Tulong sa Sumasakit na Paa
“MAMAMATAY ako sa sakit ng paa ko!” Maliwanag, iyan ay isang labis na pangungusap. Gayunman, ang problema ng sumasakit na paa ay gayon na lamang kagrabe sa Estados Unidos upang panatilihin ang libu-libong espesyalista sa paa sa kanilang hanapbuhay.
Pagkatapos repasuhin ang mahigit na 2,000 operasyon sa paa na isinagawa niya sa loob ng 14 na taon, si Dr. Michael Coughlin, isang seruhanong ortopediko, ay gumawa ng isang nakagugulat na tuklas. “Hindi kapani-paniwala,” aniya, “natuklasan ko na halos lahat ng mga operasyong ito ay sa mga babae.” Bakit mas malamang na magkaroon ng problema sa paa ang mga babae?
Lapat, Uso, at Paa
Natuklasan ng isang surbey sa 356 na kababaihan na halos 9 sa 10 ang nagsusuot ng sapatos na, sa katamtaman, ay napakasikip sa kanilang paa! Ang bahagi ng problema ay nasa paraan ng pagkakagawa sa sapatos ng mga babae. “Ang mga sapatero ay hindi na gumagamit ng kombinasyong hulmahan na makagagawa ng makipot na sakong at malapad na entrada,” paliwanag ng seruhanong ortopediko na si Francesca Thompson.a
Sa gayon, kapag nagsusukat ng sapatos, nasusumpungan ng maraming kababaihan na kapag maganda ang lapat ng entrada, maluwag naman ang sakong; subalit kapag maginhawa ang sakong, masikip naman ang entrada. Pinipili naman ng iba ang isang maginhawang sakong na may masikip na entrada, yamang ang alternatibo ay nangangahulugan ng paglabas ng sakong sa bawat hakbang.
Ang pagsisiksik ng unahang bahagi ng paa sa makipot na nguso ng sapatos ay hindi na nga maginhawa. Subalit itinaas pa ng mga disenyador ng sapatos ang takong ng sapatos ng ilang centimetro. Bagaman itinuturing na uso, inilalagay ng mataas na takong ang lahat ng bigat sa pinakabola ng paa, anupat napupuwersa ang paa papasok sa nguso ng sapatos na maaaring napakakipot na nga. “Walang mabuti-sa-kalusugang sapatos na mataas ang takong,” ang sabi ni Dr. David Garrett, isang espesyalista sa paa. Sinasabi ng ilan na sa dakong huli ang matataas na takong ay makapipinsala sa paa, bukung-bukong, binti, tuhod, at likod ng nagsusuot nito. Maaari ring umikli ang mga kalamnan at litid ng binti, na nagpapangyari sa mga mananakbo na lalo nang madaling kapitan ng malulubhang pinsala.
Ang paa ng babae ay hindi nakababagay nang husto sa pag-abusong dinaranas nito. Sa katunayan, sa paglipas ng mga taon ang unahan ng paa ay lalong lumalapad—kahit na marating ng isang tao ang pagkaadulto. Subalit hindi gayon kung tungkol sa sakong. “Ang sakong ay may isang buto lamang,” sabi ni Dr. Thompson, “at nananatili itong makitid sa gulang na 84 na gaya noong siya’y 14.” Lalo pa nitong ginagawang mahirap para sa isang babae na makakita ng isang sapatos na lapat na lapat at maginhawa mula sa sakong hanggang sa dulo ng paa.
Mga Tip sa Pamimili
Dahil sa hubog at kausuhan ng kanilang sapatos na naglalagay sa kanila sa disbentaha, paano maiiwasan ng mga babae ang sumasakit na paa? Ang sagot ay nagsisimula sa tindahan ng sapatos. Iminumungkahi ng ilang eksperto ang sumusunod:
• Bumili ng sapatos sa bandang hapon, kapag ang iyong paa ay mas malaki nang bahagya.
• Isukat ang dalawang sapatos—hindi lamang ang isa.
• Tiyakin na ang sakong ay hapit at na ang haba, lapad, at taas ng nguso ng sapatos ay tamang-tama.
