Naligtasan Ko ang Paglubog ng Bismarck
ISANG pagkalaki-laking liyab ang dumaluyong mula sa likuran ng Britanong bapor de gera na Hood. Pagkatapos isang haliging apoy ang pumailanglang ng hanggang mga tatlong daang metro, naglalabas ng isang ulap ng maitim na usok. Habang lumalaki at kumakalat ang ulap sa himpapawid, nagbabagang mga labí ang nahuhulog mula rito tungo sa dagat.
Nang luminaw na ang ulap, walang natira sa 37,800-toneladang metrikong Britanong bapor de gera na Hood, ang ipinagmamalaki ng Royal Navy. Isang bala mula sa bapor de gerang Aleman na Bismarck ang tumama sa magasín ng isang amyunisyon. Kaya, noong ikaanim ng umaga ng Mayo 24, 1941, sa baybaying-dagat ng Iceland, mahigit na 1,400 mga marinong Britano ang naglaho, na 3 lamang ang nakaligtas.
Kaibigan man o kaaway, walang isa man na nakasaksi sa nakatatakot na eksenang ito ang maaaring manatiling walang malasakit. Totoo, ang tripulante ng Bismarck, kung saan ako ang namamahala sa isang antiaircraft battery, ay tuwang-tuwa sa tagumpay. Gayunman, napansin ko na ang ilan sa mga marino sa paligid ko ay may mga luha sa kanilang mga mata habang lumulubog ang Britanong bapor. Nakikiramay sila sa mga marinong nasawi.
Ang Pagsalakay sa “Bismarck”
Noong gabi ng Mayo 18 nilisan namin ang Gotenhafen, ngayo’y ang daungan sa Baltic na Gdynia, sa Poland. Ang aming pangkat ng mga bapor ay nasa isang misyon na salakayin ang mga bapor na pangkomersiyo ng Alyado sa Hilagang Atlantiko. Ito’y bahagi ng “Operasyon Rheinübung,” o Rhineland Exercise, na ibinalangkas ng almiranteng Aleman.
Ang namumuno sa aming misyon ay ang Almirante ng Plotang Lütjens. Ang kaniyang flagship na ipinagmamalaki ng Hukbong Pandagat ng Alemanya, isa sa pinakamalakas na bapor de gera sa dagat, ay ang Bismarck. Tinitinag nito ang mahigit 45,000 toneladang metrikong tubig at may tripulante na mahigit sa 2,000. Nalalaman na pinasok na namin ang Hilagang Atlantiko, ang Britanong mga bapor ay nagpangalat ng mga ilang araw upang harangin ang Bismarck.
Nang palubugin namin ang Hood noong Mayo 24, lahat ng natitirang Britanong bapor ay nagpangalat upang palubugin ang Bismarck. Nang gabing iyon ang Britanong aircraft carrier (bapor de gera na may palunsaran ng eruplano) na Victorious ay naglunsad ng isang torpedo-eruplanong pagsalakay. Ako ang namamahala sa isang 20-milimetrong antiaircraft na baril sa may gawing harapan ng bapor. Hanggang sa araw na ito nagugunita ko pa rin ang Britanong mga eruplanong iyon na lumilipad sa ibabaw halos ng alon, tuwirang hinaharap ang aming pagpapaputok ng baril. Isang torpedo ang tumama sa amin ngunit bahagya lamang ang pinsala. Nagawa naming takasan ang pagtugis nila ng mahigit na 30 oras.
Gayunman, kinaumagahan ng Mayo 26 nakita kaming muli ng Catalina na isang Britanong eruplanong nagmamanman sa kaaway. Ang Britanong aircraft carrier na Ark Royal ay nagpadala ng dalawang pambatong puwersa na nagbunsod sa amin ng 13 mga torpedo. Ngayon ang Bismarck ay tinamaan ng dalawa nito, ang isa ay lubhang sumira sa timón. Bunga nito, nawalan kami ng kontrol sa aming landasin at nagsimula kaming umikut-ikot sa isang pagkalaki-laking bilog. Sa kabila nito, kumbinsido ako na walang anumang malubhang bagay ang maaaring mangyari sa amin. Subalit ang sumunod na mga oras ay nagpatunay na ako ay mali.
Ang “Bismarck”—Isang Walang Labang Tudlaan ng Pagsalakay
Noong umaga ng Mayo 27, kami ay napaligiran ng Britanong mga bapor de gera. Ang mga ito ay nagpaputok, literal na nagpapaulan ng kamatayan at pagkawasak. Kami ay tinamaan ng hindi kukulanging walong torpedo at ilang daang mga bala. Bagaman kami’y naging isang walang labang tudlaan ng pagsalakay, ang Bismarck ay nanatiling lumulutang sa dagat.
