Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 2/22 p. 4-6
  • Edukasyunal na Paligsahan ng Hapón

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Edukasyunal na Paligsahan ng Hapón
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Impiernong Eksamen”
  • Ang Bunga ng Paligsahan
  • Ano ang Nasa Likuran ng ‘Himala’?
    Gumising!—1985
  • Ano ang Nangyayari sa mga Paaralan Ngayon?
    Gumising!—1995
  • Pagmamasid sa mga Paaralan sa Malaking Lunsod
    Gumising!—1986
  • Mga Magulang—Anong Kinabukasan ang Gusto Ninyo Para sa Inyong mga Anak?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 2/22 p. 4-6

Edukasyunal na Paligsahan ng Hapón

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Hapón

“ANG totoo, wala nang higit na mahalaga sa lipunang Hapones o higit na pangunahin sa tagumpay ng Hapón,” sabi ni Propesor Edwin O. Reischauer ng Harvard, “kaysa edukasyunal na sistema nito.”

Gayunman, kamakailan, ang mga paaralan ng Hapón ay inaatake. Ganito ang sabi ng reporter na si Yoshiko Sakurai: “Ang sistema ng edukasyon ng Hapón ay nauwi sa isang paligsahan na maipasa ang mga eksamen sa halip na isang paraan na doon ang mga estudyante ay intelektuwal na pinasisigla.” Si Sasuke Kabe, isang punung-gurong Hapones, ay iniulat din na nagsabi: “Tradisyunal na nating idiniin ang pagkuha ng kaalaman kaysa sa paglinang ng timbang at malawak ang kaalamang mga tao.”

Dahil dito maraming guro ang nagpoprotesta na ang mga paaralan ng Hapón ay naging isang edukasyunal na paligsahan​—isang nakapapagod, paligsahang pagsubok. Bakit naging gayon ang kalagayan? Pangunahin nang dahilan sa mataas na pagpapahalaga ng mga Hapones sa paggalang sa iba at sa tagumpay. Kaya ang trabaho sa isang prestihiyosong kompanya o bahay-kalakal ay lubhang pinahahalagahan. Gayunman, karaniwan nang upang makuha ang gayong trabaho, ikaw ay dapat na nagtapos sa isang prestihiyosong unibersidad.

Gayunman, malibang ikaw ay nanggaling sa ilang high school, ang iyong mga tsansa na makapasok sa isa sa napakahusay na mga unibersidad na ito ay napakaliit. Subalit malamang na hindi ka mapunta sa tamang high school kung hindi ka nakapasa sa angkop na junior high school, na hindi mangyayari kung ang mababang paaralan na pinasukan mo ay walang makatuwirang dami ng mga estudyante na nakapasa sa mga eksamen sa pagpasok sa junior high school. Kahit na ang kindergarten na iyong pinasukan ay maaaring tumiyak balang araw kung hanggang saan ka aasenso sa isang kompanya!

“Impiernong Eksamen”

Kaya, hindi kataka-taka na ang kolumnistang si Kimpei Shiba ay sumulat na “ang mga inang mahilig sa edukasyon . . . ay [nagsisimulang] dalhin [ang kanilang] mga sanggol na 2 taóng gulang lamang upang sanayin sa mga eksamen para sa pagpasok sa kindergarten upang ang mga ito ay makapasok sa mas mahusay na mga mababang paaralan.” Gayon na lamang kahigpit ang paligsahan anupa’t isang estudyante sa siyam ang nakakapasok.

