Paglutas sa Hiwaga ng Sakit sa Isip
“Takot na takot ako sa mga kaisipan na may kaugnayan sa sakit sa isip!” nagugunita ni Irene. “Ang mga salitang gaya ng ‘schizophrenia’ o ‘panlulumo’ ay wala sa aking bukabularyo. Ang sakit sa isip ay nagdadala ng kahihiyan o batik sa karangalan. Ito’y nangangahulugan ng ‘pagkabaliw’ o ‘paglalagay’ sa isang silid ng mga may sakit sa isip! Inaakala pa nga ng ilan sa aking mga kaibigan na ako ay inaalihan ng mga demonyo!”
KABALIWAN, pagkasira ng bait, pagkaloko. Mga salita mismo na nagdadala ng takot at mga larawan ng mga seldang may sapin at straitjackets. Gayunman, hindi lahat ng may diperensiya sa isip ay nagsisisigaw, ni ang sinuman na may kakatuwang personalidad o kaugalian ay may sakit sa isip.
Ang bawat diperensiya sa isip ay nagsasangkot ng isang kumpol ng espisipikong mga sintomas. Ang manic-depression, halimbawa, ay isang emosyonal na siso, pabagu-bago sa pagitan ng labis na kasayahan at ganap na kalungkutan. Gayunman, sa major depression ang pasyente ay kadalasang dumaranas ng “matindi, nakalulumpo, at walang-lubay na kalungkutan.”a Ang anxiety disorders, tulad ng mga phobia, ay maaaring totoong makalumpo sa mga biktima dahil sa di-makatuwirang takot.
Gayunman, tatalakayin namin dito at sa susunod na artikulo ang tungkol sa karamdaman na inilalarawan ang pinakadiwa ng sakit sa isip.
Schizophrenia—Ang Pinakamahiwagang Panig ng Sakit sa Isip
Samantalang nasa ospital, si Irene ay nagkaroon ng higit pang mga halimbawa ng maling pagkilala—niyayakap ang mga doktor at mga narses bilang malaon nang hindi nakitang mga kamag-anak. Naguguniguni niya na nakakaamoy siya ng mga bagay na hindi naaamoy ng iba. Naging kumbinsido siya na nais siyang patayin ng mga kawani sa ospital! “Minsan ay kinailangan na itali nila ako sa aking kama,” sabi niya.
Ang rikonosi? Schizophrenia, isang karamdaman na sa wakas ay magpapahirap sa hindi kukulanging isa sa bawat isang daan katao. Mahigit na isang daang libong bagong mga kaso isang taon ang naririkonosi sa Estados Unidos lamang.b
Ang schizophrenic ay hindi nagtataglay ng hating personalidad sa diwa na mayroon siyang dalawa o maraming pagkatao (isang naiiba at pambihirang karamdaman) subalit mayroon siyang napinsala o nasirang personalidad. Isaalang-alang, halimbawa, ang isang binatang nagngangalang Jerry, na inilarawan ng kaniyang doktor na isang ‘textbook case’ ng schizophrenia. Kung minsan siya ay nakatitig nang tulala at pagkatapos ay nanlilisik ang mga mata. Ang kaniyang pananalita ay pinaghalong takot (“Pinapunta ako rito ng mga tao upang kuryentehin ako”) at maling paniwala (“Ang larawang iyan ay may sakit sa ulo”). Tinatakot siya nang husto ng panloob na mga tinig. Ang kaniyang utak ay gulung-gulo.
Ang schizophrenia ay gumagawa ng maraming kakatuwang sintomas: mga guniguni, panloob na mga tinig, magulong pag-iisip, walang katuwirang takot, at mga damdamin na tila malayo sa katotohanan. Ano ang nagpapangyari nito? Mga sampung taon na ang nakalipas pinaratangan ng mga doktor ang mga magulang na itinataboy ang kanilang mga anak sa pagkabaliw. Ngayon inaakala ng ilan na mas angkop ang kabaligtaran niyan. Ang mga magulang ay dumaranas ng matinding kaigtingan at paghihirap ng loob kapag ang isang anak ay schizophrenic.
Kaya sinasabi ngayon ng karamihan sa mga doktor na ang pagsisi sa magulang ay isang pagkakamali. Mangyari pa, hinihimok ng Bibliya ang mga magulang na huwag imungkahi sa galit ang kanilang mga anak. (Colosas 3:21) Subalit kahit na kung pagalitin nila ito, malamang na kung ito lamang ay hindi gagawang schizophrenic sa kanilang mga anak. Mga salik na sa kabila pa roon ng kapangyarihan ng mga magulang ang nasasangkot.
Ang Genetikong Sangkap
Sina Nick at Herbert (hindi tunay na pangalan) ay kambal. Namuhay na magkahiwalay mula sa pagkasilang, si Nick ay pinalaki ng maibiging mga magulang na umampon sa kaniya, si Herbert naman ay pinalaki ng isang lolang walang malasakit. Sa maagang gulang ang mga binhi ng pagkaloko ay nagsimulang lumitaw sa dalawa. Si Nick ay nanununog at nagnanakaw. Si Herbert, man din, ay mahilig sa apoy—at sa pagpapahirap sa mga aso. Matinding schizophrenia ang sumunod at sila kapuwa ay nagwakas sa pagamutan ng mga may sakit sa isip.
