Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 2/8 p. 6-10
  • Sakit sa Isip—May Lunas Ba?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sakit sa Isip—May Lunas Ba?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kemikal na Pagpigil
  • Mga Suliranin Dahilan sa Masamang mga Epekto
  • Mapagpipiliang mga Paggagamot
  • Kaaliwan Para sa mga May Sakit sa Isip
  • Paglutas sa Hiwaga ng Sakit sa Isip
    Gumising!—1987
  • Pagkabagabag ng Isip—Pagka Ito’y Naging Suliranin ng Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Sakit sa Isip—Ang Mahiwagang Sakit
    Gumising!—1987
  • Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 2/8 p. 6-10

Sakit sa Isip​—May Lunas Ba?

“Dinala nila ako sa ospital,” alaala ni Irene. “Nasiyahan akong ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa mga saykayatris, subalit hindi rin ito gaanong nakatulong. Pagkatapos binigyan nila ako ng electroshock therapy. Gayon na lang ang takot ko. Subalit minsan pa, hindi rin ito gaanong nakatulong.

“Pagkatapos ay pinakiusapan ako ng aking asawa na sumakay sa kotse na kasama niya. Akala ko’y uuwi ako ng bahay. Subalit huminto kami sa harap ng malalaking gusaling ito na yari sa lumang ladrilyo. ‘Ano ito?’ tanong ko sa aking asawa. ‘Nais kong magtungo ka roon sa loob at mayroon doon na gusto kong makausap mo,’ sabi niya. Pagkatapos ay natalos ko na ito ay isang institusyon para sa mga may sakit sa isip . . . ”

ANG sakit ni Irene ay lumitaw noong taóng 1955​—sa gitna mismo ng isang ganap na pagbabago sa kalusugang pangkaisipan. Mga bagong paggagamot ay isinasagawa upang bawasan ang trauma o pinsala ng pag-oopera. Natuklasan ng mga doktor na kapag ang mga pasyenteng may sakit sa isip ay ginamot sa pamamagitan ng mga gamot na ito, “ang mga pasyenteng dating nangangailangan ng paggagamot sa nakabukod na mga silid o straitjackets ay puede na ngayong iwan na nag-iisa o walang nag-aalaga. . . . Lubusang naalis ng mga gamot ang ilang uri ng diperensiya sa isip.” (The Brain, ni Dr. Richard M. Restak) Ang ganap na pagbabago na mga epekto ng mga gamot na ito sa larangan ng kalusugang pangkaisipan ay maaaring ilarawan na muli ng schizophrenia.

Sinubok ng mga doktor ni Irene ang isang bagong antipsychotic na gamot. Kung saan nabigo ang terapi ng pag-uusap at pagkuryente (electroshock), nagtagumpay naman ang paggamit ng gamot. Nilisan na ni Irene at ng libu-libo pang katulad niya ang mga pagamutan ng mga may sakit sa isip at umuwi na ng bahay.

Kemikal na Pagpigil

Hindi alam ng mga manggagamot kung paano gumagana ang mga gamot. Subalit wari bang hinahadlangan nito ang mga tagatanggap sa utak na karaniwan nang tumatanggap ng isang kemikal na tinatawag na dopamine. Kapag napipigil ang pagkilos ng dopamine, bumubuti ang ilang mga pasyente. Kapag binigyan ng gamot na nagpapasigla sa pagkilos ng dopamine sa utak, ang mga pasyente ay kadalasang lumulubha. Isang bintana sa gayon ang nabuksan sa kímika ng sakit sa isip. (Tingnan ang kahon.)

Marami pa ang hindi nalalaman tungkol sa schizophrenia. Subalit ang antipsychotic na mga paggagamot ay napatunayan nang mabisang paggamot. Nakalulungkot naman, sinasabi ng mga doktor na halos isang-ikatlo ng mga pasyenteng schizophrenic ay hindi tumutugon sa mga gamot​—o sa anumang uri ng paggagamot. At, sa pinakamabuti, ang mga paggagamot ay tumutulong upang pigilin​—hindi pagalingin​—ang schizophrenia, binabawasan o inaalis ang mas matindi, malalang mga sintomas ng sakit. Isa pa, ito ay isang malaking pagsulong mula sa pag-oopera o straitjackets.

