Pangangalaga sa Paa ng mga Bata
“TAYO ay nagpapalaki ng isang bansa ng mga lumpo o pilay,” ikinababahala ng chiropodist (dalubhasa na nangangalaga sa mga kamay at paa ng tao) na si Adrian Grier ng bayan ng Luton, Inglatera. Sa kaniyang klinika sa ospital, tinitingnan niya ang mga bata na kasimbata ng mga anim na taon ang gulang na may dispiguradong mga paa. Ang dahilan: hindi husto ang lapat na mga sapatos. Sa loob lamang ng isang taon, sa mahigit 3,000 mga batang sinuri ni Grier, 600 sa kanila ang may mga suliranin sa paa dahilan sa mga sapatos na hindi husto ang lapat. “Mientras mas maagang magsuot ang mga bata ng modang mga sapatos, mas madaling magkaroon ng mga diperensiya at magiging masahol pa,” sabi ni Grier sa Herald ng Luton. Subalit ang hindi husto ang lapat na mga sapatos ay hindi siyang tanging dahilan ng mga diperensiya sa paa. Ang mga paa ng sanggol ay maaari ring madisporma kapag inilalagay ng mga magulang ang mga ito sa all-in-one sleepers, at ang mga medyas na napakaliit ay maaaring gayunding nakapipinsala, sabi ni Grier.
Ang pagiging alisto sa mga panganib at ang pagkakaroon ng matinong pamamaraan sa pagbili ng mahusay-ang-hugis na mga sapatos ay malaki ang magagawa upang maiwasan ang mga pagkadisporma, mga kuko sa paa na may ingrown, bukol sa paa (bunion), at artritis pa nga sa dakong huli ng buhay. Iminumungkahi ni Grier na ang sapatos para sa mga bata ay dapat 3/4 pulgada (2 cm) na mas mahaba kaysa paa ng bata (upang pahintulutan ang paglaki) at magkaroon ng bilugang daliri sa paa.
Pagdating sa pananamit, gayundin sa mga sapatos, ang subók na ng panahong payong ito na ibinigay sa mga babaing Kristiyano ay maaaring pakinabangan ng lahat: ‘Maging mahinhin at maayos sa inyong pananamit.’—1 Timoteo 2:9; Today’s English Version.