Isang Praktikal na Pagtingin sa mga Istilo ng Sapatos
TUMINGIN ka na ba kamakailan sa isang eskaparate ng tindahan ng sapatos? Sa nagustuhan mo o hindi ang iyong nakita, isang bagay ang tiyak: Ang sarisaring istilo ng sapatos, lalo na sa kababaihan, ay tila walang katapusan.
Taun-taon, mga 200,000 bagong mga disenyo sa sapatos ay ginagawa sa Estados Unidos lamang, at gayunding bilang, kung hindi higit pa, ay ginagawa ng mga tagapagdisenyo sa Europa. Subalit bago pa makarating sa pamilihan, halos kalahati sa mga ito ay tinatanggihan, at sa natitirang kalahati, halos 25,000 lamang ang nagiging kapaki-pakinabang. Gayunman, ang bilang na iyan ay napakarami. Hindi kataka-taka na ang pamimili ng sapatos ay masayang karanasan sa ilan subalit nakapapagod naman sa iba.
Mga Pagkakaiba-iba sa Ilang Pangunahing Disenyo
Anuman ang damdamin mo tungkol sa walang katapusang parada ng mga istilo ng sapatos, maniniwala ka bang ang lahat ng libu-libong disenyo ng sapatos ay tunay na iba-ibang uri lamang ng ilang pangunahing klase ng sapatos?
Ang kalakip na ilustrasyon ay magbibigay sa iyo ng mabuting ideya ng kung ano ang pitong pangunahing uri ng sapatos: oxford, boot, pump, clog, mule, sandalyas, at mokasin. Kahit na tayo ay tinatambakan ng libu-libong bagong disenyo taun-taon—at ipinagmamalaki ng mga taong mahilig-sa-uso ang pagsunod sa pinakahuling moda—ang totoo ay na wala ni isang bagong pangunahing klase ng sapatos ang naipakilala sa nakalipas na 350 taon, mula noong ipakilala ang oxford na uri ng sapatos. Ang pinakamatandang uri, gaya ng sandalyas at mokasin, ay literal na libu-libong taon na.
Ngayon, lubhang nahigitan ng mga sapatos ng babae ang sapatos ng mga lalaki sa pagkakaiba-iba ng uri at sa dami. Gayunman, ang lahat ng pitong pangunahing uri ay orihinal na idinisenyo ng at para sa mga lalaki. Mangyari pa, ang hitsura, pagkakagawa, at materyales ay lubhang nagbago sa paglipas ng panahon, subalit mula sa pangunahing mga istilong ito nagmula ang libu-libong iba’t ibang uri ng sapatos upang bumagay sa bawat kagustuhan at istilo ng buhay. Subalit ano ba ang pinagmulan ng pitong pangunahing istilong ito ng sapatos?
Pagkilala sa Pangunahing mga Uri
Ang oxford ang pinakabago sa pitong uri. Angkop lamang, ang pangalan ay mula sa Oxford, Inglatera. Doon unang naging popular ang de-taling sapatos na ito sa mga estudyante sa unibersidad noong kalagitnaang 1600’s. Ang boot, na nauna sa oxford, ay nagsimula bilang dalawang-pirasong sapatos na ang ibaba ay sapatos at ang itaas ay pantakip sa paa (legging). Ang isang teoriya ay nagsasabi na dahil sa ito’y parang timba, tinawag ito ng mga Pranses na butt, ibig sabihin “timba ng tubig.” Ang salita ay unti-unting naging boute, at nang sundin ng mga Ingles ang istilo mula sa mga Norman noong ika-11 siglo, tinawag nila itong boot.