Kung gayon, bakit mo ituturing ang mga pasyenteng gumagamit ng mga paggagamot na ito na mahina-isip o mga sugapa sa droga? Ang antipsychotic na mga gamot ay hindi nakasusugapa, hindi nito ginagawang hibang ang mga pasyente, at hindi ito iniinom para lamang sa kasiyahan. Inihahambing ni Dr. E. Fuller Torrey ang antipsychotic na mga gamot sa “insulin para sa diabetes.” At si Dr. Jerrold S. Maxmen ay naghihinuha: “Ang mga taong umiinom ng gayong gamot ay hindi ‘tinatakbuhan ang kanilang mga problema,’ kundi hinaharap ang mga ito.”

Gayunman, natuklasan agad ni Irene na mayroon ding masamang panig sa mga paggagamot na ito.

Mga Suliranin Dahilan sa Masamang mga Epekto

“Para akong zombie,” nagugunita ni Irene. “Hindi ako makakilos. Naaalaala ko na kung minsan ako ay natutulog na hanggang 16 na oras isang araw.” Ang buhay ni Irene ay lumala. Sinikap niyang ihinto ang paggagamot​—at muli na naman siyang nauwi sa pagamutan ng may sakit sa isip.a

Ang ibang mga pasyente ay talagang dumaranas ng masamang mga reaksiyon mula sa pagiging balisa, pagkahilo, at pag-aantok hanggang sa sakit sa atay, pagkabigla, at pagtaba. Isa sa hindi kanais-nais na reaksiyon ay ang tardive dyskinesia, na nagpapahirap sa 10 hanggang 20 porsiyento ng mga pasyenteng napapasailalim ng matagalang paggagamot ng antipsychotic na mga gamot. Kasali rito ang hindi kusang pagkibot ng mukha at ng bibig.

Yamang hindi mahulaan ng mga doktor kung paano tutugon ang isang pasyente sa isang gamot, ang pagrireseta ng gamot ay kinapapalooban ng pamamaraan ng pagsubok. Sinabi ng isang clinical psychologist sa Awake!: “Maaaring pagpilian ng mga doktor ang tatlo o apat na iba’t ibang paggagamot bago nila nasusumpungan ang isa na mabisa at may pinakakaunting masamang epekto.”

Sa kabutihang palad, ang karamihan ng mga suliranin sa masamang epekto ay maaaring pigilin. Sa kaso ni Irene, ang basta pagpapalit ng gamot ay nakabuti sa kaniya. Nawala ang kaniyang pag-aantok at gayundin ang kaniyang mga maling paniwala. Nilisan niya ang pagamutan ng mga may sakit sa isip at nagsimulang mamuhay na muli ng isang normal na buhay! Sa loob halos ng 30 mga taon siya ay nanatiling panatag​—hanggang sa sinikap niyang ihinto ang pag-inom ng gamot. Sabi niya: “Akala ko’y magaling na ako. Subalit pagkaraan ng isang taon ay nasira na naman ang aking pag-iisip. Sabi ng aking doktor, ‘Magbalik ka sa pag-inom ng gamot.’” Isang maliit na halaga na ibayad upang mapanumbalik sa dati ang kaniyang buhay.

Hindi lahat ay matagumpay na tumutugon sa mga gamot, at ang paggagamot ay kadalasan nang gumagana nang napakabagal. Isa pa, lubhang kinaiinisan ng ilang mga pasyente ang kanilang paggagamot. Subalit kapag ang kanilang mga sintomas ay napakatindi anupa’t hindi sila maaaring kumilos o gumawa, ito’y maaaring maging isang pagpili sa pagitan ng paggagamot at pagpasok sa pagamutan ng mga may sakit sa isip.

Mapagpipiliang mga Paggagamot

Kawili-wili, ang asukal, trigo, gatas, at tingga, gayundin ang mga kakulangan sa bitamina, ay iniugnay na lahat bilang siyang may pananagutan sa emosyonal na mga problema. Nagbabangon ito sa posibilidad na gamutin ang schizophrenia sa pamamagitan ng nutrisyonal na paggagamot. Ang gayong pamamaraan ay nagkaroon na ng tagumpay sa paggamot sa panlulumo. At ilang mga mananaliksik​—pati na ang nagwagi ng gantimpalang Nobel na si Linus Pauling​—ay nagsasabi na ang maraming dosis ng bitamina ay lubhang nakabawas sa sintomas ng schizophrenia sa ilang mga pasyente. Ito ay tinatawag na orthomolecular psychiatry.

Ang ideya​—humigit-kumulang sa simula​—ay waring nakabubuti sa marami. Tinutukoy ng mga orthomolecular psychiatrist na ang isang karamdamang tinatawag na pellagra, na dala ng kakulangan sa bitamina-B, ay lumilikha ng mga sintomas ng mga may sakit sa isip. Ang lunas? Maraming dosis ng bitaminang niacin. Subalit gumagana rin kaya ang kahawig na paggagamot sa schizophrenia? Hanggang sa ngayon, hindi pa rin makumbinse ng mga orthomolecular psychiatrist ang kanilang mas kilalang mga kauri.