Ang kalagayan sa bapor ay wala nang pag-asa. Ang mga lifeboat ay wala nang silbi, yamang ito ay lubhang napinsala ng paulit-ulit na mga pagbaril at mga pagsalakay sa himpapawid. Ganap na kalagiman ang naghari sa lahat ng kubyerta o palapag ng bapor. Magulong mga metal ang nagkalat sa lahat ng dako. Maitim na usok ang bumubuga mula sa mga butas sa kubyerta. Ang apoy ay di-mapigil na nagliliyab. Ang mga patay at sugatan ay nakabuwal sa lahat ng dako.
Ang utos ay ibinigay na lisanin ang bapor. Ang mga nakaligtas ay nagsiksikang lahat sa likuran ng bapor, suot ang mga life jacket at safety belts. Kabilang ako sa mga tumalon sa dagat, na ang hangin ay nasa likuran namin upang huwag kaming humampas sa bapor dahil sa mga alon. Minsang nasa dagat, ang naiisip lamang namin ay lumangoy nang mabilis hangga’t maaari upang iwasan na mahigop ng tubig habang unti-unting lumulubog ang bapor at sa wakas ay maglaho.
Tatlong Araw na Nag-iisa sa Karagatan
Hindi nagtagal ang aming grupo ay nagpangalat sa karagatan. Ang araw ay papalapit na sa wakas. Ang Britanong mga bapor ay naglaho sa abot-tanaw. Sa lahat ng direksiyon, hanggang sa matatanaw ng mata, ay mga piraso ng lumulutang na mga labí. Pagsapit ng gabi si Hermann na lamang, na nagtatrabaho sa silid ng makina, at ako ang naiwang magkasama sa dagat.
Ang dagat ay naging maunos at palaki nang palaki ang mga alon. Walang anu-ano’y natalos ko na wala na si Hermann. Walang palatandaan niya saanman. Ako’y ninerbiyos. Ako’y nanlalamig at nahihintakutan. Kami’y sinanay na maging handang mamatay alang-alang sa bayan, subalit nang mga sandaling iyon ang mamatay ng isang kamatayan ng bayani ay hindi nakaakit sa akin. Nais kong mabuhay, kahit na mag-isa sa gitna ng tumataas-bumababa, nagngangalit, na itim na karagatan.
Isang daloy ng mga alaala ang pumunô sa aking isipan. Nagunita ko ang aking pagkabata sa Recklinghausen, isang bayan na minahan ng karbón sa Hilagang Rhine-Westphalia. Naalaala ko ang aking mahal na ama, na isang minero, at ang aking ina, ang aking kapatid na babae, at ang aking tatlong mga kapatid na lalaki. Ang aming pamilya ay mga Protestanteng lahat, subalit si Itay ay laging nagsasabi na hindi isinasagawa ng mga simbahan ang mga turo ng Bibliya. Nang ako ay isang tin-edyer, ako’y nanirahan na kasama ng aking tiyo sa lalawigan, at pinapag-aral niya ako sa isang kolehiyo sa agrikultura, kung saan ako nagtapos.
Nang sumiklab ang digmaan, ako’y nagpatala sa hukbong pandagat sa Gotenhafen, kung saan nagsimula ang aking militar na pagsasanay. Nang ako’y lumulan sa “Bismarck,” ako na lamang ang natitirang anak na lalaki sa pamilya. Ang isa sa aking mga kapatid na lalaki ay namatay dahil sa sakit, ang isa naman ay namatay sa minahan, at ang isa pa ay namatay nang salakayin ang Poland.
Ang lamig ay nagpangyari sa akin na magbalik sa katotohanan. Naroon ako sa kalagitnaan ng karagatan. Nakadama ako ng simbuyong manalangin, sapagkat ayaw kong mamatay. Lipos ng takot at kirot sa aking buong katawan, nagunita ko na itinuro sa akin ng aking lolo ang Panalangin ng Panginoon. Ito lamang ang panalangin na nalalaman ko, at walang patid na inulit ko ito sa buong magdamag. Paglipas ng mga oras, humupa ang aking takot at ako ay huminahon.
Nang sa wakas ay nagbubukang-liwayway na, ako’y pagod na pagod na. Ang dagat ay lalo pang naging maalon at ako’y nagsimulang sumuka. Pagkatapos, nadaig ng pagod, ako’y naidlip at sa wakas ay nakatulog. Isa pang araw ang mabagal na lumipas, na may naghahalinhinang mga yugto ng di pagkakatulog at pagtulog. Saka sumapit ang ikalawang gabi. Nang panahong iyon ako ay nakakaranas na ng matinding pagkauhaw, ang aking mga bisig ay matigas na dahil sa lamig, at ako’y pinulikat. Akala ko’y hindi na matatapos ang gabi.
