Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 12/22 p. 29-31
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinakabago sa Paggamot sa Kanser
  • Nagliligtas-Buhay na Replekso
  • Suliranin sa Aso ng Mexico
  • “Normal na Reaksiyon”?
  • “Malpractice Hot Lines”
  • Matatalinong mga Sanggol
  • Mga Aborsiyon ng mga Tin-edyer
  • Mas Mahusay ang mga Aklat!
  • Lumalago ang Karahasan ng mga Mag-aaral
  • Problemadong mga Tagasalin
  • Tumataas na Antas ng Dagat
  • Malakas Pa Ring Negosyo
  • Mayroon bang May Gusto ng Ingles?
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1986
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1986
  • Mga Paaralang Nasa Kagipitan
    Gumising!—1994
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 12/22 p. 29-31

Pagmamasid sa Daigdig

Pinakabago sa Paggamot sa Kanser

Ang paggamot ba sa kanser ay mas malapit kaysa inaakala natin? Iniuulat ng South African Digest na isang pangkat ng mga siyentipiko sa Timog Aprika ay nakagawa ng pambihirang antibody na idinisenyo upang “dalhin nang tuwiran ang mga gamot na pumapatay-kanser sa nakamamatay na mga tumor.” Papaano? Sa pamamagitan ng pagprograma sa artipisyal na mga antibody na ito na maghanap sa buong katawan hanggang sa makita ng mga ito ang isang tiyak na kanser. Minsang masumpungan ng antibody ang biktima nito, sisirain nito ang tumor sa pamamagitan ng “pagtatambak” ng nakamamatay na droga na dala-dala nito. Katulad ng isang “aso na sanay umamoy,” ang antibody ay hindi hihinto sa nasumpungang tumor. Patuloy itong maghahanap upang ilakip ang anumang kanser na nananatiling hindi naririkonosi at tatagusan ito ng higit pa ng gamot na nagliligtas-buhay.

Nagliligtas-Buhay na Replekso

Posible bang makaligtas sa isang matagal na pagkalunod? Oo, puede dahilan sa isang nagliligtas-buhay na replekso na kilala bilang “mammalian diving reflex,” ulat ng New York Daily News. Natuklasan ni Dr. Martin Nemiroff, isang mananaliksik sa University of Michigan, na ang mga tao ay mayroong katulad na “mekanismo” na nagpapangyari sa mga seal na makaligtas pagkaraan ng mahabang panahon sa ilalim ng tubig. Dati-rati, inaakala na ang utak ay namamatay kung walang oksiheno sa loob ng mahigit na apat na minuto. Gayunman, kung ang isang tao ay nasa ilalim ng tubig na wala pang 70 digris Fahrenheit, ang repleksong ito ay humihinto, pinababagal ang daloy ng dugo sa lahat ng bahagi ng katawan, maliban, sa utak. Ito ang dahilan kung bakit ang tatlong-taóng-gulang na batang babae ay nakaligtas kamakailan sa isang 40-minutong pagkalunod. Kung ang resuscitation ay agad maisasagawa pagkaraang ang biktima ay maiahon sa tubig, ang utak at ang katawan ay maibabalik sa buhay. Ang replekso ay sinasabing gumagana nang mas mahusay sa mga bata kaysa sa mga adulto.

Suliranin sa Aso ng Mexico

Ang trapiko, usok, at siksikang mga tao ay ilan lamang sa mga suliranin sa Mexico City. Sang-ayon kay Dr. Angellini de la Garza, isang opisyal sa Department of Public Health Administration, mayroong mahigit na isang milyong aso sa Mexico City, at ang populasyon ng mga aso ay dumarami sa bilis na 20 porsiyento taun-taon! Karagdagan pang 200,000 walang tirahang mga aso ang gumagala sa mga lansangan sa lunsod at ipinalalagay na potensiyal na mga tagapagdala ng rabies at ng iba pang mga sakit. Isang katamtamang 12,000 mga aso ang pinapatay sa lunsod taun-taon sa isang pagsisikap na bawasan ang kanilang populasyon. Subalit ang mga manghuhuli ng aso ay kadalasang siyang nagiging target ng mga pagsalakay niyaong mga tumututol sa pag-aalis sa mga hayop, dumaranas ng mga pagsalakay na mula sa insulto hanggang sa mga pagsalakay sa pamamagitan ng mga bato, pamalo, o mga sandata pa nga.

