Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 8/8 p. 3-5
  • “Hindi Maaaring Magkatotoo Ito!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Hindi Maaaring Magkatotoo Ito!”
  • Gumising!—1987
  • Kaparehong Materyal
  • “Hindi Totoo Iyan!”
    Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
  • Nakaligtas Ako sa Flight 801
    Gumising!—1998
  • Pag-asa Para sa Patay, Kaaliwan Para sa Nagdadalamhati
    Gumising!—1987
  • Ang Matinding Hirap Ko sa Flight 232
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 8/8 p. 3-5

“Hindi Maaaring Magkatotoo Ito!”

“MAYO 31, 1982, ay isang magandang panahon. Ang araw ay sumisikat, ang langit ay bughaw, at naisip ko na ito ay magandang pagkakataon upang linisin ang bakuran. Pinutol namin kamakailan ang matandang punong Chinese elm, at marami pang sukal at mga sanga na naiwan sa damuhan. Saka ko naalaalang ang aming kaibigang si George ay may mulcher na gagawang mas madali sa trabaho, kaya tinawagan ko siya.

“Si George ay isang bihasang piloto, at mahilig siyang magpalipad ng eruplano. Kaya hindi kataka-taka nang sabihin niya sa akin na isasama niya ang ilan sa kaniyang kaibigan na mamasyal sa himpapawid sakay ng eruplano at tinanong niya kung nais kong sumama. Kami ng asawa kong si Dianne ay nagpasiya na ito’y mapapaibang gawain naman pagkatapos naming maglinis ng bakuran. Isinama namin ang aming tatlong-taóng-gulang na anak na babae. Si Maria, isang kaibig-ibig, masiglang bata na may buhok at mga matang kulay matingkad na brown, ay tuwang-tuwa.

“Pagdating namin sa paliparan, isa pang kaibigan ang naghihintay ng kaniyang turno sa pagsakay, kaya’t kaming lahat ay sumakay sa apat-na-upuang eruplano. Ang eruplano ay lumipad sa ibayo ng lawa at patungo sa kabundukan. Ang ganda. Tumingin kami sa labas at nakita namin ang pamilyar na mga palatandaan. Ang ibang mga tao ay nagpipiknik sa isang burol. Tuwang-tuwa si Maria. Pagkatapos, habang kami’y nagdaraan sa tuktok ng burol, nakasagupa ng eruplano ang isang biglang malakas na hanging pababa. Ang makina ay huminto at namatay, at ang eruplano ay bumagsak mula sa himpapawid!

“Wala akong naisip kundi ang pumagitan sa aking asawa, na kalung-kalong si Maria, at sa upuan sa harap. Hindi ko ito nagawa​—ang eruplano ay tumama sa gilid ng bundok.

“Sinikap kong tumayo subalit hindi ako makakilos. Naririnig ko ang paghingi ni Dianne ng saklolo, subalit wala akong magawa. Ang nagawa ko lamang ay sumigaw ng saklolo.

“Sa wakas, dumating din ang mga pangkat ng mga medikong sumasaklolo upang hanguin kami sa bundok. Bagaman nagawa namin na mag-crash landing, si George at ang kaniyang kaibigan ay namatay. Ang iba pa sa amin ay dumanas ng malubhang mga pinsala. Si Maria ay nagkaroon ng pinsala sa ulo at sa loob ng katawan. Ang aking biyenang lalaki ay nagkaroon ng mahirap na atas na magtungo sa aking kama sa ospital at sabihan ako na si Maria ay namatay na​—para itong isang saksak sa aking puso. ‘Bakit siya pa? Bakit hindi na lamang ako? Hindi naman makatarungan na ang isang batang katulad niya ay kailangang mamatay,’ naisip ko. Kung hindi ko sana tinanggap ang paanyayang iyon na sumakay sa eruplano . . .

