Pagmamasid sa Daigdig
Pornograpya at Karahasan
Tiniyak ng isang pag-aaral na isinagawa ng Kagawaran ng Katarungan sa E.U. na ang sapat na pagkalantad sa pornograpya ay maaaring maging nakapipinsala at maaaring humantong sa “mga gawa ng seksuwal na karahasan,” ulat ng The New York Times. Napansin ng 11-membrong komisyon na ang panunood ng pornograpikong mga bagay “ay malamang na magpalala sa mga nalantad dito na malasin ang panggagahasa o iba pang anyo ng seksuwal na karahasan na hindi gaanong grabe o seryoso.” Gayunman, sa kabila ng gayong mga tuklas, sabi pa nila, maraming batas na idinisenyo upang sugpuin ang pagbibili ng pornograpikong mga bagay ay hindi ipinatutupad. Napansin din ng komisyon ang malakas na katibayan na ang industriya ng pornograpya ay “alin sa tuwirang pinatatakbo o maingat na pinangangasiwaan” ng mga membro ng organisadong krimen.
Isang Likas na Alarma ng Bulkan
Sa mga dako kung saan ang mga bulkan ay aktibo, ang mga naninirahan doon ay lubhang nangangailangan ng isang mabisang sistema ng alarma. Si Mr. Claude Sastre, isang mananaliksik sa Paris Natural History Museum, ay nagsasabi na ang pag-aaral sa mga pananim na tumutubo sa mga dalisdis ng bulkan ay maaaring makatulong sa pagsasabi ng hinaharap na mga pagputok. Binanggit niya bilang halimbawa ang Bulkan Soufrière sa Guadeloupe. Noong Pebrero 1976, ang mga botaniko ay nagkaroon ng katibayan na isang yugto ng pagkilos ay namiminto. Ang mga halaman sa mga dalisdis ng bulkan ay nasusunog sa eksaktong mga lugar kung saan, pagkalipas ng anim na buwan, lumitaw ang mga bitak at nagbuga ng bulkanikong mga bagay.
Mga Panganib sa “Headphone”
Babala! Ang paggamit sa mga headphone ay maaaring maging mapanganib sa inyong pandinig! Sa isang surbey sa mga tin-edyer na nakikinig sa musikang stereo sa pamamagitan ng mga headphone, kalahati niyaong mga sinuri ang dumaranas ng pansamantalang pagkabingi. Halos tatlong-ikapat ang nagreklamo na nakaririnig ng kuliling sa kanilang mga tainga pagkatapos ng tatlong oras na pakikinig sa musika na katamtaman hanggang malakas na pagpapatugtog. Iniuulat ng American Academy of Otolaryngology na ang pinsala sa tainga ay dala ng ingay na mahigit 120 decibels, na maaaring gawin ng karamihan sa mga radyo. Para sa kaligtasan ng pandinig, inirirekomenda na ang musika na pinakikinggan sa pamamagitan ng mga headphone ay pakinggan sa mas maikling mga yugto ng panahon at mas mahina.
Pakikipagtipan sa Malaking Sakuna
Ang kapaha-pahamak na mga epekto ng radyasyon na ibinuga sa atmospera ng aksidente noong Abril 26 sa Chernobyl nuclear power plant ay maaaring madama ng libu-libong tao, sabi ng mga dalubhasa. Sang-ayon sa kanilang mga kalkulasyon, halos 4,000 mga kanser ang pangyayarihin ng pagsabog ng cesium 137 mula sa malaking sakuna sa Chernobyl, na magbubunga ng kasindami ng 2,000 mga kamatayan. Tinatayang 24,000 katao ang inaasahang magkakaroon ng mga abnormalidad sa thyroid dahil sa paglanghap ng iodine 131, at ang bilang ay maaaring tumaas sa 120,000 sa gitna niyaong kumakain ng nahawaang pagkain at gatas. Ang kanser sa thyroid ay maaaring humantong sa mahigit na 2,000 mga kamatayan. Ang gayong mga tantiya ay batay sa panandaliang pagkalantad sa radyasyon, sabi ng mga mananaliksik. Ang pagkalantad sa radyasyon sa loob ng tatlo o mahigit pang mga linggo, sabi nila, ay maaaring magparami sa bilang ng mga kanser at kamatayan ng hanggang apat na beses! Ang mga tao sa Silangang Europa, Scandinavia, at Unyong Sobyet ay binanggit na siyang malamang na maapektuhan.