Ang pump ngayon ay isang sunod-sa-moda, simple, malaki ang uka na sapatos na may manipis na suwelas at mababang takong. Maliwanag na ito’y nauso noong panahong Elizabethan. Sinasabi ng iba na ang pump ay orihinal na suot ng mga lalaking nagpapatakbo ng karwahe, na binubomba ang mga pedal ng karwahe ng kanilang mga paa. Sa kalaunan ito ay ginawang sapatos para sa mga babae at naging popular na anyo, na isinusuot sa pormal, mararangal, at mahahabang-damit na mga okasyon. Dahil dito, ang ilang autoridad ay naniniwalang ang pangalan ay galing sa salitang Pranses na pompe, ibig sabihin “maringal, kapita-pitagan, pormal, karilagan, marangya.”
Bumabalik ng mga ilang taon pa, ang clog ay galing naman sa matandang salitang Ingles na nangangahulugang isang “bloke ng kahoy.” Ito’y dahilan sa ang sinaunang mga clog ay inuukit mula sa kahoy. Ito’y isinusuot ng mga magbubukid at ng mga uring manggagawa sapagkat ito’y mura. Ngayon, maraming tao ang nasisiyahang magsuot ng mga clog na may balat na entrada na nakadikit sa suwelas na kahoy o iba pang materyales. Walang-sakong na gaya ng clog ay ang mule, maliban sa bagay na ito’y mas pino at karaniwang isinusuot sa loob ng bahay. Ang disenyo nito ay ipinalalagay na galing sa mulu ng mga Sumeriano, na isang klase ng tsinelas. Ang makabagong uri ay nilagyan ng mga takong at naging isang sunod sa modang sapatos.
Ang pinakamatanda sa pitong uri ay ang sandalyas at ang mokasin. Sa dalawang ito, ang sandalyas ang mas malawak ang gamit at siyang karaniwang sapatos noong panahon ng Bibliya. Ito’y basta isang piraso ng kahoy o balat na itinali sa paa na may mga panali. Sa kabilang dako, ang mokasin ay naging kilala dahil sa mga Indyan ng Hilagang Amerika, na nagbigay ng pangalan dito, na nangangahulugang “sapin sa paa.”
Sa susunod na panahong makakita ka ng isang pares ng sapatos, makikilala mo ba kung alin ito sa pitong uri ng sapatos? Sa unang tingin maaaring hindi ito madali. Ito’y dahilan sa ang pangunahing mga uri ng sapatos ay malayang binago sa nakalipas na mga panahon upang bumagay sa nagbabagong kagustuhan at istilo. Subalit ang mas malapitang pag-aaral ay maaaring tumulong sa iyo na makilala ito nang wasto. Halimbawa, ang mga sapatos na pang-jogging ay maaaring walang kamukha sa pitong pangunahing uri, subalit ang mga ito ay wala kundi mga oxford na yari sa ibang materyales. Ang mga sapatos ng babae na walang sakong ay sa katunayan isang mule na may idinagdag na tali, at ang isang Loafer ay pangunahin nang isang mokasin na may mas matibay na suwelas.
Kung Paano Nagsimula ang mga Istilo ng Sapatos
Sa loob ng daan-daang taon, ang mga istilo ng sapatos ay para lamang sa mayayaman at aristokrata. Sa karaniwang tao, ang mga sapatos ay basta sapatos—pansapin at proteksiyon sa paa—at ang gamit ang mahalagang bagay; hindi gaanong binibigyan-pansin ang hitsura nito. Ang buong ideya, at negosyo, ng sunod sa uso mga sapatos gaya ng nalalaman natin sa ngayon ay kailan lamang nagsimula.