“Normal na Reaksiyon”?

Sang-ayon sa Federal Bureau of Investigation, ang “sapilitang panggagahasa” ay dumami ng 4 na porsiyento sa Estados Unidos noong 1985. Ang New York City ang nagtala ng pinakamaraming bilang ng gayong mga panggagahasa na 3,880 mga insidente ang iniulat, sinusundan ng Los Angeles na 2,318. Bagaman binabanggit ng mga awtoridad ang maraming mga salik bilang dahilan, iginigiit ng ilang mga eksperto na “dahilan sa kanilang nakatutuksong pananamit, pagkilos ng katawan at nakatutuksong mga pananalita, ang ibang mga babae ay nag-aanyaya ng panggagahasa.” (The Globe and Mail, Toronto, Canada) Isang lalaki na ipinagsakdal sa paggahasa sa isang 16-anyos na babae ay hinatulan ng probasyon ng isang hukom sa Wisconsin. Bakit? Ang hukom ay naghinuha na ang panggagahasa ay naganap bilang isang “normal na reaksiyon” sa nakatutuksong pananamit.

“Malpractice Hot Lines”

Dahil sa dumaraming takot sa mga pagsasakdal dahil sa maling paggagamot o pagpapabaya sa gitna ng mga propesyonal na mga manggagamot, isang bagong paglilingkod ay tumutulong sa mga manggagamot sa Estados Unidos na alamin kung ang isang “prospektibong pasyente ay nakapaghabla na ng isang maling paggamot” o hindi. Ang Changing Times ay nag-uulat tungkol sa isang hot line sa telepono, na kilala bilang “Physician’s Alert,” na nagbibigay ng impormasyon sa manggagamot tungkol sa prospektibong mga pasyente sa isang taunang bayad na $150 at karagdagang $10 sa bawat pangalan na ibigay. Gayunman, bilang pagtugon sa paglalaan na ito sa mga doktor, gumawa rin ng isang hot line upang tulungan ang mga pasyente na nagnanais malaman kung ang isang doktor ay naidemanda na dahilan sa maling paggamot. Ang bayad ay $5. Hindi isisiwalat ng alinmang paglilingkod ang resulta ng isang partikular na kaso sa korte.

Matatalinong mga Sanggol

Ang mga sanggol ba ay may mga IQ? Ang hiwalay na mga pag-aaral ay nagsisiwalat na ang mga ito ay may IQ. Sa pamamagitan ng pagsubok sa kanilang haba ng atensiyon o pansin, sinasabi ng mga mananaliksik na maaari nilang sukatin ang mga IQ ng mga sanggol na kasimbata ng anim na buwan, ulat ng The Detroit News. Ang mga puntos na ito ay sinasabing halos nakakatulad ng kanilang mga puntos sa pamantayang mga pagsubok sa IQ na ginawa sa apat o limang taóng gulang. Napansin ng mananaliksik na si Marc Bornstein ng New York University na ang mga sanggol na ang mga magulang ay patuloy na pinasisigla ang kakayahan matuto ay nakapuntos ng mas mataas sa mga pagsubok sa IQ kaysa sa mga sanggol na hindi gaanong pinasisigla.