“Katolikong” Espanya
Dahilan sa malapit na kaugnayan ng lokal at kolonyal na kasaysayan ng Simbahang Katoliko, ang Espanya ang ipinalalagay na pinakakatolikong bansa sa daigdig. Hanggang noong 1978 ang relihiyon ng Estado ay Katolisismo. Gayunman, isinisiwalat ng isang ulat na inilathala kamakailan ng Center of Sociological Research of the Catholic Church sa Espanya na ngayon 46 porsiyento na lamang ng populasyon ang itinuturing ang kanilang mga sarili na mga Katoliko. Sa mga ito, 18 porsiyento lamang ang regular na dumadalo sa Misa. “Isang tagapagsalita para sa simbahan ang nagsabi na ang mga resulta ay maaaring magdulot ng pag-aalinlangan tungkol sa larawan ng Espanya bilang isang bansang Katoliko,” sabi ng International Herald Tribune, isang pahayagan sa Paris. Sapol noong Disyembre 1979 ang pagtuturo ng relihiyong Katoliko sa mga paaralang Kastila ay hindi na sapilitan.
Pagod na mga Mata at ang VDU
Apat sa limang mga opereytor ng VDU (visual display unit) ang dumaranas ng “pagod na mata, namamagang mga mata, malabong paningin o mahapding mga mata,” ulat ng The Times ng London. Ano ang magagawa rito? Iminumungkahi ni Janet Silver, pangunahing ophthalmic na optiko sa Moorfields Eye Hospital ng London, ang mga yugto ng lima hanggang sampung minuto bawat oras kung saan ang opereytor ay pinahihintulutang tumingin nang malayo mula sa screen. Ang pagbabago ng brightness at contrast gayundin ang pagpupuwesto sa screen upang iwasan na masilaw ay inirirekomenda rin. Para doon sa mga magsisimulang magtrabaho sa isang VDU, iminumungkahi niya ang pagpapasuri sa mata na susundan ng mga checkup tuwing ikalawang taon.
AIDS sa Aprika
Sa kabisera ng Uganda, ang Mulago Hospital ay tumatanggap ng “isang pasyente na may AIDS araw-araw mula noong nakaraang Nobyembre,” ulat ng The Sunday Times ng London noong Abril 20, 1986. Ang AIDS ay sinasabing “ang pumapatay ng pinakamaraming pasyente,” sabi ng Times. Nasumpungan ng mga doktor sa Uganda na isa sa bawat sampu katao na sinuri ay isang tagapagdala ng virus ng AIDS. Anong paliwanag ang ibinibigay nila? Bukod sa pagsasalin ng mga homoseksuwal, binanggit din ang heteroseksuwal na mga kaugnayan at mga pagsasalin ng dugo na nauugnay sa mabilis na pagkalat ng nakamamatay ng sakit. Yamang ang dugong ginagamit sa mga pagsasalin ay hindi sinusuri kung ito baga ay may virus ng AIDS, tinataya ng mga doktor na “ang 20 mga pagsasalin ng dugo araw-araw . . . ay maaaring pagmulan ng dalawang bagong mga kaso [ng AIDS] sa bawat araw”!
Kaligtasan sa Mataas-Silya
Ang mataas na mga silya ba ay ligtas? Tinatayang 8,000 mga sanggol at mga batang wala pang limang taóng gulang ang nilapatan ng emergency na paggagamot sa ospital dahilan sa mga pinsalang nauugnay sa mataas-silya noon lamang 1984, ulat ng magasing Parents. Sang-ayon sa Consumer Product Safety Commission ng E.U., ang isang bata ay nanganganib na mapinsala kapag hindi pinangangasiwaan o hindi matatag na nakaupo sa silya. Ang pinakakaraniwang sanhi ng pinsala ay kinabibilangan ng: pagkahulog mula sa silya, pagbagsak ng silya, at pagkaipit at pagkasilo. Upang maiwasan ang mga aksidente, inirirekomenda nila ang paglalagay ng anumang mga panaling pangkaligtasan, gayundin ang pagsubaybay sa bata samantalang siya ay nakaupo.
Pagbabawal sa mga Anunsiyo ng Tabako
Ipinahayag ng American Cancer Society na maraming mga organisasyong pangkalusugan sa Estados Unidos ang humiling ng “ganap na pag-aalis ng lahat ng mga pag-aanunsiyo ng sigarilyo at mga produkto ng tabako na hindi hinihitit.” Napansin ni Dr. LeMaistre, pangulo ng samahan, na ang sakit, mga sunog, at mga aksidente na nauugnay sa paninigarilyo ay nakalilito. Sang-ayon kay LeMaistre, ang mga sigarilyo ang sanhi ng “higit na mga kamatayan taun-taon kaysa pinagsamang mga Amerikanong namatay sa Digmaang Pandaigdig I, Digmaang Pandaigdig II, Korea at Viet Nam” at “pitong ulit na mas maraming kamatayan taun-taon kaysa lahat ng mga namatay dahilan sa aksidente sa kotse sa Estados Unidos.”