Ang isang salik na humadlang sa pag-unlad ng negosyo ng sapatos ay na sa loob ng mga dantaon ang mga sapatos ay yaring-kamay. Nangangailangan ng panahon upang gawin ito, at ang mga ito ay mahal. Karamihan ng mga tao ay hindi kayang bumili ng isang bagong pares ng sapatos kailanma’t gusto nila. Ang nagbago ng lahat ng iyan ay ang pagpapakilala ng makinarya sa paggawa ng sapatos sa Estados Unidos noong kalagitnaan ng 1800’s. Sa magdamag, ang yaring-kamay ay naging isang industriya. Ang sapatos ay hindi lamang malawakang makukuha kundi naging abot-kaya rin. Gayunman, nangailangan ng dalawa pang pangyayari upang ipadala ang mga istilo ng sapatos sa kanilang patutunguhan: ang pagpapasa ng Volstead Act ng 1919 (kilala rin bilang Pagbabawal) at ang ratipikasyon noong 1920 ng susog sa Konstitusyon na gumagarantiya sa mga babae ng karapatang bumoto.
Pinabilis ng mga pangyayaring ito ang malaking pagbabago sa lipunan ng Amerika. Ang Pagbabawal ay nagdala ng bagong mga anyo ng paglilibang, sayaw, at musika. Ang mga babae, taglay ang kanilang katatamong kalayaan, ay sumali sa mga gawaing ito at itinaguyod ang lahat ng bagay na bago at naiiba. Kasama ng mga kosmetik, mas maiiksing palda, at bagong mga ayos ng buhok ay dumating din ang mga istilo ng sapatos. Ang mapanlaban na “Panahon ng Pagaspas” ay kinuha ang pangalan nito mula sa mga dalagang sadyang iniiwan ang kanilang mga sapatos na hindi nakahibilya. Kapag sila’y lumalakad, ang kanilang mga sapatos ay maingay na “pumapagaspas,” sa gayo’y tinatawag ang pansin sa mga babae at sa kanilang layunin.
Lahat ng ito ay lumikha ng isang pagkalaki-laking pangangailangan para sa elegante at kayang-bilhing mga sapatos. Ito, pati na ang bagong mga paraan at materyales na ginagamit sa paggawa ng sapatos, ang gumawa sa mga istilo ng sapatos ngayon. Ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, ang sunod sa modang mga sapatos ay hindi para lamang sa mayayaman at makapangyarihan kundi abot-kaya ng halos lahat.
Kataka-taka, sa kabila ng lahat ng ingay tungkol sa istilo at disenyo ng mga sapatos sa nakalipas na mga dantaon, ang pitong pangunahing uri ay talagang nanatiling walang pagbabago. At, ang walang katapusang pagkakaiba-iba at ang libu-libong mga disenyo at hitsura ng sapatos na makukuha ngayon ay nagpapatunay sa katalinuhan niyaong nasa negosyo ng sapatos. Ipinakikita rin ng maraming iba’t ibang klase nito na ang mga kagustuhan at istilo ay pabagu-bago anupa’t madaling maging biktima ng mga kapritso niyaong nagpapauso ng gayong mga bagay.
[Kahon sa pahina 26]
Matandang mga Kuwento Tungkol sa Sapatos
◻ Upang guminhawa ang mga sakit ng ulo, susunugin ng sinaunang mga Ehipsiyo ang isang sandalyas ay lalanghapin ang usok.
◻ Upang gamutin ang sakit ng tiyan, ang ilang naunang mga maninirahan sa Amerika ay mahihiga at ilalagay ang isang pares ng mabigat na boots sa kanilang tiyan.
◻ Noon, maaaring idiborsiyo ng isang Arabo ang kaniyang asawa sa pamamagitan lamang ng paghahagis ng sapatos ng babae sa labas ng pinto, na parang inihahagis niya lamang ang sirang pares ng tsinelas.
◻ Ang kilalang-kilalang kuwento tungkol sa sapatos ay tiyak na ang kuwento na Cinderella. May daan-daang bersiyon ng kuwentong ito na isinasaysay ng mga tao sa buong daigdig, ang pinakamatandang kuwentong nailimbag ay Intsik. Ito ay naitala noong ikasiyam na siglo, mga 800 taon bago ang popular na bersiyon ng Kanluran.
[Mga larawan sa pahina 26]
Sandalyas
Pump
Boot
Oxford
Clog
Mule
Mokasin