“Si Dianne ay nasa grabeng kalagayan na may nabaling likod. Tatlong linggo pagkaraang bumagsak ng eruplano, siya man ay namatay. Nawalan ako ng sanggol at asawa dahil sa pagbagsak ng eruplano. Naisip kong nawala na ang lahat sa akin. Paano ako maaaring mabuhay?”​—Gaya ng inilahad ni Jess Romero, New Mexico, E.U.A.

“Ang aking anak na si Jonathan ay nasa Long Island na dumadalaw sa mga kaibigan. Ayaw ng aking asawa, si Valentina, na siya ay magtungo roon. Sa tuwina’y nininerbiyos siya tungkol sa trapiko. Subalit si Jonathan ay mahilig sa elektroniks, at ang kaniyang mga kaibigan ay may talyer kung saan maaari siyang makakuha ng praktikal na karanasan. Nasa bahay ako sa West Manhattan. Ang aking asawa ay dumadalaw sa kaniyang pamilya sa Puerto Rico.

“Natutulog ako sa harap ng TV. ‘Mayámayâ lang ay naririto na si Jonathan,’ naisip ko. Saka tumunog ang timbre sa pinto. ‘Tiyak na siya na iyan.’ Hindi ito si Jonathan. Ito’y ang pulis at mga paramedic.

“‘Nakikilala ba ninyo ang lisensiyang ito sa pagmamaneho?’ ang tanong ng pulis. ‘Opo, iyan ang lisensiya ng aking anak, kay Jonathan iyan.’ ‘Mayroon kaming masamang balita para sa inyo. Nagkaroon ng aksidente, at . . . ang inyong anak, . . . ang inyong anak ay namatay.’ Ang aking unang reaksiyon ay, ‘No puede ser! No puede ser!’​—hindi maaaring magkatotoo ito!

“Ang bombang iyon ay nakasugat sa aming mga puso na hindi pa gumagaling, pagkaraan halos ng dalawang taon.”​—Gaya ng inilahad ni Agustín Caraballoso, New York, E.U.A.

“Doon sa Espanya noong 1960’s, kami ay isang maligayang pamilya​—sa kabila ng relihiyosong pag-uusig dahilan sa pagiging mga Saksi. Naroon si María, ang aking asawa, at ang aming tatlong mga anak, sina David, Paquito, at Isabel, edad 13, 11, at 9 ayon sa pagkakasunud-sunod.

“Isang araw noong Marso 1963, si Paquito ay umuwi ng bahay mula sa paaralan na nagrireklamo tungkol sa matinding sakit ng ulo. Nataranta kami sa kung ano kaya ang dahilan​—subalit hindi sa loob ng mahabang panahon. Pagkaraan ng tatlong oras siya ay namatay. Isang pagdurugo sa utak (cerebral hemorrhage) ang pumuti ng kaniyang buhay.

“Ang kamatayan ni Paquito ay nangyari mga 24 na taon na ang nakalipas. Gayumpaman, ang matinding kirot ng kamatayang iyon ay nananatili sa amin hanggang sa araw na ito. Hindi maaaring mawalan ng isang anak ang mga magulang at hindi rin madama na sila mismo ay nawalan ng isang bagay​—gaano man katagal ang lumipas na panahon o gaano man karaming anak ang mayroon pa sila.”​—Gaya ng inilahad ni Ramón Serrano, Barcelona, Espanya.

Ang mga ito ay ilan lamang sa angaw-angaw na mga malungkot na pangyayari na nararanasan ng mga pamilya sa buong daigdig. Gaya ng patutunayan ng karamihan sa nagdadalamhating mga magulang, kapag kinuha ng kamatayan ang inyong anak, ito nga ay isang kaaway.​—1 Corinto 15:25, 26.

Subalit paano nakayanan ng mga naulilang ito ang mga kalagayang nabanggit? Posible pa kaya ang isang normal na buhay pagkatapos ng gayong kawalan? May anumang pag-asa ba na makita pa nating muli ang ating mga mahal sa buhay na namatay na? Kung gayon nga, saan at paano? Ang mga ito at ang iba pang nauugnay na mga katanungan ay isasaalang-alang sa susunod na mga artikulo.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

The Daily Herald, Provo, Utah

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share