Ang mga Babae ay Nabubuhay na Mas Mahaba
Dumarami ang may mahabang buhay sa Inglatera at Wales, ulat ng The Times ng London. Kung ihahambing 30 taon ang nakalipas, siyam na ulit na dami ng mga tao ang umaabot ng isang daan, sabi ni Sir Cyril Clarke, direktor ng Royal College of Physicians research unit sa Britaniya. Gayunman, 15 porsiyento lamang sa mga ito ang mga lalaki! Sinasabi ni Clarke na kadalasang sinusunod ng mga lalaki ang hindi gaanong malusog na istilo ng pamumuhay kung saan ang pagtaba at kakulangan ng ehersisyo ay nagsasapanganib sa kanilang buhay. Sa kabilang dako, ang mga babae ay mas malamang na mabuhay na mas mahaba, yamang sila ay karaniwan nang aktibo sa loob ng bahay.
Tulong sa Pagkakagutom
Sang-ayon sa Earthscan Bulletin, ang mataas na halaga ng transportasyon ang pangunahing hadlang sa pamamahagi ng pagkain sa nagugutom na mga Aprikano. Isang organisasyong tumutulong sa Aprika ay nagsasabing gumugugol ng $17 milyong sa paglululan lamang ng mga tulong. Ang pangmatagalang lunas—paggawa ng mga kalsada—ay tinatayang nagkakahalaga ng halos $200 milyong sa Sahel lamang. Gayunman, isang hindi gaanong magastos na anyo ng transportasyon ay isinasagawa na. Sa halagang $13 milyong isang Britanong kompaniya ang gumagawa ng isang metal-hulled airship na punô ng helium na maaaring magdala ng 27 toneladang mga panustos at maglakbay sa bilis na 145 mph (230 km/hr) sa layong 5,000 milya (8,000 km). Kaya nitong maglulan ng 200 katao sa isang panahon. Maaaring mapasulong ng mga airship, sabi ng Bulletin, ang tulong sa pagkakagutom.
Dalawang Halley?
Maraming tao ang hindi nasiyahan sapagkat ang kometang Halley ay hindi gaanong maliwanag kung ihahambing sa paglitaw nito noong 1910. Subalit may isang bagay na pumukaw ng katuwaan sa gitna ng mga nagmamasid sa kometa sa Timugang Hemispero. “Nasisiyahan na sa hindi maliwanag na paglitaw ng Halley,” sabi ng The Natal Witness, isang pahayagan sa Timog Aprika, “sinasabi ng ilang mga naninirahan sa lunsod na nakakita sila ng dalawang kometa.” Noong kalagitnaan ng Abril, dalawang malabong mga bilog ang nakita na malapit sa isa’t isa sa kalangitan sa gawing timog. Ang isa rito ay ang kometang Halley. Ang isa pa? Ang kahanga-hangang globular cluster ng Omega Centauri, na naglalaman ng tinatayang isang milyong mga bituin na umiikot sa iisang sentro. Di-gaya ng kometang Halley, ang mga nagmamasid ay hindi na kinakailangang maghintay ng 76 na mga taon upang makita ito. Gaya ng paliwanag ni Chris Lake, isang lokal na astronomo: “Isa ito sa pinakamalaki at isa sa ilang globular clusters na nakikita ng mata ng tao.”
Mga Panalangin sa mga Paaralang Britano
Ang mga panalangin o dasal ay hindi na bahagi ng pang-araw-araw na rutina sa maraming paaralang Britano. Ipinaliwanag na pahayagang Katolikong Pranses na La Croix na “ang karamihan ng mga high school sa United Kingdom ay lumalabag sa batas sa pamamagitan ng hindi pagsasagawa ng sama-samang pang-umagang panalangin bago magsimula ang mga klase araw-araw.” Bakit hindi nila sinusunod ang batas Britano tungkol sa bagay na ito? Bukod sa sinasabing kakulangan ng sapat na mga pasilidad, “ang mga estudyante ay mula sa maraming lahi at relihiyon, pati na ang maraming Muslim at Hindu, ginagawa nitong mahirap na pumili ng mga panalangin,” sabi ng artikulo. “Isa pang salik ay ang pag-aatubili ng maraming mga guro ng Estado, na salansang sa uring ito ng pagtitipon, itinuturing ito na makaluma.”