Isang report ng NIMH (National Institute of Mental Health) ay nagbabala: “Bagaman para bang ang teoriya ng orthomolecular psychiatry ay nagharap ng isang potensiyal na dako ng pananaliksik at pagsusuri, ang kasalukuyang mga pag-aangkin sa terapeutikong bisa ay makasusumpong ng kaunti, kung mayroon man, na pagsuporta mula sa [siyentipikong] mga pag-aaral.” Hindi na kinakailangan pang sabihin, ang isang timbang, masustansiyang pagkain ay nakabubuti. Gayunman, malamang na pinakamabuting matitiyak ng isang doktor kung umiiral ang isang grabeng kakulangan sa bitamina.

Si Dr. David Shore ng Schizophrenia Research Branch ng NIMH ay tila man din sinusuma ang saloobin ng medisina nang sabihin niya sa Awake!: “Ang lahat ay nagnanais ng isang madaling kasagutan sa schizophrenia​—katulad ng mga bitamina o dialysis.b Subalit hindi ganiyan kasimple. Sana nga’y ganiyan lang kasimple.”

Gayumpaman dapat na lapitan ng isang tao ang lahat ng medikal na paggagamot taglay ang pag-iingat, nag-iingat sa kagila-gilalas na mga pag-aangkin. “Pinaniniwalaan ng sinumang walang karanasan ang bawat salita, ngunit ang matalino ay tumitinging mabuti sa kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Huwag tanggapin ang anumang paggagamot nang may kabulagan. Kung may iniriresetang gamot, gumugol ng panahon upang alamin mo sa iyong sarili ang posibleng mga reaksiyon at masamang mga epekto.

Kaaliwan Para sa mga May Sakit sa Isip

Sapagkat tayo ay nabubuhay sa “mapanganib na panahong mahirap pakitunguhan,” ang mga tao sa ngayon ay napapasailalim sa maraming kaigtingan. (2 Timoteo 3:1; Lucas 21:26) At yamang lahat ay nasa ilalim ng nakapanghihinang mga epekto ng kasalanan at di-kasakdalan, hindi kataka-taka na kahit na ang ilan sa mga taong may-takot sa Diyos ay nadaig ng sakit sa isip.​—Roma 5:12.

Subalit ang pagkaalam na ang sakit sa isip ay isang karamdaman ay tumutulong sa isa na magkaroon ng timbang na pangmalas dito. Halimbawa, ikinatakot ni Irene na ang kaniyang sakit ay dala ng isang pagsalakay ng mga demonyo. Bagaman posible na sa ilang mga kaso ay nasasangkot ang mga puwersa ng mga demonyo, hindi itinuturo ng Bibliya na ang lahat ng mga karamdaman ay pinapangyari ng mga demonyo. (Efeso 6:12; ihambing ang Mateo 4:24; Marcos 1:32-34; Gawa 5:16.) Kadalasan na, kapag ang isang tao ay nakaririnig ng mga tinig o nagpapamalas ng kakatuwang paggawi, maaaring ito ay nagsasangkot ng isang karamdaman na gaya ng schizophrenia.

Malaking ginhawa kay Irene na malaman na ang kaniyang sakit ay hindi mula sa mga demonyo. Humanap siya ng medikal na tulong at nakasumpong ng ginhawa. Gayunman, alalahanin na binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa isang babaing may sakit na “napahirapan na ng maraming bagay ng mga manggagamot at nagugol na niya ang lahat niyang tinatangkilik at hindi gumaling nang kaunti man, kundi bagkus, lumulubha siya.” Si Jesu-Kristo lamang ang nakapagpagaling sa kaniya. (Marcos 5:25-29) Ang siyensiya ng medisina ngayon ay natatakdaan din naman. Totoo, ang isa ay maaaring kumuha ng mga hakbangin upang magkaroon ng ginhawa. Subalit sa halip na masilo sa iyo’t iyunding paghahanap ng mailap na lunas, baka kailangan lamang matutuhan ng iba na mamuhay at pagtiisan ang problema.

