Kaninong mga Anak? Kaninong Pasiya?
NOONG 1982, ang Medical Protection Society ng Britaniya ay nagsabi: “Makatuwiran lamang sabihin na dapat ninyong isaalang-alang ang [relihiyoso] na mga paniniwala ng mga magulang. Subalit lubhang hindi makatuwiran na isapanganib ang buhay ng bata.” Ito ay isang matatag na pagpapatibay sa mga doktor na magsalin ng dugo sa mga anak ng mga Saksi ni Jehova nang hindi kumukuha ng kautusan sa hukuman (court order).
Gayumpaman, ang pagdami kamakailan ng AIDS ay nagpalubha sa kalagayang ito, gaya ng iniulat ng Justice of the Peace noong Marso ng nakaraang taon: “Ang grabeng sakit na AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) ay nagpapasok ng bagong salik sa pagtatalo. Kung ang ilan sa isinaling dugo ay nahawaan ng isang nagkaloob ng dugo, teknikal na ito’y . . . maaaring magbunga ng pagkahawa ng bata sa sakit, at ang masakit na pagkamatay sa maikling panahon pagkaraan nito. Mayroon nang mga pangyayari kung saan ang pinakagrabe ay naganap . . . Ang anumang nakamamatay na sakit ay nakapanlulumo sa pangmalas ng mga magulang at ng iba pa na malapit sa bata, subalit ang epekto ng AIDS ay totoong nakasisindak na hindi halos mapaniwalaan.”
Pagkaraan ng ilang linggo, isang batang wala pang dalawang taóng gulang ang namatay dahil sa AIDS sa isang ospital sa London. Isang “masaklap na biktima ng pagsasalin ng nahawaang dugo,” ulat ng Daily Mail. Isinisiwalat ng pagsisiyasat tungkol sa pagkamatay na higit pang mga sanggol sa Britaniya ang malamang na magkaroon ng AIDS “sa kabila ng mahigpit na pagsusuri sa dugo na ginagamit sa pagsasalin ng dugo.” Alam na na ang mga bangko ng dugo sa Britaniya ay nahawaan. Ngayon pahihintulutan kaya ng mga doktor at ng mga hukuman ang mga magulang na magpasiya kung anong medikal na paggamot ang ibibigay sa kanila mismong mga anak at kilalanin ang kanilang legal na karapatan na tanggihan ang sapilitang pagsasalin ng dugo? Panahon ang makapagsasabi.