Muli akong nanalangin, sumasamo sa Diyos na tulungan akong makaligtas. Sa wakas ay nagbukang-liwayway na, pasimula ng ikatlong araw. Ako’y bahagyang nawalan ng malay, nawala ang lahat ng kabatiran ko sa panahon, at sa gayong kalagayan ay narinig ko ang tunog ng isang makina bago ako lubusang nawalan ng malay.
Balik sa Tuyong Lupa
Nagising ako sa isang di pangkaraniwang tanawin. Marahang nagliwanag ang aking paningin, at naaninag ko ang isang nars na nakayuko sa akin at bahagya kong narinig ang kaniyang sinabi: “Ikaw ay tulog sa loob ng tatlong araw. Natitiyak ko na nais mong kumain ngayon.” Unti-unting nagliwanag sa akin na ako ay buháy pa. Anim na araw ang nakalipas: tatlo sa karagatan, kung saan ako ay natangay ng mahigit 121 kilometro bago ako nasagip ng isang bapor na Aleman, at tatlong araw pa na walang malay sa isang ospital sa La Baule-Escoublac, isang Pranses na pamasyalan sa tabing-dagat sa Baybaying Atlantiko.
Nangailangan ng isang buwan upang ang aking katawan ay magsauli sa normal na mga kasukat; ako’y ganap na namaga pagkaraan ng tatlong mahahabang araw na ginugol ko sa karagatan. Ako’y binigyan ng bakasyon, at sa aking pag-uwi sa Alemanya, napag-alaman ko na 110 lamang sa mahigit na 2,000 mga tripulante ng Bismarck ang nakaligtas. Ang karamihan ay nasagip ng Britanong bapor de gera na Dorsetshire.
Ang Pagbabalik
Habang ako ay papalapit sa bahay, ang dibdib ko ay kakabug-kabog. Wala akong kamalay-malay na ipinagbigay-alam ng mga awtoridad sa aking mga magulang na ako ay nawala sa dagat. Si itay ang unang nakakita sa akin. Niyakap niya ako nang mahigpit, hinawakan ang aking mukha ng kaniyang magaspang na mga kamay at ang sabi: “Anak ko, ikaw ay namatay, at ngayon ikaw ay nagbalik sa amin!” Siya’y bumulalas ng iyak, at humihikbi, kami’y nagyakap. Dinala niya ako sa aking ina, na nakahiga sa sopa, lumpo. Hindi makakilos o makabigkas ng isang salita, ang kaniyang labi ay nagsabi: “Anak ko, anak ko . . . ” Ako’y lumuhod sa kaniyang tabi at nanangis na parang bata.
Sa sumunod na tatlong taon, sinunod ko ang parisan na pag-uwi sa bahay tuwing bakasyon at pagbalik sa digmaan. Pagkatapos, noong Nobyembre 24, 1944, ang aking rehimyento, ang Marine Light Infantry, ay nabihag ng mga Amerikano. Nanatili akong bihag hanggang noong 1947 at nang ako’y palayain ay umuwi ako sa amin. Pagkaraan ng apat na araw si Inay ay namatay. Para bang hinintay niya lamang na makita akong muli bago siya pumanaw.
Sa Alemanya ay napansin ko ang maraming mga pagbabago. Ang gutom at kawalan ng trabaho ay nasa lahat ng dako. Pinahirapan ng black market ang mga tao. Ang implasyon ay lumulubha. Karalitaan ang sinapit namin sa loob ng maraming taon.
Sa “French Foreign Legion”
Sa wakas, noong 1951, gumawa ako ng pasiya na nakaimpluwensiya sa aking landas ng buhay sa sumunod na 18 taon. Sumakay ako ng tren patungong Strasbourg, isang bayang Pranses sa ibayo lamang ng Rhine mula sa Alemanya. Doon ay sumama ako sa French Foreign Legion (hukbong sandatahan ng Pransiya). Ako’y sinanay bilang isang tagaparakaida o tagaparasyut at ako’y ipinadala sa Indochina, kung saan ang kasalukuyang Vietnam ay isang bahagi.
Noong Hulyo 1954 ang aming rehimyento ay lumisan patungong Algeria, kung saan ang tanghalan ay inaayos para sa digmaan para sa pagsasarili. Kami ay pinarasyut sa lahat ng teritoryo, araw at gabi, upang tulungan ang mga sundalo sa pangkat ng mga Pranses. Noong 1957 ako’y nasugatan at napilitan akong gumugol ng tatlong buwan sa isang ospital sa Constantine, gawing silangan ng Algeria. Noong Mayo 1961 ang aking rehimyento ay inalis mula sa Algeria, at kami ay nagtungo sa isang bagong destinasyon, sa Madagascar.