Nagkataon lamang? O dinadala ba ng genes (may kaugnayan sa pagmamana) ang schizophrenia? Mayroong 14 na kilalang pares ng mga kambal na magkahiwalay na pinalaki kung saan ang isa sa mga kambal ay nagkaroon ng schizophrenia. Siyam sa mga bata ay nagkaroon din ng sakit. Maliwanag na ang genes ay gumaganap ng isang bahagi sa schizophrenia. Gayunman, kapuna-puna, kapag dalawang schizophrenic ang nag-asawa, mayroon lamang 46-porsiyentong tsansa na ang kanilang mga anak ay magkakaroon din ng schizophrenia. “Kung ang schizophrenia ay totoong resulta ng isang dominanteng gene, 75% ng mga anak ay dapat sanang may schizophrenia,” sang-ayon sa aklat na Schizophrenia: The Epigenetic Puzzle.
Higit pa kaysa mga genes ang malamang na nasasangkot. Ang mga awtor ng Mind, Mood, and Medicine ay nagsasapantaha: “Kilalang-kilala na ang karanasang saykolohikal—halimbawa, kaigtingan—ay maaaring lubhang makaapekto sa kemikal, hormonal, at pisyolohikal na pagkilos ng katawan. Sa mga sakit sa isip, ang isang karanasang saykolohikal ang maaaring madalas na kilalanin bilang ang nagpapabilis na salik sa isang mahinang tao.” At saan maaaring pumasok ang mga genes? Ganito pa ang sabi nina Dr. Wender at Klein: “Ang aming panlahat na pangmalas ay na maaaring gawin ng genetikong mga salik ang isang indibiduwal na madaling tablan ng ilang anyo ng karanasang saykolohikal.” Kaya bagaman ang schizophrenia mismo ay maaaring hindi namamana, baka ang pagkalantad dito ay maaaring pagmulan ng schizophrenia.
Hindi Normal na mga Utak
Ang Schizophrenia Bulletin ay naghaharap pa ng isang piraso sa palaisipan: “Ipinahihiwatig ng katibayang iniharap na ang mga utak ng mga pasyenteng schizophrenic ay kadalasang nagtataglay ng mga abnormalidad.”
Sinasabi ni Dr. Arnold Scheibel na sa bahagi ng utak na tinatawag na hippocampus, ang mga selula ng nerbiyos sa normal na mga pasyente ay nakahanay “na parang munting mga sundalo.” Subalit sa mga utak ng ilang mga pasyenteng schizophrenic “ang mga selula ng nerbiyos at ang kanilang pamamaraan ay totoong wala sa lugar.” Ito, sa palagay niya, ay maaaring siyang dahilan ng mga guniguni at mga maling paniwala ng schizophrenic. Ang iba pang mga schizophrenic ay nasumpungang may lumaking mga hungkag sa utak. Lubhang nakapagtataka pa sa lahat ay ang tuklas na ang mga utak ng mga may sakit sa isip ay maaaring naglalaman ng biyokemikal na mga depekto! (Tingnan ang sumusunod na artikulo.)
Gayunman, hanggang sa ngayon wala pa ni isang abnormalidad sa utak o biyokemikal na depekto ang nasumpungan na karaniwan sa lahat ng mga schizophrenic. Kaya naniniwala ang mga doktor na ang schizophrenic ay maaaring “maraming diperensiya, na may napakaraming iba’t ibang sanhi.” (Schizophrenia: Is There an Answer?) Isang mabagal-kumilos na virus, mga kakulangan sa bitamina, metabolikong mga problema, mga alerdyi sa pagkain—ang mga ito ay ilan lamang sa mga salik na sinasabing nasasangkot sa schizophrenia.
Subalit bagaman ang eksaktong sanhi at mekanismo ng karamdaman ay hindi maipaliwanag ng siyensiya ng medisina, si Dr. E. Fuller Torrey ay nagsasabi: “Ang schizophrenia ay isang sakit sa utak, na gayon nga ang pagkakaalam sa ngayon. Ito nga ay isang tunay na siyentipiko at biyolohikal na karamdaman na kasinlinaw ng diabetes, multiple sclerosis, at kanser na siyentipiko at biyolohikal na mga karamdaman.” Mayroon ding katibayan na ang nakapanlulumong mga karamdaman ay nauugnay sa biyolohiya.
Sa gayon wala na sa sakit sa isip ang pagkahiwaga nito—at ang batik sa karangalan nito. Ang posibilidad na paggamot dito ay naging isang katotohanan.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Awake! ng Setyembre 8, 1981, “You Can Fight Depression!”
b Ang katumbasan ng schizophrenia ay mataas sa Sweden, Norway, kanlurang Ireland, hilagang Yugoslavia, at sa karamihan ng nagpapaunlad na mga bansa.
[Larawan sa pahina 5]
Maraming salik ang maaaring nasasangkot sa pagsisimula ng sakit sa isip
Genetiko o namamana?
Kapaligiran?
Mga abnormalidad sa utak?
Kemikal na mga depekto?
Pagkain?