Gayunman, ang pagkaalam na ang Diyos ay lubhang nagmamalasakit sa atin, ay maaaring makabawas ng maraming kabalisahan. (1 Pedro 5:6, 7) “Pinalakas ako ni Jehova sa lahat ng panahong ito at sa maraming iba pang mga pagsubok,” sabi ni Irene. Taglay din niya ang pag-asa sa isang dumarating na bagong sistema sa ilalim ni Jesu-Kristo kung saan “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’” (Isaias 33:24; 2 Pedro 3:13) “Ang pagpapako ng aking mga mata sa gantimpala na mabuhay magpakailanman sa Paraiso, na ngayo’y pagkalapit-lapit na, ay tumulong sa akin na manatiling matatag.” Ang kaniyang pananampalataya ay nakatulong ng higit kaysa anumang paggagamot na maaaring ibigay ng mga doktor.

[Mga talababa]

a Kasindami ng 80 porsiyento ng mga schizophrenic na hinihintuan ang pag-inom ng kanilang gamot ang muling pumapasok sa ospital.

b Ang pagbanggit na ito ay may kaugnayan sa lubhang nailathalang pamamaraan ng paggamit ng hemodialysis upang salain ang mga lason o dumi sa dugo na sinasabing sanhi ng schizophrenia. Ang paggagamot ay hindi nagtagumpay sa ilalim ng siyentipikong masusing pagsusuri.

[Kahon sa pahina 7]

Ang Kímika ng Schizophrenia

Ang ating utak ay isang di-kapani-paniwalang masalimuot na network ng komunikasyon, pinag-uugnay ang bilyun-bilyong mga neurons, o mga selula ng nerbiyos. Gayunman ang mga neurons ay hindi pisikal na magkaugnay sa isa’t isa. Isang agwat na sumusukat lamang ng isang-ikaisang milyon ng isang pulgada (0.000003 cm) ang naghihiwalay sa kanilang tulad-galamay na mga ekstensiyon o dendrites. Upang ang mga impulso ng nerbiyos ay dumaloy na maayos, dapat luksuhin ng mga hudyat ng nerbiyos ang agwat na ito. Upang gawin ang gayon, ang mga selula ay naglalabas ng isang batalyon ng kemikal na “mga mensahero” na tinatawag na mga neurotransmitter. Ang mga ito ay “lumalangoy” sa kabila ng agwat at umaaldaba sa pantanging mga tagatanggap, na ang bawat isa ay idinisenyo upang tanggapin ang espisipikong kemikal.

Sa isang normal na utak, ang lahat ng gawaing ito ay nagpapatuloy sa isang mahinahon at maayos na paraan. Gayunman, sa mga schizophrenic ang neurotransmission ay waring nawawalan ng kontrol. Inaakala ng iba na ang sobrang dopamine ay labis na gumaganyak sa mga neurons at pinapangyari ang mga ito na “sumala.” Baka ang resulta’y hiwa-hiwalay na kaisipan. Gayunman, kapansin-pansin na hindi lahat ng schizophrenic ay may mataas na antas ng dopamine sa kanilang mga utak. Maaari kaya na ang ilang utak ay sobrang sensitibo sa dopamine? O mayroon kayang iba’t ibang uri ng schizophrenia? O maaari kaya na ang iba pang kemikal na abnormalidad ay sumasama sa dopamine?

Walang sinuman ang nakaaalam. Ni nalalaman man ng sinuman kung baga ang masamang kímika ay nagpapangyari ng schizophrenia o ang kabaligtaran. Ang kímika ay isa lamang piraso sa palaisipan tungkol sa schizophrenia.

[Kahon sa pahina 8]

“Shock Therapy”​—Kontrobersiyal

Marahil ang pinakakontrobersiyal na terapi sa lahat ay ang shock therapy. Gayunman, kadalasang tinutukoy ito ng mga doktor sa pamamagitan ng isang mas kaaya-ayang-tunog na pangalan: electroconvulsive therapy, o ECT. Ang nakatatakot na paglalarawan sa pamamaraang ito sa mga pelikula, gaya niyaong sa One Flew Over the Cuckoo’s Nest, ay nagpangyari sa publiko sa pangkalahatan na matakot sa ECT. Gayunman, taun-taon sa Estados Unidos lamang, tinatayang isang daang libong mga pasyente ang tumatanggap ng ECT. Isinisiwalat ng isang surbey sa mga saykayatris na ang ECT ay “lubhang ginagamit kapag ang gamot, karaniwan nang sa malalaking dosis at kadalasang sinasamahan ng psychotherapy, ay hindi naging mabisa.”

