Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 4/8 p. 3-4
  • Isang Taong May Pangitain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Taong May Pangitain
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Daigdig ay Dapat na Gawing Ligtas para sa Demokrasya”
  • Ang Pangitain Para sa Kapayapaan
    Gumising!—1986
  • Ang Wakas ng Isang Pangitain
    Gumising!—1986
  • “Ang Digmaang Tatapos sa Lahat ng Digmaan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • 1914—Isang Natatanging Taon
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 4/8 p. 3-4

Isang Taong May Pangitain

SIYA ay ipinanganak sa Staunton, Virginia, E.U.A., noong Disyembre 28, 1856. Bagaman hindi siya nakapagpasimula sa kaniyang pormal na pag-aaral hanggang sa siya’y tumuntong sa edad na siyam na taon, siya ay kumuha ng isang karera sa pagtuturo sa Princeton University. Saka siya lumipat sa pulitika. Ito’y isang disisyon na umakay sa kaniya sa kaniyang pinakadakilang kaluwalhatian at sa kaniyang pinakamatinding dalamhati.

Nagkaroon siya ng isang pangitain kung paano magdadala ng kapayapaan sa sangkatauhan. Ang ideya ni Woodrow Wilson tungkol sa kapayapaan ay nakakaimpluwensiya pa rin sa ating lupa na sinalanta ng digmaan. Batay sa kaniyang plano para sa kapayapaan, sinisikap pa rin ng ilang mga pulitiko at mga diplomatiko na magkaroon ng kapayapaan sa ating daigdig.

Ano ang nangyari sa pangitain ni Wilson? Taglay ba niya ang lunas sa ating suliranin tungkol sa pagkapoot, digmaan, at pagbubo ng dugo?

Noong 1913 si Woodrow Wilson ang naging ika-28 na pangulo ng Estados Unidos. Nang sumunod na taon sumiklab ang Dakilang Digmaan sa Europa. Isa itong digmaan ng kamatayan at karahasan sa putik at lusak ng mabahong mga trintsera, sa saliw ng nakatutulig na artilyerya, mga machine gun, at mga pagsalakay na ginagamitan ng gas. Ito’y isang lansakang pagpapatayan.

Sa simula, ang damdamin sa Amerika ay matindi laban sa pagkasangkot sa Europeong labanan. Nais ng mga Amerikano na manatiling malaya sa paglalaban-laban sa pagitan ng dakilang mga kapangyarihan sa Europa. Neutralidad ang saligan ng bansa.

Si Presidente Wilson, isang Presbiteryano, ay napakarelihiyoso at idealistikong tao. Masikap niyang ninais na ingatan ang neutralidad at ang pagkanabubukod ng Amerika. Subalit may mga pangyayari na hindi niya masupil. Pinalubog ng isang submarinong Aleman ang komersiyal na bapor na Lusitania noong 1915, pinapatay ang 128 na mga Amerikano sa paggawa nito. Subalit si Wilson ay tumangging ideklara ang digmaan laban sa Alemanya. Noong 1916 siya ay muling nahalal na pangulo ng Estados Unidos sa sawikaing, “Hindi niya tayo isinangkot sa digmaan.”

“Ang Daigdig ay Dapat na Gawing Ligtas para sa Demokrasya”

Nang sumunod na taon ipinahayag ng mga Aleman na ang lahat ng mga bapor, ng bansang nakikipagdigma o neutral, ay sasalakayin ng kanilang mga submarino. Nangangahulugan ito na ang mga barkong Amerikano ay hindi na ligtas sa mga karagatan. Sa wari, si Wilson ay walang mapagpipilian. May pag-aatubiling idineklara niya ang digmaan laban sa Alemanya, na sinasabi: “Isang nakatatakot na bagay na akayin ang malaki at mapayapang bayang ito sa digmaan, sa pinakagrabe at kapinsa-pinsala sa lahat ng mga digmaan, na para bang ang sibilisasyon mismo ay nasa isang timbangan.”

Sa kaniyang talumpati sa Kongreso, sinabi niya na ang Estados Unidos ay makikipagbaka “para sa tunay na kapayapaan ng daigdig at upang palayain ang bayan nito.” Saka niya binanggit ang kaniyang bantog na kasabihan, “Ang daigdig ay dapat na gawing ligtas para sa demokrasya.” Sinang-ayunan ng Kongreso ang kaniyang pasiya noong Abril 6, 1917. Siya ay pinalakpakan ng kaniyang mga kasamahan sa Kapitolyo at ng publiko na nasa labas. Subalit siya ay hindi masaya. “Isipin mo kung ano ang kanilang pinapalakpakan,” sabi niya nang dakong huli sa isa sa kaniyang mga ayudante. “Ang aking mensahe ngayon ay isang mensahe ng kamatayan para sa ating mga kabataang lalaki. Waring nakapagtataka na papalakpakan nila iyan.” Pagkaraan ng ilang minuto, kaniyang “pinahid ang mga luha sa kaniyang mga mata, at saka siya sumubsob sa ibabaw ng mesa ng kabinet, at humagulgol na parang bata.”​—Mr. Wilson’s War, ni John Dos Passos.

Tapos na ang neutralidad. Ang kaniyang bansa ngayon ay napasangkot sa pinakamalubhang digmaan na noon lamang nakilala ng tao.

[Pinagmulan ng Larawan sa pahina 3]

U.S. National Archives

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share