Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 2/22 p. 6-7
  • “Schulangst”—Ang Halaga ng Natamong Tagumpay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Schulangst”—Ang Halaga ng Natamong Tagumpay?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Sanhi Nito
  • Napakalaking Halaga?
  • Paano Ko Mapasusulong ang Aking mga Marka?
    Gumising!—1985
  • Papaano Ko Mapagbubuti ang Aking mga Marka?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Ang Edukasyon ng Iyong Anak at Ikaw
    Gumising!—1986
  • Ang mga Susi sa Isang Mabuting Edukasyon
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 2/22 p. 6-7

“Schulangst”​—Ang Halaga ng Natamong Tagumpay?

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Alemanya

SCHULANGST​—ang salita ay naimbento upang ilarawan ang isang suliranin na mabilis na nagiging internasyonal sa lawak. At bagaman tila hindi nakukuha ng salin ang lahat ng katuturan ng salita, ito’y nangangahulugan na “pagkabalisa sa paaralan.”

Sampung taon na ang nakalipas ganito ang sinabi ng pedyatrisyang Aleman na si Dr. Eckhart Schrickel: “Dalawang ikatlo ng mga batang ginagamot ko ay walang sakit sa ordinaryong diwa ng salita. Sila ay nagkakasakit sa paaralan.” Sinasabi ng babasahin sa medisina na Deutsche Ärzteblatt na mula noon ang bilang ng mga batang ginagamot dahilan sa mga suliraning nauugnay-paaralan ay dumami nang sampung ulit!

Tunay, kung paniniwalaan ang German Association of Young Teachers, ang sistema ng paaralang bayan sa Pederal na Republika ay nasa panganib. Itinuturo nito ang 280,000 mga estudyante na taun-taon ay hindi nakakakuha ng pasadong mga marka​—halos isa sa bawat 30​—gayundin ang 18,000 na sa mga kadahilanang nauugnay sa paaralan ay nagtangkang magpatiwakal. Taun-taon, daan-daan ang nagpapatiwakal.

Ang mga Sanhi Nito

Marahil ang pinakamahalagang salik na nagpapangyari ng schulangst ay ang panggigipit sa lahat ng dako na magtagumpay. Ang mga kabataan sa Alemanya ay sinasabihan kapuwa ng kanilang mga magulang at mga guro na kung nais nilang matanggap sa isang unibersidad o makasumpong ng makabuluhang trabaho, kailangang magkaroon sila ng katangi-tanging rekord sa paaralan. Gayunman, para sa maraming mga bata ang takot na baka bumagsak ay lumilikha ng kaigtingan na kadalasang nagiging sanhi ng kanilang pagbagsak! Ganito ang babala ng Alemang Propesor Walter Leibrecht: “Dapat matalos nating mga magulang na ang labis-labis nating ambisyon ay maaari lamang makapinsala sa ating mga anak.”

Totoo, ang mga marka ay maaaring mag-udyok sa mga estudyante na gumawang mahusay at ipakita kung aling mga dako ang nangangailangan ng pagsulong. At kung ang isang magulang ay walang interes sa edukasyon ng kaniyang anak, ang bata ay maaaring mawalan ng pangganyak na matuto. Gayumpaman, hinahatulan ni Leibrecht “ang matinding panggigipit sa mga marka.” Ang labis-labis na pagdiriin sa mga marka ay maaaring gumawa sa katamtamang mga bata o sa mga batang higit sa karaniwan ang talino na makadama na sila ay mababa. “Kapag ang mga marka ay nagiging puwersa na gumigipit,” sabi ng magasing Aleman na Eltern, “hindi nagbibigay ng palugit para sa personal na pag-unlad, kapag sinisira nito ang sosyal na pagkakatimbang, kung gayon may isang bagay na bulok sa ating sistema. Ang ating mga anak ang siyang nagdurusa.”

Ang mga tahanang punô ng pag-aaway o sinira ng diborsiyo o paghihiwalay ay maaari ring pagmulan ng schulangst. Ang mga bata sa gayong mga tahanan ay kadalasang nalilito, asiwa, o nakadarama pa nga na hindi mahal. Kapuna-puna, si Dr. Gerhardt Nissen, direktor ng Clinic for Juvenile Psychiatry of Würzburg Julius-Maximilians University, ay nagpapaliwanag: “Mapapansin na ang mga estudyante ay susubok magpakamatay tanging kapag umiiral ang grabeng mga pagkukulang sa kaugnayan ng magulang at anak o sa personalidad ng bata.”​—Amin ang italiko.

Gayunman isa pang salik na sanhi ng schulangst ay isiniwalat ng isang 11-anyos: “Natitiyak ko na malulutas ko ang problema na inihaharap ng guro, kung nauunawaan ko lamang ito.” Lalo na sapol noong dakong huli ng 1960’s ang payak na paraan na pagtuturo sa silid-aralan sa Alemanya ay hinalinhan ng masalimuot na siyentipiko at teknikal na mga hindi maintindihang bagay. Ang schulangst ay lumalala pa dahil sa resultang kabiguan.

Maging ang mahabang panonood ng telebisyon ay maaaring maging isang salik. Sinasabi ng isang guro na tila madaling nakakalimutan ng mga nanonood ng TV kung ano ang kanilang nakikita upang mas mabuti nilang maituon ang kanilang pag-iisip sa kung ano ang ilalahad sa susunod. Ang resulta? Waring gayunding kadali nilang nalilimutan ang mga gawain sa paaralan!

Kung minsan, ang mga estudyante ay napapasailalim ng “mga banta, panghuhuthot at maling pagtrato.” Ganito pa ang sabi ng Hamburger Abendblatt: “Kadalasan ang takot sa paaralan ay takot din sa karahasan ng mga kapuwa estudyante . . . Tinutugon ng mga estudyante ang panggigipit sa pamamagitan ng karahasan.”

Napakalaking Halaga?

Bagaman ang salita ay Aleman, ang schulangst ay hindi natatangi sa Alemanya. Ito ay isa lamang nakababalisang pahiwatig na maraming mga paaralan ang hindi nakakapasa sa pagsubok. Ang akademikong natamong tagumpay ay mabuti. Subalit kapag ang mga bata ay nagkakaroon ng halos masamang takot sa paaralan, dapat tanungin ng mga magulang ang kanilang mga sarili kung ang halaga ng tagumpay ay hindi napakataas.

Gayunman, sa maraming bahagi ng daigdig sinisikap ng mga paaralan na ituro kahit na ang pinakapangunahin sa mga kasanayan, gaya ng pagbabasa at pagsulat. Sa anong lawak nakakaharap ng Third World, yaon ay, ang kabuuan ng nagpapaunlad na mga bansa sa daigdig, ang hamong ito?

[Blurb sa pahina 7]

Ang panggigipit mula sa mga guro at mga magulang na magtagumpay ay nagpapangyari sa maraming mga kabataan na magkaroon ng halos masamang takot sa paaralan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share