• Isaalang-alang na ang tindahan ay maaaring may makapal na alpombra, anupat ginagawang pansamantalang maginhawa kahit na hindi maganda ang lapat ng sapatos.
• Iwasan ang mga sapatos na gawa sa matigas na balat o sintetikong materyales. Di-gaya ng malambot na balat o gamusa, ang mga materyales na ito ay hindi bumibigay habang ikaw ay lumalakad.
• Kung ikaw ay bibili ng sapatos na mataas ang takong, bumili ng may balat na panloob na suwelas para sa karagdagang sapin. Huwag isuot ang mataas na takong sa lahat ng panahon, gumamit ng mababang takong paminsan-minsan sa maghapon.
Bukod pa sa nabanggit, laging tandaan na dapat maginhawa ang lapat ng sapatos sa panahon ng pagbili nito. Kabaligtaran ng popular na palagay, hindi ito lumuluwag sa paglipas ng panahon. “Huwag na huwag kang pakukumbinsi sa dispatsador na ang sapatos na nakasasakit sa iyong paa ay luluwag din pagkatapos mong makasanayan ito,” ang babala ni Dr. Coughlin. “Ang tanging bagay na masisira ay ang paa mo.”
Subalit paano kung ang tanging mapagpipilian mo ay isang masikip na entrada na may maginhawang sakong o isang maginhawang entrada na may maluwag na sakong? Si Dr. Annu Goel, isang espesyalista sa paa, ay nagsasabi na dapat kang magpasiya kung alin ang mas madaling iwasto. “May dalawang paraan sa paggawa nito,” aniya. “Una, maaari kang bumili ng sapatos na sapat ang lapad ng entrada at maglagay ng sapin upang humapit ang sakong. . . . Ang ikalawang paraan ay bumili ng sapatos na may hapit na sakong at paluwagan mo ang entrada ng sapatos. Subalit karaniwan nang uubra lamang ito sa mga sapatos na yari sa balat.”
Yamang maraming babae ang lumalakad ng tinatayang labinlimang kilometro sa isang araw, makabubuting suriin nila ang kanilang sapatos. Gaya ng sabi ng magasing American Health, “sa pamamagitan ng may konsiderasyong pakikitungo sa paa—lalo na sa pagsusuot ng sapatos na lapat sa iyo—maiiwasan mong magkaroon ng karamihan ng problema sa paa.”
[Talababa]
a Ang “hulmahan” ay isang korteng-paang hugis kung saan hinuhubog ang sapatos.
[Kahon sa pahina 26]
Apat na Karaniwang Problema sa Paa
Mga Bunion. Ang bunion ay isang bukol sa gawing ibaba ng hinlalaki sa paa. Kapag hindi namana, ang mga bunion ay maaaring dahil sa sapatos na masikip o may mataas na takong. Ang paglalagay ng mainit o ng yelo ay makapaglalaan ng pansamantalang ginhawa sa kirot, subalit kailangan ang operasyon upang permanenteng maalis ang bunion.
Mga Hammertoe. Ang papasók na mga daliri sa paa ay maaaring dahil sa sapatos na masyadong masikip sa unahan ng paa. Maaaring kailanganin ang operasyon upang iwasto ang kapansanan.
Mga lipak. Hugis-konong mga bukol sa daliri ng paa, dahil sa kiskis at diin, kung minsan ay bunga ng pagsusuot ng napakakitid na sapatos. Ang mga panlunas na ginagawa sa bahay ay maaaring magdulot ng pansamantalang ginhawa, subalit karaniwan nang kailangan ang operasyon upang iwasto ang pumangit na mga daliri sa paa na pinagmumulan ng pagkiskis.
Mga kalyo. Ang mga suson ng makapal, patay na balat na nagsasanggalang sa paa mula sa paulit-ulit na pagkiskis. Mapalalambot ito ng pagbababad sa mainit na tubig at Epsom salts. Subalit huwag subuking gupitin ang mga ito, yamang ito’y maaaring pagmulan ng impeksiyon.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck