Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 4/22 p. 18-20
  • Bakit Ba Ako Nawawalan ng Pagtitimpi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Ba Ako Nawawalan ng Pagtitimpi?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Tayo ay Nagagalit
  • Paglalabas ng Galit
  • Paano Ko Masusupil ang Aking Galit?
    Gumising!—1987
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Galit?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Lagi bang Masama ang Magalit?
    Gumising!—1994
  • Bakit Dapat Supilin ang Iyong Galit?
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 4/22 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Ba Ako Nawawalan ng Pagtitimpi?

“Kapag ako’y nagagalit, ako’y nag-iinit, at tiyak na ayaw mong lumapit sa akin. . . . Namumula ang mukha ko . . . Kung minsan basta na lamang akong sumisigaw.”​—11-taóng-gulang na si Evan.

SINIRA ng iyong kapatid ang paborito mong blusa. Binigyan ka ng iyong guro ng isang di-makatuwirang marka sa isang pagsusulit. Kung kailan kailangang-kailangan mo ito, ayaw umandar ang iyong tagapagpatuyo ng buhok. Para sa maraming kabataan, ang anumang pakikialam, kawalang-katarungan, at sagabal na gaya niyaon ay maaaring pagmulan ng malaking galit.

Isang artikulo sa magasing Health ni Dr. Georgia Witkin-Lanoil ay nagpapaliwanag: “Habang ang utak ay naaapektuhan ng isang nakapagpapagalit na pangyayari, ang kusang sistema nerbiyosa ay napupukaw. Ang adrenaline, na lumalabas sa mga glandulang adrenal, ay nagsisimulang dumaloy sa iyong dugo, na pinabibilis ang pintig ng iyong puso at paghinga, at pinasisigla ang paglalabas ng nakaimbak na asukal para sa enerhiya.”

Taglay ang anong mga resulta? “Ang mga aksiyon na ikinikilos natin sa ilalim ng impluwensiya ng ating sariling adrenaline,” susog pa ni Dr. Witkin-Lanoil, “ay kadalasang labis-labis na reaksiyon. Tayo ay sumisigaw, nagsasabi ng nakamumuhing bahagyang-katotohanan, nananakit, namiminsala, naninira o galít na umaalis sa eksena.” Gayundin ang napansin ng isang artikulo sa magasing ’Teen na umano ang galit “ay maaaring magpangyari sa iyo na magsabi ng mga bagay na hindi mo sinasadya, mawala mo ang iyong mga kaibigan​—at maaari pa ngang makaramdam ka ng pisikal na kirot sa loob mo.”

Ikaw ba ay nawalan na ng pagtitimpi? Kung gayon, hindi ka nag-iisa. Gaya ng karamihan sa atin, tiyak na inaakala mong para kang hangal pagkatapos mong magalit at ikaw ay nagtatanong, ‘Bakit ko ba ginawa iyon?’ Oo, bakit kaya napakahirap para sa iba na supilin ang kanilang galit? Sulit kaya ang pagsisikap na supilin ang galit?

Kung Bakit Tayo ay Nagagalit

Isang dahilan kung bakit tayo ay may kakayahang makadama ng galit sa pana-panahon ay sapagkat tayo ay ginawa “sa larawan ng Diyos.” (Genesis 1:27) Ang Diyos mismo ay maaaring magalit! Halimbawa, ang apostol Pablo ay nagsabi: “Sapagkat ang poot ng Diyos ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kalikuan ng mga tao na sumusugpo sa katotohanan ayon sa likong paraan.”​—Roma 1:18.

Gayunman, pansinin na ang poot ng Diyos na Jehova ay bunga ng pag-ibig sa katuwiran at katarungan. Ang poot ng Diyos ay hindi basta ang ‘kawalan niya ng pagtitimpi.’ Sinusupil niya ang kaniyang galit at ipinahahayag ito sa matuwid na paraan. Kaya, nang lipulin niya ang balakyot na sanlibutan sa pamamagitan ng isang pangglobong baha, hindi siya nawalan ng kontrol sa kalagayan. Bagkus, iningatan niya “si Noe . . . na ligtas kasama ng pito pa.” (2 Pedro 2:5) Si Jehova samakatuwid ay maaaring ilarawan bilang “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan.”​—Exodo 34:6.

Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao sa kaniyang larawan, tayo ay may katutubong pagkadama ng katarungan. Kaya kapag napapaharap sa di-makatarungang pagtrato o kawalang-katarungan, natural lamang na makadama tayo ng galit. Nangyari ito sa maraming maka-Diyos na tao noong panahon ng Bibliya.

Halimbawa, si Moises, na lider ng bansang Israelita, ay nagalit nang ang ilang mga lalaki ay nanguna sa isang paghihimagsik laban sa kaniya. (Bilang 16:1, 15) At kahit na si Jesu-Kristo ay nagalit! Nang kaniyang mapansin na ang mga tao ay nagsasagawa ng pangangalakal sa templo ng Diyos ukol sa pagsamba, galit niyang ipinag-utos: “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito! Huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na bahay-kalakal!” (Juan 2:13-16) Kung gayon ang matuwid na galit ay angkop sa isang Kristiyano.

Sa kasamaang palad, karamihan ng ating galit ay hindi udyok ng katuwiran. Ito’y dahilan sa, gaya ng sinasabi ng Bibliya, tayong “lahat ay nasa ilalim ng kasalanan.” Kaya ito ay nagpapatuloy: “Walang taong matuwid, wala kahit isa.” (Roma 3:9, 10) Kaya, kung gayon, ang atin mismong mga di-kasakdalan​—at ang mga pagkukulang ng iba​—ay malakas na pinagmumulan ng kabiguan. “Kung minsan lubhang nakaiinis ang mga tao,” sabi ng kabataang si Stephanie.

Subalit, tayo ay kadalasang nagagalit nang walang dahilan! Di-gaya ni Jehova na nakikita ang lahat ng bagay, mayroon tayong limitadong pangmalas ng anumang bagay. (Hebreo 4:12, 13) Halimbawa, napansin ng matalinong tao na si Solomon na “ang salitang nakasasakit ay humihila ng galit.” (Kawikaan 15:1) Gayunman, kung minsan ang “isang salita” ay sinasabi nang walang anumang masamang layon, o basta isang wala sa panahong pagbibiro o panunukso. Hindi natatalos ito, tayo ay nangangalisag.

Sa wakas, nariyan ang bagay na ang pag-uugali ay iba-iba, at ang iba sa atin ay waring mas madaling magalit kaysa sa iba. At bilang isang kabataan, nagsisimula ka pa lamang na matutong supilin ang lahat ng bagong mga naisin at mga simbuyo na dala ng pagbibinata o pagdadalaga. Maaaring makadama ka ng di-katiyakan sa iyong sarili, labis-labis na sensitibo sa pagpuna. Hanggang sa mapagtagumpayan mo ang iyong mga damdamin, ikaw ay madaling magalit​—lalo na sa loob ng pamilya. “Nawalan ako ng pagtitimpi sa aking kapatid na babae,” sabi ng 15-anyos na si Lorie. “Alam niya kung paano ako pagagalitin sa pagsasabi ng isang bagay na walang saysay o sa pagtutuwid sa lahat ng bagay na sabihin ko.” Maaari ring sumiklab ang kaigtingan sa pagitan mo at ng iyong mga magulang.

Gayunman, talagang halos anumang bagay ay maaaring magpagalit sa iyo kung hahayaan mo ito. Ang katanungan ay, Paano mo pinakikitunguhan ang mga damdaming iyon ng galit?

Paglalabas ng Galit

Napansin ng aklat na Reaching Your Teenager na “maraming tao ang hindi nakakaalam kung paano matinong maipahahayag ang galit.” Ang ilan ay napadadala sa mga pag-aalburoto. Ang iba ay nagiging marahas, alin sa bibigan o sa pisikal. Ang iba naman ay mahinahon sa labas subalit kumukulo sa loob. Gaya ng sabi ng isang kabataang babae: “Hindi ako sumisigaw kapag ako’y nagagalit, ako’y nagiging malamig at walang imik.” Ang iba naman ay idinadaan sa pagmamaneho ng kotse ang kanilang galit.