Mga Aborsiyon ng mga Tin-edyer

Ang Estados Unidos ang may “pinakamataas na bilang ng pagdadalang-tao sa gitna ng mga tin-edyer na walang asawa kaysa anumang industrialisadong bansa,” sabi ng isang artikulo sa Medical Aspects of Human Sexuality. Humigit-kumulang dalawang-ikatlo ng mga batang babaing ito ang nanganganak. Winawakasan ng natitirang sangkatlo ang kanilang pagdadalang-tao sa pamamagitan ng aborsiyon. Sa 450,000 mga aborsiyon na isinagawa sa mga tin-edyer, tinatayang 15,000 ang isinagawa sa mga batang babae na wala pang edad 15. Ang paulit-ulit na mga paglalaglag ay pinili ng marami sa mga batang babaing ito bilang anyo ng kontrasepsiyon, sabi ng artikulo. Ipinakikita ng mga estadistika na 28 porsiyento ng lahat ng mga aborsiyon na isinagawa sa Estados Unidos ay sa mga tin-edyer.

Mas Mahusay ang mga Aklat!

Ipinakikita ng isang pag-aaral na isinagawa ng Dortmund University sa Alemanya, na kinasasangkutan ng 1,050 mga batang babae at lalaki na ang edad ay 13 hanggang 16, na ang magaling na mga estudyante ay gumugugol na kaunting panahon sa harapan ng isang computer at ng telebisyon. Bakit? Sapagkat pinipili nila “ang higit na kabatiran sa kanluraning kultura sa pamamagitan ng nasusulat na salita,” kadalasan ay nagtataglay ng isang mas tahimik at hindi agad-agad naniniwalang palagay sa modernong teknolohiya at mga computer. Bilang kabaligtaran, iniulat ng pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung na ang “mga sugapa sa computer” ay gumugugol ng hanggang walong oras isang araw sa harap ng isang viewing screen. Mga tatlo hanggang apat na oras ng panahong ito ay ginugugol sa computer samantalang ang ibang panahon ay ginugugol sa panunood ng TV o video.

Lumalago ang Karahasan ng mga Mag-aaral

Nilaslas na mga gulong ng kotse, basag na mga salamin sa harapan (windshields), panununog, paggamit ng mga patalim, at pagbaril ay kabilang na lahat sa isang surbey na isinagawa sa gitna ng 4,000 mga guro sa Britaniya na nag-uulat ng dumaraming “karahasan ng mga mag-aaral.” Iniulat ng mga awtoridad sa paaralan na ang mga mag-aaral ay nagsasaksakan sa isa’t isa, ang mga kabataan ay hinahagis sa mga balkonahe at pati na sa mga bintanang salamin. Napansin ng surbey na isa sa bawat 4 na guro ang pinagbantaan, isa sa 10 ang nagsasabi na sila ay naging tudlaan ng pisikal na pagsalakay, at isa sa bawat 25 ang dumanas ng pagsalakay. Ang karahasan ay ipinatutungkol kapuwa sa mga lalaki at mga babae na ang ilang mga gurong babae ay nag-ulat ng seksuwal na panliligalig. Ang karahasan sa paaralan ay “napakagrabe,” ulat ng The Times ng London, “anupa’t sa ilang dako ay halos mayroong hayagang labanan ng mga gang.”

Problemadong mga Tagasalin

Araw-araw, ang mga computer ay nagkakaroon ng higit at higit na kakayahan sa pagsasalin ng mga dokumento (teknikal na mga materyal na walang palamuti ng panitikan) mula sa isang wika tungo sa ibang wika. Si Peter De Mauro, direktor sa translating section (pangkat ng pagsasalin) ng Xerox Corporation ay nagsasabi na sila ngayon ay gumagawa ng “50,000 mga pahina taun-taon ng aklat na Ingles na isinasalin sa Kastila, Pranses, Italyano, Aleman at Portuges sa pamamagitan lamang ng pagpindot ng isang buton.” Ang isang gayong sistema, tinatawag na Eurotra, ay nagkakahalaga ng 30 milyong dolyar. Gayunman, “ang matatalinong makina ay nagkakaproblema pa rin sa mga salita na bihirang gamitin o mga salita na may dalawang kahulugan,” ulat ng El Universal, isang pahayagang Mexicano. Halimbawa, ang katagang “seguridad laban sa apoy” (anti-fire security) ay maaaring isalin nang mali na sunugin ang seguridad!

