Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagtatagumpay sa Acne
Nais ko kayong pasalamatan sa artikulo sa serye ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” na pinamagatang “Can’t I Do Something About My Acne?” (Pebrero 22, 1987, sa Ingles) Ang artikulong ito ay dumating nang ako ay halos nawawalan na ng pag-asa, at malaki ang naitulong nito sa akin sa pagpapatuloy ko sa aking paggagamot. Ngayon natanto ko na tanging ang pagtitiyaga ang talagang makapagdadala ng paggaling.
S. C., Pransiya
Panganganak o Aborsiyon?
Sa gulang na 20, may-asawa at ina ng isang tatlong-taóng-gulang na batang lalaki, halos magpalaglag ako. Tuwang-tuwa ako at hindi ako nagpalaglag. Naiwasan ko ang napakaraming kalungkutan na sana’y dinanas ko kung ako’y nagpalaglag. Ngayon ang aking dalawang anak na lalaki, siyam at anim na taóng gulang, ay kapuwa mga mambabasa ng inyong magasin. Patuloy nawa kayong maglathala ng mabubuting artikulo na gaya nito. (Abril 8, 1987) Marahil makatutulong ito sa iba pang mga babae na huwag magsagawa ng mga aborsiyon.
E. B., Pederal na Republika ng Alemanya
Pagdaig sa Kaigtingan
Hanggang nitong kamakailan ako’y lubhang pinahihirapan ng kaigtingan, hindi ko makayanan ito. Noong nakaraang Disyembre natapos ko ang aking pag-aaral, nagtrabaho ako bilang isang teknisyan sa nutrisyon at pagkain, subalit sa loob lamang ng apat na linggo ay nagbitiw na ako. Hinatulan ko ang aking sarili na walang kakahayang balikatin ang anumang pananagutan, isang duwag, isang bigo. Gayon na lamang katindi ang pagkabalisa ko rito anupa’t ang sinuman at ang anumang bagay ay nakapagpapaiyak sa akin o nakapagpapagalit sa akin, o naisin pa ngang mamatay. Sinubukan ko na ang maraming panlunas subalit walang nangyari. Pagkatapos ay dumating ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Maaari Ko bang Daigin ang Kaigtingan?” (Abril 8, 1987) Gayon na lamang ang ginhawang nadama ko na malaman na tayong lahat ay dumaranas sa paano man ng kaigtingan at na maaari itong bawasan at supilin. Ngayon batid ko na na maaari kong makayanan ito.
N. V. O., Brazil
Edukasyon sa Kolehiyo?
Nang una kong mabasa ang inyong artikulong “College Education—A Preparation for What?” naisip ko: ‘Isa na namang paghadlang sa pagkuha ng edukasyon sa kolehiyo.’ (Enero 8, 1987, sa Ingles) Subalit pagkatapos ng maingat na pagsasaalang-alang, ngayon na nakatapos na ako sa kolehiyo, talagang mapahahalagahan ko ang payong ibinigay. Bagaman huli na ito kung para sa akin, sana’y matanto ng mga kabataang bumabasa sa artikulo na ang isang edukasyon sa kolehiyo ay hindi ka inihahanda sa anumang bagay. Nililingon ko at pinagsisisihan ang mga taóng iyon ng aking buhay.
S. B., Estados Unidos
Mga Pakinabang sa Pagbabasa ng Gumising!
Talagang pinahahalagahan ko ang pagbabasa ng inyong magasin. Ang mga nilalaman nito ay tunay na pagkain para sa isipan. Ito’y may kinalaman sa iba’t ibang mahihirap na paksa na inilalahad sa payak, tumpak na paraan, ginagawa itong madaling maunawaan ng lahat. Gayundin, ang payong ibinibigay ay praktikal at hindi mahal. Personal na lagi kong nasusumpungan ito na karapat-dapat sundin. Inirirekomenda ko ang inyong mga magasin sa mga kabataan na nag-aaral ng mga wikang banyaga. Iminumungkahi ko na sila ay magsuskribe ng magasin sa Pranses at sa wika na kanilang pinag-aaralan. Sa ganitong paraan mayroon silang piling mga teksto na maingat na isinalin.
R. M., Pransiya