Ang ECT ay lubhang binago na, kaya hindi na ito nakatatakot na pamamaraan na gaya ng inaakala ng karamihan. Kapag wastong isinasagawa, ang pasyente ay walang nararamdaman. Siya ay binibigyan ng anestisya at ng pampakalma ng kalamnan (upang maingatan laban sa pinsalang skeletal). Ang mga electrodes ay inilalagay sa kaniyang ulo at ipinadaraan ang kaunting koryente sa kaniyang utak, nagpapangyari ng panandaliang mga pagsumpong.

Si John Bonnage, opisyal sa impormasyon sa APA (American Psychiatric Association) ay tumutukoy sa isang pag-aaral ng APA na naghinuha na ang ECT ay “isa sa pinakamabisang paraan ng paggamot sa panlulumo.” Ipinagbigay-alam ni Bonnage sa Awake!: “Ang ECT ay bihira nang gamitin sa paggamot ng schizophrenia, gayunman, maliban na lamang kung ito ay may kasamang matinding panlulumo.”

Hindi talaga nalalaman ng mga doktor kung paano o bakit gumagana ang ECT. Sa gayon tinawag ito ng mga kalaban na “ang psychiatric na katumbas ng pagsipa sa isang set ng TV kapag hindi lumalabas ang larawan.” Gayunman, may ilang katibayan na maaaring maapektuhan ng ECT ang neurotransmission sa isang katulad na paraan na gaya ng epekto ng mga gamot sa may sakit sa isip. Tinatawag ng mga kritiko ang ECT na mapanganib at nakapipinsala sa utak, itinuturo ang panganib na kawalan ng memorya at kamatayan pa nga. Gayunman sinasabi ng mga nagtataguyod nito na ang binagong mga pamamaraan ay lubhang nakabawas sa mga panganib na ito. Sinasabi pa nila na ang malaking panganib ng pagpapatiwakal na dala ng matinding panlulumo ay maaaring gumawa sa mga pakinabang ng ECT na mahigitan ang anumang mga panganib.

[Kahon sa pahina 10]

Ang Freudian “Insight” Therapies​—Tulong o Hadlang?

Si Dr. David Shore ng Schizophrenia Research Branch ng NIMH ay nagsabi sa Awake!: “Kakaunting psychoanalysis, at mga katulad nito, ang isinasagawa sa mga araw na ito sa saykayatri.” Ang dahilan? Sa isang bagay, ang dumaraming katibayan na ang Freudian analysis at ang kaugnay na mga “insight therapies” ay hindi nakapagpapagaling ng schizophrenia. Ang mga teraping Freudian ay nakasalalay sa hindi pa napatutunayang sapantaha na ang sakit sa isip ay isang reaksiyon sa mga karanasan sa buhay, sa mga trauma noong kabataan na naikintal sa walang-malay na isipan. Sa gayo’y sinisikap na suriin ng analyst ang walang-malay na isipan sa pamamagitan ng mga katanungan at “malayang kaugnayan” upang tulungan ang pasyente na magkaroon ng kabatiran sa pinagmumulan ng kaniyang mga problema.

Gayunman, ang mga schizophrenic ay nahihirapan na ngang makipagtalastasan. Ang ilantad sila sa gayong mga pagsusuri ng insight therapy ay, sang-ayon kay Dr. E. Fuller Torrey, gaya ng “pagpapadala ng baha sa isang bayan na sinalanta na ng isang buhawi.”

Mayroon ding mga panganib ng “paglilipat,” kung saan ang isang pasyente ay maaaring magkaroon ng matinding damdamin para sa therapist. Sinasabi ng ilan na ang mga pasyente ay “nagumon” sa kanilang mga therapist, hindi nila kayang mabawasan ang paggagamot. Gayundin, ang pagiging masyadong malapit sa isa na hindi kasekso ay maaaring mag-anyaya ng mga suliraning moral.

Kaya ang kasalukuyang mga saykayatris ay nahihilig tungo sa biyolohikal na paggagamot at minamalas ang tradisyonal na psychoanalysis bilang lipas na sa paggamot sa schizophrenia. Gayunman, ang ibang anyo ng pag-uusap na terapi, ay maaaring mabisang gamitin may kaugnayan sa drug therapy upang bigyan ang isang pasyente ng suporta, tulungan siyang maunawaan ang kaniyang sakit, at pagtibayin ang pangangailangan na inumin ang gamot. At kung minsan ang doktor ay gumagamit ng sumusuring mga katanungan upang tulungan siyang marikonosi ang isang karamdaman. Gayunman, ito ay hindi katulad ng psychoanalysis.

[Mga larawan sa pahina 9]

Kadalasan nang napakalaking pagbabago ang epekto ng paggagamot

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share