ang saykayatri ay may mga limitasyon. Kaya . . . sa pagtatangka na iugnay ang kanilang sarili sa isang bagay na waring may siyentipikong posibilidad ang dumaraming bilang [sa kanila] ay bumaling sa astrolohiya.”​—Dr. Alan Rosenburg, saykayatris, Nature/Science Annual.

[Kahon sa pahina 19]

Iminungkahi ng Committee for the Scientific Investigation of Claims of the Paranormal, noong Nobyembre 16, 1984, ang paglalathala ng pagtatatwang ito may kaugnayan sa lahat ng mga pitak ng horoscope: “Ang sumusunod na astrolohikal na mga hula ay dapat basahin para lamang sa paglilibang. Ang gayong mga hula ay walang kapani-paniwalang saligan sa siyentipikong katotohanan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share