Tumataas na Antas ng Dagat

Sa susunod na dantaon, maaaring makaharap ng mga pamayanan sa tabing-dagat sa buong daigdig ang isang tunay na panganib, sabi ng dalawang heologo sa isang ulat na inilathala kamakailan sa babasahing Britano na Nature. Sang-ayon sa kanilang mga tuklas, ang carbon dioxide, na pinakakawalan sa atmospera sa pamamagitan ng dumaraming pagsusunog ng gatong, ay nagpangyari ng isang malaking pagtaas sa pangglobong antas ng dagat. Yamang hinahadlangan ng carbon dioxide na ito ang init ng lupa sa pagtakas, ang resulta ay isang “hot house” na kalagayan o pag-init ng klima na pinaniniwalaang magiging sanhi ng paglaki ng mga dagat dahilan sa init gayundin sa pagkatunaw ng midlatitude glaciers. Bagaman napabagal ng pakikialam ng tao ang taunang pagtaas sa pangglobong antas ng dagat, ang mga heologo ay nagsabi: “Ang pagtaas ng antas ng dagat ay nakikisama sa ‘kamatayan at mga buwis’ bilang di-nababagong kapalaran ng sangkatauhan.”

Malakas Pa Ring Negosyo

Sa nakalipas na taon, nasaksihan ng Timog Aprika ang pagbagsak ng mahigit 6,000 mga negosyo, isang katamtaman na 16 sa bawat araw. Bagaman ang 1985 ay napatunayang isang masamang taon para sa maraming negosyo, isang anyo ng negosyo ang patuloy na umuunlad​—ang mga dealer sa Aprikanong medisina (muti). Ang isang may-ari ng gayong tindahan sa Johannesburg, si Dr. Naidoo, ay nagsabi: “Ang aking tindahan ay parang isang supermarket kung saan ang mga tao ng lahat ng lahi at lahat ng edad ay nagtutungo upang bumili ng panlunas.” Ang mga parokyano ay umaasang makakasumpong ng isang gamot sa pag-ibig, isang panlunas upang lutasin ang mga suliranin sa pamilya, isang bagay na mag-aalis ng masamang mga espiritu o huhulaan ang kinabukasan. Nagsasalansan siya ng mga balat at mga buto ng hayop, mga parte ng baboon (na pinaniniwalaan ng marami na isang proteksiyon laban sa mga masamang espiritu), at mga damong-gamot. Nagsusunog siya ng isang damong-gamot na tinatawag na Mpepo tuwing ikaapat na oras upang ingatan ang mga paninda mula sa masamang mga espiritu!

Mayroon bang May Gusto ng Ingles?

Ang mga taga-London ay nagitla na malaman na ang Bengali ang ikalawang pinakamalaganap na wika na sinasalita ngayon sa kanilang mga paaralan at sinasalita ng hindi kukulanging 12,000 mga kabataan. Sa isang paaralan, 45 iba’t ibang mga wika ang sinasalita samantalang 161 iba’t ibang mga wika ang sinasalita ng mga batang mag-aaral sa buong lunsod. Gayunman, ang Ingles ay nananatiling pinakamalaganap na wika, kahit na sa tahanan, para sa nakararami.

Sa Estados Unidos, ang Haponés ay nagiging ang pinakamabilis na lumalagong wika sa mga kolehiyo sa 1980’s​—dumarami ng mahigit na 40 porsiyento sa mga unibersidad. Gayunding interes sa wika ang ipinakita sa pre-college level. Kung ihahambing sa bilang na nakatala limang taon na ang nakalipas, ang Japan Society sa New York City ay nag-uulat na ang mga mag-aaral ng Haponés ay dumami ng tatlong ulit! Bakit ang pagnanais na matuto ng Haponés? Ang pambansang interes sa wika ay waring nakasentro sa “lumalawak na kaugnayan sa kabuhayan at teknolohiya sa pagitan ng Hapón at ng Estados Unidos.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share