“Down’s Syndrome”—Isang Modernong Pamamaraan
Ang kosmetikong operasyon ay isang bagong pamamaraan upang tulungan yaong mga may Down’s syndrome, bagaman ang gayong operasyon ay maaaring maging napakagastos. Isang bata sa Britaniya at ilang mga bata sa Estados Unidos ang nagkaroon ng gayong operasyon. Subalit ang panimulang gawain sa 60 mga bata ay ginawa sa Israel ng isang pangkat ng mga seruhano na pinamumunuan ni Propesor Ruben Feuerstein.
Ano ang nasasangkot? Ang labis na mga talukap sa mata ay maaaring alisin upang ayusin ang palihis na mata. Maaaring gamitin ang silicon upang patangusin ang ilong. Maaaring itaas ang mga cheekbone at hubugin-muli ang pasók na baba. Maaari ring ayusin ang mga halang na tainga na mas malapit sa ulo. At ang malaking dila, na karaniwan sa maraming may Down’s syndrome, ay maaaring tabasin.
“Ang mga batang ito,” sabi ni Feuerstein, “ay kadalasan nang inilalagay sa pinakamababang klaseng edukasyon at ang iba pa nga ay iniiwan upang mamatay sa mga ospital pagkatapos na sila ay isilang. Dahilan sa kanilang natatanging hitsura sila ay ipinalalagay na mas mahina kaysa kadalasa’y ano nga sila.”
Binabanggit ang maliwanag na kasiya-siyang mga epekto sa kaso ng isang batang babae sa Britaniya, inilathala ng Sunday Times ng London ang report nito sa ilalim ng paulong-balitang “Happiness is a brand new face” (Kaligayahan sa isang bagong mukha). Mangyari pa, ang plastic surgery sa gayong mga kalagayan ay pinipintasan din. At hindi iminumungkahi o inirirekomenda ng Gumising! ang espisipikong mga anyo ng terapi, kinikilala na ang mga ito ay mga bagay na nangangailangan ng personal na disisyon.