Isang Binagong Buhay
Ang aking buhay sa Madagascar ay totoong walang pagkakahawig sa aking mga karanasan sa nakalipas na 20 taon. Halos nakalimutan ko na kung ano ang katulad ng kapayapaan at katahimikan. Sa Madagascar sinimulan kong muling pahalagahan ang buhay. Nagkaroon ako ng interes sa aking kapaligiran: ang bughaw na dagat at ang napakaraming iba’t ibang kulay na mga isda, ang lokal na mga asyenda, at ang maringal na mga bundok. Dito ko nakilala si Marisoa, ang babaing napangasawa ko.
Nang makamit ko ang aking pensiyon sa militar noong 1969, nagtayo kami ng tirahan sa maliit na isla ng Nosy-Be, walong kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng baybayin ng Madagascar. Nanirahan kami roon ng limang taon subalit pagkatapos ay nagbalik kami sa Pransiya sa mga kadahilanang pampamilya. Nanirahan kami sa Saint-Chamond, isang industriyal na bayan 48 kilometro mula sa Lyons.
Hindi pa natatagalan pagkatapos niyan, si Marisoa ay tumanggap ng isang pag-aaral sa Bibliya sa dalawang kabataang mga Saksi ni Jehova na dumalaw. Nauupo ako sa isang kalapit na silid at pinakikinggan ko ang lahat ng sinasabi. Gayunman, kapag ako’y inaanyayahan ng aking asawa na maupong kasama nila, sinasabi ko sa kaniya: “Napakaraming masamang bagay ang nagawa ko. Alam kong hindi ako mapatatawad ng Diyos sa kung ano ang nagawa ko bilang isang sundalo.” Nang maglaon binigyan ako ng aking asawa ng isang Bibliya sa wikang Aleman, ang aking wika, at kumuha siya ng isang suskripsiyon sa Bantayan para sa akin.
Subalit sistematikong tinanggihan ko ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano, iniisip ko na ang mga tao lamang na nakagawa ng maliliit na kasalanan ang dapat na dumalo sa mga ito o lumapit sa Diyos sa panalangin. Gayunman, iginiit ni Marisoa na samahan ko siya sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo, na ginaganap minsan sa isang taon. Sa wakas ay pinagbigyan ko siya, pinapangako ko siya na hindi na niya babanggitin pang muli ang paksang ito pag-uwi namin sa bahay. Gayunman, aaminin ko na lubhang tumimo sa akin ang masiglang pagsalubong na tinanggap ko nang gabing iyon.
Mula noon, kabaligtaran ng lahat ng aking mga intensiyon, sumama ako sa aking asawa sa mga miting sa lokal na Kingdom Hall. Bakit? Sapagkat palagay ang loob ko sa mga taong ito. Hinangaan ko ang kanilang mainit na pag-ibig sa isa’t isa at ang kanilang mga turo, na salig sa Bibliya. Tinanggap ko ang isang pag-aaral sa Bibliya, at noong 1976 sinagisagan naming mag-asawa ang aming pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Pagkatapos niyan, hindi ko na gaanong ginugunita ang nakalipas na mga karanasan, at ginugol ko ang aking panahon sa pagtulong sa iba na malaman ang mga katotohanan ng Bibliya. Kaya, taglay sa isipan na palawakin ng aming gawaing pangangaral, kami’y nagbalik sa Madagascar noong 1978.
Ang mga daan ay iilan at malayo sa pagitan ng ilang mga bahagi ng isla, subalit masaya naming tinatahak ang maalikabok na mga landas, nalalaman na pagdating sa aming destinasyon, marami ang may nakikinig na pandinig. Naglalakad kami ng mula sampu hanggang labing-anim na kilometro araw-araw sa temperatura na mahigit 40° C. Kung minsan pagdating namin sa bahay, ang aming mga tiyan at mga bag ng aklat sa Bibliya ay walang laman! Sa loob ng tatlong buwan ako’y nakapamahagi ng isang libong mga aklat, at natulungan namin ang ilang mga tao na makibahagi sa aming pananampalataya. Sa kasamaang palad, kinailangan naming lisanin ang Madagascar noong 1982 dahilan sa mga suliraning pangkalusugan, at kami’y nagbalik sa Pransiya.
Ang mga kakilabutan na naranasan ko ay kung minsan nagbabalik pa rin sa aking alaala. Subalit nalalaman ko na darating ang panahon na ang gayong mga alaala, pati na yaong mga nakatatakot na mga araw at gabi na ginugol ko noon at pagkatapos lumubog ang Bismarck, ay hindi na sasagi pa sa aking isipan. Ang pangako ni Jehova ay matutupad: “Sapagkat narito ako’y lumilikha ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa-puso man.”—Isaias 65:17.—Gaya ng inilahad ni Wilhelm Wieck.
[Larawan sa pahina 13]
Kaming mag-asawa na magkasamang nagbabasa ng Bibliya
[Picture Credit Line sa pahina 10]
Photos: Bundesarchiv, Koblenz, Alemanya