Pagmamasid sa mga Bituin Ngayon
“MULA sa White House hanggang sa Wall Street, ang astrolohiya ay mas popular ngayon higit kailanman.” Gayon nagsisimula ang report ng isang pahayagan tungkol sa interes ng publiko sa astrolohiya sa Estados Unidos.
Ang pagtukoy sa White House ay walang alinlangang nagpapagunita sa mambabasa ng lubhang napalathalang ulat tungkol sa isang dating katu-katulong ng presidente. Sa kaniyang aklat na For the Record, si Donald T. Regan ay sumulat:
“Sa katunayan ang bawat malaking pagkilos o disisyon na ginawa ng mga Reagan noong aking panahon bilang chief of staff sa White House ay patiunang nililinaw sa isang babae sa San Francisco na gumagawa ng mga horoscope upang tiyakin na ang mga planeta ay kaaya-ayang magkakahanay para sa gawain.”
Anuman ang ipakahulugan sa ulat na iyon, tiyak na isiniwalat nito ang malaking interes sa astrolohiya sa gitna ng mga tao sa Kanluraning daigdig, kung saan ipinalalagay na naiwaksi na ng modernong siyensiya ang huling bakas ng astrolohiya. Isaalang-alang ang mga katotohanang ito:
◼ Sang-ayon sa AFA (American Federation of Astrologers), mayroong halos 5,000 buong-panahon, propesyonal na mga astrologo at di-kukulanging 50,000 bahaging-panahong mga astrologo sa Estados Unidos. Taun-taon, ang kabayaran para sa mga pagbasa ng kapalaran ay umaabot ng mga $35 milyon.
◼ “Taun-taon sa Pransiya . . . mahigit na 10 milyon katao ang sumasangguni sa mahigit na 30,000 opisyal na kinikilalang mga astrologo o mga medium,” sabi ng Toutes les Nouvelles, isang lingguhang magasin sa Paris.
◼ Ang mga horoscope ay isang regular na pitak sa 92 porsiyento, o mahigit na 1,500, ng mga pahayagan sa Estados Unidos. Sa Alemanya, nang nakaligtaan ng isang pahayagan, ang Weser Kurier, na ilimbag ang pitak ng horoscope isang araw, mga tawag sa telepono ay tinanggap mula sa mga mambabasa “na hindi alam kung mananatili sa bahay o lalabas sa araw na iyon, kung kanila bang ipupuhunan ang kanilang pera, at saan.”
◼ Parami nang paraming astrologo ang bumabaling sa mga computer. Ang Astro Intelligence ng Switzerland, halimbawa, ay makapagbibigay ng isang 20-pahinang pagsusuri sa horoscope sa computer printout sa halagang 55 Swiss francs ($36, U.S.). Isang kilalang Britanong astrologo ang nagpapadala ng mahigit 20,000 computerized na personal na mga horoscope sa isang taon sa halagang halos £10 ($18, U.S.) ang isa. Kahit na ang dial-a-horoscope na paglilingkod sa telepono ay makukuha na ngayon sa mga lungsod na gaya ng New York. Ang New York Telephone Company ay nag-uulat ng halos isang milyong tawag na tinatanggap buwan-buwan.
Bakit ang Pagkahalina?
Sa panahong ito ng pagkatupad-sa-sarili, lahat ng bagay na nangangakong magbibigay ng mas mabuting matalinong unawa sa kahulugan ng buhay o mas mabuting pagkaunawa sa sarili ay tatanggapin. Kaya, sa pananalita ng isang nagmamasid, ang isa sa mga dahilan kung bakit ang mga tao ay naaakit sa astrolohiya ay na “inaangking nito na sinasabi nito sa iyo ang tungkol sa pinakamahalagang persona sa lahat, ikaw.”
Subalit talaga bang ginagawa ito ng astrolohiya? At, mas mahalaga, talaga bang kontrolado ng mga bituin ang ating mga buhay? Maingat nating suriin ang kababalaghang ito.