Pagkatapos magsimula sa mababang paaralan, ang susunod na 12 mga taon ay gugugulin sa paghahanda para sa sunud-sunod na mga eksamen na kinakailangan upang makapasok sa mas mataas na mga antas ng pag-aaral. Sabi ng kolumnistang si Shiba: “Ang paligsahan [ay] napakahigpit anupa’t ang katagang ‘impiernong eksamen’ ay naimbento. Pagdating ng mga bata sa ikaanim na baitang sa isang mababang paaralan, sila ay nagmamadaling umuwi ng bahay taglay ang gawain [araling-bahay] na nangangailangan ng mga 2 oras na pag-aaral. Saka sila magmamadaling kumain bago magtungo sa pribadong mga paaralan na tinatawag na ‘juku,’ na nagdadalubhasa sa paghahanda sa mga estudyante para sa mga eksamen sa pagpasok sa junior high, kung saan ang mga estudyante ay puspusang tinuturuan sa loob ng 3 oras 7 mga araw sa isang linggo.”

Natural na iisipin mo na, yamang napagtagumpayan nila ang gayong mahirap na pagsubok, ang lahat ng mga pumapasok sa unibersidad ay sabik-matuto, matalinong mga estudyante. Hindi gayon, sabi ng manunulat na si Kimpei Shiba. Inilarawan niya ang karaniwang mag-aaral sa unibersidad na isa na “pa-easy-easy lang, kadalasa’y naglalaro ng mah-jongg sa kalahating araw sa panahon ng pag-aaral sapagkat alam niya na tiyak na tatanggapin niya ang kaniyang diploma. Ang kinakailangan niya lamang ay makuha ang hinihiling na dami ng kredito.” Waring ang karamihan ng mga amo ay hindi gaanong nababahala kung gaano ang talagang natutuhan ng mga nagtapos. Ang mga trabaho ay para lamang doon sa mga nagtapos sa tamang unibersidad.

Ang Bunga ng Paligsahan

Hindi kataka-taka, lahat ng uri ng kabulukan at mga problema ay bumangon sa kapaligirang ito na paligsahan. Taun-taon sinusuhulan ng balisang mga magulang ang pagpasok ng kanilang mga anak sa mga unibersidad, high school, at junior high school. Ang ibang mga magulang ay nagsasagawa pa nga ng huwad na mga diborsiyo upang mairehistro ng isang magulang at isang bata ang kanilang tirahan sa lugar ng isang prestihiyosong paaralan. Subalit kapag libu-libong mga estudyante ang nagpapaligsahan para sa ilang daan lamang mga bakante sa isang paaralan, ang karamihan ay nabibigo. Ito ay umakay sa pagpapatiwakal ng ilan. Ibinulalas ng iba ang kanilang kabiguan sa mga gawa ng karahasan.

Marahil nakababalisa sa lahat ay ang mga epekto ng kapaligirang ‘gawin mo ang lahat ng magagawa mo upang makuha mo ang nais mo’ sa mga estudyante. Kapuna-puna, inatasan ng Tanggapan ng Punong Ministro ang isang hurado upang ihambing ang mga saloobin ng mga kabataan, na edad 18 hanggang 24, sa 11 mga bansa. Ang isang katanungan na itinanong ay, ‘Nais mo bang maging mayaman?’ Ang Hapón ang nanguna sa mga bansang nagsabi ng oo. Sa kabilang panig, ang mga kabataan ay tinanong din kung nais nilang tumulong sa mga tao sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa. Ang mga kabataang Hapones ang nasa ilalim ng listahan. Kaya bagaman ang mga paaralan ng Hapón ay maaaring nakahihigit sa akademikang paraan, bibigyan sila ng iba ng bagsak na marka pagdating sa paggawa ng timbang, nababahala, maraming nalalamang mga personalidad.

Ang edukasyunal na pilosopya ba na tagumpay-sa-anumang-halaga ay may iba pang nakapipinsalang mga epekto sa mga estudyante? Isaalang-alang ang problema na nangyari sa mga paaralang Aleman.

[Blurb sa pahina 5]

“Ang sistema ng edukasyon ng Hapón ay nauwi sa isang paligsahan na maipasa ang mga eksamen sa halip na isang paraan na doon ang mga estudyante ay intelektuwal na pinasisigla”

[Larawan sa pahina 5]

Maagang nagsisimula ang paligsahan

[Pinagmulan]

Sentro ng Impormasyon sa Hapón

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share