Gayunman, ang paglalabas ng galit ay bihirang nakabubuti. Sinasabi ni Propesor Gary Schwartz ng Yale University na ang galit ‘ay nakakaapekto sa puso na mas grabe at nagtatagal kaysa anumang ibang damdamin, kahit na sa takot.’ Si Dr. Redford B. Williams, Jr., ng Duke University ay nagsabi: “Ipinakikita ngayon ng ilang mga pag-aaral na maraming maagang kamatayan ang nauugnay sa galit.” Tiyak na hindi nakabubuti sa kalusugan na magtatag ng isang huwaran ng ‘paglalabas ng galit’ sa bawat pagpapagalit. “Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan,” sabi ng sinaunang kasabihan.​—Kawikaan 14:30.

Isa pa, ang di-mapigil na galit ay karaniwang nagpapalala lamang sa masamang kalagayan. Gunitain ang ulat ng Bibliya tungkol sa dalawang magkapatid na sina Simeon at Levi na ang kapatid na babae ay seksuwal na dinahas. Maliwanag, sila ay lubhang nagalit nang kanilang mabalitaan ang tungkol dito! Subalit paano nila ipinahayag ang kanilang galit? Sinasabi ng Bibliya na minaneobra nila ang mga pangyayari upang kanilang walang-awang mapatay ang binatang nandahas​—pati ang mga lalaki sa kaniyang pamilya at sa kaniyang mga kababayan!​—Genesis, kabanata 34.

Pagkalipas ng mga taon sa huling sandali ng kaniyang buhay, ipinagunita ng kanilang amang si Jacob ang marahas na pangyayaring ito. Pinapurihan ba niya ang kanilang mabangis na paghihiganti? Sa kabaligtaran, isinumpa niya ang kanilang galit sapagkat “ito ay mabangis, at ang kanilang matinding galit, sapagkat ito’y kumikilos nang may kabagsikan.” (Genesis 49:7) Oo, ang nagawa nila dahilan sa nawalan sila ng pagtitimpi ay mas masahol pa sa pagpapagalit na nagsulsol sa kanila! Wala silang nagawang mabuti kundi bagkus ay nasira nila ang kanilang reputasyon.

Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang kawikaan ay nagsasabi: “Siyang nagagalit na madali ay gagawang may kamangmangan.” (Kawikaan 14:17) Bihirang mag-isip o kumilos nang makatuwiran ang isa na nagagalit. Bihirang hahanapin ng isang nagagalit ang pamamaraang Kristiyano upang iwasto o ituwid ang isang pagkakamali. Totoo nga ang mga salita ng manunulat ng Bibliya na si Santiago: “Ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos.” (Santiago 1:20) Ang pag-aalburoto, pag-iinsulto, at pagmumukmok ay hindi nakabubuti.

Totoo, maaaring makabuti sa iyo ang pagpapaulan ng mga salita sa isa na nakagawa sa iyo ng pagkakamali sa panahong iyon. Subalit kadalasan nang pinagsisisihan mo ang silakbo ng galit​—lalo na kung ang isang iyon ay isang amo, guro, o magulang! (Ihambing ang Eclesiastes 10:4.) Kaya ang Kawikaan 29:11 ay nagsasabi: “Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya [sa kawalan ng pagtitimpi], subalit ang pantas ay nagpipigil at tumitiwasay.”

Subalit paano mo magagawa iyan? Tatalakayin ito ng isang artikulo sa hinaharap.

[Blurb sa pahina 18]

Ang atin mismong mga di-kasakdalan​—at ang mga pagkukulang ng iba​—ay malakas na pinagmumulan ng kabiguan

[Larawan sa pahina 19]

Sulit ba ang mawalan ng pagtitimpi?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share